Download Chereads APP
Chereads App StoreGoogle Play
Chereads

TALAGBUSAOAN - ANG LABAN NANG MGA ANAK NI TALAGBUSAW

🇵🇭Jokan_Trebla
--
chs / week
--
NOT RATINGS
22.4k
Views
Synopsis
Ginawa ni Haider ang lahat para mabawi si Sally sa kamay nang Tamawo na si Dave ngunit bigo ito.
VIEW MORE

Chapter 1 - Para kay Sally

Matagal ko nang gusto si Sally, simula noong lumipat sila sa apartment na katabi nang bahay namin. Naging magkababata kami at matalik na kaibigan. Ngunit lingid sa kanyang kaalaman, ay may lihim akong pagtingin sa kanya. Ayoko namang sabihin sa kanya sa takot ko na baka magbago at lumamig ang pakikitungo nya sakin. Kontento na ako na maging kaibigan sya, kontento na ako na makasama sya bawat araw, kontento na akong makita siyang ngumingiti at tumatawa.

Ngunit nagbago ang lahat nang dumating si Dave. Nasabi ni Sally sa akin na may gusto siya kay Dave. Parang dinurog ang aking puso nang marinig ko iyon mula sa kanyang mga bibig. Nanlumo at nanlambot ang aking mga tuhod, sa kauna-unahang pagkakataon nakaramdam ako nang selos. Dumaan ang ilang buwan ay nangyari ang kinatatakutan ko, naging sila na ni Sally. Sa isang iglap ay nawalan na nang oras para sakin si Sally. Hinintay ko sya sa gate nang school ngunit nang lumabas siya ay magkasama na sila ni Dave. Lihim na tumulo ang luha ko sa mga sandaling iyon. Dali-dali kong pinahid ang mga luha ko nang makita ako ni Sally, sinabi nya sa akin na hindi ko na kailangang maghintay sa kanya kasi nandyan na si Dave na maghahatid sa kanya.

May isang parte sa sarili ko ang namatay sa araw na iyon.

18th Birthday ni Sally kahapon, masaya ako kasi hindi nya ako nakalimutang imbitahin. Umaga pa lang ay nagpagupit na ako, sinukat ko ang long sleeves na polo ko at tiningnan ang ayos ko sa salamin. Nakikita na ang resulta nang pagpunta ko sa gym araw-araw, nababakat sa masikip kong damit ang matipuno kong katawan. Napaisip ako kung ano ang magiging reaksyon ni Sally pag nakita nya ako.

6:30 na nang gabi nang ako ay nagtungo kina Sally, maraming tao sa loob nang bahay nila, maraming pagkain, may masayang tugtugan. Ngunit napansin kong balisa si Tita Mel, nanay ni Sally. Tinanong ko sya kung bakit siya balisa, hindi pa pala nakakauwi si Sally galing sa parlor, kasama naman daw nya si Dave pero silang dalawa ay kapwa hindi sumasagot sa tawag nya. Naglaro ang isipan ko kung saan sina Sally at Dave, baka nag hotel, naholdap, or baka na traffic lang. Hanggang nag umaga ay walang Sally at Dave na nagpakita.

Kaninang umaga ay nagising ako sa nakakakilabot na iyak ni Tita Mel at nang kapatid nitong si Tanya. Natagpuang patay si Sally sa may talahiban, walang bakas nang pangmomolestya, tanging sugat sa kanyang leeg lang ang maaaring dahilan nang kanyang pagkamatay. Pinagtatakhan nang mga imbestigador kung bakit wala nang dugo ang katawan ni Sally. May bulong-bulongan na baka aswang ang may gawa, sabi naman nang ilan ay bampira daw.

Hinanap namin si Dave ngunit wala ito sa kanyang condo, ang sabi ni Tita Mel nasa Ilo-ilo daw ang mga magulang ni Dave at maging sila ay hindi sumasagot sa tawag nya. Nakipag ugnayan ang kapulisan sa lugar namin doon sa Ilo-ilo at agad na pinuntahan nang mga pulis ang bahay nang mga magulang ni Dave ngunit isang abandonadong bahay lang ang nakatayo sa address ng mga magulang ni Dave.

Ilang taon din kaming naloko ni Dave, hinanap ko sa social media sites ang pangalan ni Dave, naghanap ako nang impormasyon tungkol sa kanya ngunit ni isa ay wala akong nakita. Para siyang isang karakter na kathang isip lamang na bila nalang nawala sa realidad.

Natanggap ko na noon na hindi magiging kami ni Sally dahil nakikita ko na masaya si Sally sa piling ni Dave. Pero ngayon na nalaman ko na hindi pala totoong personalidad si Dave, hindi ko nga alam kung Dave nga ba talaga ang kanyang pangalan, hindi ko matanggap sa sarili ko na pinabayaan ko si Sally na mawala sa buhay ko at napunta pa siya sa isang taong hindi man lang totoo ang lahat nang detalye tungkol sa buhay nya.

Gagawin ko ang lahat para mabigyan nang hustisya ang pagkamatay ni Sally. Alam ko hindi tao si Dave, alam ko kung anong nilalang sya, isa siyang bampira. Alam ko rin na walang laban ang isang tao sa bampira.... Kaya sa mga oras na ito ay bumabyahe ako patungo sa probinsya namin, sa Camiguin. Dati ay tinanggihan ko ang alok nang lolo ko na sa akin isalin ang pagiging aswang. Isang daan at pitong taon na ang lolo ko, sa umaga ay nakaratay lang ito sa kama at naghihingalo, ngunit pagpatak nang dilim ay lumalakas ito, nalalakad kung saan2x. Kinausap ako ni lolo noon, gusto na daw nyang magpahingga, gusto nya nang ipasa ang kanyang pagiging aswang. Tinanggihan ko ang alok nya dahil mas gusto kong mamuhay nang normal. Ngunit ngayon... Paano pa mababalik sa normal ang buhay ko? Wala na si Sally, wala na ang kaisa-isang babae na minahal ko. Mananagot ang may kagagawan nun sa kanya! Kung nababasa mo ngayon ito Dave, isinusumpa ko, hahanapin kita at ang mga lahi nyo!!

December 1, 2019 7:32AM

Sa ngayon po ay kakadaong lang nang barko dito sa Cebu. Sasakay uli ako nang fast craft papuntang tagbilaran bohol, nasa ticketing outlet po ako ngayon. 9:30am ang schedule nang departure kaya may time pa akong mag update sa inyo at mag agahan.

Kagabie po ay nagbabasa ako sa mga comments nyo, tinitingnan ko rin ang mga nag re-react at may nakatawag pansin sa akin. Member din pala sa page na ito ang iba sa mga kaibigan namin ni Sally...at ni Dave. Naghinala ako na baka isa sa mga account na yan ay ginagamit lang ni Dave.

Mapatunayan kong tama ang hinala ko, kasi walang ibang barko na bumibyahe galing Manila papuntang Cebu. Nang mag a-alas dos na nang madaling araw at karamihan sa mga pasahero ay tulog na, may dumalaw sa akin. Natutulog na ako nun nang maramdaman ko na may taong nakatayo sa tabi nang higaan ko. Ang unang sumagi sa isip ko ay i-secure ang mga gamit ko. Bigla akong bumangon at hinanap ang bag ko. Nasa tabi ko pa rin naman ang bag kaya tumingala ako sa taong nakatayo sa tabi ko. Laking gulat ko nang ang lalaki ay maputlang-maputla ngunit namumula ang mata. Kinabahan ako at hindi ko alam ang gagawin, hindi ako nakagalaw at napatitig lang ako sa lalaki. Ilang minuto rin akong naka upo at nanginginig sa takot bago nagsalita ang lalaki. Ngumiti muna ito at nagtanong

"Ikaw ba ang humamon?"

Hindi ko maintindihan kung ano ang tinatanong nya, sa takot ko ay umiling nalang ako at sinabing hindi. Tumawa sya at sinabi sa akin na ang buong angkan daw nila ang hinamon ko. Doon ko napagtanto ang lahat, tama hinamon ko nga ang buong angkan nila. Nang matandaan ko ito ay nagkaroon ako nang konting tapang. Tumayo ako at sinabi ko sa lalaki na iparating kay Dave ang mensahe ko. Kung gusto nya nang magandang laban, bigyan nya ako nang ilang araw at haharapin ko sya, pangil sa pangil! Tinawanan lang ako nang lalaki at sinabing bakit pa daw sila maghihintay kung kaya nya naman akong patayin sa mga oras na iyon. Sa totoo lang ay nanginginig ang mga tuhod ko sa sandaling iyon, pakiramdam ko ay hihimatayin na ako sa takot. Akmang lalapit na sana sya sa akin nang may bumabang mga kalalakihan mula sa roof top. Dali-dali akong lumapit sa kanila at sumabay sa kanilang paglalakad habang bitbit ko ang aking bag.

Sinundan kami nang lalaki hanggang makarating ang grupo nang kalalakihan sa kaning higaan. Tumayo ako malapit sa kinahihigaan nang mga lalaki. Nasa di kalayoan naman ang maputlang lalaki na sumusunod sa akin.

2:35am tumawag si Tita Mel, umiiyak. Tinanung ko kung bakit, napuno ako nang galit nang sinabi ni Tita Mel na ninakaw ang katawan ni Sally, pinalitan daw ito nang puno nang saging. Hindi ko na tuloy alam kung ano ang kalaban ko, bampira ba o tamawo...

Sa galit ko'y nilapitan ko ang lalaki at tinulak ko sa pader, tinanong ko kung ano ang gagawin nila sa katawan ni Sally ngunit hindi ito sumagot. Tumagos lang ang tingin nito sa aking likuran. Buong lakas kong tinutulak nang siko ko ang kanyang leeg at dinidiin ko sa pader, ngunit wala man lang itong reaksyon. Kung normal na tao yun ay siguradong nabilaukan na sa pagkakadiin ko sa siko ko sa kanyang lalamunan.

Bigla nya akong kinabig sa tabi na parang humawi lang nang magaan na kurtina. 90kilos po ako, at hindi po ako mahina, nagsasanay po ako nang MMA kaya imposibleng ganun-ganun nalang akong nahawi. Tiningnan ko kung ano ang tinatanaw nang lalaki at nagulat nang makita kong may itim na aso na nagmamasid lang pala sa amin. Nakalabas lahat nang pangil nito, at cguro sa takot koy parang unti-unting lumalaki ang aso sa paningin ko.

Nilabas din nang lalaki ang ang kanyang pangil, parang pusa ito na nakikipag away sa kapwa pusa. Napansin kong buong ngipin nya ay pangil. Umatras ako dahan-dahan papunta sa mga kalalakihang sinabayan ko kanina.

Nagkagulo ang lahat nang nagsigawan ang mga pasahero nang makita ang itim na aso. Tumakbo ang maputlang lalaki papunta sa rooftop at hinabol ito nang itim na aso. Sinundan ito nang mga crew ngunit wala silang nakitang tao o aso sa rooftop. 3am na nang muling tumahimik sa barko, lumipat ako nang higaan malapit sa maraming tao, hindi ko alam kung anong oras na ako nakatulog muli. Di mawala sa isip ko kung ano ang gagawin nila kay Sally, at kung anong uri nang nilalang si Dave at ang maputlang lalaki kanina.

Bampira ba? Tamawo?

Sa mga nakakaalam please po bigyan nyo ako nang idea para alam ko naman kung ano ang kakalabanin ko, or kung maylaban ba ako kung saka-sakali.

P.S. Habang nagpo-post ako sa kwentong to ay may itim na pusa na natutulog sa ilalim nang inuupuan ko, kanina pa ito nakasunod saakin habang kumakain ako sa karinderya.

December 2, 2019

Nandito na po ako ngayon sa Camiguin, ini-enjoy ko muna ang sariwang hangin at ang mga tanawin. Nasa tabing dagat ang ancestral house nang angkan namin, madalas akong namimingwit dito noon.

Nakausap ko na pala ang lolo ko tungkol sa pakay ko kung bakit ako naparito. Nagmukha akong tanga, inakala kong bampira si Dave hindi pala. Ang lahat ay palabas lang nya, ang bangkay ni Sally na natagpuang walang dugo at may sugat sa leeg, at ang maputlang lalaki sa barko. Ginawa lang ito ni Dave para pagtakpan ang kanyang mga plano. At para hindi malaman kung anong uri nang nilalang si Dave.

Alam na agad ni lolo ang katotohanan nung sinabi ko sa kanya ang mga nangyari. Imposibleng maging bampira si Dave kasi nakakalabas siya sa umaga, hindi problema sa kanya ang araw. Ang taong nagtangkang umatake sa akin sa barko ay puro pangil lahat ang ngipin sa bibig, hindi ganyan ang pangil nang bampira kapag nag-aanyong tao sila. Hindi bampira si Dave, gusto lang nya na isipin kong bampira sya para kung mag handa man ako sa laban eh maling paghahanda ang gawin ko.

Isang Tamawo si Dave, at napili nyang maging asawa si Sally ko. Matiyaga nyang hinintay na mag dese otso anyos si Sally bago nya ito kunin at dalhin sa dimensyon nila.

Sa sinabi ni lolo ay nabuhayan ako nang loob, ibig sabihin ay buhay si Sally at ang bangkay na nakita ay isang ilusyon lamang. Sinabi ko kay lolo na gagawin ko ang lahat para mabawi si Sally, tatanggapin ko na ang ipapamana nya saaking mutya nang pagiging aswang. Pinagtawanan ako ni lolo, na asar ako sa pagtawa ni lolo, akala ko hindi nya alam na seryoso ako.

"Apo, kung tatanggapin mo ang pagiging aswang para lang maghiganti sa pumatay sa mahal mo'y hindi ako papayag. Ang pagiging aswang at hindi biro, ito ang magiging katapusan nang normal mong buhay. Hindi ka na muling makakabalik sa buhay mo ngayon."

Napayuko ako at napaisip, tama nga naman ang sinabi ni lolo. At siyay nagpatuloy.

"Kung bampira ang kalaban ay matutulungan ka nang pagiging aswang mo. May nakalaban na akong bampira noon, isang kastila na ang pamilya nila ay may ari nang isang malaking companya at noon ay may mga barko ito na bumibyahe sa buong bansa."

Tinanong ko si lolo kung ano ang nangyari sa laban nila, ay siya'y muling nagpatuloy.

"Lamang ang mga aswang kung lakas ang pag-uusapan, kaya rin naming magpalit anyo gaya nang ginagawa nang mga bampira. Ang bagay lang na meron ang mga bampira at ako'y wala ay ang hipnotismo. Kaya nilang mang hipnotismo nang mga mortal. Ngunit hindi ito tumatalab sa mga gaya kong aswang."

Namangha ako sa kwento ni lolo ngunit ang gusto kong marinig ay kung paano nya nilabanan ang bampira.

"Nang dumating ang pamilya nila sa isla natin ay agad nilang inagaw ang lupain ko, akala nila ay kaya nila akong takutin sa kapangyarihang meron sila. Isang gabi ay nagtagpo kami nang bampira, anyong tao pa ako nung nakita nya ako at akala nyay madali nya akong mapapatay. Agad nyang nilabas ang mga pangil nya at sinunggaban ako, iniwasan ko ang atake nya at siyay biglang naglaho sa dilim. Sa mga oras na iyon ay unti-unti na akong nagbabago nang anyo. Akala nang bampira na hindi ko xa nakikita ngunit sa paningin koy kitang-kita ko xa na unti-unting gumagapang palapit sa akin sa dilim. Hinintay ko lang na umatake xa sa aking likuran at nang siya nga ay umatake ay hinarap ko xa na nakalabas ang lahat nang pangil ko at nilamon ko ang buong ulo nito. Nagpumiglas ang bampira hanggang sa nakatas xa sa pagkakasubo mula sa bibig ko. Sa gulat nya'y nag anyong paniki ito at lumipad papalayo, ako namay nag anyong uwak at hinabol ang bampira at nang maabutan ko'y nag anyong aso ako at kinagat ko ang paniki, nahulog kaming dalawa. Bago pa kami bumagsak sa lupa ay nag anyong baboy ramo ako at dinaganan ko ang paniki sa pagbagsak. Nag anyong tao uli ito at sa pagkakataong yun ay nilapa ko na xa. Kahit pangit ang lasa ay inubos ko ang katawan nya dahil sa galit ko sa kanilang angkan."

Sa narinig ko'y mas lalo akong ginanahan na tanggapin ang pagiging aswang ni lolo. Sabi ni lolo ay pag isipan ko daw muna nang mabuti ang disisyon ko.

P.S. nagdisisyon na po ako, hindi ko po tatanggapin ang pagiging aswang. Ngayon na alam kung buhay pa si Sally ay may pag asa pa akong makasama siya.

Naalala nyo pa yung itim na pusa na sinabi ko kanina na sumusunod sa akin? Ipapakilala ko siya sa inyo sa susunod kong update.

December 3, 2019

Nasa barko nanaman po ako ngayon, pinayuhan ako ni lolo na pumunta sa Samar. Hahanapin ko ang syudad nang Biringan. Kung Tamawo ang kalaban ko, kakailanganin ko raw ang tulong nang mga engkanto. Tinanong ko si lolo kung ano ang kaibahan nang mga Tamawo sa mga Engkanto, ang sabi nya'y ang mga Tamawo raw ay mga engkanto na nahalu-an nang laman. Hindi ko maintindihan ang ibig sabihin nya kaya nagtanong ako kung ano ang ibig nyang sabihin.

"Apo, ang mga Engkanto ay walang katawan espirito lang sila. Ang mga Tamawo ay mga engkanto na nagkaroon na nang laman. Maaaring, anak sila nang engkanto at tao, oh di kaya'y aswang at engkanto. May kapangyarihan sila gaya nang mga engkanto at may pisikal silang lakas dahil may katawang pisikal din sila."

Nagtaka ako kasi kung totoong walang pisikal na katawan ang engkanto, paano sila nagkakaanak sa mga tao at aswang? At eto ang sagot nang lolo ko.

"Hindi nga pwede magkaanak ang Engkanto sa tao dito sa pisikal na mundo natin, pero pag ang isang tao ay pumasok sa kanilang mundo, maaaring magkaanak sila sa tao, Tamawo Pintac ang tawag sa kanila. Iba naman kung aswang ang kapares nila, hindi kasi pwedeng makapasok ang mga aswang sa kanilang mundo. Agad masusunog ang aswang pag pumasok ito sa mundo nila. Kaya ang Tamawo na galing sa Aswang at Engkanto ay espesyal. Upang maboo nito ay dapat mabuntis muna nang Engkanto ang babae at tsaka hahawaan nang aswang ang buntis. Mamamatay ang buntis dahil kakainin nang pinagbubuntis nito ang sarili nyang ina mula sa loob hanggang siya ay makalabas. Sila ang pinaka mabangis na klase nang Tamawo."

Natulala ako sa narinig, talaga palang may nangyayaring ganyan. Engkanto na nagkakagusto sa mga tao at dinadala nila ito sa kanilang kaharian, kagaya nang ginawa ni Dave kay Sally. Sabi din kasi ni lolo malayang makapasok ang mga Tamawo sa mundo nang mga engkanto dahil kalahating engkanto rin sila.

Kaya ako pinapupunta ni lolo sa Biringan ay dahil kailangan kong makausap ang kasalukuyang reyna nang mga engkanto, si Reyna Carolina. Kasama ko ngayon sa barko ang itim na pusang sumusunod sa akin mula pagdaong ko sa Cebu. Isa pala itong sigbin, isa ang mga sigbin sa ilang nilalang na may katawang pisikal na nakakapasok sa mundo nang mga engkanto. Ang mga pusa ay isa rin dito. Ang sigbin na ito ang gagabay sa akin papuntang Biringan, alaga ito nang lolo ko na pinadala nya sa barko nang maramdaman nyang papalapit ako sa kanya. Buti nalang at dumating sa tamang oras ang sigbin dahil kung hindi ay baka napatay na ako nang Tamawo na umatake sa akin sa barko.

Hindi na ako mapakali, gusto ko nang muling makita si Sally. Babawiin ko xa mula kay Dave, at hindi ko na hahayaang muling mawala xa sa buhay ko. Sana'y matulungan ako ni Reyna Carolina.

Hindi ko na sinabi kung anong barko at kung saang pier dadaong ang barko kasi nababasa ito ni Dave. Kaya kung ako sayo Dave, maghanda ka na, konting panahon nalang ay makakaharap na rin kita!!

December 4, 2019

Kasalukuyan po akong nagpapahinga ngayon sa masukal na bahagi nang kabundukan dito sa Samar. Natatakot na ako kasi mga dalawang oras na akong naglalakad sa dilim, ni isang bahay ay wala na akong makita at ang kasama ko pa sa paglalakad ay sigbin.

Kanina noong maliwanag pa ako nag-umpisang umakyat dito at ngayon ko lang narating ang lagusan papuntang Biringan. Nag mukha akong baliw kanina, hindi kasi sinabi ni lolo na wala palang Biringan na lugar dito sa Samar, kaya pala tumatawa ang conductor nung sinabi kong sa Biringan ako baba. Buti nalang may isang matandang babae na nagmagandang loob at tinuruan ako saan baba. Simula nung nakababa ako ay sinusundan ko na itong sigbin na nag anyong itim na pusa. Muntik pa akong nawala kanina kasi ang ungas na sigbin ay nagpalit nang kulay pala, naging puting pusa naman ito.

Sadyang hindi muna ako pumasok para maka pag update muna ako sa inyo. Iba ang takbo nang oras sa kanilang mundo, mas mabagal ito kesa dito sa ating mundo. ang isang minuto doon ay katumbas nang 3 oras dito. Kaya wag magtaka kung matagalan ang susunod na update ko, pipilitin kong makabalik agad dito sa ating mundo.

May bantay pala ang lagusan, isang sundalong engkanto ang lumapit sa akin at nagtanong kung ano ang pakay ko sa Biringan. Sinabi ko sa kanya ang buong kwento ko at siya ay nag tanong kung anong uri nang aswang si lolo. Sa totoo lang ay hindi ko talaga alam kung anong uri nang aswang si lolo, alam ko kasi ang ibang klaseng aswang gaya nang wakwak, balbal, unggo,kaskas, kikik, at iba pa ngunit wala doon.

Bago po ako pumasok ay gusto ko sanang magpasalat sa inyo sa pagsubaybay sa aking laban para mabawi si Sally. Marami akong maikukwento sa inyo pagbalik ko.

Ako'y papasok na po sa Biringan, Paalam!!

January 2, 2020 7:34PM

Kakalabas ko lang po sa Biringan, malas at umuulan pa. Nakausap ko po si Reyna Carolina, sa sandaling panahon na nakausap ko siya ay marami akong nalaman tungkol sa mga Tamawo, at pati narin tungkol sa aming lahi.

Si Dave at Sally ay nasa mundong yun, malawak ang mundo nila at maraming lagusan. Gusto ko sanang magpatulong kay Reyna Carolina para makuha si Sally mula kay Dave pero hindi sakop nang kaharian nya si Dave. Nasa Timog ang Kaharian ni Dave, kaharian ito nang mga Tamawo na kasalukuyang kaalitan nang kaharian ni Reyna Carolina. Pasensya na pero pinagbawalan ako nang reyna na banggitin ang pangalan nang mga kaharian sa mundong yun. Masasabi ko lang ay may walong kaharian na namumuno sa mundong yun at isa doon ang kaharian ni Reyna Carolina na tinawag nang mga mortal na Biringan.

Si Dave pala ay may mataas na katungkulan sa kanilang kaharian, ibig sabihin lang nun eh may malakas siyang kapangyarihan. Sa malas ko ba naman, siya pala ay Tamawo na galling sa Aswang at Engkanto. Isang kilalang mandirigma sa kanilang kaharian. Dios ko po, anong laban ko dun?

Bweset! Totoo ba to? January 2, 2020 na pala? Isang buwan din pala akong nasaloob nang Biringan? Tatlong oras lang ang dumaan dun… Teka mag update uli ako mamaya, Tatawag muna ako sa bahay patay ako nito.

January 2, 2020 10:58PM

Pasensya po kung nabitin kayo kanina, nagulat lang po ako sa tagal nang nilagi ko sa loob nang Biringan. Tatlong oras mahigit kumulang lang ang nilagi ko doon, 75% pa nga ang battery nang selpon ko. Marami sana akong gustong ibahagi sa inyo tungkol sa Biringan pero pinagbawalan ako nang reyna. Pero pwede kong ibahagi sa inyo ang natuklasan ko tungkol sa lahi namin, tungkol sa klase nang pagiging aswang ni lolo.

May nabasa po kasi ako na comment dito tungkol sa kaibahan nang lakas nang aswang at bampira. Tinanong ko si Reyna Carolina tungkol dun, tama po ang sinabi nang nagcomment. Mas malakas ang bampira sa aswang, mas mabilis, at sabihin na nating mas matalino. Pero natanong ko sa sarili ko, kung totoong mas malakas ang mga bampira sa aswang, paano natalo ni lolo ang bampirang yun?

Tumindig ang mga balahibo ko nang marinig ito mula sa reyna.

Talagbusaw, marahil iilan sa inyo ang nakarinig na nang pangalan na ito. Siya ang anito/dios nang pagpaslang at pagkauhaw sa dugo. Ang angkan naming ay nagmula sa mga katutubong sumasamba kay Talagbusaw. Pagdating nang mga kastila ay ipinagbawal nang mga prayle ang pagsamba sa mga anito at pinagsusunog nang mga ito ang mga pegura nang mga anito na dating sinasamba nang mga Pilipino. Ang aming angkan ay sumuway sa utos nang mga prayle at patuloy na sumamba kay Talagbusaw. Nalaman ito nang mga prayle at pinagpapatay nila ang aming angkan, ang natira ay namundok at namuhay na malayo sa sibilisasyon. Tahimik kaming namuhay sa kabundukan nang muli kaming nilusob nang mga kastila at sa pagkakataong iyon ay muntik na kaming maubos. Nagtago ang aming angkan sa kweba ngunit natunton ito nang mga kastila at nagtatawanan pa sila habang pinagbabaril at pinagsasaksak nila ang mga angkan ko.

Hindi na natiis ni Talagbusaw na inuubos nang mga banyaga ang kanyang mga tagasamba. Pinagkalooban niya nang kanyang kapangyarihan ang sampung kalalakihan nang aming angkan. Dumaloy sa kanilang mga ugat ang mismong dugo ni Talagbusaw, naging uhaw sila sa dugo, uhaw sa pagpaslang nang buhay.

Walang nakalabas na kastila sa kwebang yun, dalawang linggong walang buhay na nakakalabas mula sa bundok na iyon. Nagmistulang mga gutom na hayop ang sampong lalaki na pinagkalooban ni Talagbusaw nang kanyang kapangyarihan. Gaya nya na dios ay nagkaroon nang pambihirang lakas at bilis ang mga ito. Mga halimaw na may kapangyarihan nang isang dios o anito, kayang magbago nang anyo, at may matalas na pakiramdam, laging uhaw sa pakikipaglaban. Tinawag silang nga anak ni Talagbusaw.

Hindi kagaya nang mga aswang, nakakapasok ang mga anak ni Talagbusaw sa mundo nang mga engkanto. Ang dahilan kung bakit hindi nakakapasok ang mga aswang sa mundo nang mga engkanto ay dahil ang mga aswang ay lahi nang mga isinumpa, mga sumasamba sa kadiliman, mga humihiram nang lakas mula sa itim na kapangyarihan. Habang ang mga anak ni Talagbusaw ay galing sa kapangyarihan nang anito o dios. Pareho silang mabangis at uhaw sa dugo at laman pero magkaiba ang pinanggalingan nang kanilang kapangyarihan.

Hanggang dito nalang po muna ako, bababa muna ako sa bayan at maghahanda para sa laban. Sa tulong kasi ni Reyna Carolina nagpadala ako nang minsahe para kay Dave or tawagin natin sa kanyang tunay na pangalan na si Talaak Uron. Nalaman ko kasi na mababawi ko lang ang mahal kong si Sally kung mapapatunayan ko sa harap nang mga Tamawo na mas malakas ako kesa kay Talaak Uron.

Bahala na kung anong mangyayari basta gagawin ko ang lahat mabawi ko lang si Sally.

January 3, 2020 11:28PM

Kaninang umaga ay binisita ako ni lolo, gusto nyang malaman kung talagang handa na akong kalabanin si Talaak Uron ang kilalang mabangis na mandirigmang Tamawo sa mundo nang mga engkanto. Hinamon ko siya sa isang laban dito sa mundo natin para mabawi ang mahal kong si Sally.

Kaninang 6PM ang aming pagtatagpo dito mismo sa lagusan nang Biringan. Hindi na ako umalis dito simula nung ako'y nakalabas nang Biringan. Binasbasan ako ni Reyna Carolina nang kanyang kapangyarihan upang magbigay sa akin nang dagdag na proteksyon laban sa atake nang kalaban. Binigyan din nya ako nang dalawang punyal na di ko mawari kung anong materyal ito gawa, tila ito'y isang kristal.

Si lolo nama'y binigyan ako nang langis na may halong parang makukulay na buhangin, magagamit ko raw ito sa laban. May binigay din si lolo sa akin na isang mutya, oo ang mutya ni Talagbusaw. Sinabi ko dati na hindi ko na tatanggapin ang kapangyarihan ngunit sa mga oras na ito ay kailangan ko ang lahat nang kapangyarihan na magagamit ko sa laban, bahala na.

Nung sinubo ko ang mutya ay akala ko mararamdaman ko na akoy lalakas, at pakiramdam koy tatalas, ngunit ang tanging naramdaman ko at sobrang sakit nang lalamunan, dibdib, at tiyan ko. Hindi na ako makahinga sa sakit, parang pinaghahatak sa iba't-ibang dereksyon ang mga buto ko. Nagsuka ako nang nang dugo at nahimatay ako.

Pag gising ko ay nanibago ako, ang gaan nang katawan ko, para akong nasa ilalim nang tubig, pakiramdam ko ay kayang kong tumalon nang mataas. Dinig na dinig ako ang ingay sa kapaligiran, naririnig ko ang sapa na nasa di kalayuan, maging ang pag gapang nang uod sa dahon. Talagang nakamamangha ang ganitong kapangyarihan.

6:30PM nang dumating si Talaak Uron, langya kahit Tamawo pala eh nali-late din. Kasama nya ang dalawa pang Tamawo na bitbit ang isang malaking espada at gintong kalasag na may nakaguhit na mukha nang isang nakangangang Tamawo. Sa tingin ko nga parang mukha nya yung nasa kalasag.

Nag alangan ako nung makita kong nag ibang anyo si Dave at naging isang Tamawo na may ulo nang aswang. Na imagine ko kasi na makakalaban ko ay ang anyo ni Dave bilang tao, di ko naman naisip na Tamawo pala ang anyo nya pagmakikipaglaban. Nasa pitong talampakan ang taas nya, kulay puti ang kanyang balat at may mga itim na marka na parang tattoo na nakaguhit dito.

"Sa tingin mo ba ay kaya mo ako mortal?" Napakalalim nang kanyang boses.

Tumango lang ako at inilabas ang dalawang punyal na bigay sakin ni Reyna Carolina.

"Pwede mong subukan Tamawo.." Ang astig nang pagkakasabi ko noh?

Kinuha nya ang kanyang espada na parang sing lapad nang chainsaw at ang kanyang gintong kalasag. Naglabas siya nang isang napakapanindig balahibong hiyaw na sa lakas ay nagsiliparan ang mga ibon na noo'y nakadapo na sa mga sanga nang kahoy. Naglakad sya patungo sa akin at ako'y naghanda, tinalasan ko ang aking pakiramdam at ako'y biglang umatake.

Mabilis akong nakalapit sa kanya at tinangkang itarak sa kanya ang punyal na nasa aking kaliwang kamay ngunit nasangga nya ito nang kanyang kalasag. Umikot ako para itarak naman ang punyal na nasa kanang kamay ko ngunit bago pa man ito tumama sa kanya ay nasipa nya ako papalayo. Nagpagulong-gulong ako sa lakas nang pagkakasipa nya sa akin. Akma na sana akong tatayo nang siya naman ang umatake sa akin gamit ang kanyang malaking espada. Tumalon sya sa itaas taga nang kanyang espada pababa sa akin. Nakaiwas ako at tumama sa lupa ang kanyang espada, sa lakas nang pagkakatama sa lupa ay parang sumabog na granada ang pwersa nito at akoy tumilapon sa lakas lamang nang impact. Tumalon ako palayo para maghanda sa aking pag atake nang bigla nalang itong sumulpot sa aking likuran at nagwasiwas nang kanyang espada, pinuntirya nya ang aking katawan. Mabuti nalang at agad kong napansin ang atake nya, naharang nang dalawang punyal ko ang kanyang espada ngunit sa lakas nang pagkakahampas nya at muli akong tumilapon at bumangga ang likod ko sa isang puno. Sa lakas nang pagkakabangga ko sa kahoy ay napasuka ako nang dugo, unti-unting nagdidilim ang paninggin ko.

"Mahina ka lang mortal!" Sabay tawa nang Tamawo.

Itinayo ko ang aking sarili, kahit nanlalambot ang tuhod koy pinilit kong makatayo. Hinigpitan ko ang pagkakahawak sa aking dalawang punyal at muli ako ay umatake. Nakita nyang paparating ako mula sa kanyang kaliwa at agad nyang hinarang ang kanyang kalasag, pinilit kong umatake kahit alam kong tatama ito sa kanyang kalasag. Inisip ko na kaya kong basagin ang kalasag na iyon. Isang malakas na tunog ang umalingasaw sa paligid. Nakita kong nagkalamat ang kalasag na iyon, ako'y natuwa at naisip na kaya ko itong basagin, ngunit nanlumo ako nang makitang nawasak ang punyal ko. Itinaas nya ang kanyang espada at hinampas ito sa akin, sinangga ko ang aking natitirang punyal at sa lakas nang pagkakahampas maging ito ay nawasak. Napahiga ako sa lupa at tinapakan nya ako, pilit kong kumawala pero masyado na akong nanghihina dahil sa kanyang mga atake.

"Katapusan mo na mortal!!"

Akma na nya akong tagain nang bigla siyang sinunggaban nang alagang sigbin ni lolo, ito'y naging isang malaking aso na may buntot na parang sa alakdan. Kakaiba ang bunganga nito, paikot ang mga pangil nya hanggang sa lalamunan.

"Apo! Inumin mo na ang bigay ko sayong lana! Ilabas mo ang kapangyarihan nang ating angkan!!"

Naalala ko, may naibigay nga pala si lolo na langis, iinumin pala yun? Akala ko ipapahid lang. Dali-dali kong kinuha ang langis sa bulsa ko, ngunit itoy basag na pala. Pilit kong kinuha ang buhangin na nabasa nang langis mula sa aking bulsa at sinubo ko iyon. Nabilaukan ako dahil dumidikit sa lalamunan ko ang buhangin, nilingon ko si lolo gusto kong makita sa reaksyon nya kung normal lang ba ang nagyayari sa akin. Nakita ko si lolo nagkakamot nang ulo, halatang may mali sa mga nangyayari.

Patuloy paring nakikipaglaban ang sigbin ni lolo ngunit unti-unti na itong nanghihina. Tinamaan ito nang espada at may malaking sugat sa ulo, ngunit patuloy ito sa pag protekta sa akin.

"Nako apo! dapat ang langis lang ang inumin mo wag mo kainin pati yang buhangin! Hindi mo kakayanin ang kapangyarihan na yan!" Sigaw ni lolo na mababanaag sa mukha ang pag-aalala.

Unti-unting nawawalan ako nang malay, parang nababalot nang kadiliman ang aking paningin. Pinilit kong manatiling gising ngunit akoy tuluyang nawalan nang malay.

Pag gising ko'y nakikita kong kusang gumagalaw ang katawan ko, gising ako pero hindi ako ang nagpapagalaw nang katawan ko. Nakikipaglaban ako sa Tamawo, at nakakasabay ako sa lakas nito.

Naging matalas ang aking mga kuko, lumaki ang aking katawan ay nagsilabasan ang aking mga pangil. Ramdam na ramdam ko ang kagustuhan kong pumaslang, ang matikman ang dugo nang kalaban. Dumadaloy sa aking mga ugat ang dugo ni Talagbusaw, kusang gumagalaw ang katawan ko at gusto nitong paslangin ang Tamawo sa harap ko.

Parang kidlat sa bilis nang ako'y lumusob, gamit ang aking mga kuko ay umatake ako, sinalo nya ito gamit ang kanyang kalasag ngunit sa pagkakataong iyon ay tumilapon ang kalasag sa sobrang lakas nang atake ko. Tinaga nya ako gamit ang espada nya ngunit nakailag ako at kinagat ko ang leeg nya, gulat na gulat sya sa lakas at bangis na pinapakita ko. Pilit nya akong tinataga gamit ang espada nya habang kagat-kagat ko ang leeg nya. Niwasiwas ko sya sa ere na parang isang manika, pinagtataga nya naman ako ngunit hindi ko ito iniinda. Itinapon ko sya at tumama sya gilid nang pampang, hindi pa man ito nakakatayo ay sinipa ko ito paitaas at tumilapon sya sa taas. Nung pabagsak na sya ay sinalo ko sya gamit ang aking mga matatalas na ngipin at muling iniwasiwas na parang manika. Wala nang malay si Talaak Uron habang patuloy kong pinaglalaruan ang kanyang katawan. Gusto ko mang tumigil ay hindi ko magawa, gumagalaw mag isa ang aking katawan hindi ko ito makontrol. Basag-basag ang mukha nang Tamawo habang hawak-hawak ko ang ulo nito at hinahampas ko sa bato.

"Tama na!" Nagmula ang pamilyar na tinig sa lagusan papuntang Biringan.

Paglingon ko'y laking gulat ko nang makitang si Sally ito at umiiyak. Hindi ko alam ang mararamdaman sa mga oras na iyon, gusto ko syang yakapin at sabihin sa kanya kung gaano ko sya kamahal, ngunit kusang gumagalaw ang katawan ko.

"Sabing tama na! Bitiwan mo si Dave!!" Sigaw ni Sally.

Gustohin ko mang tumigil ay wala akong magawa, nasa ilalim pa ako nang kapangyarihan ni Talagbusaw. Sinubukan akong pigilan nang dalawang Tamawo na kasama ni Dave ngunit pati sila ay walang nagawa sa lakas ko. Lumapit si Sally sa akin at bigla akong sinampal, tiningnan ko sya at hinambalos, tumilapon sa malayo ang mahal ko. Nagpumilit akong mabawi ang kontrol sa aking katawan, galit na galit ako sa sarili ko sa pananakit ko kay Sally. Gusto kong kagatin ang sariling dila ko ngunit hindi ko talaga ma gawang kontrolin ang katawan ko, patuloy ako sa pag atake sa walang malay na si Dave. Nang biglang may tumama sa mukha ko, si lolo na nagbagong anyo, sinipa ako sa mukha. Nagtaka ako, nasakin na ang mutya ngunit nagawa pa rin ni lolo na magbagong anyo?

Binitawan ko ang katawan ni Dave at natuon ang atensyon ko kay lolo. Siya naman ngayon ang aatakihin ko, lumusob ako ngunit bago pa man ako maka atake ay tinamaan na naman ako sa mukha, suntok naman ngayon. Lamang sa eksperyensa sa pakikipag laban si lolo, kapansin-pansing mahina na ang kanyang mga atake, marahil ay dahil wala na sa kanya ang mutya, at dala narin siguro sa kanyang katandaan. Hindi ko magawang tamaan si lolo, para lamang itong sumasayaw habang nakikipaglaban sakin.

"Apo kontrolin mo ang kapangyarihang ipinagkaloob sayo ni Amang Talagbusaw!" Sigaw ni lolo habang nakikipaglaban sa akin.

Sa gitna nang laban ay biglang napaluhod si lolo, hawak-hawak ang dibdib nimo habang unti-unting natutumba.

"Umabot na ako sa aking sukdulan apo, hindi na kita matutulungan ngayon, ikaw nalang ang makakatulong sa sarili ngayon. Kontrolin mo ang kapangyarihan!!" Sigaw ni lolo.

Habang nakahiga na si lolo sa lupa ay tumalon ako sa ere at ibinagsak ang katawan ko kay lolo. Napasuka ito nang dugo, hindi pa ako nakontento at binunot ko ang ulo ni lolo mula sa kanyang katawan at hinampas sa bato.

Wala parin akong magawa, nanunood nalang ako habang sinasaktan at pinapaslang ko ang mga mahal ko sa buhay. Palingon ko sa kinarorooan ni Dave ay nakita ko itong gumagapang habang pilit tinutulungan ni Sally na sa mga oras na iyon ay dugoan ang ulo mula sa pag atake ko sa kanya. Nilusob ko uli si Dave, hinawakan ko ang kamay nito at mula sa daliri ay pinagbabali ko ang mga buto nito. Sumisigaw ito sa bawat buto na binabali ko, kasabay nya sa pag-iyak si Sally.

"Tigilan mo nayan!! Mahal ko si Dave! alam kong Tamawo sya ngunit pinili kong sumama sa kanya! Pabayaan mo na ako!! Gusto kong sumama kay Dave!!" Iyak ni Sally habang pilit hinihila ang katawan ni Dave mula sa kamay ko.

"Pabayaan mo na kami ni Dave!! Nagmamahalan kami!!" Dagdag pa nya.

Sa narinig koy parang gumuho ang mundo ko. Akala ko ako ang tagapagligtas ni Sally, nagkamali pala ako, ako ang naging kontrabida na pilit syang inaagaw mula sa taong mahal nya, ako pala ang kontrabida na nanakit sa kanya at sa nilalang na iniibig nya. Nawalan ako bigla nang ganang mabuhay, gusto kong lamunin na ako nang lupa sa mga oras na iyon.

Hindi na gumagalaw nang kusa ang katawan ko, napaluhod nalang ako habang umiiyak. Gusto kong yakapin si Sally at humingi nang tawad ngunit nababakas sa mukha nya ang galit at pagkapuot sa akin. Nilapitan ko ang ulo nang lolo ko at kinarga ko sa aking braso habang naglakad ako papalayo. Sumunod naman sa akin ang alaga ni lolo na sigbin, paika-ika ito sa paglakad. Nilingon ko si Sally, umiiyak parin ito habang pinupunasan ang mga dugo na nasa mukha ni Dave.

Sa araw na ito ay tanggap ko ang aking pagkatalo. Hindi talaga ako ang kailangan ni Sally, hindi noon, hindi ngayon, at hindi bukas.

Wala na rin ang normal kong pamumuhay, hindi ko alam kung saan patungo ang buhay ko ngayon. Nakakatawa, may kapangyarihan nga ako pero mag-isa naman ako, paano ako magiging masaya nito?