Third person's pov:
"Magt-transfer ka na sa Victoire's University, Hirai." Napaangat ang tingin ni Hirai mula sa pagkain nang marinig ang sinabi ng kanyang amang si Mang Ernie. Nagdududang tinitigan niya ito na hindi man lang nag-abalang lingunin siya.
"Sa Victoires ho, 'tay?" Naninigurong tanong niya.
Sa pagkakaalam ni Hirai, 'di hamak na mas mahal ng sampung beses kesa sa kasalukuyan niyang pinapasukang unibersidad ang eskwelahang binanggit ni Mang Ernie. Nasa sentro iyon ng siyudad at pawang mga mayayamang tao lamang ang nakapag-aaral.
May mini grocery store sila sa tapat ng bahay nila kung saan kinukuha ng kanilang pamilya ang lahat ng pang araw-araw nilang pangangailangan dahil parehong retired ofw na ang kanyang mga magulang. Sapat naman sa palagay niya ang kinikita noon, pero sigurado siyang kahit mabenta at ibaligtad nila ang laman ng tindahan ay hindi pa rin sasapat iyon para makapag-enroll siya sa sosyal na eskwelahang iyon.
Kaya nga Education ang kinuha niyang kurso sa kolehiyo sa halip na Engineering ay dahil sa hindi nila kaya ang kaluhuan ng kursong iyon.
Luh! Nanalo kaya sila sa lotto?
Aba teka...
"Tay, magkano ho ang na-jackpot-an ninyo sa lotto? kelan kayo bibili ng kotse? Kukuha na ba tayo ng labandera? Noong isang araw kasi nagreklamo yung partner ko sa folk dance presentation namin, ang gaspang daw ng kamay ko!" Sunod-sunod na sabi ni Hirai, bago inisang subo ang isang buong longganisa.
Naalala pa niya kung paano nagdusa sa kanyang mga kamay ang reklamador na kaklase. Kinutusan niya ng paulit-ulit. Nakakaasar kasi. Kailangan bang ipangalandakan ang mga bagay na obvious naman?
"Araay!" Halos mabulunan si Hirai dahil basta na lang inihampas ni Mang Ernie ang inirolyong dyaryo sa ulo niya. "Tay, naman!" Reklamo niya habang hinihilot ang nasaktang ulo. "Kung ayaw ninyong kumuha ng katulong, okay lang naman. Hindi ninyo kailangang maging bayolente."
"Hindi ako tumataya sa lotto! Kung ano-anong pinagsasabi mo diyan. Puro ka katamaran!"
"Hindi ba?" Tinigilan na ni Hirai ang pag-alo sa ulong nadale ng malupit na dyaryo ni Mang Ernie. Puno ng kuryosidad na tiningnan niya ang ama matapos idikit ang kinauupuan sa tabi nito. "Kung gano'n tay. Paano naging posible ang pagt-transfer ko sa Victoires?"
Napansin niya ang biglaang pagbabago sa ekspresyon ng kanyang ama. Pero dahil abala siya sa 'pagiisip' ay hindi na niya iyon pinagtuunan ng pansin.
"Nakausap ko si Mr. Shun. Ibinigay ko sa kanya ang files at record mo mula sa dati mong eskwelahan. Alam naman niya ang kapasidad mo sa pag-aaral kaya nagawa ka niyang isama sa listahan ng mga bagong scholar na papasok ngayong semester sa Victoires. Kahit anong kurso pwede mong kuhanin. Kaya may pag-asa ka nang maging engineer."
Na-touch naman si Hirai dahil sa sinabi ni Mang Ernie. Hindi ito palakibo at awkward kumilos sa harap ng ibang tao pero nagawa nitong lapitan ang mayaman nilang kapitbahay
Posible naman ang sinasabi ng kanyang ama. Si Mr. Shun kasi, sa kabila ng pagiging multi-millionaire ay napaka-humble na tao. Kilala itong good samaritan sa lugar nila. Laging bukas sa pagtulong ang mabait na hapones. Isa rin itong share holder sa Victoires University kaya nasisiguro niyang madali lang para dito ang maipasok siya sa eskwelang iyon. Minus her good credentials of course.
Plus, the fact na tatay ito ng bestfriend at kababata niyang si Yilla Shun. Pero ang nakapagtataka lang kasi... "Tay, isang buwan na ang nakalipas simula ng mag-start ang first semester. Bakit ngayon ninyo lang naisipang kausapin si Mr. Shun? Hindi ba ang hassle naman masyado kung magt-transfer at magshi-shift pa ako ng course ngayon?"
bumuntong-hininga si Mang Ernie bago kunot-noong binalingan si Hirai. "Gusto mo ba o ayaw mo?"
"Gusto ko syempre, tay!" Mabilis na tugon ni Hirai. "Pero curious lang naman ako kung bakit biglaan ninyo akong pinalilipat ngayon. Malay ko kung tumama talaga kayo sa lotto tapos ayaw ninyo lang talagang kumuha ng katulong. hehe,"