Chapter 14 - Her Wish
Namilog ang mga mata ko nang marealize na ang babae talagang 'yon ang tunay na Eirin base sa dami ng buntot niya.
Eh may sakit siya ah kaya bawal siyang lumabas sa kanila kaya anong ginagawa niya rito?
Naglakad na ako papunta sa kaniya para sa kaniya mismo makuha ang sagot sa tanong kong 'yon. Kahit na ang ingay ng mga yabag ko dahil sa mga naapakang kong mga damo sa paglapit sa kaniya, ni hindi siya lumingon at nakatingala pa rin lang sa kalangitan.
Nang makalapit na ako sa kaniya ay kinulbit ko siya sa balikat. "Eirin?" nagdududa ko pa ring tanong dahil nagtataka talaga ako kung bakit siya nandito ngayong gabi.
Napalingon naman siya sa'kin at namilog ang mga mata nang makilala na ako. "B-binibining Queen..." bakas sa mukha niya na hindi niya talaga inaasahang makita ako rito ngayon.
"Anong ginagawa mo rito ngayon? Mahina ang katawan mo kaya hindi ka dapat lumabas sa inyo. Sobrang lamig pa naman ngayong gabi." Kung hindi nga lang mahahaba ang mga suot namin na may maraming layers, baka nangangatog na ako sa lamig.
Kumalma na ang expression niya. "Maraming salamat sa iyong pag-aalala binibining Queen. Naisipan ko lamang na magpunta rito dahil napakatagal na nang huli kong makita ang lugar na ito."
"Queen na lang ang itawag mo sa'kin. Masyado ka namang pormal."
Napakurap-kurap naman siya. "Ganoon ba? Kung iyon ang iyong nais... Queen."
Tiningnan ko siya at mukhang kaya niya namang tumayo mag-isa. "Alam ba nila Inang Sreimi at Rio na nagpunta ka rito ngayon?"
Siguradong mag-aalala ang dalawang 'yon pag nakitang wala siya sa kanila lalo na si Rio. Kitang-kita ko naman kung gaano siya kamahal nito na ayaw siya nitong mastress kahit kaunti.
"Nangungulila lamang talaga ako sa lugar na ito. Itong lugar na tanging nagbibigay lakas sa aking katawan." Tumingin siya sa paligid at para siyang may naaalalang mga masasaya dahil napangiti na siya.
Nakatitig lang ako sa kaniya.
"Si Gani na ang gumagawa ng paraan upang hindi siya malungkot. Sinasamahan siya lagi nito sa malawak na lugar ng mga bulaklak dahil batid nito na roon siya sasaya."
"Kung hindi nga lamang talaga tinanggihan ni umbo noon na ikasal na silang dalawa ayon sa aming tradisyon, may mga supling na siguro sila ngayon." naalala kong nabanggit ni Rio sa'kin noon.
Para namang may pumitik sa puso ko at nakaramdam din ako ng inggit kay Eirin.
Kung para sa kaniya kasi, puno ng masasayang alaala ang lugar na ito para sa kanila ni Gani na nakapagpapangiti sa kaniya pero para sa'kin naman... isang bangungot ang naaalala ko rito na nagpapahapdi sa puso ko.
Bumaling na siya sa'kin. "Kamusta naman si Isagani?" bigla niyang tanong.
Napakurap-kurap naman ako at napaiwas ng tingin. Hindi ko inakalang bubuksan niya ang tungkol kay Gani. "A-ayos lang naman siya." Bigla tuloy akong nailang. Siya pa rin naman kasi ang dating dapat pinakasalan ni Gani.
"Mabuti naman kung ganoon. Mukhang hindi ko na talaga kailangang mag-alala pa kung siya ay nalulungkot dahil nariyan ka na upang siya ay pasiyahin." Base sa tono niya, siguradong nakangiti siya.
Hindi ko naman nagawang mapigilan ang pagbuga ng hangin na may frustration. Kusa nang solusyon 'yon ng katawan ko para kalmahin ang hindi magagandang emosyong namumugad na ngayon sa dibdib ko. "Kung iniisip mo na masaya siya sa'kin dahil ipinakilala niya ako bilang mapapangasawa niya, nagkakamali ka. Ginawa niya lang naman 'yon dahil hinawakan ko ang buntot niya. Ibig sabihin, sumusunod lang siya sa tradisyon n'yo."
"K-kung gan'on, bakit mo ako pinakilala bilang mapapangasawa mo?!"
"Simple lamang. Hinawakan mo ang aking buntot at tradisyon na sa aming mga Gisune na dapat ay ipakilala kita bilang aking mapapangasawa dahil sa iyong ginawa. Binigyan mo pala iyon ng espesyal na kahulugan?"
Napahigpit ang hawak ko sa gilid ng mahaba kong palda nang maalala ko ang masasakit na mga sinabing 'yon ni Gani sa'kin.
Nagkaroon ng katahimikan sa pagitan namin kaya napatingin na ako sa kaniya.
Nakatitig lang siya sa'kin nang matiim. "Queen, itinatangi mo ba si Isagani?" deretsahan niyang tanong.
Nanlaki naman ang mga mata ko. "A-ano?! H-hindi ah!" defensive na sabi ko pero nakatingin pa rin siya sa'kin nang ganoon na halatang alam niya na nagsisinungaling lang ako. "Tsk. Oo na. Oo na." sumusuko kong sabi.
"Iniibig mo siya?" paninigurado niya.
"Sinisigurado mo pa eh alam ko naman na alam mo na talaga. Nabanggit na rin naman sa'kin ni Rio ang nakaraan n'yo. Na ikakasal dapat kayo noon pero tinanggihan mo lang dahil sa sakit mo pero nang dumating ako at hawakan ang buntot niya, ako na dapat ang mapapagasawa niya ngayon. Ibig sabihin, karibal mo na ako sa kaniya." Hindi na ako nagpaligoy-ligoy. Mukhang 'yon naman ang gusto niyang gawin ko.
Akala ko, maiinis siya sa mga pinagsasabi ko pero imbis, tumawa siya nang mahinhin. Hindi naman ako sanay dahil laging mataray at maldita ang mukha niyang 'yon sa panggagaya ni Rio sa kaniya pagdating sa'kin. "Nakikita mo ako bilang iyong karibal kay Gani?" napatawa ulit siya nang mahinhin na parang kalokohan 'yung sinabi ko.
"Bakit? Hindi ba?" nalilito kong tanong.
"Tunay nga na itinatangi ko siya noon magpasahanggang ngayon ngunit matagal ko nang naisuko ang pagnanais na mapunta siya sa akin Queen. Mahal na mahal ko siya na hindi ko kayang itali siya sa isang tulad ko na napakahina at walang kahit anong kakayahan upang maging karapat-dapat para sa kaniya."
Hindi ko alam pero napahanga niya ako sa pagiging selfless niya.
Tumingala na ulit siya sa kalangitan habang nakangiti pa rin. "Paslit pa lamang ako ay pahina na nang pahina ang aking katawan. Dahil lamang sa aking walong buntot kaya kami naitakda para sa isa't isa ngunit noon pa man ay paulit-ulit na akong humihingi ng tawad sa kaniya dahil hindi ko magagampanan nang maayos ang pagiging asawa niya sa hinaharap sa kalagayan kong ito. Hindi rin ako nabiyayaan ng kahit na anong kakayahan kundi ang karamdaman lamang na ito kaya hindi talaga ako nararapat para sa kaniya."
Hindi man ako ang nakaranas pero sa mga mata niya ngayong nakatitig sa buwan, doon nasasalamin ang paghihirap na dinadanas niya noon dahil sa sakit niya. Mahal niya si Gani pero kailangan niya itong pakawalan para sa ikabubuti nito.
"Nang mabatid ko na mayroon siyang ipinakilalang mapapangasawa niya ay inaamin ko na nasaktan ako ngunit nang mapansin ko ang malaking pagbabago sa kaniya na hindi ko nagawa noon, napalitan na ng sinserong kasiyahan ang sakit na iyon sa aking puso. Napabatid din sa akin na madalas na raw siyang ngumingiti at tumatawa. Ipinakita niya rin daw ang kaniyang mga buntot sa ibang mga Gisune gayong ang mga iyon ay nagpapaalala sa kaniya ng pinakamasasamang alaala na mayroon siya."
Nakatitig na ulit siya sa'kin ngayon at ang daming sinasabi ng mga mata niya.
"Ang lahat ng mga iyon ay dahil sa iyo Queen... at masayang-masaya talaga ako na napabago mo nang ganoon si Isagani." Ngumiti siya ang sincere at imbis na maging masaya ako dahil sa mga sinasabi niya tungkol sa pagpapabago ko kay Gani, may pamilyar na kirot na naman akong naramdaman sa dibdib ko.
Kahit sabihin niya pa ang mga 'yon, hindi ko na bibigyan ng special meaning ang mga kilos ni Gani dahil 'yon naman ang sinabi nito sa'kin na 'wag na 'wag kong gagawin kung ayaw kong masaktan pa lalo.
Napatungo na lang ako at hindi umimik.
"Nabatid ko nga rin pala na ika'y isang mang-aawit sa mundo ninyong mga mortal Queen." biglang singit niya ng topic na 'yon out of the blue.
Nailang na naman tuloy ako. "A-ahh. Oo." 'Wag naman sana niya akong pakantahin ngayon.
Lumawak ang ngiti niya na tuwang-tuwa sa narinig. "Nakamamangha naman! Katulad ka rin nila Isagani at Rio na nagtataglay ng isang talento kung saan kayo lubusang magaling. Ano kaya ang pakiramdam na magkaroon niyon?" nangangarap na sabi niya.
Tss. Kung alam niya lang kung gaano kahirap maging specialist kung saan sa isang bagay ka lang sobrang nag-e-excel. "Hindi naman talaga maganda kapag sa isang bagay ka lang magaling. Kapag nawala na kasi 'yon sa'yo, parang mawawalan ka na ng direksyon sa buhay at wala ka na ring silbi para sa iba."
"Naroroon ako ng gabing iyon dahil doon ko balak buksan ang portal pabalik dito sa aming mundong ito sapagkat hindi na kita maririnig na kumanta."
"Ang tinig mo lamang naman ang dahilan kung bakit ako nagpaalipin sa iyo roon. Nais kong marinig muli nang malapitan ang iyong tinig ngunit hindi nangyari dahil sa pagkasira—"
"Eh 'di sana, pinabayaan mo na akong mamatay! Dapat umalis ka na at hindi ako pinansin noon! Wala na rin naman akong kwenta sa'yo katulad ng iba, 'di ba?!"
Isa na si Gani sa mga taong gusto na akong iwanan dahil sa nasira kong talento.
Tama na ang pagtorture mo sa sarili mo Queen sa pag-alala sa masasakit na sinabi sa'yo ni Gani noon! Naging masochist ka na ba talaga nang mapunta ka lang sa mundong 'to?!
Anong magagawa ko kung kusa nang nagpe-play ang mga 'yon sa isip ko kahit naman gusto ko nang burahin ang mga 'yon sa alaala ko.
Hinawakan ni Eirin ang kamay ko kaya napabalik sa'kin ang isip kong lumilipad. "Ngunit nasa iyo naman ang puso ni Gani at napapasaya mo siya na hinding-hindi ko kayang gawin kaya huwag mong sabihin na wala ka nang silbi." ang lamig-lamig ng kamay niya dahil sa mababang temperatura ng paligid. "Pakiusap Queen... alagaan mo siyang mabuti at patuloy na pasayahin. Iyon naman ang pinakanahihiling ko sa buhay kong ito. Ang kasiyahan niya palagi at ang kabutihan ng lagay niya... kaya nakikiusap ako sa iyo. Huwag mo siyang sasaktan."
Nanlaki naman ang mga mata ko at gusto kong mapatawa nang sarcastic sa sinabi niya.
Ako pa talaga ang 'wag mananakit kay Gani? Eh siya nga ang dahilan kung bakit ako laging naiyak kapag gabi.
Magrereklamo na sana ako sa kaniya nang maramdaman na namin ang malalaking butil ng ulan na biglaan na lang pumatak.
Lagot! Mahina pa naman ang katawan nito ni Eirin.
Hinawakan ko na siya sa kamay niya. "Sumilong na tayo!" nagmamadali kong sabi sa kaniya at tumango naman siya.
Tatakbo na sana kami para humanap ng masisilungan nang bigla na lang siyang mapadapa sa mga bulaklak kaya napalingon ako sa kaniya.
"Eirin!" Tinulungan ko siyang tumayo pero para siyang hinihika sa bigat ng hinga niya at hinang-hina na rin siya.
Basang-basa na kami pareho sa lakas ng ulan.
"A-ayos lamang ako." Sinubukan niya pang tumayo habang alalay ko pa rin pero napaubo-ubo na siya na mukhang kanina niya pa pinipigilan... hanggang sa hindi niya na talaga kinaya at napadapa na siya nang tuluyan.
Wala na ring lakas ang kamay niya kaya sobrang nanlaki ang mga mata ko at nilamon na ng kaba ang dibdib ko para sa buhay niya. "EIRIIIIN!"
* * *
Pasan-pasan ko si Eirin ngayon habang tumatakbo sa putikan at sobrang lakas pa rin ng pagpatak ng ulan na parang may malakas na bagyo. "Tulong! Tulungan n'yo kami!" paghingi ko ng tulong sa labas ng bahay na nadaanan ko pero walang nagbukas sa'kin ng pinto.
Malalim na ang gabi at siguradong tulog na ang marami kaya walang nagbubukas sa'kin ng pinto. Sobrang lakas din ng ulan at namamaos na ako kaya walang makarinig sa paghingi ko ng tulong.
Para na akong mababaliw ngayon na palinga-linga sa paligid dahil hindi ko alam ang gagawin ko sa pasan kong si Eirin. Tiningnan ko ang mukha niya sa balikat ko at namumutla na talaga siya. "Kayanin mo 'to Eirin! Maipapagamot kita kaya pilitin mong kayanin 'to!" pagpapalakas ko ng loob niya at tumakbo na ulit ako.
Kung walang makakatulong sa'min dito ngayon, iuuwi ko siya sa kanila kung saan talagang ipagagamot siya.
Hindi ko alintana ang bigat niya at ang lamig ng paligid ngayon. Salamat sa adreniline rush ko, nakakaya ko ang lahat ng 'to na kung sa normal na araw, hinding-hindi ko makakaya.
Malapit na ako sa bahay nila nang masalubong ko si Rio na basang-basa rin ng ulan katulad namin. Nasa tunay niya siyang anyo at halatang hinahanap niya si Eirin.
Nanlaki nang sobra ang mga mata niya nang makita na kami. "Umbo Eirin!" Hangos na tumakbo na siya palapit sa'min at halatang hindi makapaniwala na pasan-pasan ko ngayon ang kapatid niya. "A-anong ginawa mo sa aking kapatid?!" bintang niya kaagad sa'kin.
Nainis naman ako sa kaniya. "Mamaya ka na magtanong at tumawag ka na ng manggagamot papunta ng bahay n'yo! Doon ko siya dadalhin ngayon!" nagmamadaling sabi ko kahit paos at tatakbo na sana ulit ako papunta sa kanila pero hinarang niya ako.
"Ikaw ang gumawa niyon at ako na ang magdadala sa kaniya sa aming bahay!" sigaw niya sa'kin at balak agawin ang pagkakapasan ko kay Eirin.
"ANO BA RIO?!" halos mawala na ang boses ko at sobra ring sumakit ang lalamunan ko. "Sundin mo na lang 'yung sinabi ko kung ayaw mong hindi na natin mailigtas 'tong kapatid mo! Hindi mo siya kayang buhatin kaya bilisan mo na at tumawag ka ng gagamot sa kaniya!"
Tumakbo na ako papunta sa kanila at nagsidatingan na sa kung saan ang mga servants nila. Halatang galing din sila sa paghahanap dito kay Eirin. Pati si Inang Sreimi, nandito rin sa labas at basang-basa ng ulan.
"Eirin!/Binibini!" hindi nila makapaniwalang tawag dito kay Eirin nang makita na ang lagay nito.
Nilagpasan ko lang sila at dumeretso sa nakasaradong pinto. "Bilisan n'yo at buksan n'yo na ang pinto!" hangos na utos ko sa kanila na agad namang sinunod ng isang servant.
Binuksan na nito ang unahang pinto ng bahay at nanakbo na agad ako papasok habang sobrang humihiling na maging maayos na si Eirin pagkatapos nito.
* * *
"Maraming-maraming salamat talaga binibining Queen sa pagdadala mo rito sa aking apo. Mahal na mahal namin siya na hindi namin kakayanin kapag mawala siya sa amin." sobrang pasasalamat sa'kin ni Inang Sreimi at yukong-yuko.
Napatingin naman ako sa nakasarang pinto sa likuran nila ng katabi niyang si Rio at naroon sa loob n'on ang kasalukuyan nang ginagamot na si Eirin. "Ayos lang po 'yon." halos wala nang boses na sabi ko. Ibinalot ko na ring mabuti ang tuwalyang ibinigay nila sa'kin dahil giniginaw ako at nahihilo pero hindi ko lang pinapahalata.
Basang-basa pa rin kasi ako at hindi pa nakakapagpalit dahil pagkadala ko kani-kanina lang dito kay Eirin, may dumating na kaagad na manggagamot para sa kaniya. Wala na rin ang adreniline rush ko kaya nararamdaman ko na ang sobrang pagod sa katawan ko sa pagpasan sa kaniya at pagtakbo mula sa malayo.
"Magpalit ka na ng kasuotan binibining Queen dahil baka magkasakit ka." nag-aalalang sabi ni Inang Sreimi sa'kin. "Hindi namin maipapakita nang maayos ang pasasalamat namin sa iyo kapag nahayaan naming magkasakit ka. Napakalaki na ng utang na loob na tinatanaw naming mga Cygnus sa iyo sa pagkakaligtas mo sa buhay ni Eirin kaya gagawin namin ang lahat upang mabayaran iyon kahit papaano."
Magpapahumble pa sana ako pero umismid si Rio sa tabi niya kaya napatingin kami sa kaniya.
"Anong utang na loob Inang? Maaari ngang ang babaeng iyan ang dahilan kung bakit nagkaganoon si Umbo Eirin." matabil na sabi niya.
Pumintig naman ang sintido ko at nahihilo na talaga ako pero kinakaya ko pa ring tumayo at nataasan ko pa nga siya ng isang kilay. "Bakit ko naman gagawan ng masama si Eirin eh ako nga ang nagpakahirap na dalhin siya rito?" 'Di ko magawang hindi pumatol sa malditang 'to kahit paubos na ang boses ko at masakit na ang lalamunan ko.
"Dahil nagseselos ka sa kaniya kay Gani! Nabanggit ko sa iyo noon na siya ang dapat mapapangasawa ni Gani kaya mo siya siguro—"
"ZARIONE!" malakas na sigaw sa kaniya ni Inang Sreimi na ikinatalon nang kaunti ng katawan ko.
Napatigil naman si Rio at hindi makapaniwalang napatingin sa kaniya.
"Hindi kita pinalaki upang mangbintang nang masama sa iba!" galit na galit na sabi nito.
Ngayon ko lang siya nakitang magalit nang ganito at mukhang ngayon lang din niya nasigawan nang ganoon 'tong si Rio base sa reaksyon nito.
"N-ngunit Inang! Bigla na lamang nawala si Umbo Eirin sa kaniyang silid na hindi pa nangyari noon! Tapos ay iuuwi siya ng babaeng ito sa ganoong kalagayan kaya hindi n'yo ako masisisi na pag-isipan siya nang masama!" pakikipagtalo ni Rio pero lumalabo na ang mga mata ko at humihina na rin ang pandinig ko.
Nakita kong nagsalita pa si Inang Sreimi pero umiikot na ang paligid sa'kin at napahawak pa ako sa balikat ni Rio para manatiling nakatayo.
Napatingin naman siya sa'kin hanggang nawalan na talaga ng lakas ang katawan ko kaya napunta sa kaniya ang bigat ko at napahiga na kami sa sahig...
...hanggang sa naging madilim na ang lahat.
Ipagpapatuloy...
Next Chapter na ang revelations kung ano ang mga ginagawa ni Gani para kay Queen.