Tumatakbo ng matulin si Thunder habang habol siya ng libo-libong zombie sa likuran niya. Hapong-hapo na siya dahil sa ilang oras na walang tigil na pagtakbo at ang sugat sa tagiliran niya ay mas lalo lamang lumalaki. Sobra nang daming dugo ang lumalabas mula roon dahilan para manghina siya nang husto.
Pero kahit nasa bingit na ng kamatayan ang buhay niya ay tila ba hindi na niya alintana pa kung mamatay man siya o hindi. Isa lang ang tumatakbo sa isipan niya, kung mamamatay siya, mamamatay siya. Pero syempre, hindi siya papayag na mamatay nang hindi lumalaban.
Nang maabutan siya nang iilang zombies ay napilitan siya na labanan ang mga ito sa kabila ng kundisyon niya habang tumatakbo. Naghagis siya ng limang pirasong karayom sa mga ito at tumama ang mga iyon sa noo, papasok sa loob ng utak ng mga ito.
Dahil sa ginawa niya ay sunod-sunod na natumba ang limang zombies. Nang bumagsak ang mga iyon ay napatid ang iba pang mga zombies kaya naantala ang paghahabol ng mga ito sa kanya.
Ginamit niya ang pagkakataon na iyon para tumakbo pa ng mas matulin. Natigilan siya nang makita kung saan siya dinala ng mga paa niya. Ang bahay na napuntahan niya ay walang iba kundi ang bahay na ipinagawa niya mismo para sa babaeng pinakamamahal niya!
Hindi na siya nagdalawang isip pa at umakyat siya sa mataas na pader na naroon. Agad siyang pumasok sa loob ng bahay at habang iginagalaw niya ang mga paa papasok ay hindi maiwasan na bumalik sa ala-ala niya ang mga masasayang ala-ala na mayroon sila ng babaeng pinakamamahal niya.
"Ang ganda naman dito! Bakit mo naisipan na magpatayo ng garden sa bahay mo?" Naaalala pa niya nang una niyang dalhin doon ang babaeng pinakamamahal niya, iyon agad ang unang tinanong nito sa kanya.
"Dahil alam ko na mahilig ka sa mga bulaklak..."
Iyon ang naging sagot niya. Matamis naman ang ngiti na ibinalik ng babae.
Doon na nangilo ang pakiramdam niya at bumagsak siya sa harap ng pinakapaboritong halaman ng babaeng pinakamamahal niya. Sa harap ng sun flower na tila nakangiti sa kanya.
Habang nakahandusay sa sahig ay nakahawak siya sa tagiliran niya. Ang sugat mula roon ay hindi nanggaling sa kagat ng zombie. Dulot iyon ng tama ng baril na pinakawalan ng isa sa pinakasamang taong nakilala niya. Si Raffy na katulad niya ay lumakas na rin dahil sa pagpatay ng napakaraming zombie sa mundo.
Sa mundo kung saan pagkain na lamang ng mga zombies ang mga katulad niyang tao, sino'ng mag-aakala na sa pagkaubos ng dugo ang magiging dahilan ng kamatayan niya?
"Mahal kita, Thunder. Mahal na mahal..." Tila naririnig pa niya ang malamig na boses ng babaeng pinakamamahal niya pero imposible ng mangyari iyon dahil patay na ito, matagal na. Ahh... Marahil nga ay talagang katapusan na niya kaya naririnig niya ang tinig nito.
Kung maibabalik lang sana niya ang nakaraan. Maaaring ngayon ay hindi pa sana siya mamamatay at buhay pa sana ang babaeng mahal niya...
--------
"PLEASE LANG, pakibatukan nga 'yang si Thunder!"
May narinig na pamilyar na boses si Thunder habang nakapikit ang mga mata niya. Saka siya nakaramdam ng matinding batok sa ulo mula sa katabi niya.
Bigla siya napatayo sa gulat. "Hindi ko kayo pababayaan na kainin ako!" pagsigaw niya.
Biglang nagtawanan ang mga tao sa paligid niya. Doon niya narealize kung nasaan siya. Nasa classroom siya!
"Mukhang napakalaswa naman yata niyang napapaginipan mo. Sino ang kakainin nino?" napailing ang guro na nakatayo sa harapan ng klase. "Hindi ka na nga matalino sa klase ay tinutulugan mo pa ako, Mr. Thunder Buenaventura. Ano na lang ang magiging future mo kung ganyan ang ugali mo?" panenermon sa kanya ni Mr. Rayver.
Iyon lamang at tumalikod na ito sa kanya saka ipinagpatuloy na ang sinusulat sa black board.
"Ano, bro, tulog pa more?" nakakalokong pang-aasar pa sa kanya ng kaklase niyang si Wendell na parang hindi naliligo. Katabi niya ito sa upuan sa left side niya.
Paano pa akong makakatulog kung nagising ako sa isang mundo na buhay pa ang lahat? Iyon ang sabi niya sa isip niya.
Palihim niyang sinubukan na kurutin ang sarili niya at nasaktan siya!
'Ibig bang sabihin nito ay panaginip lang ang lahat?' muling tanong niya sa sarili niya.
Saka nagbalik sa ala-ala niya ang lahat-lahat ng pinagdaanan niya noong nasa mundo pa siya kung saan mayroong mga zombie. Napailing siya.
'Imposibleng panaginip lang ang lahat. Naaalala ko pa ang lahat ng mga pinagdaanan ko noong mga panahong iyon. Dama ko pa rin ang sakit sa pagkawala ng mga taong mahal ko kaya imposible na hindi totoo ang lahat ng iyon.'
Saka siya napatingin sa kalendaryo na nakita niyang nakasabit sa loob ng classroom na kinaroroonan niya ngayon.
September 10, 2019.
Bigla niyang naalala ang date kung kailan sumiklab ang unang pagkakaroon ng mga zombies. Hindi niya makakalimutan ang date na iyon dahil iyon ang petsa ng nakaraan niya. September 16 iyon at mayroon na lamang siyang limang araw!
Tama, ang lahat ng nangyari sa kanya ay hindi isang panaginip lang pero paanong nangyari na bumalik siya sa nakaraan?
"Pre, ayos ka lang ba talaga?" untag sa kanya ni Sam. Ang nerd niyang kaibigan na isa sa mga unang namatay noong sumiklab ang panahon ng mga zombies at naging isa rin sa mga zombies.
Matangkad si Sam. Maputi, matangos ang ilong at mapula ang mga labi. Kung hindi ito marahil nakasuot ng makapal na salamin na halos tumatakip na sa buong mukha nito ay baka papasa pa itong model. Iyon nga lang, may pagkabaduy ito kung manamit at wala ring self confidence kaya naman pinagtatawanan ito at binubully palagi ng ibang tao.
Malinaw pa sa isip niya na namatay ito noon nang dahil sa mga masasamang kaklase niya. Kumalat na ang virus noon sa school nila at tanging ang classroom na lamang nila noon ang wala pang nakakapasok na infected. Nag-CR noon si Sam at nang lumabas ito sa CR ay marami ito noong nakasalubong na zombies. Nagawa nitong makaakyat papunta sa classroom nila at kumakatok sa kanila para papasukin ito pero ang mga duwag nilang kaklase, ayaw itong papasukin. Tanging siya lamang ang gustong magpapasok noon sa bestfriend niya pero sinapak lamang siya ni Wendell noon kaya naman nawalan siya ng ulirat at hindi natulungan ang bestfriend niya. Tanging ang sigaw na lamang nito noon ang huli niyang naalala bago siya mawalan ng malay.
Noong magising siya noon ay wala na ang mga kaklase niya at nagsitakasan na. Tanging siya na lamang ang mag-isang nasa classroom noon at tuluyan nang nasira ang pinto mula sa labas. Kitang-kita niya na isa si Sam sa mga magtatangkang pumatay sana noon sa kanya. Naging zombie na rin ito katulad ng iba pa. Mabuti na lamang at nakatalon siya sa bintana noon at nakakapit kaya nakarating siya sa second floor noon mula sa third floor. Noong nasa second floor na siya noon ay doon na siya unang nakaexperience na pumatay ng mga zombies gamit ang kutsilyo na nakuha niya noon mula sa canteen.
"Naging mahina ako noon kaya hindi kita natulungan noon, Sam pero ipinapangako ko sa 'yo na hindi ko hahayaan na may mangyari pa ulit sa 'yo na masama. Pinapangako ko iyon sa 'yo!"
Hinawakan niya na kamay ni Sam na nasa right side lamang niya dahil magkatabi sila sa upuan. Para namang biglang namutla ang kaibigan.
"Umm, Thunder, alam ko na hindi tayo sikat sa mga babae pero pasensya ka na, pre, ayokong maging bading." Halos pabulong na sabi nito.
Namagitan sa kanila ni Sam ang katahimikan. Maya-maya ay bigla na lang siyang napatawa ng malakas.
Oo nga naman! Walang alam si Sam sa mga maaaring mangyari sa hinaharap kaya naman talagang mawiwirduhan lang ito sa kilos niya.
"Sam, Thunder! Labas!" Hindi na nakapagpigil pa si Mr. Rayver at hinagisan pa sila nito ng eraser na agad naman niyang nasalo.
Nagulat ang mga kaklase niya sa ginawa niya. Malakas at hindi inaasahan ang pagbato ng guro nila sa eraser na iyon dahil nasa ilalim iyon ng desk nito pero nasalo niya iyon! Siya, na kinokonsendera na lampa ng lahat ay nasalo ang eraser ng mabagsik na Mr. Rayver!
"Sige ho, Sir, pasensya na po sa pag-iingay namin." Iyon lamang at hinila na niya si Sam palabas ng classroom.
Gaya ng kinagawian, kumuha sila ng
walis tingting at dustpan mula sa banyo at binuhat iyon papunta sa gym para gamitin nilang panlinis. Iyon ang tipikal na parusa ng guro nila para sa mga estudyanteng pasaway 'kagaya' niya.
Well, hindi lang ito ang kauna-unahang pagkakataon na naparusahan sila. Sa totoo lang, madalas silang napaparusahan, hindi dahil sa pasaway sila ni Sam kundi dahil sa grupo nina Wendell na madalas ay pinagtitripan sila para sila ang magmukhang pasaway sa mga mata ng guro nila.
Naalala nga niya dati, may inutusan itong kaklase mula sa likuran nila ni Sam para magbato ng kodigo at dahil mga uto-uto sila noon ay dinampot naman nila ang papel na ibinato sa kanila. Doon na sila nahuli noon ni Mr. Rayver na may hawak na papel na kodigo pala. Nang dahil sa pangyayaring iyon ay halos isang linggo sila noon na naging tagalinis ng CR at ng gym. Hindi na siya magtataka kung sasabihin ng guro na gagawin na nitong dalawang linggo ang parusa nila ngayon.
Napangisi na lang siya. Ganitong mga klaseng problema lang ang iniintindi niya noon. Bully na mga kaklase, broken family at love life na karaniwang problema ng mga 'normal' na tao. Pero sa pagkalat ng zombie virus noon ay mas mabibigat na problema nang hindi dapat pinoproblema ng mga high school students ang pinagdaanan niya noon.
"Paano mong nagawang saluhin ang eraser ni Mr. Rayver kanina? Sobrang bilis no'n, ah?" nagtatakang tanong ni Sam.
"Nagawa ko ngang makapatay ng maraming zombies noon, e. Iyong sumalo lang kaya ng eraser?" nakangising sabi niya.
"Zombies? Kaya naman pala nakakatulog ka sa classroom, panay ka siguro laro ng PS4 sa gabi!" react nito.
Napailing siya. Sana nga ay sa PS4 game lang siya pumapatay ng zombie. Too bad, sa totoong buhay talaga siya natutong pumatay ng mga zombies..
"Makinig ka, Sam. Ang takot ang nagpapahina sa isang tao. Kailangan mo lang maniwala na kaya mong gawin ang isang bagay kung gusto mong maging malakas. Iyon lang ang inisip ko noong sinali ko ang eraser kanina at iyon lang palagi kong iisipin para hindi na ako maging katulad ng dati. Nabigyan ako ng pagkakataon para makabalik sa nakaraan kaya naman sa pagkakataong ito ay magiging malakas na ako. Hindi na ako magpapatapak sa kahit na kaninong tao."
"Si Wendell ba ang tinutukoy mo?" nagtatakang tanong nito.
"Sana nga ay si Wendell lang. Pero sa panahon na pinanggalingan ko ay ni hindi man lang siya naging threat sa akin. Marami pang ibang tao na naging mas malakas pa sa kanya at naging tagasunod lamang siya."
"Si Wendell, naging tagasunod? Imposible 'yang sinasabi mo dahil sa school natin ay siya ang pinakamalakas! Imposibleng may pakinggan siyang ibang tao bukod sa sarili niya!"
Tama nga naman, sa panahong ito ay feeling ni Wendell ay ito ang pinakamalakas pero sa panahong pinanggalingan niya ay isa ito sa mga tao na kayang lumuhod sa iba para lang sa sarili nitong buhay.
"Ayos ka lang ba talaga, pre? Wala ka bang lagnat? Kung ano-ano kasi ang sinasabi mo," nag-aalalang tanong ni Sam.
"Wala, ayos lang ako," sabi na lang niya.
Kaunti pa lang ang mga narinig ni Sam at sinabihan na siya nito na baka may lagnat. Baka kapag sinabi na niya rito na nalalapit na ang pagkalat ng zombie virus ay baka sabihan na siya nitong baliw.
"Sobrang ganda talaga ni Alice. Hindi na masama na maglinis sa gym kung siya naman ang makikita ko rito araw-araw. Hayy, napakaswerte mo talaga, Thunder, paano kang nagkaroon ng kapatid na sobrang ganda katulad niya? Napakahinhin pa niya. Ganyan din ba siya sa bahay?"
Bumalik siya sa kasalukuyan nang marinig ang bestfriend niyang nerd na pinagpapantasyahan ang napakaganda niyang kapatid na babae. Si Alice.
Dahil naroon sila sa gym para maglinis ay nakita nila roon ang babae kasama ng mga kateam ng mga ito. Volleyball player ng school si Alice at katulad ng sinabi ni Sam ay napakaganda nga talaga nito.
Unat na unat ang mahaba nitong buhok. Kasing puti ng nyebe ang pantay na kulay na balat nito at napakakinis din niyon. Ang ilong nito ay matangos at mapula rin ang mga labi nito. Mahaba ang pilik mata nito at may pares na mga mata na tila ba laging nagniningning kapag tinititigan.
Bumagay din sa kapatid niya ang uniform ng mga ito na white tank top kung saan kita ang belly button nito at maiksing itim na shorts na pinaresan ng itim na rubber shoes. Kahit na hindi katangkaran si Alice ay maganda ang legs nito. Ang height nito ay saktong 5ft lang pero sapat na para kakiligan ito ng maraming lalaki at kainggitan ng maraming babae.
Bakit nga namang hindi? Bukod sa inosente at nakapaganda nitong mukha ay maganda rin ang hubog ng katawan nito. Ang bewang nito ay maliit at wala ni katiting na taba. May katamtamang laki naman ang dibdib nito at puwitan nito. Ito ang tipo ng babae na hindi bastusin kung titingnan. Ito ang tipo na inosente, cute sa paningin ng marami na tila gusto mong protektahan o ilagay sa bulsa para hindi makita ng iba.
Volleyball player si Alice at katulad ng sinabi ni Sam, mahinhin pa rin ang kilos nito kahit pa mahilig ito sa sports. In fact, ito ang pinakagirly tingnan kung ikukumpara sa mga kasama nitong naroon sa team nito.
"Go, Alice! Kaya mo 'yan!" pagsigaw ng isa sa mga nanonood sa practice na naroon din sa gym.
Isang matamis na ngiti lang ang binigay ni Alice
Ang lalaking iyon na si Bran ang leader ng fans club ni Alice. Yeah, sikat sa buong school si Alice, to the point na mayroon itong sarili nitong fanclub sa school na palaging active sa mga practice at competition ng team nito sa ibang school.
Pagdating sa school ay tila nasa magkaibang mundo sila ni Alice. Ito ang school idol habang siya naman ang tinuturing na isa sa pinakamalaking loser ng school. Hindi nga raw kasi siya matalino ay mahina pa siya sa kahit ano'ng sports. Wala rin siyang talent pagdating sa kahit ano'ng bagay na nakikita ng iba. Ni hindi siya magaling kumanta o sumayaw.
Tama. Malayong-malayo sa kanya si Alice. Para silang isang langit at lupa.
"Kuya!"
Muling nawala ang bula ng imahinasyon niya nang bigla niyang narinig ang boses ni Alice na tinatawag na pala siya. Napansin pala nito na nakatingin sila rito kaya naman kumaway ito sa kanya na ubod ng tamis ang ngiti.
Napansin niya na lalo lang nagkorteng puso ang mga mata ni Sam dahil nasa gawi nila ang tingin ng babae habang tingin naman ng pagkainggit ng mga fanboys nito na nakaupo lang malapit sa kanila ang nararamdaman niya.
Bakit sa dinami-dami ng pwedeng maging kapatid ni Alice ay siya pa?
Tama, ang loser ng school!
Mukha siyang pervert! Hindi na ako magtataka kung hindi safe ang queen natin sa kanya!
Napailing na lang siya ng marinig ang bulungan ng mga ito. Sanay na naman siya kaya hindi na siya gaanong naaapektuhan. Minsan lang talaga ay nawiwirduhan siya sa mga fanboy ni Alice dahil kahit siya na kapatid na nito ay tila pinagseselosan pa ng mga ugok.
Pero hindi sila importante. Gagawin ko ang lahat para mabuhay ka, Alice. Kahit isakripisyo ko pa ang buhay ko o kahit ako pa ang mamatay para lang mailigtas ka ay gagawin ko. Tama, handa akong mamatay at pumatay para lang sa 'yo. Gagawin ko ang lahat para hindi maulit ang nangyari noon na nawala ka sa akin. Hinding-hindi ako papayag na mamatay ka ulit...
Iyon ang tumatakbo sa isipan niya.
Saka muling nagbalik sa isipan niya ang mga nangyari noon. Si Alice ay naliligo sa sarili nitong mga dugo. Iyon na marahil ang isa sa pinakamadilim na pangyayari sa naging buhay niya noon. Isang pangyayari na may pagkakataon siyang agapan ngayon.
Ito marahil ang dahilan kaya siya ibinalik ng tadhana sa nakaraan. At iyon ay para iligtas ang dalawang taong mahalaga sa buhay niya. Ang bestfriend niyang si Sam at ang nag-iisa niyang kapatid na si Alice...