"Teka lang, Ate Zhei. Hindi ka naman masyadong excited, ano?" hirit ni Sandra nang kaladkarin siya nito papasok sa Senang Hati Music Lounge.
Hindi niya akalaing sabik din pala sa night gimik ang cousin-in-law niyang ito. After office hours ay nakaladkad siya ng mag-asawang Herald at Zhei sa bar na iyon na may nakakalokong catchy line sa labas… "A place where you find your happiness." Kung hindi niya alam na high-end bar iyon ay iisipin niyang beer house iyon na may extra service na panandaliang aliw.
"Tonight is the night! Makikilala mo na ang music director ng department mo," tugon ni Zhei.
"At isa pa, hindi kami pwedeng gabihin ni Partner at baka hinahanap na kami ng babies namin," dagdag pa ni Herald.
Lihim na napangiti si Sandra. Masaya siyang makita kung gaano kasaya ang kanyang Kuya Herald sa panibagong buhay nito bilang isang loving husband and father of twin. Matapos ang dalawang taong relasyon ay nagpakasal na rin ang pinsan niyang ito sa co-writer nitong si Zhei. Ngayon, isang happy family for five years na sila kapiling ang tatlong taong gulang na paternal twins.
"Eh, pwede namang papuntahin na lang siya sa office ah," katwiran niya nang makapasok na sila sa music lounge at nakahanap na ng magandang pwesto malapit sa stage.
"We can't afford to waste time, Sandra," salo ni Herald. "Nakalimutan mo na yatang may deadline na binigay sa'yo ang board para mai-present niyo na ang play sa kanila? This is your first project sa Pontez since you went back from States. Magpakitang-gilas ka naman sa Board of Directors kung may balak ka talagang magtagal sa company. Buti nga nakakita na agad si Zhei ng music director."
Hindi naman niya masisi ang Kuya Herald niya. Nasa kamay kasi niya ngayon ang kinabukasan ng mga staff at maging ng mga actors and actresses ng theater department ng kompanya. Pinag-iisipan na kasi ng board na tanggalin na ng tuluyan ang nasabing department since kumikita na ng malaki sa film industry ang kompanya at halos patay na rin ang industriya ng teatro. Mas prefer na rin kasi ng mga tao ngayon ang manood ng pelikula sa wide screen kesa ang manood ng stage plays. At kung papalpak siya sa unang proyektong hawak niya ay tiyak na maraming mawawalan ng trabaho. Kailangan nila ngayong makapag-present ng tatlong stage plays at i-bid ang project sa CHED at DepEd para hindi ma-dissolve nang tuluyan ang department at muling magpasok ng potential income sa company.
"Seryoso ba ang music director na iyon na dito natin siya imi-meet? Paano tayo magkakaintindihan sa ganitong klaseng environment?" walang ganang tanong niya. Hindi siya mahilig sa maingay na lugar, kaya inaliw na lang niya ang sarili habang nagpapalinga-linga sa kabuuan ng music lounge.
"Dati ko siyang kabanda and the band will perform tonight. Panonoorin muna natin siya. Don't worry, you will surely like it. Medyo, rakista lang siya pero gwapo." Tinapik pa ni Zhei ang balikat niya.
"Rakista? Wait, alam kong 'pag ikaw ang nag-recommend siguradong okay pero di ko ma-gets kung bakit kailangang kumuha ng musical director na isang rakista? Eh pwede namang iyong hindi maingay, hindi rugged at hindi sigaw nang sigaw. Qualified ba talaga siya? Stage play ang gagawin natin, hindi music video o MTV sa videoke machine."
Wala naman sanang problema, kaya lang hindi talaga niya bet ang mga rakista. Hindi rin niya feel ang rock-rock-an at lalo na ang rugged look ng mga rakista. At tiyak na ikamamatay niya sakali mang makasama niya ang isang certified rakista sa loob ng matagal na panahon.
Napatawa na lang ang mag-asawa sa tinuran niya.
"May nakakatawa ba sa sinabi ko?" naiinis na tugon niya. Inismiran niya ang dalawa.
"Kung ang musical play mo ay tulad din lang ng classical or spring musical, siguradong tutulugan ka lang ng high school audience mo. We need to jive with the juveniles, Sandra. Ang trip ng kabataan ngayon ay tunog maingay. As in rak en' rol men!" patawang sambit ni Zhei.
Lalo siyang napaismid. May punto ang cousin-in-law niya.
"Don't worry. Rock and alternative music will not ruin the play. Kaya nga kailangan natin siya. He will be the one in charge of rearranging the songs to make it more modern that yuppies can appreciate," segunda pa ni Herald.
"Yeah! Rock on!" hirit pa ni Zhei. Tumayo ito. "Maiwan ko muna kayo at pupuntahan ko lang sila sa back stage." Bumaling ito sa kanya. "Sandra, they're playing their own touch of music tonight. Pupusta ako, mamaya okay na sa iyo ang rock."
"Pwede bang meeting muna bago siya kumanta ng rock song?" hirit pa niya. Hindi pa man nagsisimula ay nai-stress na siya.
Duet pa ang mag-asawang tumawa sa sinabi niya. Ano bang mali sa sinabi ko? Bad trip itong mag-asawa na ito!
PALINGA-LINGA si Sandra. Wala siyang makausap kanina pa dahil panay lang ang tawag ni Herald sa mommy nito na siyang nag-aalaga sa kambal. Halos nasa tenga lang nito palagi ang cellphone kaya hindi na niya inistorbo. Nakuha ng ingay mula sa stage ang atensyon niya. At tila parang huminto ang kanyang paligid nang may umakyat na lalaki sa stage. Napamulagat siya. Kumurap-kurap pa siya para makasigurado kung nakikita nga ba niya ang kanyang ex sa stage o nalasing lang siya ng iced tea.
Don't tell me that he's the new music director? Por pabor!
Hindi niya nagugustuhan ang nangyayari. Sa dinami-rami ng rakista sa mundo, bakit iyon pang taong ayaw na niyang makita sa tanang buhay niya ang namataan niya sa stage?
That's maybe Hansen Ferrer, pagkumbinsi niya sa sarili kahit alam niyang hindi iyon si Hansen. Ang tinutukoy niya ay ang member ng sikat na bandang Thunderkizz na nagkataong kapatid at kamukhang-kamukha ng taong isinumpa niya. Namataan niya sa di kalayuan ang Thunderkizz Band at nando'n si Hansen na nakikipagtawanan pa sa kabanda.
Bumaling ulit siya sa stage. Sa dinami-dami ng pagkakataon, bakit ngayon pa? Ikaw na lalaki ka, matapos kong magdusa dahil sa'yo, basta na lang kita makikita? And why still gwapo after all these years? Nasaan ang hustisya?
It's been eight years since they last saw each other. Ibang-iba na ito ngayon. Hindi ito mukhang rakista noong nasa Prague pa sila. Mas mukha nga itong semenarista noon. Pero ngayon, daig pa nito ang certified siraulong adik sa mahaba nitong buhok na nakapusod lang ng lastiko, itim na shirt, ragged pants at hikaw sa tenga and that annoying infinity symbol tattoo in his arms. Pero sa kabila ng pagiging ragged ng loko, sa mata niya ay ito pa rin ang gwapong si Ross, ang taong minahal niya ngunit iniwan lang siyang luhaan.
"Ay naku Partner, hindi naman tatalon sa bintana ang kambal mo kaya itigil mo na iyang pangungulit kay Mama!" sita ni Zhei kay Herald. Nakabalik na pala ito sa mesa nila nang hindi niya namamalayan.
"Hindi lang ako sanay na nasa gimikan ako tapos hindi ako ang nagpatulog sa kambal," depensa ni Herald sabay lapag ng cellphone sa mesa.
"Masyado mong bine-baby ang dalawang iyon." Yumakap si Zhei sa baywang ng asawa. "Nakalimutan mo yatang may shooting kayo sa Korea sa susunod na buwan? Hahanap-hanapin ka ng mga bata. Kaya dapat kahit papaano ay hayaan natin silang hindi tayo katabi minsan."
"For years nagawa kong hindi kayo iwanan, Zhei. Hanggang ngayon, nagdadalawang-isip pa ako kung sasama ako sa Korea although hindi naman ako pwedeng hindi sumama." Herald lovingly kissed Zhei's forehead. "Isasama ko na lang kayo sa Korea."
Lalo lang tuloy na-out-of-place si Sandra. Itinuon na lang niya ang atensyon sa stage habang naglalambingan ang mag-asawa. Hindi rin pala good move iyon dahil ando'n si Ross. Kainis!
Umakyat ng stage ang may-ari ng lounge. Hinagip nito ang microphone at ngumiti ng todo sa audience na ikinatili naman ng mga kababaihan sa crowd. "Good evening, ladies, gentlemen, and those still thinking about their genders." Ikinatawa ng audience ang biro nito. "Tonight, we are celebrating the fifth year of Senang Hati. Hindi po kami tatagal ng ganito sa kabila ng napakaraming competitors kung hindi dahil sa inyong lahat. So, nagpapasalamat po kami sa inyong walang sawang pagpunta dito sa lounge namin. Dahil dyan, mayroon kaming gift para sa inyo. Tonight, first time niyong maririnig ang Infinity Band in a different sound." Binalingan nito ang members ng banda na nasa kani-kanyang pwesto na on stage. "So 'wag na nating patagalin pa. Party time na. Guys, let's rak en' rol with the Infinity Band!"
Iniabot na nito ang mic kay Ross, ang bokalista cum lead guitarist ng grupo. Nagpalakpakan ang audience habang nagsa-sound check ang banda. Samantalang si Sandra, hindi maiwasang titigan si Ross. Bakit gano'n? Na-miss pa rin kita kahit sinaktan mo na ako noon. Dapat ay galit na galit na siya ngayon pero mas nangingibabaw sa puso niya ang pangungulila dito. It was so unfair. Siya na nga itong nasaktan at naiwan, siya pa itong nakaka-miss dito.
"Magandang gabi po. Kami po ang Infinity Band. Ako po si Ross. Inabandona na po kami ng dati naming bokalista na si Zhei kasi mas mahal na niya ang asawa niya kaysa sa amin." Tumawa ang audience. Napatawa rin ang mag-asawang katabi ni Sandra. "Anyway, pagtiyagaan na lang po natin ang boses ko. Tutal naman po, anniversary namin ngayon. Pakakantahin din namin ang aming violinist na si Penpen sa unang pagkakataon. So, are you ready to party?"
Nag-ingay ang crowd. Ang iba ay nag-aalok na ng kasal kay Ross na ngiti lang ang ganti sa audience. Napaismid siya. Kulang na lang ay pasabugan niya ng bomba ang sinumang marinig niyang mag-alok pa ulit ng kasal dito. Wala kayong karapatan kay Ross! Kasal siya sa akin.
Hindi pa napapawalang-bisa ang kasal nila. At sa kanilang dalawa, siya talaga ang lugi. Napatunayan niyang hindi rin assurance ang kasal para malaman mo kung mahal ka talaga ng taong mahal mo. They got married in Prague and he just left her after two months. Ganon-ganon na lang.
Pumailanlang na sa buong lounge ang lead guitar ni Ross at sumunod na ang captivating voice nito habang tinutugtog nila ang Infinity's version of Far Away by Nickelback. Natangay agad ng musika ang audience. Pero siya, natangay na ng alaala ng nakaraan ang isip niya.
Naguguluhan na siya. Hindi niya alam kung ano ba ang dapat na maramdaman. Magagalit ba siya, o dapat na patawarin na lang niya ito? Or what if, lumayo na lang siya para iwasan ito? Ngunit paano siya lalayo kung ito ang napili nina Herald na maging music director? Ibig sabihin lang ay magiging under ng supervision pa niya ito. Ngayon pa lang ay nararamdaman na niyang lumiliit na ang mundo nilang dalawa.
"This time, this place. Misused, mistakes. Too long, too late. Who was I to make you wait? Just one chance, just one breath. Just in case there's just one left. 'Cause you know, you know, you know…"
He was still a good singer. Palagi siyang kinakantahan nito noon ng mga love songs. At iyon din ang dahilan kung bakit hindi na siya mahilig sa music ngayon. Dahil kapag nakakarinig siya ng love song, naaalala lang niya si Ross. Dumating sa puntong pagod na siyang masaktan kaya sinubukan niyang ibaon sa limot ang lahat. Nagawa niya iyon nang magtrabaho siya sa States. Pero ngayong nagbalik na siya sa Pilipinas, ito pala ang maaabutan niya. Nasa harapan niya ngayon ang tinakbuhan niyang anino.
Nakatitig sa kanya si Ross na pawang siya ang hinaharana nito. At sa lahat ng mararamdaman niya, iyong pang ayaw niyang maramdaman ang nangyari. She felt her heart beat faster as he kept on gazing at her na para bang siya lang ang audience sa lounge. Sa sobrang lapit niya sa stage, nababasa niya ang halu-halong emosyon sa mga mata ni Ross. Humihingi ng tawad, kabado, masaya, malungkot, in love. Lahat ng iyon nararamdaman niya sa mga titig nito. And there she went again. Parang gusto niyang umakyat sa stage at yakapin ito. Kung puso lang niya ang susundin, kakalimutan na lang niya ang lahat. She still want him back. Pero hindi gano'n kasimple ang buhay.
Piniling niya ang ulo sa iniisip at agad na umiwas ng tingin bago pa siya tuluyang ma-in love ulit kay Ross. Galit ka sa kanya Sandra, so dapat lang na ipakita mong galit ka talaga! Ibayong lakas ng loob ang inipon niya para pakalmahin ang sarili. She sighed.
"Something wrong, Sandra?" untag ni Herald.
"Wala naman, kuya. It's just, I'm not that comfortable here," pakli niya.
"He's Ross Daniel Ferrer. Matagal ko na siyang nakasama sa banda and he's really a music talent, Sandra. You will surely love to work with him," sambit ni Zhei.
No, I don't. Napasimangot siya.
"Tell me what's wrong, Sandra?" giit ni Herald. Seryoso siyang tiningnan ng kanyang pinsan. Mula nang inampon siya ng pamilya nito ay never niyang nabanggit sa kanila kung sino ang kanyang pinakasalan sa Prague, na siya ring ama ng namatay niyang anak.
Hinarap niya ang mag-asawa. "Okay lang naman sa akin na kayo ang kumuha ng Musical Director para sa stage play ko. Kaya lang bakit kailangang siya pa?" Itinuro ni Sandra si Ross na kasalukuyang kumakanta habang titig na titig pa rin sa kanya. Inismiran niya ito.
"I love you. I have loved you all along. And I miss you. Been far away for far too long. I keep dreaming you'll be with me and you'll never go. Stop breathing if I don't see you anymore…" At tila nang-aasar pa ang linya ng kanta ni Ross. Pinaparinggan pa ata siya nito.
"Look at him! He's so ragged. Ang haba ng buhok na parang hindi kilala ang gunting. His faded pants, nilabhan ba niya iyon? Those annoying earrings and that tattoo! Ano ba iyan? Adik-adik? And his music, kanta ba iyan? Mayroon bang nagsasabi ng "I love you" na sumisigaw?" dagdag pa ni Sandra. Dinaan na lamang niya sa panlalait ang inis niya.
"Pero infairness, kanina pa siya nakatitig sa 'yo," biro ni Zhei.
"Manyak kasi siya!" pakli niya.
"Ross is a good man. I know him well. Ilan taon din kaming magkasama sa banda at talagang nice guy siya kahit ganyan ang hitsura niya," depensa nito.
"I doubt."
"He's definitely the most qualified Musical Director, Sandra. And I bet, you will agree once you read his resume," sabat ni Herald.
"No need. Alam kong nag-aral siya sa conservatory sa Prague and his talent in music is exceptional. Okay given, magaling siyang musician pero ayoko pa rin sa kanya. Period!"
"Uuuy! Bakit alam mo iyan? Teka, di ba nag-aral ka rin sa Prague?" Siniko ni Zhei si Sandra. "Mag-ex kayo, ano?" hinala ng cousin in law niya.
Naiinis na tumayo si Sandra. "Mismo!" padabog na tugon niya sabay walk out. Pero hindi pa siya nakakalayo ay pinigilan na siya ni Herald.
"Saan ka pupunta? Sa CR? Iiyakan mo ang ex mo? Mag-e-emote ka doon dahil nag-flashback sa utak mo ang past niyo? Gawain lang iyan ng mga bitter. Sandra, are you still in love with that guitar guy?"
Tiim-bagang na binalingan niya ang pinsan. "No! Pupunta lang ako sandali sa CR. Kung gusto mo, sumama ka pa at panoorin mo kung paano ako umihi!" Agad niya itong tinalikuran at nagmadaling pumunta sa CR.
Narinig pa niyang tumawa si Zhei. "Ikaw Partner, siraulo ka talaga!"
"Masarap i-corner si Sandra, Partner. Madalas kasi, pikon 'yan!" tatawa-tawang tugon nito sa asawa.
Ganon?! Nakuyom niya ang kamay sa inis habang papunta sa CR. Hindi naman niya magawang patulan ang pinsan dahil lalo lang mahahalata na bitter nga siya. Oo na, inaamin ko na. Bitter nga ako! Bwisit na lalaking 'yon. Bakit kung kailan naka-move on na ako, at saka naman siya basta na lang lilitaw sa buhay ko?
Nang makabalik siya sa mesa ay pang-aasar agad ang ibinungad ng kanyang pinsan.
"O ano, iaatras na ba natin ang contract kay guitar guy para naman may thrill at habul-habulin ka niya?"
"May title pa 'yan na, 'Habulin mo ako, now na!'," dagdag pa ni Zhei.
Sarkastikong ngiti ang rumehistro sa kanyang mukha. "Kuya Herald, wala akong balak atrasan ang lalaking floormat na iyan. Hindi na nga ako makapaghintay na magkaharap kami ulit. Time for my sweet revenge!"
Natigilan sa pagtawa ang dalawa. "Gagantihan mo siya? Parang teleserye?" kunot-noong tanong ni Herald.
"Iyong tipong may pamatay na linyang, 'Pagbabayaran mo lahat ng ginawa mo sa akin!'" segunda ni Zhei.
Siya naman ang napatawa. "Alam niyo, nakakapraning kayong mag-asawa. Hindi gano'n. Iniwan niya ako noon, kaya ipapakita ko lang sa kanya kung ano ang nawala sa kanya. Naka-recover na ako pero siya, sa tingin ko hindi pa siya nakakapag-move on." Binalingan niya ang stage.
Kumakanta na ito ng Accidentally In Love at nananatili pa rin nakatingin sa kanya. "Tingnan niyo nga, hindi na niya maalis ang mata niya sa akin. I bet, luluwa na maya maya ang mata niyan sa kagandahan ko."
"Ay gano'n?! Bongga ka, ha! Duling lang si Ross, sa akin talaga siya nakatingin!" hirit ni Zhei na ikinatawa nila. "Matagal na siyang nagagandahan sa akin, e!"
"Talaga? Mayroon palang nagandahan sa'yo? May diperensya nga siguro sa mata si Ross," pang-aasar naman ni Herald.
"Ibig mong sabihin, may diperensya rin ang mata mo? Isa ka pa kaya sa nagsabing maganda ako," pakli ni Zhei na ikinatawa nilang tatlo.
She really loved being with the couple. Sa tuwing kasama niya ang dalawang ito ay parang gusto na ulit niyang maniwala na possible nga ang true love. Basag trip lang talaga ang tadhana dahil agad din siyang umaayaw sa love pag naaalala si Ross.
"OUR NEXT SONG is a little different. I'm going to do growling in this song."
Nakuha ulit ni Ross ang atensyon ni Sandra. Ano 'kamo? Growling? Hindi siya makapaniwala na gagawin iyon ni Ross. Parang naririnig na niya ang sigaw na parang sinasaniban ng demonyo. She hated rock music. At lalong hindi pasado sa pandinig niya ang nauusong rock ngayon na tunog sumasamba sa demonyo.
Naghiyawan ang audience waring excited sa pagsanib ng espiritu kay Ross. Napangiwi siya sabay baling kay Zhei.
"Hindi ko pa rin naririnig si Ross na kumanta ng may growling. Kahit nag-e-Evanescence songs kami noon, hindi niya ginagawa iyong growling part. Rap lang. Siguro it's part of reinvention," paliwanag nito.
"Sabihin mo nga, ganyan na ba talaga siya nu'ng nagkakilala kayo? As in mukhang floormat na siya?" tanong niya kay Zhei.
Natawa ito sa tinuran niya. "Rakista look na siya nu'ng magkakilala kami. Bakit ano bang hitsura niya noon?"
"Mukhang semenarista. Ngayon, mukha na siyang durugista!"
"Talaga?" di makapaniwalang tugon ni Zhei. "So, Hansen Ferrer look pala siya noon. E, okay na rin 'yan. Kasi baka maguluhan na ako kung sino si Hansen at si Ross kung magkatulad din ang haircut at porma nila. Ang hirap tumingin sa kambal na identical ah."
Lalong napangiwi si Sandra nang marinig na nag-growling si Ross habang si Penpen ang lead vocal sa kantang 'Into The Darkness'.
"I feel helpless waiting. Could this all be the end? It's all coming down all at once. Am I losing you? No Way Out! Until this all crashes down, I'll hold on. You're going to make this work. Into the darkness...not knowing at all. You're going to make this work."
Familiar sa kanya ang kanta. Iyon kasi ang theme song ng isang online PC game na creation ng sister company ng Pontez Media Productions, ang Pontez Visions na leading sa video games creations sa bansa. Ang bassist ng Infinity Band ang creator ng video game na iyon.
Inaliw na lang niya ang sarili sa iced tea at nachos habang pinipilit na i-ignore ang masakit na sa tengang rock music. 'Di nagtagal ay unti-unti na rin nawala ang ingay. At laking gulat na lang niya nang may lumitaw na red stemmed rose sa kanyang harapan. Binalingan niya kung sino ang nag-aabot sa kanya nito at halos manlaki ang kanyang mga mata nang makita ang nakangiti ngunit kabadong si Ross.
"I may not be on the right timing, but I want you to know that I'm really sorry." Hinagilap nito ang kamay niya at isinilid doon ang rosas. "I know a rose can't compensate everything that I've done but I hope you'll accept my apology. I'm so sorry, my dear Sandra. Believe me, I'm really sorry," sinserong sambit nito.
Natigilan siya. Hindi alam ni Sandra kung paano magre-react dito. Bubuka pa lang ang bibig niya para barahin ito nang bigla na lang itong tumalikod at bumalik sa stage.
Aba't hindi man lang ako nakaisang hirit ah!
"Wow! Mukhang na-possess nga si Ross ha. Kilig naman iyon!" komento ni Zhei pagkatapos ay binalingan siya nito.
"Is he the guy?" biglang tanong ni Herald. Maybe, he had the idea now. She just nodded. "Do you still want to pursue this?"
She smiled. "I'm okay, Kuya Herald."
"Wait, ano ba 'yang pinag-uusapan niyo? Hindi ata ako maka-relate," sabi ni Zhei.
"You'll know soon, Partner," tugon ni Herald sa asawa.
"Hindi ako agree sa sweet revenge, Sandra. It's more like, sasaktan mo lang ulit ang sarili mo. Pag-isipan mo muna ang binabalak mong sweet revenge, dahil baka sa halip na makapaghiganti ka ay traydorin ka lang ng puso mo," nagpapayong pahayag ni Herald.
Napaisip si Sandra sa tinuran ng pinsan. May punto ito. Paano nga ba kung sa halip na makaganti siya ay ma-in love lang ulit siya kay Ross? Para ano? Para magpaloko ulit? Kinapa niya ang kanyang puso. Mabilis pa rin itong pumipintig habang nakatitig siya sa stemmed rose na ibinigay nito. Delikado nga ang lagay niya lalo na't nang bumaling siya sa stage ay nahuli niyang mataman pa rin itong nakatitig sa kanya.