REEZE lost and she finally gave in. Alam niyang hindi siya dapat magpadala sa kabaliwan ng Marcus Santillez na iyon pero mas takot siya sa maaari nitong gawin. And so she called him back and said yes to his game.
"Perfect," she murmured as she wore her black sheath dress. Marcus said they were going to a party. The plunge line of the dress wasn't deep, pero kita pa rin ang cleavage niya roon. Hot red pumps ang itinerno niya sa damit. She applied light make up. Makinis at maputi naman ang mukha niya kaya't simpleng face powder lang ay ayos na sa kanya. Saka siya naglagay ng pulang lipstick. Dinampot niya ang pabango at winisikan ang sarili.
Her phone rang.
"Ready?" tanong ni Marcus mula sa kabilang-linya.
"Yeah, I'm done. Saan nga pala tayo magkikita?"
"Sa labas ng apartment mo," sagot nito.
"Ha?"
"I'm outside."
Dali-dali siyang sumilip sa bintana ng kwarto niya. Prenteng nakasandal si Marcus sa Porsche Panamera nitong nakaparada sa tapat ng kanyang apartment. Nakatingin ito sa baba habang hawak ang telepono.
Grabe, pati tinutuluyan ko alam niya? Pero magtataka pa ba siya? As far as she remembered, nakalagay ang address niya sa owner's contact info na naka-save sa phone niya. Mabura nga 'yon. Hindi pala safe.
"Hintayin mo 'ko. Pababa na ko," sabi niya.
Muli niyang sinulyapan ang sarili sa salamin. "Just wait there, Marcus Santillez. We'll play a game you'll never forget."
She grabbed her pouch, turned off the lights and locked her apartment. Sa labas ay naabutan niyang nakatitig sa kanya si Marcus, sinusuri siya mula ulo hanggang paa. Ang gorgeous lang ni Marcus sa suot na jeans at white shirt na pinatungan ng olive blazer. Nakasilid sa bulsa ng jeans nito ang isang kamay at nakatindig na parang modelong nagpo-pose sa isang pictorial. He looked taller and manlier tonight.
Reeze wore her mask of immunity and poise, puno ng kumpiyansang tumayo sa harap ng lalaki. Kung meron mang dapat mapanganga sa kanilang dalawa, si Marcus iyon at hindi siya.
"Not bad," he commented flatly with a shrug. Not bad? Gano'n lang? Ngani-nganing tarayan niya ito dahil parang insulto sa pandinig niya ang sinabi nito. But she composed herself. Hindi magandang masira ang kanyang mood.
Sige lang Marcus, i-resist mo 'ko ngayon. But later, I swear bibigay ka na sa ganda ko.
Tumalikod ito at pinagbuksan siya ng pinto ng passenger's seat. Nang makasakay siya ay biglang yumukod si Marcus sa harap niya para ikabit ang kanyang seatbelt. She stiffened as Marcus got closer to her, the strands of his soft thick hair were brushing against her forehead. Nanalangin siyang hindi sana mag-react ang katawan niya sa pagsanggi ng mga daliri ni Marcus sa tagiliran niya.
Nang matapos ay hindi pa rin lumabas si Marcus. Tumingin ito sa kanya, gahibla ang pagitan ng kanilang mga mukha. Humahalik sa pisngi niya ang mabango at mainit nitong hininga. He was making her tensed, dang it!
"Iyon pa lang ang ginagawa ko, natutulala ka na."
***
"I THOUGHT we're going to a party?" tanong niya kay Marcus nang ihinto nito ang kotse sa parking area ng isang bar sa Libis.
"Yeah. Birthday ng kaibigan ko at dito ang party. He owns this bar."
"I see." Tumango-tango siya. Nang makaibis sila ng sasakyan ay pinakapit siya ni Marcus sa braso nito. Pinilit niyang ngitian ito nang matamis. Loud upbeat music welcomed them inside. Bumabaha ang iba't ibang kulay mula sa strobe lights. Hindi ganoong ka-crowded ang loob at very laid-back ang atmosphere. Everyone looked cool and sophisticated at the same time.
"Marcus!" Isang lalaking semi-bald ang lumapit sa kanila. Tinapik nito ang braso ng katabi niya. Mas matangkad ito kay Marcus at massive ang katawan. May tattoo ito sa braso na tingin niya ay Kanji characters.
"Happy birthday," bati ni Marcus.
"Thanks, dude." Napabaling ito sa kanya. "And who's this lovely lady? Hi, I'm Rico."
Tinanggap niya ang kamay nito. "Reeze."
"Nice meeting you. You're pretty."
"Thank you."
"I didn't know that Marcus is now dating. I can say he's lucky to have you, Reeze."
She chuckled softly. "I think you mean the opposite." Tiningan niya si Marcus nang buong pagsuyo. "I'm the one who's lucky to find him. Baby…"
Nang salubungin ni Marcus ang mga mata niya, ginantihan din siya nito ng matamis na ngiti.
"Aw, I'm jealous." Pabirong hinampas ni Rico ang sariling dibdib at nagkatawanan sila. "Okay, alam kong cliché nang sabihin 'to, pero you look really good together. Anyway, please enjoy yourselves. Nice meeting you again, Reeze." Iniwan na sila ni Rico.
Nakiliti siya nang maramdaman ang mainit na hininga ni Marcus sa tainga niya. "Doing your first move, baby?"
Maharot siyang ngumiti. "Maghintay ka lang. May susunod pa d'yan."
He chuckled softly. "I'd love to see that." Dinala siya ni Marcus sa isang bakanteng stool table at doon sila pumwesto. They got two glasses of cocktail drinks and finger food platters. Panay ang lapit sa kanila ng ibang guests. Marcus seemed to be everyone's favorite. Na-realize ni Reeze na kahit may pagka-conceited si Marcus minsan, friendly at cool itong kausap.
"Yeah, she's my girl, Reeze." Infairness, itsurang-proud talaga si Marcus sa tuwing ipapakilala siya nito sa iba. Paminsan-minsan ay pumupulupot ang braso nito sa kanyang baywang o di kaya'y umaakbay. He really knew how to put up a show.
Mabait sa kanya ang mga kaibigan at kakilala ni Marcus—lalo na iyong mga lalaki for obvious reasons. Expected na rin niya na may mga insecure na babaeng kahit banat ang mukha sa ngiti, halatang minamaldita siya sa isip. Some even had the guts to compare her to other women. Talagang harap-harapan?
"Oh, hi Marcus. Hindi kita halos nakilala. Ang tagal na rin nating hindi nagkita. You look better now," bati ng isang babaeng sosyalera at may makapal na labi. Mukha itong nasa mid-thirties pero pang-teenager ang katawan. May hawak-hawak itong isang glass ng something blue na cocktail drink. "The last time I saw you, you were a total mess."
Tahimik lang si Marcus, pangiti-ngiti.
"At least you can smile now. Back to life," sabi nito ulit. Ngayon lang niya napansin ang mahiyaing lalaking kabuntot nito. Boylet siguro.
"That's all in the past now, Cecille," kaswal na sagot ng lalaking katabi niya. For a second, pakiramdam niya ay wala siya sa paligid ni Marcus.
"And I hope hindi na ulit mangyari 'yon. This is better than seeing you depressed because of a girl." Umalis si Cecille nang hindi man lang naligaw sa kanya ang mga mata. Nang balingan niya si Marcus, seryoso na itong umiinom na parang lipad ang isip sa kung saan. Tila ba nakalimutan na nitong may kasama ito.
She cleared her throat to gain his attention. "Tungkol saan 'yung pinag-usapan n'yo?"
"Ignore it," payak nitong tugon na sa baso pa rin nakatingin.
Okay, it wasn't like she was interested about his past. Pakialam ba niya? They must be dating—exclusively—but it didn't mean they could simply pry into each others' past. Binasa niya ang labi, "Na-depress ka dati nang dahil sa babae?" Kung minsan talaga ay may mga lumalabas sa bibig niya na kontra sa nasa utak niya. Inubos niya ang sushi sa platito.
"Yeah."
"Broken-hearted ka? Anong nangyari?" Her curiosity went into overdrive.
Nagpakawala ng mabigat na hininga si Marcus na tila ba ayaw na nitong sagutin pa ang mga tanong niya. "I'll get another round." Dinampot nito ang empty glasses saka umalis.
Sinermonan niya ang sarili. Masyado naman yata siyang nawili sa paghalungkat ng past relationship ni Marcus.
***
HANGGANG sa restroom ay dala-dala ni Reeze ang kuryosidad tungkol sa nakaraan ni Marcus. He looked too serious earlier and for some reasons, it bothered her. She wanted to know more about the girl who seemed to have broken his heart, but she couldn't bring herself to ask him directly.
Narinig niyang may pumasok sa loob ng banyo.
"Nakita mo na ba 'yong girlfriend daw ni Marcus?" hirit ng babaeng boses-palaka.
"Oh yeah. That bitch-looking girl?" Umigkas ang kilay niya. Bitch-looking girl? Siya ba ang sinasabihan ng mga ito? "You know what, walang-wala siya kumpara sa mga babaeng naka-date ni Marcus noon. Marcus deserves classy ladies, hindi 'yong parang hooker or social climber ang dating."
Nanggigil si Reeze mula ulo hanggang takong ng sapatos niya. Nakatayo na siya't nangangati nang magtaray pero pinigilan muna niya ang sariling lumabas ng cubicle. Mamaya kayo sa 'kin.
"Hindi na 'ko magtataka kung inakit lang n'yan si Marcus," saad ni boses-palaka.
Inakit? Mga impaktang 'to! Though kung tutuusin, ganoon naman talaga ang ginawa niya, hindi ba?
"I'm sure, gano'n nga ang nangyari. That girl looks cheap."
Hindi na siya nakatiis. Patay-malisya siyang lumabas ng cubicle. With poise. Taas-noo. Dumiretso siya sa sink at ipinatong sa counter top ang pouch niya. Kunwaring deadma lang siya at hindi muna basta tatalak.
Pasimple niyang sinulyapan ang mga babae sa salamin. Shocked ang itsura ng mga ito na nakatingin sa kanya. Naulinigan niyang bumulong iyong isa pero masyado iyong mahina para maintindihan ang sinabi nito. With a small, classy smile, she turned her back to them and yanked a wad of tissue paper.
"Excuse me. Y-You heard us?" Si boses-palaka ang bumasag sa katahimikan.
"Of course. Hindi naman ako bingi eh," malambing niyang sagot.
"Oh, I hope you don't mind what we just said. Nagsasabi lang naman kami ng totoo," sabi noong isang naka-ruffled dress, ang nag-label sa kanyang bitch-looking.
Humarap siya sa mga ito nang may pinong ngiti sa mga labi. "Don't worry, sanay na akong nakakarinig ng gan'yan sa mga babaeng insecure sa 'kin."
"At sinong insecure? Kami?" Si boses-palaka.
"Well, obviously."
"Nakakatawa naman 'yon. Bakit kami mai-insecure sa cheap na babaeng katulad mo? Mukha ngang nilandi mo lang si Marcus eh. At para ka lang namang nabihisan ng mamahaling damit o kung mamahalin nga ba? Mukhang cheap din kaya 'yang suot mo," pagtataray ni ruffled-girl.
Kapal lang ng mga mukha nito! Oo aminado siyang hindi mamahalin ang karamihan sa mga damit niya pero at least, nadadala niya ang mga iyon nang maayos.
Pinag-aralan niya ang mga babaeng maaanghang ang mga dila. Kung sa sense of fashion, walang problema. Hindi na rin siya magtataka kung mahal ang damit ng mga ito. Iyon nga lang, sablay na ang mga bruha pagdating sa mukha. Kahit saang anggulo niya tignan, parang naglaro lang ng watercolor ang mga babaeng ito. Hindi siya nagme-make-up nang bongga pero alam naman niya kung ano ang katanggap-tanggap na itsura.
Bumanat na siya, with class. "You know what's cheap, my dear? Iyang mukha n'yong parang pinilit lang kulayan. If you don't know how to apply make up on your faces, I suggest na itago n'yo na lang 'yan sa dilim. Try it, para naman may magawa kayong tama sa mga pagmumukha n'yo."
"You bitch!" Sabay ang dalawa.
Sunod niyang sinipat ang mga labi nito. Dinampot niya ang pouch at inilabas ang lipstick niya. "You're talking about cheap, pero 'yang mga lipstick n'yo naman, low class." Ipinatong niya ang lipstick sa countertop, inusod palapit sa gamit ng mga ito. "Here, use this. Para kahit sa labi man lang, maambunan kayo ng ganda ko."
She smiled wickedly and walked away with a triumphant air. Napabuga siya ng hangin paglabas ng restroom. Ngayon lang siya nakatanggap ng ganoong insulto—all because of the jerk who brought her here. Kay Marcus lang niya naranasang maikumpara nang ganoon sa ibang babae. Naipamigay tuloy niya nang libre ang Dior Rogue lipstick niya. Ang mahal kaya niyon!
"Bwisit ka Marcus, sisingilin talaga kita sa lipstick ko!" nanggagalaiting bulong niya sa sarili.