Chereads / Finding Sehria / Chapter 12 - Chapter 11 - It's Over

Chapter 12 - Chapter 11 - It's Over

"Stay there. Sit."

"Gagong 'to! Anong akala mo sa akin, aso?" Inis kong bulyaw kay Janus pero tinawanan lang niya ko. Loko-lokong 'to. "Saan ka ba kasi pupunta?" tanong ko.

"Just stay here. I'll be right back, I promise."

"Kapag ikaw hindi bumalik, humanda ka talaga sa akin," pagbabanta ko.

Nagulat ako nang bigla niya akong halikan sa noo. Matamis siyang ngumiti sa akin bago umalis. Wala na kong magawa kundi hintayin na lang siya dito sa foodcourt. Subukan niya talaga kong iwan dito, hindi ko na siya papansinin ever.

Nilabas ko na lang ang cellphone ko para maglaro muna ng candy crush habang naghihintay kay Janus. Alas onse palang ng umaga, halos kabubukas palang ng mall kaya wala pang masyadong tao. Ilang minuto pa ang lumipas pero hindi pa din bumabalik si Janus. Naiinip na ko. Itetext ko sana siya kung nasaan na ba siya, kaso wala nga pala akong number niya. Napraning ako bigla.

Paano kung hindi niya ko balikan? Nasa akin pa naman ang bag niya. Bahala siya.

Binuksan ko na lang ang bag niya. Ang pakelamera ko po, slight lang. Iilang notebook lang ang laman nito, kaya pala ang gaan ng bag niya. Napansin ko din ang isang sketch book sa loob. Marunong siyang magdrawing?

Nilabas ko saglit yung sketchbook. Namangha ako nang makita ang unang pahina, sketch ito ng isang malaking puno. Ito yung puno sa panaginip ko, kuhang kuha niya ang buong detalye. Kasunod naman na pahina ay sketch ng nakatalikod na babae, nakaharap ito sa malaking puno. Nakasuot ito ng mahabang damit at may koronang bulaklak sa ulo niya. Parang nililipad ng hangin ang mahabang buhok nito. Nakaramdam ako ng selos bigla. Sino naman kaya ang babaeng ito?

Nang ilipat ko sa sumunod na pahina, tila nalusaw ang selos na naramdaman ko dahil ako na ang naka-sketch dito. Nakasulat pa ang mga salitang 'the girl of my dreams'. Nakasuot ako ng school uniform habang nakaupo ako sa kalsada. Tandang tanda ko ang pangyayaring ito, ito yung araw na unang beses kaming nagkita.

Halos mapunit na ang labi ko kakangiti dahil mukha ko pa rin ang naka-drawing sa sumunod na pahina. May luha sa mga pisngi ko, nakasulat naman ang mga salitang 'I'm sorry.' Sumunod na pahina naman ay may hawak akong espada na nakataas sa ere, ito siguro yung natalo ko siya. Nakasulat naman ang mga salitang 'You did it. I know you can.'

Kulang na lang lumundag na ang puso ko sa saya dahil sa mga nakita ko. Akala ko talaga ayaw niya sa akin. Ibinalik ko na ulit ang sketchbook sa bag niya, nagpanggap na wala akong nakita.

Ilang sandali pa ay dumating na siya.

Walang pagsidlan ang kasiyahan ko habang palapit na siya sa akin. May hawak hawak pa siyang boquet ng rosas. Pakiramdam ko biglang bumagal ang pag-ikot ng mundo. Tila isang eksena sa pelikula ang nasasaksihan ko at kaming dalawa ang bida dito.

"I don't know how to court a girl, but I hope I'm doing it right." Inabot niya sa akin ang boquet ng rosas. Nahihiya siyang napakamot sa batok niya gamit ang isang kamay niya.

Kinuha ko ang boquet mula sa kanya at inamoy amoy ko pa yun. "Thank you, Janus."

"Anything for you, Lei." He smiled at me.

Sobrang tamis ng ngiting ipinamalas niya. Tila may libo-libong paru-paro na nagliliparan sa loob ng tiyan ko. Isang ngiti lang niya para na akong nawawala sa sarili ko. Gusto kong ipagmalaki sa mundo na sa akin lang siya ngumingiti ng ganito pero sa kabilang banda, gusto ko ding ipagdamot sa iba ang ngiti niya. Ngayon lang ako naging ganito ka-selfish.

*****

Masyado kaming nalibang ni Janus sa pagtambay sa seaside. Halos nagawa na namin ang lahat ng nasa list niya. Oo, may listahan talaga siya ng gusto niyang gawin kasama ako. Nakanuod na kami ng sine, naglaro sa arcade, kumanta sa videoke. Nakakahiya nga eh, alam kong sintunado ako pero panay puri niya sa akin. Bolero much. Nakakagulat talaga ang mga ginagawa niya. Hindi pa rin ako makapaniwala na nangyayari 'to.

Hindi namin namalayan ang pagsapit ng gabi. Hinatid niya ko sa bahay. Nadatnan namin si mama na naghihintay sa gate. Nasa magkabilang bewang niya ang mga kamay niya. Lagot ako.

"Lorelei, ala-tres ng hapon ang uwian niyo. Bakit inabot ka ng ala-siyete ng gabi sa daan? Hindi ka man lang nagsabi na gagabihin ka ng uwi? Panay tawag ko sa'yong bata ka, hindi ka sumasagot. Akala ko kung napaano ka na," mahabang litanya nito.

"Sorry ma, nalowbat po ako." Lowbat talaga ko tapos nawala na rin sa isip ko ang makitext kay Janus.

"At saan galing ang mga bulaklak na yan?" Nakataas ang isang kilay ni mama, pero unti-unting gumuhit ang mapang-asar na ngiti sa labi nito nang dumako ang tingin niya kay Janus.

"Nililigawan mo ang anak ko?" usisa niya pa. Nakita kong napalunok si Janus, para siyang kinakabahan.

"Y-Yes ma'am," nauutal na tugon niya. Namumutla pa siya. Hindi naman siya kakainin ng buhay ni mama. Naniniwala na ko sa kanya na ako ang unang babaeng liligawan niya.

"O siya, sa susunod na gagabihin kayo magsasabi kayo. Naiintindihan mo ba, hijo?"

"Yes, ma'am!" sagot nito. Sumaludo pa siya kay mama kaya natawa kami. Tensyonadong boy kidlat.

"Malalaki naman na kayo, pero huwag masyadong magmadali. Ingatan mo din ang anak ko, huwag mong sasaktan yan."

"Yes, ma'am!"

"Tita na lang, masyado kang pormal. Wala tayo sa militar," natatawang puna ni mama. Parang maamong tupa naman na tumango si Janus. Ang cute talaga.

*****

"Sana all crush ng crush nila."

Kanina pa nagmamaktol si Elliot habang mag-isang naka-upo sa couch. Huwag daw kaming tumabi sa kanya, kaya heto kaming apat, nakaupo sa bilugang mesa. Napaka-bitter ng mokong.

Bigla kaming pinatawag nila Sir Hidalgo at Andrea dito sa secret hide out namin dahil may mahalaga daw silang sasabihin.

"Napanuod niyo ba yung balita kagabi?" basag ni Austin sa katahimikan.

"Ang alin? Yung mga paniking umatake sa may bayan?" tanong naman ni Fina. Tumango si Austin.

Hindi ako mahilig manuod ng balita kaya hindi ko alam ang mga pinagsasasabi nila.

"Napanuod ko din yan! Ang dami ngang sugatan kagabi, pero mabuti na lang puro minor injuries lang ang natamo nila," sabat pa ni Elliot.

"Sa tingin niyo kagagawan na naman 'to ng mga Galur?" May bakas ng takot sa boses ni Fina. Pati ako kinabahan din.

Nung una mga mababangis na ibon. Pangalawa, mga goblin tapos ngayon naman mga paniki. Sana wala nang ibang mapahamak. Sana matapos na 'to.

Napasulyap ako kay Janus na kanina pa walang imik at mukhang may malalim na iniisip.

Maya maya pa ay dumating si Sir Hidalgo kasama si Andrea. Halos kasunod lang din nilang dumating ang kambal. Ang seryoso nilang lahat. Ano bang meron?

"We found her," walang ligoy na anunsyo ni Sir Hidalgo.

Nakatingin kaming lahat sa kanya, naghihintay ng susunod niyang sasabihin. Sinong nahanap nila?

"May hinala na kami kung sino si Sehria. Natagpuan na namin siya," dugtong ni Azure.

"Sino?" sabay sabay na tanong nung tatlo. Nanatili akong tahimik, maging si Janus.

"Si Glessy. She's Sehria," diretsong sagot ni Andrea.

Saglit kaming natahimik. Nakaawang ang mga bibig namin. Parang isang bomba na sumabog sa harap namin ang nakakagulat na balita.

"Sigurado ba kayo diyan?" naguguluhang tanong ni Austin habang nakatingin siya sa akin. Bakas sa mata niya ang kalituhan.

'Imposible.' Walang ibang nakarinig ng huling sinabi niya dahil walang boses na lumabas sa bibig niya, pero basang basa ko ang galaw ng labi nito. Tila hindi siya kumbinsido sa mga narinig niya.

May alam ba siya na hindi namin alam?

"Malalaman natin kapag nakita na namin siya. Kami lang ni kuya ang makakapagsabi kung siya nga si Sehria. Kung siya nga talaga ang kapatid namin," wika naman ni Azval.

"K-Kapatid? Kapatid niyo si Sehria?" kusang lumabas sa bibig ko ang mga salitang yun. Sabay na tumango ang kambal para kumpirmahin na tama ang mga narinig ko.

"Akalain niyo yun? Sinong mag-aakala na si Glessy pala si Sehria? Nasa tabi lang pala natin yung hinahanap natin," napapantastikuhang saad ni Elliot.

Hindi ko alam kung bakit sa sandaling yun nakaramdam ako ng inggit kay Sehria. Paano kung siya pala talaga ang babae sa panaginip ni Janus?

Nagtama ang tingin namin ni Janus nang lingunin ko siya, siguro nabasa niya ang pagkabagabag sa mga mata ko kaya hinawakan niya ang kamay ko nang mahigpit. Sapat na ang ginawa niya para bahagyang matunaw ang pangamba ko.

*****

Lakad takbo ang ginagawa ko habang binabagtas ko ang mahabang pasilyo ng ospital. Hindi ko alam kung saan ba ako dapat pumunta, masyado na rin akong nataranta kaya hindi na rin ako nakapagtanong sa lobby.

Pinapunta kami nila Sir Hidalgo dito sa ospital. Isa pala si Glessy sa mga inatake ng mga paniki kagabi.

"She's on the 4th floor, Room 402." Habol hininga si Janus nang maabutan niya ko. Nakasunod naman sa kanya sina Austin. Nawala sa isip ko na magkasama nga pala kami. Nagpatianod na lamang ako sa kanya nang hilahin niya ko papasok sa loob ng elevator.

"It's okay." Kanina pa sinusubukan ni Janus na mapanatag ang kalooban ko. Pilit na ngumiti na lang ako.

Nang magbukas ang pinto ng elevator, dali dali akong tumakbo palabas patungo sa kwarto ni Glessy. Bigla na lang may dumaan na napakalakas na hangin, muntik pa ako nitong tangayin. Mabuti na lang at nakaalalay sa likod ko si Janus.  Bumukas ang pinto ng kwarto ni Glessy at tumalsik mula roon ang babaeng nurse.

Sumulpot mula sa kung saan sina Azure at Azval, tamang tama lang ang dating nila. Nasalo ni Azval ang babaeng nurse bago pa man ito tumama sa pader.

Dali dali kaming pumasok sa loob, nadatnan namin ang nanay ni Glessy na walang malay na nakahiga sa sahig. Wala rin si Glessy sa loob ng kwarto. Tanging mga itim na balahibo lang na nagkalat sa higaan nito ang nandun.

"May nauna sa atin!" gigil na sambit ni Azval.

Hindi. Hindi ako papayag na makuha ng kahit na sino si Glessy.

Tumakbo ako sa bintana nang mapansin kong parang may malaking ipo-ipo sa labas.

"She's still here." Dahil siguro sa mga pagsasanay namin kaya tumalas ang pakiramdam ko. Nararamdaman ko na may Galur sa paligid.

Napasigaw silang lahat nang bigla akong tumalon sa bintana mula sa 4th floor. Hindi ko din alam kung paano ko nagawang tumalon at lumanding sa baba ng walang kahirap hirap. Adrenaline rush siguro o dahil hindi naman talaga ako normal na tao kaya nagawa ko ito.

Lumitaw sa tabi ko si Janus daig pa nito ang nagteleport, akala ko papagalitan niya ako pero proud na ngumiti lang siya sa akin.

"That's my girl," puri niya. Ginaya niya pa yung linya ni Fina. Walang originality.

Nagtatakbuhan na ang mga tao sa paligid dahil palaki nang palaki ang ipo-ipo. Huminto kami ni Janus sa pagtakbo nang malapit na sa amin ang ipo-ipo. Nasa loob nito ang walang malay na si Glessy. Sinubukan kong patigilin ito gamit ang kapangyarihan ko pero hindi ito gumagana.

Hindi rin naman pwedeng gamitin ni Janus ang kapangyarihan niya dahil baka makuryente niya si Glessy.

Sa isang iglap, unti-unting humina ang pag-ikot ng ipo-ipo hangang sa tuluyan na itong maglaho. Nakalutang lang ang walang malay na katawan ni Glessy sa ere pero hindi ito nag-iisa. Kasama niya si Edelyn, kakaiba man ang itsura nito dahil nababalot ng makakapal at itim na balahibo ang buong katawan nito, pero hindi nagbago ang mukha niya. Maliban lamang sa matatalim na pangil niya at mahabang tainga nito. May malalaking itim na pakpak din siya sa likod niya. Para siyang babaeng paniki.

Kung ganun siya ang umatake sa bayan? Isa ba siyang Galur?

"Ibalik mo siya sa amin!"

Naikuyom ko ang kamao ko sa galit. Nasa paligid lang pala ang kalaban. Bakit hindi namin yun naramdaman?

Malakas siyang tumawa. Napatakip ako sa magkabilang tainga ko dahil ang tinis ng boses niya. Masyadong masakit sa tainga.

"Isa ka palang Sehir? Pasensya ka na, Lei. Pero misyon kong tapusin ang sinumang hahadlang sa mga plano namin. So come on and get me," mapanuyang hamon nito.

Sa isang kumpas niya ay naglitawan ang napakaraming paniki. Pasugod na ito sa amin pero wala pang isang segundo ay tinusta ito ni Janus gamit ang kidlat niya.

Muli itong nagpakawala ng kumpol kumpol na paniki pero mabilis lang din itong naglalaho kapag natatamaan ng kidlat ni Janus.

"You must be Yarasa? The weakest and lowest rank Galur," nang-aasar na wika ni Janus.

Weak naman pala ito.

Napasigaw na lang sa inis si Edelyn este Yarasa o kung anumang Pontio Pilatong pangalan niya.

"Why your boss trying to dispose you? Aww, poor thing." Lakas din talaga mampikon nitong si Janus.

Inangat ko ang kamay ko sa ere at itinapat ito sa kanya. Lilipad na sana siya palayo pero hindi siya makagalaw dahil sa ginawa ko, para siyang naging estatwa.

Naglabas ako ng mahabang spear sa kamay ko. Ayokong gawin 'to pero kailangan. Hindi dapat mabuhay pa ang mga tulad niya dahil kami naman ang manganganib. Ibinato ko ang spear patungo sa direksyon ni Edelyn. Tumama ito sa dibdib niya. Napasigaw siya dahil sa matinding sakit, hanggang sa unti unti siyang magliyab.

Sinunog siya ni Azval. Hindi ko napansin na nakasunod na pala siya sa amin. Nasa mga bisig na din niya ang walang malay na si Glessy.  Nag-aapoy sa galit ang mga mata nito habang pinapanuod niyang masunog ang babaeng paniki hanggang sa maging abo ito.

*****

Bumalik kami sa kwarto ni Glessy. Maingat na binaba ito ni Azval sa kama niya. Maraming gasgas at sugat sa braso nito, marahil gawa ito ng mga paniking umatake sa kanya pero parang naghilom na agad ang mga ito.

Sa sofa naman ay nakahiga ang nanay niya na tulad niya ay wala pa ring malay.

"Paano niyo masasabing siya si Sehria? May proof ba kayo?" Parang frustrated na si Austin. Ngayon ko lang siya nakitang ganito. Bakit ba parang ayaw niyang maniwala?

"Kapatid namin siya. Nakakasiguro kaming siya si Sehria. Hindi ba kuya?" pagdidiin ni Azval, pero tahimik lang si Azure.

Nagbuga ng malalim na buntong hininga si Azure bago siya lumapit kay Glessy. Puno ng pangungulila ang mga mata niya habang pinagmamasdan niya ito. Marahan niyang hinaplos ang pisngi nito. Para itong babasagin na maingat niyang hinahawakan.

May mahinang kumurot sa puso ko habang pinagmamasdan ko ang tagpong yun. Hindi ba dapat masaya ko dahil natagpuan na namin siya? Natagpuan na nang magkapatid ang isa't isa? Pero bakit ganito ako ngayon? Bakit ko hinihiling na sana ako na lang si Sehria? Na sana ako na lang ang kapatid na nawalay sa kanila?

Naramdaman kong may mainit na likido na umalpas sa mata ko. Napahawak ako sa pisngi ko. Bakit ako umiiyak?

Nagbalik ako ng tingin kay Glessy. Napansin ko ang kakaibang liwanag na nagmumula sa kamay niya.

"Ano yun?" tinuro ko ang kamay nito.

Dali daling kinuha ni Azval ang kanang kamay nito. Labis ang tuwa sa mukha ng kambal nang makita nila ang pulsuhan nito, may marka ito na parang hugis ng pakpak. Doon nanggagaling ang liwanag. Sabay na nagliwanag din ang pulsuhan ng kambal, lumitaw din ang tila hugis pakpak na marka sa mga pulso nila. Ngayon lang namin ito nakita.

Ito siguro ang patunay na hinihingi ni Austin.

Bigla kong naalala ang panaginip ko nitong nakaraang araw. Hindi ko alam kung bakit unti-unting nagkakaroon ng imahe sa isip ko ang boses ng babae sa panaginip ko.

Napatakip na lamang ako sa bibig ko. Sobrang linaw na sa akin ang lahat. Si Glessy, ang babae sa panaginip ko.

Nilingon ko si Janus, kita ko kung paano magpalipat-lipat ang tingin niya mula sa akin papunta kay Glessy. Nanikip ang dibdib ko dahil sa kalituhang nababasa ko sa mga mata nito. Naiiling-iling siyang lumabas sa kwarto.

Marahil tulad sa akin, naging malinaw na din sa kanya ang lahat.

Hindi ako ang babae sa panaginip ni Janus.

Nahanap na namin siya.

Si Glessy ay si Sehria.

Our quest of finding Sehria is now over.