Palabas na ako ng bahay nila nang may tumawag sakin. Tumigil ako sa paglalakad at nilingon ang tumawag sakin.
Nakita ko yung anak ni Lucio Zamora.
"Narinig ko yung pag-uusap niyo ni daddy. Gusto ko makita si Kuya Andrei. I'll try to convince my father." Sabi niya.
Tumango ako at pilit na ngumiti. "Salamat." Tumalikod na ako at naglakad na palayo sa bahay nila.
Pagkabalik sa hotel ay nagpahinga agad ako sa kwarto ko. Napaiyak nalang ako habang inaalala si Andrei.
Ang balak ko ay sorpresahin siya pagbalik sa Manila. Pumunta ako dito para kausapin ang tatay niya at para makapagkita na sila. Kaso hindi naman pumayag ang tatay niya.
***
Nagising ako ng alas-tres ng hapon. Tumutunog ang phone ko at nakita kong tumatawag si Tita Alexis.
"Hello," sagot ko.
"Hello, Katie. Kamusta ang pag-uusap niyo ni Lucio? Kailan daw siya pupunta?" Masiglang tanong ni Tita Alexis. Napabuntong-hininga nalang ako.
"T-tita, hindi daw po siya makakapunta." Malungkot na sabi ko.
"Bakit naman?"
"Busy daw po siya sa trabaho."
"Ano?!" Gulat na tanong ni tita. "Mas uunahin niya pa ang trabaho niya kaysa sa anak niya?" Bakas ang inis sa boses ni tita.
Sino ba naman hindi maiinis? Mas mahalaga pa sa kaniya ang trabaho niya kaysa sa anak niyang may sakit. Konting oras lang naman ang gusto ni Andrei.
"Tita, babalik na po ako bukas ng umaga dyan sa Manila." Narinig ko ang malalim na pag hinga ni tita.
"Pasensya na, Katie. Hindi ko alam na ganyan pala ang tatay ni Andrei. Nasayang lang tuloy ang pagpunta mo dyan."
"Ayos lang, tita. Ako naman ang may gusto nito. Gusto ko lang po talaga matulungan si Andrei."
"Salamat, hija. Papasundo nalang kita kay Clark bukas. Miss ka na agad ni Andrei."
Napangiti ako. "Sige po. Salamat din po."
Pagkatapos namin mag-usap ni Tita Alexis ay naisipan ko munang lumabas ng hotel. Ang sabi ay may malapit daw na mall dito. Pupunta muna ako doon.
Nang makarating sa mall ay nag ikot-ikot muna ako. Pumasok ako sa isang fastfood chain nang makaramdam ng gutom.
Nang makapag order ay naghanap agad ako ng pwedeng upuan. May nakita akong mesa na pang limahan. Wala na akong choice kundi maupo doon dahil 'yon nalang ang bakante.
Tahimik lang akong kumakain habang nakatingin sa glass wall ng fastfood chain na 'to. Kitang-kita ko ang mga tao sa labas nito.
"Miss..." Nilingon ko ang tumawag sakin at nakita ko ang isang babae na may kasamang bata. Mag-ina siguro.
"Bakit po?" Tanong ko.
"Pwede bang maki-share dito? Wala na kasi kaming maupuan eh." Tanong niya. Agad naman akong tumango.
"Sige po." Sagot ko. Inusog ko ang tray na pinaglagyan ng gamit ko para magkaroon sila ng space.
"Salamat," nakangiting saad niya. Nginitian ko nalang din siya. Maya maya lang ay may dumating na lalaki at may dala itong tray na may mga pagkain din. Tuwang-tuwa yung bata nang makita ang lalaki.
"Dad, where's my ice cream?" Masiglang tanong ng bata.
"Here," inabot nung tatay niya yung ice cream sa kaniya. "Pero mamaya mo na kainin 'yan. Mag kanin ka muna."
Tinuloy ko nalang ang pag kain ko pero hindi ko pa rin maiwasan mapalingon sa kanila tuwing naririnig ko ang usapan at tawanan nila.
Naalala ko bigla sila mama at papa.
"Are you finish?" Tanong ni papa sakin. Tumango naman ako at ngumiti ng malapad.
"Good. Here's your ice cream." Napa palakpak pa ako nang inilapit sakin ni papa ang favorite ice cream ko.
"Thank you, papa!" Saad ko at sinimulan ng kainin yung ice cream ko.
"Dahan-dahan lang, anak. Baka ubuhin ka na naman." Paalala ni mama. Tumawa naman si papa.
"May gamot naman diba?" Natatawang tanong niya kaya tumango ako at tumawa na rin.
Biglang napatingin sakin yung bata at ngumiti. Nginitian ko nalang din siya.
Tinapos ko na ang pag kain ko para makabalik na sa hotel.
"Tapos ka na?" Nakangiting tanong nung babae sakin.
"Ah opo. Mauna na po ako." Sabi ko at nginitian sila.
Lumabas na ako ng mall at sumakay ng tricycle pabalik sa hotel. Pagkabalik sa hotel ay dumiretso agad ako sa kwarto ko.
May napansin akong malaking kurtina sa kwarto ko. Nilapitan ko 'yon at hinawi. Nagulat ako nang makita na may balcony.
Hindi ko alam na may balcony pala dito.
Binuksan ko yung sliding door para makalabas. Sa malayo ay kitang-kita ko ang mga bundok. Tahimik din ang paligid. Sa Manila, kapag ganitong oras ay naglalabasan palang ang ibang mga tao para mag trabaho o kaya naman ay mag party, gaya ng mga ginagawa ng mga kaklase. Pero dito, ganitong oras palang ay konti nalang ang tao sa labas.
Tumingala ako at nakita ko na naman ang makikinang na bituin. Ang sabi sakin ni mama noon, kapag may namatay daw na mahal mo sa buhay, tumingin lang daw sa langit dahil isa sa mga bituin na nasa langit ay ang taong mahal mo sa buhay at binabantayan ka.
Sa dami ng bituin na nasa langit, nasan kaya dyan sila mama at papa? Nakikita ba nila ako ngayon?
Ngumiti ako at tinaas ulit ang kamay ko na para bang inaabot ang mga bituin.
"Ma, pa, miss na miss ko na po kayo." Nakangiting saad ko. "Alam ko pong binabantayan niyo ako. Salamat po. Mahal na mahal ko po kayo."
Paano kaya kung hanggang ngayon ay kasama ko pa rin ang mga magulang ko?
Siguro, masaya kaming magkakasama. Sabay laging kumakain. Nag pupunta sa mall.
Siguro, nagbabakasyon din kami ngayon. Sabay-sabay namin ginagawa ang mga gusto namin. Masayang naglalaro at nagkwe-kwentuhan.
Siguro, sinasamahan nila ako kung san man ako mag punta at sinusuportahan ang mga ginagawa ko.
Siguro, hindi ko mararanasan ang mga ginawa sakin nila tito't tita sakin dati. Hindi ko maririnig ang mga masasakit na salita nila sakin. At hindi rin siguro ako magkakaroon ng takot sa dilim.
Pumikit ako saglit at huminga ng malalim. Pagkadilat ko ay nilibot ko ulit ang paningin ko sa langit hanggang sa makita ko ang buwan.
Paano kung hanggang ngayon ay kasama ko pa rin ang mga magulang ko? Makikilala ko pa rin kaya si Andrei?
---