Lumubog na ang araw sa malayong karagatan. Naupo ang batang si Ishi sa pasukan ng kwebang nasa gitna ng marmol na bangin. Katabi nito ang aso niyang si Az na palagi niyang kasama. Lumipas na naman ang isang araw at muli ay wala pa rin siyang natagpuang sagot sa kaniyang mga tanong. Heto na naman at muli na naman niyang pagmamasdan ang napakagandang tanawin. Tanawing lalo lang nagpapalabo ng kaniyang paningin. Nagpapakaabala sya sa pag-uukit ng mga marmol na estatwa sa loob ng kwebang iyon. Mga inukit na ginaya sa lalaki't babae na nakita nya sa isang larawan na naiwan sa loob ng isang kaha ng attache. Sinira pa niya ito dahil mayroon itong de numerong susian. Wala siyang kaalam-alam kung ilang taon na siyang naroon sa kagubatang iyon, ni hindi niya alam kung ano ang kanyang tunay na pangalan. Ishi ang tinawag niya sa kanyang sarili na hinango niya sa nakabordang ISHI sa kaniyang damit. Umaasa siyang darating din ang araw na may pupunta sa kagubatang iyon upang ipaalam sa kanya ang tunay niyang pagkatao. Umaasa syang kahit dumaan na ang maraming taon ay may babalik pa rin para sa kanya. Iyon ang pinakaasam-asam nyang mangyari kaya hinding-hindi nya tatangkaing lisanin ang masukal na kagubatang iyon. Maghihintay siya kahit anong mangyari, abotin man siya ng marami pang taon.
Sa isang maunlad na siyudad sa kasabay na panahon....
  Naghahanda ng mga gamit si Alyssa Vasco. Isang Biologist at nagtatrabaho sa ahensya ng pamahalaan na nangangalaga sa kalikasan. Nakatakda siyang magpunta sa isang masukal na kagubatan upang alamin kung mayroon pang matatagpuang mga ligaw na orchids at iba pang ligaw na bulaklak. Nagulat siya ng may yumakap bigla sa kanya mula sa likuran. Ang kanyang anak labing limang taong gulang na si Cassey. Bigla pala itong pumasok sa kaniyang kwarto ng di niya napapansin.
"Mommy saan ka po pupunta?" usisa ng anak niya ng makitang naglalagay siya ng ilang damit sa bag.
"May camping adventure si mommy sa isang gubat, pero don't worry kasama ko mga kasama ko sa office." aniya.
"Wow adventure, pwede po akong sumama?" naglalambing na pakiusap nito. Hinawakan niya sa pisngi ang anak matapos isara ang zipper ng kanyang backpack.
"Delikado anak eh, three days kasi kami dun, pano ang schooling mo kung sasama ka? Don't worry, Mommy will take many pictures of the place na lang." sagot nya na nakasad-face.
"Ok, pero sa vacation we will camp there kasama si daddy ha..." hirit pa nito.
"Ok po, kung magugustohan ni daddy yung place. You know naman your dad." pabiro niyang pangako.
"Ako pong bahala kay daddy." anito at nagtawanan silang mag-ina.
 Ilang minuto lang ang lumipas ay dumating na mula sa trabaho si Victor Vasco, ang haligi ng tahanan. Nagtatrabaho si Vic sa Treasurer's office ng kanilang siyudad. Dahan-dahan nitong tinulak ang pinto ng kawarto nilang mag-asawa. Bumungad sa kaniya ang kaniyang mag-ina. Napakunot ang noo nya ng makita ang kakaibang ngiti ng dalawa ng lumingon ito sa kaniya. Lalo pa siyang nagtaka ng magtinginan ang mag-ina nya.
"Ano na naman? Sabihin nyo na ng makapagpahinga na ako." pakli ng Victor. Ngiti lang ang sinagot ng mag-ina nya.
"Kayong dalawa ha, akala nyo ba di ko kilala yang mga pangiti-ngiti nyo...may request na naman kayo ano?" dugtong ni Vic na naghuhubad na ng kanyang uniform. Nakasando siyang umupo sa kama para harapin ang dalawa.
"Ang anak mo, gusto sana sumama sa camping namin." sagot ni Alyssa.
"Naku, ikaw talagang bata ka, alam mo namang delikado yang mga ganyang lakad sasama ka pa." tutol ni Vic.
"Dad, adventure ang tawag dun." sabat ni Cassey na di na pinahaba pa ang sermon ng ama.
"May pasok ka ah, kamahal-mahal ng tuition mo." pabirong sumbat ni Vic.
"Yun nga sabi ko sa kaniya, kaya kung ok lang daw sa'yo...."ang pabitin na bigkas ni Alyssa. Napasapo sa kaniyang noo si Vic matapos makita ang ekspresyon ng mukha ng kaniyang asawa.
"Pagod po ako sa trabaho...exit na ako ng makapagluto na ng haponan."sabay tayong sabi ni Vic.
"Dad, nakapagluto na kami ni mommy." pigil ni Cassey sa papalabas ng ama. Huminto saglit si Victor ngunit di pa rin binibitawan ang door knob.
"Yun naman pala eh, let's eat na at pwede ng pakuloan ng itlog 'tong tiyan ko sa sobrang gutom." ayaw papigil niyang tugon. Walang nagawa ang mag-ina kundi ang humanap na naman ng ibang pagkakataon.
Kinabukasan sa gubat na kung tawagin nilay Puting Bato Forest Reserve, nagtungo ang grupo ni Alissa. Kasama nila ang mga CAFGU ng nayon na malapit sa gubat at ilang kawani ng Baranggay.
"Mga Ma'am at Sir." tawag pansin ng isang kagawad. Napatigil sila sa paglalakad upang pakinggan ang mga ihahabilin nito sa kanila. Lahat ng mga mata ay nakatutok kay Kagawad.
"Gusto ko lang po kayong paalalahanan na hindi po tayo pwedeng umakyat sa tuktok ng puting marmol na bangin na inyong makikita ng malapitan mamaya. Marami na kasing napahamak na mga hikers sa lugar na iyon na sabi nila'y nangunguha ng tao taon-taon." babala ng kagawad na siyang pinakamatanda sa grupo.
Biglang nakaramdam ng kaba ang mga kasama ni Alyssa na karamihan ay mga babae.
"Manong di kaya mapanganib kahit ang paglapit sa mismong bangin.?" tanong ng isang babaeng biologist.
"Wag po kayong mag-alala,kabisado ng mga CAFGU ang paligid ng bangin,wag lamang po tayong magtangka pang umakyat sa tuktok." magalang na sagot ng kagawad sa alinlangan nila.
Muling nagpatuloy ang pag-akyat ng grupo hanggang sa marating nila ang camping site ng gubat kung saan ay pwede silang magtayo ng mga tent at magpalipas ng gabi.
  Kumakain ng agahan ang mag-amang Vasco. Nakabihis na ang dalawa at sasabay na sa ama si Cassey sa pagpasok sa paaralan.
"Tumawag ba sa'yo ang mommy mo?" tanong ni Vic habang nasa harap ng hapag-kainan.
"Sabi niya po sa'kin baka di raw po siya makatawag dahil for sure raw walang signal don." sagot ni Cassey sabay subo ng kanin.
"Hayaan mo na,tatawag din yon pag nagkasignal." ang nasabi na lang ni Vic.
"Dad,..." nag-aalangang pakli ni Cassey. Napaangat ng mukha ang ama,at napatingin kay Cassey. Napatigil ito sa pagnguya.
"Bakit?" usisa ni Vic at uminom ng tubig panulak.
"May phobia po ba kayo sa pag-akyat ng bundok?" tanong ng anak. Napabuntong-hininga si Vic.
"Bilisan mo ang pagkain malelate na ako..." sagot niya sabay tayo at dinala ang plato sa kusina. Naiwang tahimik at inosente si Cassey. Nagmamadali ba talaga ang ama o iwas lang itong ipakipag-usap sa kaniya ang nakaraan nito, ang nasa isip niya.
   Habang nakaupo sa likod ng driver's seat, nanatiling tahimik si Cassey. Paminsan-minsan ay sinisilip siya ng ama mula sa salamin nito sa harap.
Muling nagbalik sa alaala ni Vic ang isang pagkakamaling hindi na niya gusto pa sanang sariwain. Dalawang taon na rin ang nakakalipas mula ng mangyari iyon. Pero parang kahapon lang mula ng mawala sa kaniya ang isang matalik na kaibigan.
"Mas mabuti ng wala kang alam anak..." bulong ng isip ni Victor.
  Muling nagpakita ang araw sa camping site ng grupo ni Alyssa, hindi siya binigo ng tanawin mula sa kinaroroonan nila. Naghanap siya ng magandang lugar para makunan ng magandang larawan ang pagsikat ng araw. Nakahiligan rin niya ang photography pero hindi niya ito masyadong pinag-uukolan ng pansin malibang kailangan niya sa trabaho niya sa pagsaliksik ng mga impormasyon tungkol sa mga rare species ng mga bulaklak. Napangiti siya habang binababa ang camera niya nakabitin sa kaniyang leeg. Napakasarap damhin ng malamig na hangin na humahampas sa kaniyang pisngi na mahinang nagpapasayaw sa buhok niyang hanggang balikat. Napalingon siya sa pagtawag ng kaniyang mga kasamahan. Muli na silang maglalakad papasok sa pusod ng kagubatan kung saan ay sinasabing may natagpuang mga ligaw na bulaklak.