Chereads / Detective, Ghost Dia / Chapter 3 - 01

Chapter 3 - 01

Detective, Ghost Dia [ 1 ]

✂-----------------------------------

° ° °

"Ohhh... espiritu ni Yamo, magpakita ka sa akin. Pakinggan mo ang pagtawag ng iyong mga magulang. Ang aking katawa'y maaari mong kasangkapanin upang makausap sila..."

Hindi ko maiwasan ang matawa sa ginagawa ng matalik kong kaibigan na si Patrick. Nakapikit siya habang nakahilig sa ere ang parehong braso. Nakasuot naman siya ng checkered at may manggas na damit samantalang may nakapulupot namang panyo sa ulo niya. Kitams? Sinong hindi matatawa? Kulang na lang, maglagay siya ng bigote at humawak ng dahon sa magkabilang kamay niya para maging kamukha na niya si Mang Kepweng.

Nasa tahanan kami ng mag-asawang Vasquez at gumagawa ng ritwal para makausap ng mag-asawa ang yumao nilang anak, dalawang taon na ang nakalilipas. Lumabas ako sa loob ng kusina kung saan ginagawa ni Patrick ang kaniyang ritwal—kuno. Tinungo ko ang bookshelves sa may gilid malapit sa may kusina kung saan nakatayo ang mga picture frames.

Ikinuwento sa akin ni Mrs. Vasquez si "Yamo" Yamatashi—ang yumao nilang anak. Napakapalakaibigan daw nito at masayahin. Matalino at bibo. Completer na raw sana ito ng Junior High kung hindi lang aksidenteng nahulog sa bangin ang bus na kanilang sinasakyan noong sila'y nag-fieldtrip. Hindi iyon inaasahan ni Mrs. Vasquez.

Alam naman na niya ang nangyari sa sinapit ng kaniyang anak, pero raw, tila ba lagi siya nitong iniistorbo sa panaginip niya at hindi siya nito pinatatahimik. Kaya naiintindihan ko kung bakit ngayo'y hindi pa rin siya makapag-move on sa nangyari. Biruin mo ba naman, dalawang taon ah? Dalawang taon, pero hindi pa rin siya nakaka-recover.

Pinagmasdan ko ang mga litrato nilang tatlo. May katangkaran si Yamo, makisig at halatang guwapo at matalino. Singkit ang kaniyang mga mata na marahil ay nakuha niya sa kaniyang ina na may lahing hapon o Japanese.

Pinagmasdan ko pa sandali ang mga litratong iyon saka ako naupo sa tabi malapit sa pintuan ng kusina. Rinig na rinig ko ang paghagulgol ni Mrs. Vasquez. Tanaw ko mula rito kung paano alohin ni Mr. Vasquez ang kaniyang asawa.

Noong una'y nagtataka ako kung bakit dito sa kusina pa naisip nina Mr. and Mrs. Vasquez na magsagawa ng ritwal. Ang sabi naman niya, mahilig daw kasing magluto si Yamo. Bukod sa pagbabasa ng libro at pagco-computer, ang pagluluto ang lubos na kinahihiligan niya.

Ibinalik ko ang atensyon ko kay Patrick na ngayo'y nakatingala na at bumubulong ng hindi mo naman maintindihan. Pigil ang tawa kong tinitigan siya.

Noon ay ayaw kong gawin ito at ayaw kong tularan ang bestfriend ko, pero hindi naglaon ay pumayag na rin akong samahan siya at gayahin ang raket na ginagawa niya. Naaalala ko pa noon na ilang beses ko nang binabantaan si Patrick tungkol dito dahil marami na siyang nalolokong tao. Pero ayaw niya nang ihinto ito dahil malaki naman ang bayad sa kaniya. Nang tumagal din naman ay naintindihan ko na kung bakit niya ginagawa ito. Sa kabilang banda, kapag naman sinasamahan ko siya hinahatian niya 'ko. Hehehehe, atleast nagkakapera rin ako.

Hindi naman mayaman ang pamilya ko, hindi rin naman kami salat sa kahirapan. Tamang average lang ang estado namin sa buhay. Pero dahil ayaw kong makadagdag pa sa gastusin, sumasama na lang ako kay Patrick. May pera na 'ko, nabibili ko pa ang gusto ko.

Wala pa ring humpay sa pag-iyak si Mrs. Vasquez. Tinignan kong muli si Patrick. Maya-maya lang, biglaan niyang inimulat ang dalawa niyang mata na animo'y nagulat pa kunwari. Dahan-dahan niyang ibinaba ang kaniyang pagmumukha at kamay. Tumitig siya sa mag-asawa. Lalo pang lumakas ang paghagulgol ni Mrs. Vasquez dahil do'n.

"M-Mommy?" Walang emosyong pagtawag ni Patrick kay Mrs. Vasquez. Ito na 'yon. Itong-ito na.

"M-Mommy?" tawag niya ulit dito. Ngunit hindi katulad ng kanina, may halo ng emosyong naiiyak nang tawagin niya iyon. Ito na talaga ang inaasahan ko.

Tinignan ko ang reaksyon ni Mrs. Vasquez. Iyak pa rin siya nang iyak. Sobrang lakas ng kaniyang iyak habang nakatitig kay Patrick.

"A-Anak? I-Ikaw na ba 'y-yan?" naiiyak na tanong ni Mrs. Vasquez. Tumango naman si Patrick sa kaniya.

'Eto na, mag-uumpisa na ang palabas.

Umaalingawngaw ang iyak ni Mrs. Vasquez sa buong kusina. Habang ang kaniyang asawa nama'y napapaiyak na rin.

"M-Mommy, miss na miss ko na po kayo." Umiiyak nang ani Patrick. Hindi siya gumagalaw. Tanging ang kaniyang mukha lang ang nagbibigay ekspresyon.

"M-Miss na miss ka na rin ni Mommy, Anak. A-Alam mo? P-Palagi k-kitang napapanaginipan. H-hindi ko maalis sa i-isip ko ang huli mong ngiti. M-Miss na miss na kita a-anak. Huhuhuhu." Ani Mrs. Vasquez habang inaabot ang kamay ni Patrick.

"M-May sasabihin po... ako sa inyo," Naiiyak na sambit ni Patrick. Pero napakunot ang noo ko nang marinig ko ang boses niya. Nakakapanibago, nag-iba ang boses niya. Hindi ko alam kung kasama ba 'to sa mga palabas niya o hindi kaya—

"A-Ano 'yon?" Humahagulgol na tanong ni Mrs. Vasquez.

"K-Kilala ko po kung sino ang may dahilan ng pagkamatay naming lahat."

Lalo akong nagtaka nang tuluyang nagbago ang boses ni Patrick. What happened to him?

***

"Maraming salamat sa inyo, hijo. Ngayon ay panatag na akong makakatulog na nang maayos si Mayumi," ani Mr.Vasquez patungkol sa kaniyang asawa.

"W-Walang anoman po," naiilang na sagot ni Patrick.

Naglalakad kami palabas sa pasilyo ng kanilang bahay. Natapos na ang kanilang diskusyon kani-kanina lang. Halos sampung minuto rin ang itinagal ng pag-uusap nila.

"Uhh, 'eto. Bonus ko na sa inyo." Iniabot ni Mr. Vasquez ng labinlimang libo sa palad ni Patrick pero pilit itong ibinabalik ni Pat.

"H-Hindi na po," naiilang na pagtanggi ni Patrick. Psh, ano bang ginagawa mo, tol? Kailangan natin ng pera ngayon.

Natawa nang bahagya si Mr. Vasquez sa inasta ni Patrick, "Sige na, hijo. 'Wag ka nang mahiya." Sabay abot ni Mr. Vasquez ng pera sa palad ni Patrick. Ngunit naiilang pa rin ito.

"Ngayong alam ko ng may mga tao talagang sangkot sa aksidenteng kinabibilangan ng anak ko, dalawang taon na ang nakararaan," sambit pa ni Mr. Vasquez habang tinatanaw ang gate ng bahay nila. Sandali siyang napabuntong-hininga, "Huwag kayong mag-alala. Hangga't maaari, hindi ko muna ipapaalam kahit na kanino ang tungkol dito. Ako na muna ang bahalang magpa-imbestiga." Tumingin siya sa amin saka kami nginitian.

Parang nakahinga kami nang maluwag ni Patrick. Hindi kasi namin alam ang gagawin namin kapag may ibang nakaalam tungkol dito. Malaking gulo ang mapapasok namin kapag nagkataon. Baka lalo lang kaming mapahamak kapag nalaman nila kung sino talaga kami.

"Uh, oo nga pala. Ano nga palang mga pangalan ninyo?" Mas lalo akong kinalibutan dahil sa tanong na iyon. "Hindi ko kasi naitanong sa kaibigan kong nagrokumenda sa inyo sa 'kin."

Napahawak ako sa aking sumbrero at napayuko. Nag-isip pa muna ako bago muling tumingala sa kaniya. Alam kong sa mga oras na ito ay walang masasabi si Pat dahil sa inaasta niya ngayon. Tumikhim pa muna ako bago nagsalita.

"Ako ho si Clacio at siya naman si Patricio, Sir," sagot ko. Tumango siya at alam kong na-satisfied siya sa isinagot ko. Tuloy ay nakahinga ako nang maluwag.

"Oh siya sige, mag-ingat kayo sa pag-uwi. Maraming salamat." Paalam nito saka pinagbuksan kami ng gate.

Maraming nakakakilala sa 'min bilang mga espiritista. Pero hindi nila alam kung taga-saan at kung ano ang background namin. Patago kaming dumadayo sa mga lugar kung saan, may humihingi ng tulong namin. Daemon Casters ang bansag nila sa amin. Nagbabalat-kayo upang hindi makilala. Ganiyan ang raket namin ni Patrick para magkapera.

Naglalakad kami sa kalsada palabas ng Village nang mapansin kong balisa ang kasama ko. Kunot noo ko siyang tinignan.

"Tol, may problema ba?" Nag-aalala kong tanong at halata ko sa hitsura niya ang pagkagitla nang lingunin niya ako.

"A-Ahh... W-Wala 'to, Bruce." nauutal niyang sambit.

Balisa siya, parang may bumabagabag sa kaniya? Hindi kasi normal ang hitsura niya ngayon kumpara kanina. Namumutla at halata mong nanlalamig at kinakabahan.

Nang makarating at makapasok na kami sa kotse ko, agad niyang inihubad ang panyo sa ulo niya. Kinuha niya ang salamin sa harapan at saka binura ang malaki niyang nunal sa pisngi at kilay.

"P're, buksan mo nga 'yong aircon," utos niya. Nagtataka naman akong sinunod siya.

Pinapaypay niya ang kaniyang sarili at saka inihubad ang maala-magsasakang polong suot niya. In-start ko na ang makina ng kotse. Lumingon pa ako sa kaniya at kita ko pa rin ang hindi niya mapakaling ekspresyon. Psh, ano bang nangyayari sa taong 'to?

Tahimik lang akong nagmamaneho ngunit wala ni isa ang nagsasalita sa aming dalawa. Actually, kanina ko pang gustong itanong sa kaniya ang nangyari kanina, e. Nagtataka talaga ako.

Average lang ang boses ni Patrick bilang lalaki. Pero ang boses na ipinarinig niya kanina... kakaiba. Malalim at malaki. Kahit na iba-ibahin ni Patrick ang boses niya, hindi nito kayang gayahin ang ganoong boses. Gusto kong itanong kung anong mayr'on pero may nag-uudyok sa aking huwag ko na munang itanong. Ewan ko ba kung bakit.

Sa aming dalawa, si Patrick ang kunwaring sinasapian samantalang ako naman, ako 'yong taga-gawa ng conclusion. Palibhasa ay talagang magaling si Pat umarte at kung hindi ninyo naitatanong ay kasama siya sa theater club sa school na pinapasukan naming dalawa.

Kumbaga sa isang kaso sa krimen—siya ang pulis, ako ang detective.

"Ang lamig." Gulat akong napatingin sa kaniya nang mabilis niyang patayin ang aircon. Papalit-palit ang tingin ko mula sa kalsada hanggang sa kaniya.

Balisa pa rin siya at hindi ko na napigilang tanungin siya. "T-Tol, may problema ba?"

"W-Wala," simple niyang sagot habang deretsong nakatingin sa tinatahak naming daan. Saglit akong tumigil sa pagmamaneho dahil naka-red na ang stoplight.

Hinarap ko siya saka nagsimulang tanungin siya, "Look, kanina pa ako nag-aalala sa kung anong nangyayari sa 'yo. Kanina ka pa balisa at hindi mapakali d'yan sa inuupuan mo. Kanina ka pang ganiyan pagkatapos natin sa bahay nina Mr. Vasquez. Now, tell me. Anong nangyayari sa 'yo?"

Sandaling katahimikan ang bumalot sa loob ng sasakyan ko. Ni hindi nga man lang niya sinagot ang tanong ko, e.

"Nauulol ka ba?" Pabiro kong tanong sa kaniya ngunit hindi pa rin niya pinansin iyon.

Sinimulan ko na muling paandarin ang kotse ko nang makita kong nag-green na ang stoplight. Gano'n na lang ulit kami hanggang ngayon katulad ng kanina—tahimik at walang kibuan.

"Ahh... Tol. 'E-Eto nga pala 'yong hati mo," usal niya nang makarating na kami sa bahay niya.

Inabot ko naman iyon at laking gulat ko nang makitang siyam na libong piso ang inabot niya sa akin. Taka akong tumingin sa kaniya. "T-Tol, sobra 'to."

"Tama lang 'yan. Malaki rin naman 'yong parte ko sa paunang bayad ni Mr. Vasquez kaya sa tingin ko, ayos na 'yan. Saka kailangan mo 'yan pambili ng project mo. O 'di kaya naman, idagdag mo sa pangkrudo natin. Ibili mo na rin si Bree ng bagong manika," ngiti niyang saad. Hindi na rin ako nakaangal dahil mabilis siyang gumayak papalabas ng kotse ko.

Ano ba talaga ang nangyayari ro'n? Kanina pa ' yon, ah.

Sinimulan ko nang paandarin ulit ang kotse ko at saka naiiling-iling habang nagda-drive papauwi.

Nang makarating ako sa tapat ng bahay namin, bumusina na muna ako. Nakita ko pang lumabas ang katulong namin para pagbuksan ako ng gate. Agad ko namang ginarahe ang kotse ko.

Nang lumabas ako mula sa kotse ko, tinanguan naman ako ng housemaid namin. Tinanguan ko rin siya.

"Where's Mom?" tanong ko saka pumasok sa loob ng bahay.

"Mag-oovertime daw po siya sa trabaho, Young Master. Katatawag niya lang rin po no'ng pagkarating ninyo," sagot nito.

"I see. How about Breeanna? Where is she?"

"Nandoon po sa sala, Young Master."

"Did she eat her dinner?"

"Hindi pa po, Young Master. Hihintayin niya raw po muna si Ma'am o 'di kaya kayo po, bago po siya kumain. Kanina ko pa nga po pinipilit, e, pero ngumangawa ho," saad niya. Tinanguan ko naman siya at nag-bow naman siya sa akin.

Tumungo ako sa sala at naabutan kong naglalaro ang kapatid kong si Breeanna. Tinanggal ko na muna ang wig at sumbrero ko at saka naupo sa tabi niya. Ginulo ko naman ang buhok niya dahilan para bumuhaghag ang kaniyang bangs.

"Stop it," ani Breeanna saka nagtuloy sa paglalaro.

Natawa naman ako sa inasal niya, "Hmm... Did you eat your dinner?"

"No."

"And why? It's eight o'clock na. Bakit hindi ka pa kumakain?"

"I don't want to eat without Mom and you," simpleng sagot niya saka malumanay na lumingon sa akin.

Nginitian ko lang siya, "Okay, magbibihis muna si Kuya. Pagkatapos, kakain na tayo."

Tinanguan niya lang ako. Malungkot ang kaniyang mga mata. Pupungay-pungay pa itong tumingin sa akin. Pinat ko siya sa ulo at saka na ako tumayo at umakyat sa kwarto, bitbit ang bagpack ko.

Agad kong isinara ang kwarto ko. Pakiramdam ko, sobra akong napagod kaya naman naupo ako sa kama ko. Nagmuni-muni ako saglit.

Ako si Bruce Clark Dallas a.k.a. "Clacio". 19 years old, Grade 12 student sa isa sa mga prestiheyosong paaralan dito sa amin. Breeanna Cheska naman ang pangalan ng kapatid ko. Bakit gano'n ang asal niya? It was happened, two years ago. Two years ago... mula no'ng iniwan kami ni Dad. Mula no'ng namatay siya.

Napabuntong hininga ako...

Dad, simula noong nawala ka... si Mama na ang tumayong ama at ina sa amin.

Sobrang babad si Mama sa trabaho nang mawala si Dad. Ngayon pa't may sakit sa puso si Breeanna kaya mas lalong nagpursigi si Mama sa trabaho niya. Siya na ang humahawak sa lahat ng business na naiwan ni Dad pero ang ibang properties doon, ibinenta na niya.

Labis kaming naghirap mula noong mawala siya. Pakiramdam ko, hindi kami handa noon. Nangapa pa si Mama sa paghahawak ng negosyo namin dahil matagal na siyang naging housewife. Pero graduated siya ng Marketing.

Napabuntong hininga ulit ako saka tumingala.

Hanggang kailan ba 'tong paghihirap mo, Ma? Kailan ba 'tong paghihirap nating lahat?

Tumayo na ako at saka nagpalit na ng damit at naghilamos ng aking mukha. Bumaba naman na ako para alokin na si Breeanna'ng kumain.

♦♦♦