Hindi na muli pang nawaglit sa aking isipan kung kailan ko siya huling nakitang ngumiti na kay tamis- ngayon ay puno ng kalungkutan ang kanyang mata. Inaasam ko na muli niya akong bigyan kahit isang nakaw na sulyap lamang. Sa pagkakataong ito, nagsisilbi na lamang akong isang palamuti sa makipot na pader ng isang dating puno ng kaligayahan na kahapon.
Oktubre noon nang ang isang munting paslit ay wala pang muwang na akay ng kanyang ina patungo sa isang nakapalaking gate ng mansion ng mga Ferrer. Nanatili lamang silang nakatayo sa harapan niyon na naghihintay sa sinumang makapansin sa kanilang abang kalagayan.
Malalim na bumuntong-hininga ang ina saka idiniin ang hintuturo sa isang maliit na bilog na pindutan, at maya-maya pa'y napakislot ang batang babae na akay nito ng marinig ang dahan-dahang pagbukas ng bakal na gate. Iniluwa nito ang isang may edad ng ginang na nakauniporme ng isang katulong.
"Magandang araw po. Sino po sila? Ano pong kailangan ninyo?" Bungad na salita nito na pinag-aaralan ang itsura ng mag-ina sa kaniyang harapan.
"Pinapunta kasi kami dito ni Dra. Helda Ferrer. Ako si Shirley Venoso." Pagpapakilala ng kaniyang ina.
Kitang-kita naman ang pag-aliwalas sa mukha ng katulong na nasa kanilang harapan.
"Ah, Ma'am Shirley..kanina pa po kayo hinihintay ni madam. Pasok po kayo. Sumunod po kayo sa akin." Masigla nitong wika saka sila iginiya patungo sa loob ng mansion.
"Ang ganda naman dito 'nay! Para pong mall!"" Ani ng paslit na madaling naupo sa magarang sofa na tila upuan ng hari't reyna. Ang buong loob ng mansion ay tila kumikinang sa mala-gintong mga palamuti dito.
"Maupo po muna kayo mam. Tawagin ko lang po si madam." Paalam ng katulong. Napatango naman si Shirley saka naupo sa tabi ng anak. Pinagmasdan ang masaya nitong mukha na tila manghang-mangha sa kinaroroonan. Sa puso niya'y ramdam niya ang kaligayahan ngunit sa kanyang mga mata'y mababakas ang kalungkutan
Maya-maya pa'y dinig niya ang mga yabag pababa sa mataas na hagdanan.
"Shirley!" Masaya at mangiyak-ngiyak na bungad sa kaniya ng sopistikadang babae. Ito si Dra. Helda Ferrer- ang kaniyang kababata at matalik na kaibigan. Biyuda na ito nang mamatay ang bilyonaryong asawa dahil sa atake sa puso. Naiwan dito ang kanilang anak na si James na sa ngayo'y labing dalawang taong gulang na.
"James, isama mo muna si Sierra sa play room. Libangin mo muna ang bata habang nag-uusap kami ni Tita Shirley mo." Utos nito sa anak na kahit bata pa ay kita na ang tikas nito. Ang mala-mesisuhing itsura nito ay hindi maikakailang pananabikan ng mga kababaihan paglaki nito.
"Opo." Sagot naman nito saka inakay si Sierra na limang taong gulang pa lamang. Masayang tumakbo ang dalawa paakyat ng mansion.
"Hindi ka rin nagbabago Helda. Parang hindi ka tumatanda." Puri ni Shirley sa kaibigan ng sila'y maupo sa sofa. Ngunit ang babae ngunit muling napawi iyon ng muli itong tumingin sa kaniya.
Malalim itong bumuntong-hininga.
"SIgurado ka ba na iiwan mo na sa akin si Sierra?" Malungkot nitong tanong sa kanya. Ito ang katanungang tila ayaw niyang sagutin. Labag ito sa kaniyang kalooban ngunit alam niyang ito ang nararapat.
"I'm sorry Shirley pero masyado naman yatang maaga para ibigay mo na si Sierra kay James. May kasunduan na tayong ipapakasal ang dalawa kapag tama na ang kanilang edad at-"
"Makinig ka Helda. Natatakot ako para kay Sierra kung mananatili pa siya sa puder ko." Putol ni Shirley sa iba pang sasabihin ng babae.
"Ramdam ko ang pagnanasa ni Javier sa bata. Hindi ko makakaya kung magawa niya ang kinatatakutan ko." Pagpapatuloy ni Shirley na nangingilid ang luha sa mga mata.
"Matagal na kitang pinayuhan na hiwalayan siya. Bakit kasi hanggang ngayo'y kinakasama mo pa rin siya?" Nag-aalalang ani ni Helda.
"Alam mong matagal ko ng gustong gawin 'yun pero hindi pwede. Papatayin ako ni Javier dahil alam niyang alam ko ang lahat ng illegal na gawain niya. Kaya sana pagbigyan mo na ako Helda. Para ito kay Sierra. Tatanawin ko itong utang na loob sayo habangbuhay." Pagsusumamo ni Shirley.
"Iniisip ko lang ang bata, Shirley. Baka hindi niya makaya na hindi ka niya makita. Masyado pa siyang bata…." Malungkot na sabi ni Helda na napahinto ng marinig ang malalakas na tawanan nina Sierra at James.
"Alam kong kaya mo siyang tulungan, Helda. 5 year old palang siya kaya hindi na niya maalala pa ang mga pangyayaring ito paglaki niya. Ang alam lamang niya ay ikaw ang kaniyang ina." WIka ni Shirley na tuluyang ng tumulo ang luha na kanina pa nangingilid sa kanyang mga mata.
"May tiwala akong nasa mabuting kamay ang aking anak dahil sa'yo, Helda. Salamat." Umiiyak nitong ani sabay yakap ng mahigpit sa kaibigan.
Ang kanyang mga hakbang sa mansion ay napakabigat ngunit alam niyang kailangan niya itong tiisin kesa pagbigyan ang sarili at makita ng kaniyang sariling mga mata ang magiging pagdurusa ng anak sa kamay ng amain nito na lulong sa droga at sangkot sa mga krimen.
Hindi na niya nakuha pang magpaalam sa anak. Sapat na ang kaniyang narinig na malalakas na tawa mula sa anak sa pakikipaglaro nito kay James. Tiyak niyang magiging maligaya at maginhawa ang buhay ng anak sa kamay ng mga Ferrer.