— Zhanaira —
Matapos naming kumain kanina ay pumunta kami sa mall para mamili ng mga gamit ko sa school at mga panibagong damit na naman. Umuwi rin agad kami pagkatapos.
"Ano na susunod nating gagawin, mga kupal?" tanong ni Cedrick sa kanila habang inaayos ko ang mga gamit na pinamili namin.
"Kupal ka rin, manahimik ka diyan, ayun gawin mo," sagot ni Fire na ikinailing ko na lang at hindi na sila pinansin.
Medyo nahiya pa ako sa kamahalan ng mga nabili namin. Ultimo laptop and other gadgets ay binili ni Zack para sa akin. Grabe, hindi ko na alam kung paano ako makakapagbayad.
"Sa gym na lang muna ako," paalam ni Railey at mabilis na nag-jog paakyat.
"Let me help you," sabi ni Zack at lumapit sa akin. "Hindi ka pa ba magpapahinga?" tanong niya na ikinailing ko.
"Ipagluluto ko na lang ulit siguro kayo," nakangiting sagot ko at saglit siyang tiningnan. "Ikaw, magpahinga ka na," sabi ko naman sa kaniya habang inilalagay na sa loob ng bag ko ang school supplies.
Hindi siya sumagot pero tinulungan niya ako sa ginagawa ko. Nagulat at napapitlag na lang ako nang may malakas na tumunog mula sa labas—parang binato.
"What's that?" kunot noong tanong ni Zack kaya napatayo si Raiven at naglakad papunta sa pinto.
Sumilip siya sa labas at napalingon agad sa amin habang nakakunot noo. "Zack.." tipid na tawag niya kay Zack.
Tumaas ang kilay ko nang mapansing nagtititigan lang sila at parang nag-uusap pa gamit lang ang mata. Napatingin ako kay Zack nang tumayo siya, pati sila Fire, Cedrick at Ice ay napatayo na rin.
Sumilip silang lahat sa labas at napatingin agad sa akin kaya napakunot na ang noo ko. Naglakad palapit sa akin si Zack at sumenyas sa isang maid na lumapit.
"Do you want to cook for us, right?" Napatango ako sa tanong niya. "Then cook now, may gagawin lang kami sa labas.
Huwag na huwag kang lalabas ng mansion, alright?" sabi niya na ikinataas ng kilay ko.
"Anong gagawin niyo?" tanong ko naman at tumayo na rin.
"Just go to the kitchen and wait for us," utos niya at marahan pa akong tinulak. "Kayo na bahala sa kaniya, huwag niyong palalabasin," bilin naman niya sa isang maid na sinenyasan niya kanina.
"Ma'am, tara na po," aya sa akin ng maid at hinawakan sa braso. Napatango na lang ako kahit parang may hindi sinasabi sa 'kin si Zack.
Pero ano nga bang karapatan kong pakialaman sila? Tsk, hayaan mo na nga lang Zha.
Naglakad na kami papasok sa kitchen. Ngumiti agad ako sa mga maid at binati sila. Tiningnan ko ang loob ng refrigerator para maghanap ng puwedeng mailuto.
"Ano po bang balak niyong lutuin ngayon? Tutulong na lang ako," tanong ko sa kanila.
"Wala pa po, ikaw na lang po mag-isip, ma'am." Napatango ako sa sinabi ng isang maid at naglabas na ng mga ingredients.
"Sinong nasa labas? Alam niyo ba?" tanong ko sa kanila habang naghahanda ng mga gagamitin ko.
"Siguro po mga kaaway na naman nila rito sa Village na hilig manggulo rito sa mansion," sagot ng isa na ikinatigil ko. Kunot noong tiningnan ko siya.
"Anong sabi mo? Kaaway?" paninigurado ko na ikinatango nila. "Bakit naman sila nagkaroon ng kaaway rito?"
"Hay nako ma'am, kahit kami ay walang alam. Ang alam lang namin, mahilig mamerwisyo 'yang mga kaaway nila sa labas," sagot ng isa habang tinutulungan na ako. "Minsan nga'y muntik na silang magpatayan diyan sa labas, buti na lang at mga nagpaawat."
Natigilan na naman ako at napaisip sa mga sinasabi niya. Napatingin ako sa labas ng kitchen. Parang gusto ko na lang lumabas at sumunod sa kanila para malaman kung ano nga bang ganap.
"Huwag niyo na po subukang lumabas, siguradong magagalit si sir Zack at papagalitan niya kami," bilin sa akin ng isa na ikinabuntong hininga ko. "Kayang-kaya naman na po nila ang sarili nila."
Bakit? Sino ba sila?
"Nako, ang mga batang 'yon, mga palaaway talaga, huwag mo nang pansinin," sabi ni Manang Lita. "Parang gustong mabuhay na lang sa gulo. Palibhasa ay lumaking mga basagulero kaya hindi na natanggal."
Given naman na mahilig talagang makipag-away ang mga lalaki pero ano ba 'tong mga sinasabi nila? Parang may iba pang pinaghuhugutan.
Napatingin na naman ako sa labas nang makarinig na ako ng mas malakas na ingay. Naglakad ako para lumabas pero agad akong hinarangan ng dalawang maid.
"Bakit? Titingnan ko lang ang nangyayari sa labas," kunot noong tanong ko na ikinailing nila.
"Bilin po ni Sir Zack na huwag kang palalabasin, mapapagalitan po kami," sagot ng isa pero hindi ko na siya pinansin pa.
Marahan ko silang tinabig at naglakad nang mabilis. Nag-jogging na ako papuntang pinto at agad na binuksan 'yon.
Hinanap ng mga mata ko ang anim pero hindi ko sila makita sa harap at paligid ng mansion. Lumakad pa ako palabas at luminga-linga.
Nasaan na sila? Nakikipag-away nga ba sila?
Napatigil ako sa paghahanap nang makita ko na ang anim na pumapasok palang sa gate. Nag-uusap-usap sila habang hawak ang mga mukha.
Napansin ko agad si Ice na natigilan nang makita ako. Nagsalita siya kaya napatingin din sa akin ang iba.
Napatakbo si Zack palapit sa akin at agad akong hinila papasok sa mansion. "Bakit ka nasa labas? Sinabi kong huwag kang lalabas!" tanong niya agad at binitiwan na ako nang makapasok na kami.
"Oo nga, Zha? Anong nakita mo?" tanong ni Raiven na ikinailing ko. Nagkatinginan sila at sabay-sabay na lang tumango.
"Bakit? May hindi ba 'ko dapat makita?" inosenteng tanong ko at isa-isa silang tiningnan.
"Nakaluto ka na ba?" tanong ni Ice na hindi naman sinasagot ang tanong ko. Umiling naman ako. "Magluto ka na muna ro'n."
"Nakipag-away kayo? Bakit may mga sugat kayo?" tanong ko nang makita ko ang mga sugat sa mukha nila pero kaunti lang 'yon at karamiha'y galos lang.
"Stop asking, Zha," sabi ni Zack na ikinatahimik ko at dahan-dahang tumango.
Nagtaatanong lang naman ako, bakit hindi nila masabi?