Alas sais ng umaga, Miyerkules.
Nagising si Lola Perla pagkat may tumatawag sa kanya mula sa labas kanilang ng bahay.
"Aling Perla! Aling Perla!"
Tumayo si Lola Perla mula sa higaan at lumabas ng bahay upang harapin ang tumatawag sa kanya.
"Magandang umaga po, Aling Perla."
"O, Lalaine, ang aga ah." Sagot ni Lola Perla. Si Lalaine ay isang nurse sa ospital ng Santa Monica, at isa rin sa pinaka-malapit na kapitbahay ni Lola Perla.
"Aling Perla, ang apo niyo po..." Sabi ni Lalaine.
Kinabahan si Lola Perla sa tono ng boses ni Lalaine. "Ha? Anong nangyari kay Steve? Asan si Steve?"
Hindi pa man nakaka-sagot si Lalaine ay dali dali nang bumalik si Lola Perla sa loob ng bahay at umakyat sa pangalawang palapag, patungo sa kwarto ni Steve.
"Steve! Steve!"
Halos mahimatay si Lola Perla nang hindi niya nakita ang apo sa kwarto nito.
***
Nakaupo lamang si Ella sa waiting area ng ospital ng Santa Monica, hinihintay niya ang kanyang yaya, at naghihintay rin siya ng balita tungkol sa lagay ni Steve. Hawak hawak ni Ella ang bag ng binata, balisa pa rin ito at hindi makapaniwala sa mga nangyari.
Nakita ni Olivia ang dalaga. Kagagaling lamang niya sa canteen, bumili ito ng kape at sandwich upang ibigay kay Ella.
"Ella?" sabi ni Olivia.
Tumingin lamang at ngumiti si Ella kay Olivia. Ang mga mata nito ay puno pa rin ng takot at lungkot.
"Ayos ka lang ba?" tumabi si Olivia kay Ella. "Eto o, binilhan kita ng sandwich at kape. Baka nagugutom ka na."
"Salamat po." Sabi ni Ella at tinanggap ang pagkain.
"Kumusta na ang mga sugat mo?"
"Ayos na naman po."
"Hinihintay mo pa rin ba ang sundo mo?"
"Opo."
"Kung gusto mo, ako na maghahatid sayo. Tsaka pwede naman nating ireport sa pulis ang mga nangyari kanina." Sabi ni Olivia, sabay patid sa balikat ng balisang dalaga.
"Ayos lang po ako. Hinihintay ko lang po ang balita tungkol sa lagay ni Steve."
Palaisipan pa rin kay Olivia kung ano talaga ang nangyari sa kakahuyan na muntik nang pumatay kay Steve at Ella, kung bakit sila naroon sa ganoong oras.
"Magiging okay si Steve, wag kang mag alala." Sabi ni Olivia. Di naglaon ay pinakawalan na niya ang tanong na ilang oras na ring nasa isipan niya. "Ella, ano ba talaga ang nangyari? Bat kayo nasa kakahuyan sa mga oras na iyon? Sino ang gustong pumatay sa inyo? Bakit ayaw mong ipaalam sa mga pulis ang nangyari?"
Hindi agad nakasagot si Ella. Nang maisip niyang mukhang nasobrahan ang kanyang pagtatanong, humingi ng paumanhin si Olivia. "I'm sorry, Ella. Sorry talaga."
Sa pagkakataong iyon ay umiyak na si Ella. Niyakap ni Olivia ang balisang dalaga.
"Natatakot po ako…natatakot po ako…" sabi ni Ella.
***
Alas sais y medya ng umaga.
Inoobserbahan pa rin ni Dr. Mark kasama ang isang nurse si Steve. Nasa kritikal na kondisyon ang binata. Bagamat hindi duty noong araw na iyon, ay pinili ni Dr. Mark na personal na maging doktor ni Steve.
May saksak sa ibabaw lamang ng kanyang puso si Steve, ngunit ang pag-bagsak ng ulo nito sa bato ang pinaka-pangunahing sanhi ng kritikal na lagay nito.
Sa kasalukuyan ay nasa coma ang binata. At hindi tiyak ng doktor kung kalian magigising o kung magigising pa nga ba ang kanyang pasyente.
***
Nang makarating sa ospital si Lola Perla ay dali dali itong dumiretso sa ICU, kung saan kasalukuyang naka-confine ang kanyang apong si Steve.
"Doktor, ano pong nangyari?" sabi ni Lola Perla sa doktor na nag oobserba kay Steve.
Napansin ni Dr. Mark ang mga pangamba sa mata ng matandang babae. "Kayo po ba ang nanay ni Steve?" tanong niya.
"Ako po ang lola niya." Sabi ni Lola Perla. "Diyos ko po. Anong nangyari sa kanya? Kumusta na siya?"
Hindi agad nakapagsalita si Dr. Mark.
"Doktor, ano po ang nangyari? Kumusta na po ang apo ko?"
"I'm sorry po, pero sa ngayon, nasa kritikal pa rin ang lagay ni Steve. Maaring hindi siya gumising sa loob ng isang araw, dalawa, tatlo, o mas matagal pa." sandaling tumigil sa pagsasalita si Dr. Mark bago siya nagkaroon ng lakas ng loob na sabihin ang totoo. "O maaring hindi na siya magising."
Napaiyak na lamang sa tabi ng kanyang apo si Lola Perla.
***
Alas siyete ng umaga.
"Ella, bakit ka ba nasa lugar na iyon? Bakit ka umalis?" tanong ni Mariz, ang yaya ni Ella, pagkarating nila sa kanilang bahay.
"Yaya, pagod ako at sugatan. Pwede bang mamaya nalang natin to pag usapan?"
"Ella—"
"Yaya, please. Sorry, pero hindi ko pa masasagot ang mga tanong mo." Sabi ni Ella. "And Yaya, sana wag mo na lang itong ipaalam kila Mommy at Daddy. I don't want to bother them."
"Hindi pwede, Ella—"
"Please, yaya?"
"Okay, sige." Sagot ni Mariz.
Umakyat sa kanyang kwarto si Ella, matamlay ito at nanghihina. Umupo siya sa kanyang kama, at inilapag ang bag na dala niya sa kanyang tabi. Dahil sa pagod at takot na nadarama, mabilis na nakatulog si Ella.
***
Alas dose ng tanghali, Miyerkules.
Si Lola Perla ay nasa ICU pa rin ng ospital ng Santa Monica, sa tabi ng apo niyang si Steve. Simula ng dumating ang matanda sa ospital ay hindi na ito umalis sa tabi ng kanyang apo.
Habang hawak hawak ang kanyang Rosario ay taimtim itong nagdarasal. Ipinapanalangin niya ang kaligtasan ni Steve, at ng buong Santa Monica.
Nang marinig ni Lola Perla na sa La Oscuridad may nagtangkang pumatay sa apo niya ay nagkaroon ng panibagong takot na nadarama ang matanda. Napapaisip siya kung may alam ba si Steve sa panganib na malapit nang dumating sa Santa Monica. Batid niya ang espesyal na talento ni Steve, at wala siyang ibang nadarama kundi takot para sa apo kung may nalalaman nga ito tungkol sa kadilimang muling babalot sa bayan.
Balak sanang mag sumbong ni Lola Perla sa pulis, ngunit alam niyang kung ang demonyong minsa'y nanggulo sa Santa Monica ang may gawa ng karumal-dumal na bagay kay Steve ay walang magagawa ang mga pulis, na tanging Diyos lamang ang kanilang mapagkakatiwalaan.
***
Dalawampung minuto pasado alas dose, Miyerkules.
"Kumusta na si Steve?" tanong ni Olivia kay Dr. Mark. Ang dalawa ay kasalukuyang nasa canteen ng ospital ng Santa Monica at kumakain. Kababalik lamang ni Olivia sa ospital mula sa "Red House".
"Nasa kritikal pa rin siyang kondisyon." Sabi ni Dr. Mark. "Sa ngayon, wala pa akong nakikitang dahilan para maging kampante sa kanyang lagay."
"Gaano ba kalala ang nangyari sa kanya?"
"I wish I can say na kaya niya, pero sa tingin ko, hindi masyadong nag-rerespond si Steve sa mga ginagawa namin sa kanya. Dahil sa malakas na pagbagsak ng ulo niya sa bato, kasalukuyan siyang nasa coma." Bahagyang tumigil si Dr. Mark sa pagsasalita, bago sinabing "At to be honest, hindi ako masyadong nagtitiwalang magigising pa siya."
"Diyos ko, kawawa naman siya. Sigurado akong mas lalong malulungkot si Ella pag nalaman niya to."
"Ang magagawa lang natin ngayon ay mag dasal."
Sa pagkakataong iyon ay muling dumampi sa isipan ni Olivia ang mga tanong na kanina pa'y bumabagabag sa kanya.
"Hindi ka ba nagtataka kung bakit naroon sila Steve at Ella sa La Oscuridad sa ganoong kadelikadong oras?"
"Wala akong ideya." Sagot ni Dr. Mark. "Pero maraming kwento dito sa Santa Monica. Maraming haka-haka, maraming mga bulung-bulungan, maraming kababalaghan. Espesyal ang Santa Monica, at hindi ako magugulat kung mayroon ngang kakaibang nangyayari noong natagpuan natin sila Steve at Ella."
"Do you believe it?" tanong ni Olivia.
"Alam mo, Olivia, hindi ako mahilig maniwala sa mga ganyan, lalo na at ako ay doctor na naniniwala lamang sa mga bagay na pinaniniwalaan ng siyensya. Pero itong linggo lang na ito ay nagbago ang mga paniniwala ko. At sa tanong mo kung naniniwala ba ako, oo, naniniwala na ako."
"Ang daming nangyayari ngayon sa Santa Monica."
Napangiti si Dr. Mark. "Kung magtatagal ka dito, dapat masanay ka na."
Napatingin sa mga mata ni Dr. Mark si Olivia. "Talaga? Bakit naman?"
"Mahaba talaga ang kasaysayan ng bayan ng Santa Monica. Bagamat kung titingnan mo ang lugar na ito mula sa mata ng turista o bakasyonista, gaya mo, iisipin mong payapa at tahimik ang Santa Monica, na ito ay ang lugar na dapat mong puntahan kung pakiramdam mong mag muni-muni o magpalamig ng ulo. Pero para sa mga matagal nang nakatira dito, ilusyon lamang ang kapayapaan dito." Sagot ni Dr. Mark. "Siguro nga, kung mahihina ang puso at isipan ng mga taga Santa Monica ay matagal na nilang nilisan ang bayang ito, eh, o di kaya naman ay nabaliw na. Minsan, magugulat ka na lang na nangyari ang isang bagay na nangyari dito."
Lalong uminit ang pag-osyoso ni Olivia sa mga sinabi ng doctor. "Gaya ng?"
"Well, for one, yung mga nangyari sa 'Red House' na—" napatigil si Dr. Mark sa pagsasalita nang maalala niyang sa "Red House" nakatira si Olivia.
Napatango si Olivia. "Ah, 'Red House'. Speaking of, may nalalaman ka ba kung bakit 'Red House' ang tawag ng ilang mga taga Santa Monica sa bahay ng mga Razon? Sa tinitirahan ko ngayon?"
Napalunok na lamang ang doctor at hindi agad nakasagot.
***
Nakatayo sa ibabaw ng matayog na bangin ang isang lalake. Sa kanyang kinalalagyan ay natatanaw niya ang buong bayan ng Santa Monica.
Sa mga mata nito ay kitang kita ang galit na nadarama nito. Hindi niya ikinakatuwa ang pagkabigo niyang patayin si Steve at si Ella.
Itinaas niya ang kanyang mga kamay, sabay sigaw, "Ang kadilimang minsa'y nakilala ng Santa Monica ay magbabalik. Humanda kayo pagkat ang inyong katapusa'y malapit nang dumating."
Nagising si Ella bandang ala una ng hapon. Hindi siya sigurado sa mga narinig pero malinaw ang mensahe nito. Lalong kinabahan ang dalaga. Umupo si Ella at nag isip.
Hindi pa rin malinaw ang lahat sa kanya; ang sinasabing panganib ni Steve, ang sarili niyang mga bangungot, kung paano siya napunta sa La Oscuridad, Â kung sino nga ba ang lalaking nagtangkang pumatay sa kanila ni Steve, at kung bakit gusto silang patayin nito.
Napansin ni Ella ang bag sa kanyang tabi. Doon lang ulit naalala ng dalaga na nadala niya pala ang bag ni Steve. Noo'y naalala niya rin ang sinabi ni Steve na dala na nito ang "sagot". Kahit na hindi naman alam ni Ella kung "sagot" sa ano ang sinasabi ni Steve ay minabuti niya na ring hanapin ito.
Binuksan niya ang bag. Dahil sa kakaibang itsura nito, agad na nalaman ni Ella na ang tinutukoy na "sagot" ni Steve ay ang isang luma at maliit na itim na libro. Nanlamig si Ella pagkat ang librong iyon ay kapareho ng librong napaghinipan niya noong isang gabi.
Noong una'y hindi mawari ni Ella ang laman ng libro. Punong puno ito ng iba't ibang bagay: mga salitang Latin, Tagalog, o mga guhit ng mga nakakatakot na mukha. Walang kahit anong nakapalagay sa libro ang naiintindihan ni Ella.
"Nasaan dito ang sagot na sinasabi ni Steve" bulong niya sa sarili.
Pero habang binubuksan ni Ella ang mga pahina ay narating niya ang bahagi ng libro na partikular na kumuha sa kanyang atensyon.
Sa taas ng pahina ay nakasulat ang petsang Mayo 12, 1980.
Sa ilalim nito ay nakita ni Ella ang isang tula.
Ang mga nakapalagay sa pahina ay:
Sa pagkagat ng dilim, may isang lalaking darating.
Mata niya ay pula, at ang dulot niya ay trahedya.
Ang mundo'y umiikot, pero panandalian itong titigil
Sa lugar kung saan ang mga buhay ay marami at mahalaga,
sa isang iglap, lahat ito ay maglalaho na.
Ang mga pumanaw ay muling magbabalik
Upang maghasik ng gulo at galit
Ang lugar na dati nilang kinalagyan,
Magiging kanila muli minsan sa magpakailanman
Ang mga budhing itim, ang mga pusong busilak
Lahat ito'y kukunin ng kadilimang kailanma'y hindi inasahan
Sa pagtitipon ng liwanag at dilim,
nakatakdang muling bumangon ang anghel na itim
Sa katawan ng isang tao,
Ang kapangyarihan ng kadilima'y mangingibabaw
At sa pagkagat ng dilim,
Wala kang ibang mapupuntahan
Tumakbo ka man ng matulin,
Sumigaw ka man ng malalim,
Ika'y mapapasailalim sa akin.
"Mayo 12, 1980?" napabulong si Ella. "Ano ang nangyari noon? Ano ang ibig sabihin ng tulang ito?"
Naisip niyang maaring ang tulang iyon ang "sagot" na sinasabi ni Steve kaya sinubukan niyang maghanap ng iba pang mga mensahe mula sa libro. Ang mga sumunod na pahina ay kapareho ng karamihan sa mga nakita niya; mga bagay na hindi niya maintindihan.
Pero sa huling pahina, may mga salitang nakasulat. Ang tinta nito ay presko pa na parang kakasulat pa lamang nito.
Walang nakasulat na petsa sa taas ng pahina, ngunit may isang maiksing tula sa ilalim nito na nagpa-nginig sa mga balikat ni Ella.
Sa pagbabalik ng anghel na itim,
Ang misyong hindi natapos ay itutuloy na
Sa bayan ng Santa Monica, ang wakas ay malapit na