Fifteen years later...
"THE END!"
Nag-inat ng mga braso at matagal na napahikab si Charley pagkatapos niyang i-save ang kanyang sinulat na story bago tuluyang i-turn off si taptap—ang pangalan ng kanyang black laptop, saka inayos ang kanyang suot na makapal na eyeglasses. Pagkatapos ng ilang linggong pakikibaka ni Charley, naitumba din niya ang ika-10th manuscript niya para sa taong ito.
May dalawang taon na siyang nagsusulat ng mga nobela at nagpapasa sa iba't ibang mga publishing house sa bansa, ngunit ni isang manuscript ay wala pang pumapasa sa panlasa ng mga nagiging editors niya. Ngunit ni minsan ay hindi siya nawalan ng pag-asa; dahil habang may buhay—may pag-asa!
She had a great and crazy time while writing her novel entitled 'The Cursed Badboy'. Natuwa siya sa mga characters na naging bida niya sa story. Perhaps, she is the only writer who never believes in what they called "Happily-ever-after" and "Forever". Kaya naman hindi niya nagagawang lagyan ng happy ending ang kanyang nobela—na rason ng pagkakaroon niya ng mga returned manuscripts.
Pagkatapos niyang ma-proofread at ma-edit ang kanyang nobela, plano niyang i-post 'yon sa Webnovel—isang writing community, kung saan maaaring mag-post ng stories, articles, fan fictions at iba pa.
Ang mga webnovel users naman ay maaaring basahin 'yon, mag-post ng kanilang mga comments at mag-like ng mga stories o sumali sa mga groups na associated doon. First time niyang magpo-post ng story doon, since kagagawa lang niya ng wattpad account niya, na-curious lang siya kung bakit karamihan sa mga kabataan ngayon ay naadik doon.
Hindi pa naman masasabing matanda na siya sa edad niyang twenty three para hindi maging "in" sa mga kaganapan sa mundo.
Graduate siya ng BS Biology sa isang kilalang University sa States may dalawang taon nang nakakaraan. Pinangarap ng mga magulang niya na maging Doctor siya na sunod sa yapak ng kanyang Mommy, ngunit wala ang puso niya doon—dahil simula pa no'ng nasa high school siya ay mahilig na siyang magsulat ng mga nobela na iba't ibang genre—pero mas gusto niyang isinusulat ang mga tragic love stories. She also dreamt of becoming a scriptwriter in a movie.
Ang Mommy niya ay isang Cardiologist sa isang private hospital sa States at may fourteen years na rin ito doon ngayon. Isinama sila ng Kuya Don niya sa States nang magkahiwalay ang kanilang mga magulang. Sa States na rin nila itinuloy ng Kuya niya ang kanilang pag-aaral, hanggang sa makapag-graduate sila at napag-desisyonang muling bumalik sa bansa, sa dating tahanan nila, na naiwan sa pangangalaga ng isang naupahang caretaker.
Ang kanyang Daddy naman ay isang Engineer sa isang malaking construction firm sa Middle East. Hindi naman nawawala ang komunikasyon nilang magkapatid sa kanilang mga magulang at malapit pa rin naman sila sa isa't isa, ngunit nawalan na ng komunikasyon ang mga magulang nila sa isa't isa.
Kung sana ay maaari pang ibalik ang kahapon. Sinubukan din naman noong makipag-usap ng Daddy sa Mommy niya, pero huli na daw ang lahat ayon sa Mommy niya at nakasara na daw ang puso nito sa posibilidad nang pagbabalikan ng mga ito. At hanggang ngayon ay hindi pa rin niya alam kung ano ang puno at dulo nang pagkakahiwalay ng mga ito, walang sinuman sa pamilya nila ang nagsasabi sa kanya nang katotohanan.
Wala siyang social o love life dahil nakakulong lang siya sa kanilang malaki at mapayapang tahanan—na malayo sa ingay ng mga tao at polusyon. Napapaligiran ang tahanan nila nang mayayabong na halaman at mga puno sa paligid na siyang nagbibigay nang preskong hangin, para siyang nasa isang mala-paraisong lugar. Kaya hindi niya kayang umalis doon dahil bukod sa alaala ng kanilang pamilya, masarap din ang pakiramdam na manatili doon, kasama sina taptap ang kanyang laptop at si Dyesebel, ang kanyang alagang goldfish. At heto nga, nakatapos uli siya ng isang story sa taong ito.
Sa dalawang taon niyang pagsusulat ng mga nobela, halos umaabot na sa dalawampung istorya ang kanyang mga naisulat, pero ni isa sa mga 'yon ay wala pang pumapasa sa mga ito. Nagawa na rin niya ang lahat nang pagpapakilig na alam niya—'yon lang, sa huli ay hindi niya mabigyan nang magandang ending ang story—dahil nga sa kanyang paniniwala na wala namang forever.
Kaya binansagan tuloy siya ng Kuya niya na "The Tragic Novelist". Pero ang kaibahan ngayon intong pang-10th novel niya—may pagka-fantasy ito, hindi tulad sa mga naunang siyam, na puro pagpapakilig lang.
Gayunpaman, inihanda na rin niya ang kanyang sarili na ma-bash dahil sa ending ng story, kung sakali mang mai-post na niya ang story niyang ito sa webnovel.
Naging abala siya sa loob nang ilang linggo—wala siyang masyadong kain at tulog—para matapos lang ang story na 'yon. She really worked hard, seryoso na talaga siyang maging isang published writer at mahal niya talaga ang pagsusulat, sana rin ay mahalin din siya ng pagsusulat.
Umalis na siya mula sa harapan ni taptap para mahiga sa malamig na semento, sa malawak niyang sala. Alas sais na nang gabi at nagugutom na siya, pero dahil tinatamad siyang lumabas ng kanyang bahay para bumili ng pagkain—malayo din kasi siya sa kabihasnan—itutulog na lang niya ang kanyang gutom at aagahan na lang bukas ang pag-go-grocery.
Napapikit siya dahil sa sarap ng pakiramdam nang malamig na semento na nakalapat sa kanyang likuran nang biglang bumukas ang pintuan ng bahay.
"Charley!" tawag sa pangalan niya.
Hindi man niya makita ang tumawag sa pangalan niya ay alam na niya kung sino 'yon, dahil once a week ay dumadalaw ito sa kanya, simula nang magkaroon ito ng sariling condo. It was his brother Lyndon aka Don, isang businessman at sa dinami-rami ng mga nira-raket nito, hindi na niya alam kung ano ang latest na pinagkakaabalahan nito.
Ahead ito sa kanya ng apat na taon at syempre kung narito ito ngayon, panigurado siyang kasama din nito ang asawa nitong si Sher—kababata at naging kalaro nila ito noon, kaedad niya ito at may parehong kurso katulad ng kanyang Kuya.
May higit isang taon na ding kasal ang mga ito ngayon. Nagulat nga siya noon nang sabihin ng mga ito na magpapakasal na ang mga ito, pagkatapos na muling magkita after fifteen years—ngunit tanging ang Daddy lang nila ang nakadalo noon sa kasal ng Kuya niya dahil abala ang kanilang Mommy sa trabaho, ngunit tumawag naman ito sa kuya niya para bumati.
Nakakatawa din dahil hindi magkasundo ang Kuya niya at si Sher no'ng mga bata sila, kung bakit nagkagustuhan ang mga ito—totoo nga yata ang kasabihan na "the more you hate, the more you love." Saka hindi naman siya tutol sa relasyon ng dalawa, kaya hindi na niya pinakialaman ang mga ito.
"Charley!" narinig din niyang tawag ni Sher, nang hindi siya sumagot sa una.
Masyado na siyang nanghihina sa gutom, kaya tinatamad at wala na siyang lakas para sumagot. Madilim ang buong kabahayan dahil mas prefer niyang magsulat nang madilim, mas marami kasi siyang ideas na nakukuha mula sa madilim na kapaligiran—siya na ang weird!
"Charley!" tawag uli ng kuya niya, dahil malawak ang bahay niya, hindi siya kaagad makita ng mga ito.
Ang bahay na tinitirhan niya ay dream house ng kanyang mga magulang na ipinatayo ng kanyang Daddy para sa kanyang Mommy—pero ngayon ay nakapangalan na sa kanila ng kanyang Kuya. Simula nang bumukod ang kapatid niya ay siya na ang namamahala sa buong kabahayan.
Natuto silang magkapatid na tumayo sa sarili nilang mga paa pagkatapos nilang makapag-graduate ng college. Binigyan sila ng kanilang mga magulang nang sapat na pera para makapagsimula ng kanilang buhay—pero wala siyang balak na galawin ang perang 'yon. Gusto niya ay gamitin ang pera na mula sa sarili niyang pagod.
Nasubukan din niyang maging working student sa isang coffee shop sa States noon at pagkatapos niyang makapag-graduate ay nagtrabaho din siya sa isang maliit na grocery store bilang cashier, pero nang makabalik sila sa bansa ay nag-focus na siya sa pagsusulat na kinahihiligan niya.
Naramdaman niyang bumukas ang ilaw—at nagulat na lang siya nang biglang sumigaw ang dalawang bagong dating dahil sa nakita ng mga ito.
"Patay na yata ang kapatid mo, honey." Narinig niyang sabi ni Sher sa Kuya niya.
"Huwag kang magsalita ng ganyan honey, bata pa siya, ni hindi pa nga nagkaka-boyfriend e." sabi ng Kuya niya, saka niya narinig ang mabibilis na yabag ng mga ito, palapit sa kanya.
Lihim siyang napailing sa narinig niyang sinabi ng mga ito, hindi na siya nag-abalang magmulat pa ng mga mata—she's deadly tired at gustong-gusto na niya magpahinga.
"Charley, kapatid ko!" narinig niyang hagulgol ng Kuya niya.
"Charley, bakit mo kami iniwan?" hagulgol din ng kababata niya.
Saka siya niyugyog ng mga ito. Very dramatic! Ni hindi man lang dinama ang pulsuhan niya o napansin na humihinga pa siya. Lihim siyang napailing. At dahil naiingayan na rin siya, kapagdaka'y nagmulat na siya ng kanyang mga mata na ikinalaki ng mga mata ng mga ito, napasigaw at biglang napasalampak sa malamig na sahig dahil sa sobrang pagkagulat.
"Z-Zombie!" nagulat na sigaw ni Sher.
"B-Buhay ka pa?" nauutal naman na sabi ng Kuya niya na halos mapanganga sa takot.
Mula sa pagkakahiga sa semento ay napaupo siya na katulad ng mga ito. "Bakit Kuya, gusto mo na ba akong matuluyan?" aniya.
Umiling-iling ito. "Hindi no! Bakit ka ba kasi nakahiga dyan sa sahig, pwede naman sa sofa?"
"Malamig at masarap kasi sa pakiramdam ang semento." Aniya.
"Saka nakakatakot kasi ang hitsura mo. Ang gulo ng buhok mo, ang itim ng palibot ng mga mata mo na parang naka-drugs, dry na dry ang lips at mukhang hindi pa naliligo. Mukha ka na ngang Zombie e." anang Kuya niya.
"Teka, bakit parang may mabaho dito?" pansin ni Sher na biglang nagtakip ng ilong.
Napasinghot naman ang Kuya niya. "Oo nga, 'no."
Hinanap ng Kuya niya ang mala-imburnal na amoy na 'yon, hanggang sa madako ang ilong nito sa kanya—at halos mahimatay ito nang malanghap ang kanyang amoy.
"C-Charley!" halos hindi makahingang sabi nito, saka ito nagtakip ng ilong. "Ilang araw ka na bang hindi naliligo, ha? Bakit ang baho-baho mo? Don't tell me, simula nang dumalaw kami last week sayo dito, hindi ka pa rin naliligo, dahil 'yan pa rin ang suot mong damit." Puna ng kapatid niya.
"Busy ako e. Saka nagto-toothbrush naman ako." aniya. Saka uli siya napahiga sa semento. "Nanghihina ako, kaya kung wala rin kayong dalang pagkain, umuwi na kayo sa bahay niyo."
"Maligo ka naman kahit thrice a week lang, saka mag-ayos ka ng sarili mo, isama mo na rin itong bahay, para na itong haunted house, nakakatakot tuloy dito." Ani Sher. "O kung gusto mo, ibenta mo na lang itong bahay na 'to tapos lumipat ka sa mas maliit na bahay, 'yong kaya mo nang linisan—" hindi naituloy ni Sher ang sasabihin nito nang mabilis na tinakpan ng Kuya niya ang bunganga nito, nagtataka tuloy siyang nagpabaling-baling ng tingin sa dalawang weird sa kanyang harapan.
Nagkibit-balikat na lang siya at muling napapikit ng mga mata. Saka lang siya biglang napapumalat nang may malanghap siyang napakabangong amoy. Mabilis siyang napatayo, inayos ang kanyang suot na makapal na eyeglasses—at tumambad sa kanyang harapan ang naka-styro na takeout sa Jollibee.
"Kawawa ka naman, kaya heto inuwian ka na namin ng pagkain—"
Hindi pa natatapos sa pagsasalita ang Kuya niya nang agawain niya 'yon agad. Kung kanina pa sana nito nilabas 'yon, e di sana masaya at busog na siya ngayon. Mabilis niyang binuksan ang styro, saka walang hugas-kamay na pinapak ang two pieces spicy chicken na may kasama ng kanin at extra rice. Mabait talaga ang Kuya niya!
"Salamat." Puno ang bibig na sabi niya, saka niya nginitian ang mga ito.
"Dahan-dahan, baka mabulunan ka." Anang kuya niya.
Tumango-tango siya. "Kuya, pakikuha naman ako ng tubig sa kitchen oh!" Pakiusap pa niya dito, dahil ang sarap na nang kain niya, masaya namang napatango na lang ang nakatatandang kapatid.
After a minute ay naubos na niya kaagad ang kinakain. "Gutom pa ako." daing pa niya.
"Para namang grinder 'yang tiyan mo. Palibhasa puro ka lang cup noodles at tinapay, kaya hindi ka na nakakakain nang matino."
"Medyo tinatamad kasi akong magluto e."
"Sus! Anong medyo tinatamad, ang sabihin mo hindi ka lang marunong magluto." biro ni Sher.
"Marunong naman ako kaunti, pero hindi lang bihasa tulad mo." Aniya.
"Hayaan mo sa susunod na bisita namin, ipagluluto ka ni Sher nang matinong pagkain."
Napangiti siya sa mga ito. "Gusto ko 'yan!"
Iniligpit na ng kapatid niya ang kalat niya, dahil kung siya lang ang aasahan ay baka abutin pa 'yon ng isang taon, baka langgamin na ito at lahat-lahat, naroon pa rin ito. Makalat kasi siya at tamad sa gawaing bahay, lalo na kapag nasimulan na niyang magsulat ng kanyang nobela.
Umupo silang tatlo sa sofa, para makapagpababa siya nang kinain, kahit papaano ay nadagdagan din ng kaunti ang kanyang lakas.
"Ahm, Charley..." anang Kuya niya na mabilis niyang binalingan. "G-Gusto mo ba manood ng comeback concert ng Side A band?" mayamaya ay nakangiting alok ng Kuya niya. Saka nito iwinagayway sa harapan niya ang isang ticket ng concert ng paborito niyang banda.
Nagningning ang kanyang mga mata, napangiti saka nagpatango-tango sa kapatid. Side A band was her most favorite band of all time—paborito din 'yon ng kanyang mga magulang noon. Hindi pa niya nagagawang makabili ng concert ticket ng mga ito at never pa siya nakapanood ng live concert dahil abala siya sa pagiging buhay-writer niya. Akmang aagawin na niya ang ticket sa kamay nito nang ilayo nito 'yon sa kanya.
"Hindi lang yan," nakangiting sabi ni Sher. "Mayroon ka ding free two days stay and experience sa isang mamahaling Hotel, ipakita mo lang sa kanila itong dala kong Hotel card."
Nanlaki uli ang mga mata niya. Pinangarap din kasi niyang makatira sa isang mamahaling hotel—na maraming pagkain at may magandang serbisyu. 'Yon nga lang, dahil short siya sa pera, hindi niya magawang maisakatuparan ang kanyang munting pangarap.
"Bakit ang bait niyo yata ngayon sa akin?" nagtatakang tanong niya. Oo at mabait ang mga ito, pero naging extra mabait yata ang mga ito ngayon at nakakapanibago lang para sa kanya.
Umiling at ngumiti ang mga ito sa kanya. "Gift namin sayo, dahil napakabait mong kapatid." Anang Kuya niya.
"Ako? Mabait?" nagtatakang tanong niya.
"Oo, ikaw. Kaya deserve mo ang sumaya-saya naman." Ani Sher. Bago inabot ng Kuya at ni Sher ang concert ticket at Hotel card sa kanya—may mga papeles ding mabilis na pinapirmahan sa kanya ng Kuya niya, hindi na niya 'yon binasa dahil sa nararamdaman niyang excitement—saka papeles lang naman daw 'yon para sa pagtira niya sa hotel.
"Next week na ang concert ng Side A, kaya sa mismong araw ng concert na 'yon, maaari mo nang dalhin ang mga gamit mo sa hotel kung saan ka mag-i-stay at malapit lang din 'yon sa MOA arena kung saan gaganapin 'yong comeback concert, hindi ka na mapapagod, hindi ka pa mata-traffic." Ani Sher.
Nananaginip lang ba siya? "Oh my God, totoo ba 'to?" hindi makapaniwalang tanong sa dalawa. Napa-aray siya nang kurutin niya ang kanyang braso, para mapatunayan sa kanyang sarili na hindi siya nananaginip.
Tumawa ang mga ito. "Oo, kaya magpakasaya ka. Okay?" ani Kuya Don niya.
Ngumiti siya at tumango. "Salamat sa inyong dalawa, ang saya ko! Bukod sa nakatapos ako nang isang story, may concert ticket at hotel card pa ako. Yehey!" Hindi naman siya nakakaramdam ng pagiging loner, dahil sanay naman na siyang mag-isa—bukod kay Sher, nasa States ang maituturing niyang mga kaibigan—na mga kaklase niya no'ng high school at college, kaya kahit mag-isa lang siyang manunood ng concert, ayos pa rin!
Napatigil sa pagngiti ang dalawa at tumitig sa kanya. "Huwag mong sabihing... tragic na naman ang naging ending ng story mo?" panghuhula ng Kuya niya.
Umiling siya. "Hindi namatay ang mga bida ko."
Mukhang nakahinga nang maluwag ang mga ito. "Mabuti naman kung gano'n. Curious tuloy ako sa ending." Ani Sher.
"I just made my heroine disappear, because of a curse."
Nalaglag ang panga ng mga ito. "Tragic pa din 'yon dahil hindi pa rin nagkatuluyan ang mga bida mo!" Reklamo ng Kuya niya. "Kaya ka hindi nakakapasa sa mga publishing house, dahil sa ending ng story mo. I-revise mo 'yon at gawin mong happy ending."
"Bakit si Nicholas Sparks, tragic din naman ang mga ending ah."
"Ewan ko sa ipinaglalaban mo." Naiiling na sabi ng Kuya niya. "Kung ako sa 'yo maghanap ka ng lovelife, para malaman mo kung gaano kahalaga ang "happy ending" sa isang story, para ma-edit mo nang maganda 'yong story na isinulat mo, malay mo may matuwang publisher doon at ma-discover pa at gawing instant movie, e di naka-jackpot ka pa." tuluyan nang tumayo ang mga ito. "Mauuna na kami, pag-isipan mo 'yong mga sinabi ko. Idinaan lang namin 'yang ticket at hotel card sa 'yo. Next week na 'yan, huwag na huwag mong kalilimutan. Utak goldfish ka pa naman." Anito, na tinutukoy ang pagka-ulyanin niya ng bongga.
Napakamot siya ng ulo, magkasing-memory lang pala sila ni Dyesebel. "Isusulat ko na ito sa reminder ng phone ko, magdi-dikit din ako ng mga post it sa buong paligid ng bahay, kaya huwag na kayong mag-alala."
Tumango ang mga ito. "O siya, mag-iingat ka na lang. Sana mag-enjoy ka." Sabi ng Kuya niya.
"Huwag mo munang isipin ang bahay mo at si Dyesebel, kami muna ang magbabantay dito at mag-aalaga sa goldfish mo." Nakangiting sabi ni Sher. Tumango siya at ngumiti.
Kapagdaka'y tuluyan na ring umalis ang mga ito. Napaisip siya at napailing sa sinabi ng Kuya niya—siya maghahanap ng lovelife para malaman niya ang kahalagahan ng 'happy ending'? E wala nga siya sa mood magka-crush e, lovelife pa kaya? Napailing na lamang siya.
Oo at maituturi siyang walang puso, dahil sa ending ng kanyang mga stories, pero nagpapakatotoo lang naman siya—dahil wala naman talagang happily ever after, patunay na ang kanyang mga magulang.
Napailing-iling na lang siya at muling ibinaon ang mga alaala ng kahapon sa pinakasulok-sulukang bahagi ng kanyang isipan, saka inabala ang kanyang sarili sa ibang bagay—napakunot-noo siya nang malanghap niya ang kanyang sariling amoy—nakakamatay nga! Sa pagiging abala niya nang buong linggo, hindi na niya nagawang maligo, ni kumain nga at matulog, kinaligtaan na din niya.
Napatayo na siya sa sofa, para umakyat sa kuwarto at maligo, sana lang ay kilala pa niya ang sabon at shampoo.
NASA GROCERY store sa isang Mall noon si Charley para bumili ng kanyang mga stocks sa bahay, nang biglang magkagulo ang mga kababaihan sa isang magazine stand na malapit sa kinaroroonan niya.
Ano'ng mayroon doon? Saka siya lumapit sa kumpulan ng mga babaeng tila nag-uunahang makakuha ng magazine, na kalalapag lang ng staff sa magazine stand.
"Train Evan is mine—mine alone!" matatag na sabi ng isang babae, saka ito napatili at napayakap sa magazine na hawak nito.
Gano'n rin ang reaction nang iba pang mga kababaihan na kasama din ng babae na nakatayo at kilig na kilig sa hawak na magazine.
"Kuya, bakit fifteen copies lang ang inilabas niyo, naubusan tuloy kami ng kopya." Reklamo ng isang babae sa lalaking staff. Sumegunda naman ang iba pang mga kababaihan na naubusan daw ng magazine ng kung sino mang nilalang na naroon.
Hanggang sa magkaroon na nang komusyon doon dahil walang kopya ng magazine ang ibang naroon, na mukhang 'yon lang ang pakay sa pagpunta doon. Lakas nang sira ng ulo ng mga babaeng 'to. Naiiling na sabi ng kanyang isipan. Nagpatuloy na siya sa kanyang pag-go-grocery nang may makabangga siya sa kanyang harapan—isang babae—at nahulog ang magazine na hawak nito, kaya mabilis niyang pinulot.
Sa curious niya kung ano ang pinag-aawayan at pinagdidiskusyunan ng mga ibang mga babae kanina, mabilis siyang napatingin sa front cover—Train Evan Sebastian? Pagbabasa niya sa nakasulat ng pangalan ng lalaking nasa larawan—ngayon lang niya nakita at nabasa ang pangalan ng lalaki, palibhasa ay wala naman siyang pakialam sa ibang TV personalities, maliban sa Side A band, kaya hindi niya ito kilala. Saka hindi rin siya nanunood ng TV, nakikinig ng radyo, nagbabasa ng diyaryo o nanunood ng Filipino film.
Dahil sa lakas nang pagtikhim ng babaeng nasa kanyang harapan ay naagaw ang kanyang atensyon, kaya mabilis siyang bumaling dito. Tumaas-baba ang tingin ng babae sa kanya, bago ito nagsalita. "Neon green pants paired with an orange floral t-shirt and a thick eyeglasses—what kind of fashion is that?" Maarteng sabi ng babae sa kanya, saka ito napailing at mabilis na kinuha ang magazine sa kanya. "And stop dreaming about our Prince Train, because he would never ever notice someone like you." Nakangising sabi nito, bago siya iniwang mag-isa.
Inayos niya ang kanyang suot na makapal na salamin at saglit na sinipat ang kanyang hitsura. "Ano'ng problema ng babaeng 'yon?" tanong niya sa kanyang sarili, bago siya nagkibit-balikat na nagpatuloy sa kanyang pamimili.
"What kind of fashion is that?" Aminado naman siyang kahit lumaki siya sa isa sa mga kilalang fashion capital ng mundo—ang USA—jologs talaga siya e! Hindi kasi siya nasanay na magsuot ng mga latest fashion o designer clothes simula pa noon, dahil kung saan siya kumportable ay doon siya, saka gusto niyang maging unique.
And about that Prince she was talking about—nakalimutan na niya ang pangalan ng lalaki—na hinding-hindi daw siya mapapansin ng lalaking nasa cover ng magazine—'sus, in the first place; sino bang may sabi na magpapapansin siya sa lalaki? Saka ni hindi nga niya kilala kung sino man 'yon! Hello!