NAKANGITING pinagmamasdan ni Daphne ang magandang tanawin mula sa balkonahe ng kuwarto ng isang hotel sa Boracay. Kitang-kita mula roon ang malinis na dagat na tila kumikintab dahil sa pagtama roon ng magandang sikat ng araw. Tila mga diyamante namang kumikinanang ang puting buhangin na nakadadagdag sa kalinisan ng paligid.
Masayang panoorin ang mga naliligo at ang mga naglalakad sa tabing-dagat. Masarap din sa pakiramdam ang sariwang simoy ng hangin na dumadampi sa kaniyang balat at pumapasok sa loob ng silid.
Kahapon siya dumating sa isla kasama ang kaibigan niyang si Princess. Tumungo rin doon ang kaibigan nilang si Claire kasama ang asawa at anak nito. Nandoon sila para sa kasal ng isa pa nilang kaibigan na si Belle. The four of them were best friends since high school. Hindi naputol ang komunikasyon nila kahit hindi na sila madalas na nagkikita-kita. Ayaw man niyang umuwi sa Pilipinas pero kailangan dahil nangako silang magkakaibigan na hindi dapat sila mawala sa kasal ng isa't isa.
Unang ikinasal si Claire. Hindi pa ito noon nakatapos sa college nang mabuntis ng asawa nitong si Marlo. Hindi iyon natanggap ng mga magulang ng kaibigan niya noong una. Pero nang naipanganak na nito ang siyam na taong gulang na ngayong si Carlo ay unti-unting nagbago ang pakikitungo ng mga magulang nito. Inaanak nila nina Princess at Belle si Carlo. Kasama ni Claire ang mag-ama nito sa pagpunta sa isla.
Siya ang pangalawang ikinasal. At ayaw na niyang maalala pa ang tungkol doon lalo na ang pinakasalan niya.
Bukas ay si Belle na ang ikakasal. Ang maid of honor na si Princess na lang ang natitirang dalaga sa kanilang magkakaibigan. Hindi lang pala si Princess kundi siya rin. Kahit kasal pa rin sila ng asawa niya ay itinuturing niya ulit ang sarili na dalaga.
Sa loob ng anim na taon ay nasa Spain siya. Doon siya tumungo mula nang maghiwalay sila ng landas ni Ethan. Tumira siya sa tita niyang nag-alaga sa kaniya noong namatay ang mga magulang niya sa aksidente. Nakapag-asawa kasi ito ng Espanyol. Iniwan niya ang trabaho niya sa Pilipinas at sa Spain na nagtrabaho.
Kumusta na kaya si Ethan? Ano na kaya ang balita rito? Ano ba ang pakialam niya kung ano na ang mga nangyari dito? Umuwi siya sa Pilipinas para sa kasal ng kaibigan niya. Hindi para kumustahin ang lalaking iyon.
Pero hindi niya maiwasang hindi ito maisip. Minsan ay sumasagi sa alaala niya ang nakaraan nila nito. Sa dinami-rami ba naman kasi ng beach resort na puwedeng pagdausan ng seaside wedding ay Boracay pa ang napili ng mga ikakasal. May pinagsaluhan pa naman silang alaala ni Ethan sa lugar na iyon.
Nagulat siya nang inimporma siya ni Belle na sa nasabing isla gaganapin ang kasal nito. Nagulat din ito nang maalala nitong doon sila nag-honeymoon ni Ethan. Kung hindi pa niya sinabi ay hindi nito naalala iyon. Maraming taon na rin naman kasi ang lumipas. At hindi niya alam kung pinaglalaruan ba siya ng tadhana o kung nagkataon lang na ang hotel na kinaroroonan niya ngayon ay ang hotel na tinuluyan nila noon ni Ethan.
Alam ng mga kaibigan niya na sa Boracay sila noon nag-honeymoon ni Ethan pero hindi naman niya sinabi pati ang pangalan ng hotel at room number. Mabuti na lang at hindi siya napunta sa hotel room na inokupa nila noon. Pero katapat iyon ng kuwartong inookupa niya ngayon. Tandang-tanda pa niya ang room number. Mukhang wala namang umookupa ng kuwarto. Naisip niya na baka reserved na iyon.
Magkasama sila ni Princess sa isang kuwarto. Sina Claire at Marlo at ang anak ng mga ito ay nasa katabing kuwarto lang.
Puno na ang iba pang hotels at cottages. Summer kasi kaya maraming dumadayo roon para magbakasyon at mag-relax. Karamihan ay foreigners. Noong pumunta sila roon ni Ethan ay off-season pero marami pa ring dumadayo.
Niyaya siya kanina nina Princess at Claire na mag-ikot-ikot sa labas pagkatapos nilang mag-breakfast sa ibaba ng hotel pero tumanggi siya. Umakyat siya sa kuwarto at pinagsawa ang mga mata sa pagtanaw ng magandang tanawin ng isla.
Dahil sa kaiisip kay Ethan ay biglang may naalala siyang eksena. Gaya ng ginagawa niya ngayon, pinagmamasdan din niya noon ang paligid mula sa balkonahe ng kuwarto ng hotel.
Nagulat si Daphne nang may yumakap sa kaniya mula sa likuran. Muntik na siyang mapatili. Hindi na niya kailangang lumingon para alamin kung sino ito dahil ito lang naman ang kasama niya sa hotel room na iyon. "Good morning, baby," bati ng asawa niyang si Ethan. "Baby" was their term of endearment.
They were newly weds. Nandoon sila sa Boracay para sa kanilang honeymoon. Isang araw pagkatapos ng kanilang kasal ay kaagad silang lumipad patungo roon.
"Good morning, too, baby," ganting-bati niya.
"Kanina ka pa ba gising?" tanong nito. Inililis nito ang suot niyang roba upang tumambad dito ang balikat niya. Dinampian nito ng halik iyon. Gumapang sa buong katawan niya ang init na nagmula sa mga labi nito.
Gusto niya ang pakiramdam na iyon kaya hinayaan lang niya ito. "Kagigising ko lang," sagot niya.
"Maaga pa, ah."
"Ikaw rin naman. Maaga ka ring nagising."
Hindi nito pinansin ang sinabi niya. Naramdaman niya ang paghawi nito ng mahaba niyang buhok at ipinatong nito iyon sa kaliwang balikat niya. Tila nakoryente na naman siya nang muling maramdaman ang maiinit na labi nito sa kaniyang leeg. "Hindi ka ba napagod?" pilyong tanong nito.
Waring nag-isip pa siya ng isasagot gayong pagod na pagod siya. Medyo nananakit pa ang katawan niya. They made love all night until dawn. Pero inaamin niya na mas nangibabaw ang kaligayahan sa ginawa nila.
"Hindi," may pagmamalaking sagot niya.
"No?" Tila naninigurado ito kung tama ang narinig nitong sagot niya habang patuloy ito sa pagdampi ng mumunting halik sa leeg, batok, at mga balikat niya kasabay ng pag-amoy sa mga iyon.
"No," nangingiting pagkumpirma niya.
"Me, too," tila nasasabik na bulong nito.
Alam niyang kanina pa siya inaakit nito. He was such a flirt but she must admit that she liked it.
"Will you stop kissing me?" malambing na saway niya. "Baka may makakita sa atin dito."
"Let's go back to bed then," anyaya nito.
"Ang ganda talaga ng view dito, ano?" Gusto niyang ibaling nito sa iba ang atensiyon nito. Pero mukhang hindi siya magtatagumpay. Hindi pa rin kasi ito tumitigil sa paghalik sa kaniya.
"Mas maganda ka," anito. "At kung sasabihin mong mabango ang simoy ng hangin, mas mabango ka. I will never get tired of looking at you and smelling your fragrance." Umabot na sa pisngi niya ang mga labi nito at naging malikot na rin ang mga kamay nito. She also could feel his hardness behind her.
Alam na niya kung ano ang gusto nitong gawin. "Hindi ka ba nagugutom?" Sinusubukan niyang pigilan ito.
"I love you," sa halip ay bulong nito sa pagitan ng paghalik sa leeg niya.
"Let's eat." Nagugutom na talaga kasi siya.
"I love you," ulit nito. Umabot na ang halik nito sa mga labi niya. Mukhang nadagdagan pa ang pananabik nito na parang matagal na panahon silang hindi nagkita.
"I love you," sabi rin niya pagkatapos maghiwalay ang mga labi nila. "Pero kumain muna tayo, okay?"
"But you can't stop a hungry lion to eat a beautiful flesh."
Bago pa siya tumutol ay binuhat na siya nito patungo sa kama habang parang bata siyang hinahalik-halikan nito sa tiyan. Tumili siya sa pagitan ng pagtawag ng pangalan nito at malakas na pagtawa dahil malakas ang kiliti niya sa tiyan. Pinagkukurot at pinaghahampas niya ito sa balikat, braso, at dibdib.
Alam niyang masakit ang mga pinaggagawa niya rito lalo pa't wala itong pang-itaas—boxer shorts lang ang suot nito—ngunit wala man lang siyang narinig na reklamo mula rito. Mas nangingibabaw siguro ang saya nito sa ginagawa nito sa kaniya. Nakalimutan naman niya ang naramdaman niyang gutom.
And they made love before they went out for breakfast.
Napangiti siya sa alaalang iyon. Parang may kumiliti sa buo niyang pagkatao. Pero napalis ang ngiti niya nang maisip na wala na pala siyang pakialam dito.
NAGLAKAD-LAKAD si Daphne sa tabing-dagat pagkatapos niyang mananghalian sa isang seafood restaurant. Kumakain na siya kanina nang maalala niyang isa iyon sa restaurants na kinainan nila ni Ethan.
Mag-isa lang siyang kumain dahil tapos na ang mga kaibigan niya. Sinabihan din naman niya kasi ang mga ito na mauna na nang tawagan siya ng mga ito. Namasyal na naman siguro ang mga ito sa kung saan.
Alam niyang hindi kasama ni Claire si Princess dahil ayaw ng huli na istorbohin ang family date ng una. Si Belle naman ay abala sa pakikipagkuwentuhan sa mga kamag-anak nitong galing sa ibang bansa. Mamayang gabi pa ang schedule ng pagkukuwentuhan nilang magkakaibigan bilang pamamaalam nito sa pagkadalaga.
Iniisip niya ang maaaring pagkukuwentuhan nila mamaya nang may isang eksenang biglang sumagi sa alaala niya. Katunayan ay kanina pa niyang iniiwasang alalahanin iyon pero pilit na sumisiksik iyon sa alaala niya.
Naglakad-lakad sila ni Ethan sa tabing-dagat pagkatapos nilang kumain sa isang seafood restaurant. They were holding each other's hands.
"Ang sarap talaga ng mga pagkain sa restaurant na 'yon, ano? Ibang-iba sa mga seafood restaurants na kinainan natin," komento niya.
"Of course, sariwa lahat ng seafoods dito. Bagong huli ang mga niluluto. But if you'll ask me, you're more delicious than any delicious foods in the whole world," pilyong banat nito.
Nang tumingin siya rito ay nakangiting kinindatan siya nito. Doon pa lang ay sagad na sa mga buto ang kilig na naramdaman niya. He really had a very killer smile. "Bakit ba lahat na lang ng bagay, hinahaluan mo ng kaberdehan?" aniya, saka malambing na kinurot ito sa tagiliran.
Napangiti lang ito. Tila sanay na ito sa pangungurot niya. Dati ay nagrereklamo ito dahil masakit iyon. Pero ngayon ay mukhang na-immune na ang katawan nito. "Ikaw, wala ka bang sasabihin tungkol sa 'kin?" tanong nito kapagkuwan.
"Ano'ng sasabihin ko tungkol sa 'yo? Nasabi ko na kaya ang lahat."
"I want to hear you again saying those things about me."
"Okay. You are the most handsome guy I have seen in my whole life. You are the most thoughtful, the most caring, the most gentleman, and the sweetest guy I have ever known. May topak ka man minsan, mahal na mahal pa rin kita," natatawang sabi niya.
"And I love you, too, baby. You are the most beautiful and the greatest thing that ever happened in my life. Kahit may topak ka rin minsan, mahal na mahal kita."
"Too cheesy," magkasabay na sabi nila. Nasundan kaagad iyon ng tawanan.
"But I think, you forgot something," anito kapagkuwan.
Napakunot-noo siya. "Ano naman?" tanong niya kahit nahuhulaan niyang kalaswaan na naman iyon.
"That I'm yummier than any yummy foods you have tasted. Kahit pagsama-samahin pa ang lahat ng pagkaing 'yon. In short, I'm the yummiest," anito sabay kindat sa kaniya.
"Ang kapal, ha!" Nilait na lang niya ito.
"Anong makapal? Totoo naman, ah."
"No. Do you know what the truth is?" Natatawa siya sa naisip.
"What?"
"The truth is, you are the yuckiest food I have ever tasted!" Binigyang-diin niya ang salitang 'yuckiest.'
"Ah, gano'n?"
Pagkarinig niyon ay kaagad siyang tumakbo dahil alam niyang huhulihin siya nito. Pero hindi siya ganoon kabilis tumakbo kaya nahuli pa rin siya nito. Napatili siya nang buhatin siya nito. Ibinagsak siya nito sa dagat. Nagtawanan sila at nagbasaan na parang mga bata.
Hindi niya napigilang ngumiti sa alaalang iyon. Pero kaagad niyang pinalis iyon dahil hindi siya dapat ngumingiti kapag naaalala ang lalaking iyon. Hindi dapat.
Tinawagan na lang niya si Princess. Tinanong niya ito kung saan na ito. Nang sabihin nito ang kinaroroonan nito ay sinabi niyang pupunta siya roon.
PAPALAPIT pa lang si Daphne sa accessories shop na sinabi ni Princess na kinaroroonan nito nang mapahinto siya sa paglalakad. May namataan kasi siyang lalaki at babae na tumitingin-tingin sa mga naka-display na mga paninda sa labas ng shop.
May isang eksena na namang biglang sumagi sa alaala niya.
"Hey, baby, look at this!"
Napatingin si Daphne sa dinampot ni Ethan mula sa mga naka-display na accessories sa labas ng accessories shop na iyon. Napangiti siya saka kinuha ang kuwintas mula rito. Simpleng itim lang ang tali niyon na may ilang grupo ng puting beads. May heart-shaped pendant iyon na puti rin ang kulay. Gustong-gusto niya ang combination ng puti at itim.
"Do you like it?" tanong nito.
"Yes. It's beautiful." Napahawak siya sa pendant. "White means pure. Hugis-puso ito kaya ang ibig sabihin ay pure heart." May naisip siyang mas magandang ibig sabihin. "Pure love."
"Like our love for each other."
Nagkatinginan sila at buong pagmamahal na ngumiti sa isa't isa.
Kapagkuwan ay hiniling nitong ibalik niya rito ang kuwintas. Ipinatong naman niya iyon sa nakabukas nitong palad. Inakbayan siya nito. Sumunod na lang siya nang pumasok sila sa loob ng shop. Binayaran nito iyon sa counter. Ibinigay na nito ang sukli sa kahera. Pagkatapos ay hinila na siya nito palabas ng shop.
"Bakit ka nagbayad kaagad? Hindi pa nga ako nakakapili ng ibibigay ko sa 'yo."
"Later. You can buy one for me later. Hindi na kasi ako makapaghintay, eh."
"Hindi makapaghintay saan?"
Hindi siya nito sinagot. Patingin-tingin ito sa paligid na tila naghahanap ng lugar na magandang puntahan nila. Dinala siya nito sa ilalim ng isang puno.
"Baka bigla kasi akong magka-amnesia kaya gagawin ko na ang iniisip ko."
Natawa siya. "Ano ba 'yon?"
"Pasensiya ka na, misis at nagkaroon ka ng atat na atat na mister," nakangiting wika nito na binigyang-diin ang 'atat na atat.'
Natawa naman siya. "Okay lang. Basta ba matutuwa ako sa gagawin mo."
Umikot ito sa likod niya. "As long as I remember, I didn't give you anything that symbolizes our friendship."
They met and became best of friends in college. Hindi man magkapareho ng kurso pero magkalapit lang ang kanilang mga department. Her course was Medical Technology while his was Dentistry.
He always wanted to be like his father whom he considered as the best dentist in the world. While his mother was the best nurse. Nagkakilala ang mga magulang nito sa Amerika dahil sa iisang unibersidad lang nag-aral ang mga ito roon. His father was pure American while his mother was half-American and half-Filipina. Sa Pilipinas nagtrabaho ang mga ito dahil doon piniling manirahan ng ginang.
Sa Pilipinas ipinanganak si Ethan kaya matatas itong mag-Tagalog. Noong bata pa ito ay madalas itong magbakasyon sa Amerika kasama ang mga magulang nito.
Halos lahat ng physical features nito ay namana nito sa ama—white skin, blonde hair, blue eyes, pointed nose, full pinkish lips, six feet and two inches height. Tanging ang makinis na balat nito ang namana nito sa ina.
Nasa ikalawang taon sila sa college nang tuluyang maulila ito sa mga magulang dahil sa pagkamatay ng ina nito dahil sa cancer. Unang namatay ang ama nito sa car accident noong graduating pa lang ito sa high school. Naabutan pa niyang buhay ang ina nito kaya naipakilala pa siya nito sa ginang.
Mabait si Ethan kaya madali niya itong nakapalagayan ng loob. Palabiro ito kaya masaya siya kapag kasama ito. Walang araw na naging malungkot siya kahit na may problema siya mula noong makilala niya ito. Tila hindi nauubos ang baon nitong mga jokes sa tuwing nagkikita sila at magkasama.
Sabi ng mga kaibigan niya, bagay silang dalawa. Mukha raw may gusto ang lalaki sa kaniya. At nang nagtanong ang mga ito kung nahuhulog na ang loob niya kay Ethan ay umamin siya. Sino ba naman ang hindi mai-in love sa tulad nito? Naging magkasintahan sila nito noong third year college sila. Hindi na sila nagkahiwalay hanggang sa sila ay naging mag-asawa.
Humarap si Ethan sa kaniya pagkatapos nitong isuot sa leeg niya ang kuwintas. Tinitigan siya nito sa mga mata. "You're not only my lovely wife, you're not only the love of my life; you, too, are my lovely best friend—my shoulder to lean on, the only one person I know that I truly can count on without any second thoughts or complaints. We will stay this way together everyday, right?"
Pakiramdam niya ay perpekto siya dahil sa mga katagang binitawan nito. Masasabi niyang masaya ito sa piling niya. And she was happy for making him happy. "Thank you," naiiyak na wika niya. Niyakap niya ito. Gumanti rin ito ng yakap sa kaniya. Una itong kumalas at inilapit ang mukha nito sa mukha niya. He was about to kiss her lips when she grabbed his hand and pulled it. "Tara, samahan mo akong bumili ng ibibigay ko sa 'yo," yaya niya rito.
Nangingiting napakamot na lang ito sa batok at sumunod sa kaniya. Tila nabitin ito sa hindi nito naituloy na paghalik sa kaniya.
Nang makabalik sila sa shop ay binili rin niya ang kuwintas na kapareho ng binili nito. Pagkatapos ay muli niya itong hinila pabalik sa ilalim ng puno na pinagdalhan nito sa kaniya kanina. Malapit lang naman iyon sa shop.
Isinuot niya sa leeg nito ang kuwintas at tinitigan ito sa mga mata. "Wala na akong masasabi. Nasabi mo na kasi lahat. I love you so much, Ethan," buong-pusong sabi niya. "And yes, we will stay this way together—every second, every minute, everyday."
"Akala ko ba, wala ka nang masabi?" biro nito.
Natawa na lang siya.
"I love you so much, Daphne. Till death do us part," seryosong sabi nito.
"Till life after death," dugtong niya.
At itinuloy na nito ang naudlot na paghalik nito sa kaniyang mga labi na buong-puso naman niyang tinugon.
"Daphne!"
Bumalik sa kasalukuyan ang isip niya nang may narinig siyang nagsalitang babae. Si Princess iyon. Nakatayo ito sa entrance ng shop. Nang mapadako ang tingin niya sa mga paninda sa labas ng shop ay wala na roon ang lalaki at babaeng napansin niya kanina.
Lumapit na lang siya sa kaibigan. Kasama na siya nang muli itong pumasok sa accessories shop.
"Naku, Daphne, sayang hindi mo naabutan ang lalaking nakilala ko rito kanina." Halatang masayang-masaya si Princess. "Siya na ang ipapalit ko sa walanghiyang Roger na 'yon." Crush nito si Roger na papalitan na nito dahil nagkaroon na ng nobya. Wala pang naging boyfriend ang kaibigan niya dahil ang mga lalaking nagugustuhan nito ay may mga gustong iba.
"Sana nga siya na ang lalaking hinahanap mo," sabi niya na tinutukoy ang lalaking hindi raw niya naabutan.
"He's a perfect example of tall, tan, handsome, and hunk," kinikilig na pag-iimporma nito. Iyon ang tipo nitong lalaki. Lalaking-lalaki nga naman kasi ang dating ng isang lalaki kapag ganoon ang physical features.
"Perfect!" masayang bulalas niya. Pinipilit niyang maging masaya. Alam niya sa sarili niyang hindi siya masaya. Hindi na siya masaya mula noong naghiwalay sila ni Ethan. Mula noon, pakiramdam niya ay may kulang na sa kaniyang pagkatao.
"Super perfect!" todong pagsang-ayon ni Princess. "His name is Albie. Pinsan siya ni Alex. Kanina lang siya dumating. Sana siya na lang ang best man. Ang yabang-yabang kaya ng Jeric na 'yon. Akala mo kung sinong guwapo." Alam niya iyon. Ilang beses na ba nitong nasabi sa kaniya na nayayabangan ito sa bestman na best friend ng lalaking pakakasalan ng kaibigan nila? "Ikaw?" anito habang tumingin-tingin sa mga accessories.
"Ako?" balik-tanong niya.
"Kailan ka maghahanap ng kapalit ni Ethan? Sigurado namang maraming guwapo sa Spain."
"Hindi ko type ang mga Espanyol."
"Kasi Kano ang type mo."
"Hindi ko rin type ang mga Kano," turan niya.
"Bakit si Ethan? Hindi ba Kano rin 'yon?"
"I mean, hindi na. At wala na akong pakialam sa Ethan na 'yon."
Pero hindi pinansin ni Princess ang sinabi niya. "At kahit may lahi siyang Pinoy, halatang-halata ang pagka-Kano niya dahil kaunti nga lang naman ang dugong-Pinoy niya," sa halip ay sabi pa nito. "Ah, baka ang ibig mong sabihin, hindi mo na ulit type ang mga Kano," bigla nitong naisip. Idiniin pa nito ang mga katagang 'na' at 'ulit.'
Hindi kasi talaga niya tipo ang mga lalaking maputi, blonde ang buhok, at blue ang mga mata. Pero nang makita at makilala niya si Ethan, kaagad na nagbago ang tipo niya. Katunayan, si Ethan lang ang naging type niya sa mga lalaking ganoon ang physical features.
"Siya na naman ba ang pag-uusapan natin?" tanong niya kay Princess. "Alam mo naman na ayaw ko na siyang pag-usapan, 'di ba?" Mula nang nagkita ulit sila nito ay hindi nito naiwasang magtanong tungkol kay Ethan. Hindi naman talaga kasi maiiwasan iyon. Pati rin naman sina Belle at Claire ay nagtanong din sa kaniya.
"Okay, okay, alam ko na kung bakit ayaw mo siyang palitan. Dahil kahit hindi na kayo nagsasama ay kasal pa rin kayo."
"Princess..." saway niya rito.
"Okay, sorry," hinging-paumanhin nito. "Enough, Princess, enough," pagkausap nito sa sarili.
"That's better," aniya. Pero tama ang kaibigan niya. Kaya hindi niya matawag-tawag na ex-husband si Ethan dahil hindi pa napawalang-bisa ang kasal nila nito.
Tumingin-tingin na lang si Princess ng mga accessories. Mukhang hindi ito nakatingin nang maayos sa mga iyon kanina dahil naka-focus siguro sa lalaking nakilala nito roon. "Wala ka bang bibilhin?" tanong nito nang bumaling ito sa kaniya.
"Wala. Bayaran mo na ang mga 'yan," aniya sabay tingin sa mga napili nitong accessories. Hawak nito ang mga iyon.
Naalala niya ang magkaparehong kuwintas na ibinigay nila ni Ethan sa isa't isa. Ang totoo ay palagi niyang dala-dala iyon kahit hindi niya sinusuot. Ganoon din kaya ang ginawa ni Ethan sa kuwintas? O baka tinapon na nito iyon? Whatever he did to that necklace, she doesn't care.
Lumabas na sila ni Princess sa shop pagkatapos nitong magbayad. Habang naglalakad ay nakatingin siya sa puno na kung saan sa ilalim niyon ay sinuot nila ni Ethan sa isa't isa ang simbolo ng pagiging mag-best friend nilang mag-asawa.
"Naiisip mo ba ang naiisip ko, Daph?"
Naputol ang pagbabalik-tanaw niya. Napatingin siya kay Princess. "Ano naman ang akala mo sa atin, sina B1 at B2?" natatawang tanong niya.
Natawa rin ito. "Mag-boy hunting tayo," pagsabi nito ng naisip.
"Ha? Akala ko ba nakakita ka na?"
"Oo nga. Mangha-hunting tayo ng para sa 'yo."
"Ay, ayoko," kaagad na tanggi niya.
"Ayaw mo talaga siyang palitan."
"Ano na naman 'yang pinagsasabi mo?"
Hindi nito pinansin ang sinabi niya. "Kung ayaw mong maghanap ng lalaki, ibig sabihin, ayaw mo siyang palitan. Kung ayaw mo siyang palitan, ibig sabihin, mahal mo pa rin siya. Do you still love him?"
"There you go again, Princess."
"Bakit nga ba hindi ka maghanap ng boyfriend na pamalit sa kaniya kapag dumating na ang araw na wala nang bisa ang kasal n'yo?" panimula na naman nito.
"Saka na ako maghahanap kapag nangyari 'yon."
"So, ibig mong sabihin, hindi ka magbo-boyfriend hangga't kasal pa kayo?"
"The truth is, wala na akong panahon sa mga lalaki."
"Dahil siya lang ang nag-iisang lalaki sa buhay mo."
Hindi siya kaagad nakapagsalita. Waring nag-isip pa siya. "He's out of my life. Matagal na."
"Pero bakit parang iba ang sinasabi ng bibig mo sa sinasabi ng puso mo?"
"Stop it, Princess," medyo umalsa na ang boses niya. "Please," mahinahong pakiusap niya.
"I'm sorry. Ang kulit ko talaga, ano?"
"Super."
"Mabuti alam ko," natatawang sabi nito.
Natawa rin siya. Pero siguro ay tama ito sa sinabi nitong iba ang sinasabi ng bibig niya sa sinasabi ng puso niya. Dahil bigla ay parang na-miss niya si Ethan.