"Ayon sa tagapagsalita ng Iron Palace, hindi pa din tumitigil sa isinasagawang manhunt operation ang buong Nior Defense Force para kay Dra. Andrea Leus upang ganap nang mahuli ito, itinaas na din ng High Minister ang pabuya sa sinomang makakahuli sa kanya-"
Hindi na hinintay pang matapos ni Renaldo ang ibang mga sasabihin ng news anchor sa telebisyon dahil agad niya na itong pinatay. Tumingin siya sa asawa na kasalukuyang nakaupo katabi ang kanilang anak. Isang malalim na buntong hininga ang bumasag sa katahimikan na kasalukuyang namamayani sa loob ng kanilang tahanan. Napayuko si Andrea at umiling, isang pamilyar na kilos na kanyang nakikita tuwing may hindi magandang nangyayari.
"Kailangan nating umalis dito," mahinang usal nito at bakas sa mukha ang matinding pangamba.
"Hindi gano'n kadali ang gusto mong mangyari, Andrea," basag niya sa suhestiyon ng asawa. Pumikit siya ng mariin at puno ng inis na naihilamos ang mga palad niya sa kanyang mukha. Hindi niya alam kung paano pa nila malulusutan ito, lalo na ngayon at tinutugis sila.
"Sige nga, sa'n tayo pupunta? Saang hotel or damuhan na naman tayo magtatago ha?!"
"Dadalin ko kayo ni Resandra sa Gilbo, may townhouse doon sila mama and I can assure you na walang makakakilala sa'tin doon,"
"Andrea, ano ba! Hindi mo pa rin ba naiintindihan ang sitwasyon natin?! Papaano mo ipapaliwanag sa mga tao na makakakita sa anak natin ang kalagayan niya?! Kahit saan lupalop tayo magtago, mahahanap pa rin nila tayo at hindi sila titigil hangga't hindi ka nila nahuhuli!"
Isang malakas na kulog ang umalingawngaw sa labas na sinundan ng mga matalim na guhit ng kidlat. Walang humpay sa pagbuhos ang ulan pati na din ang luha sa mata ng kanyang mga magulang. Nakatingin lang siya sa kanyang ama't ina, hindi niya nauunawaan ang pinagtatalunan ng dalawa pero pakiramdam niya ay siya ang may kasalanan.
"Kasalanan mo 'tong lahat! Kung hindi dahil sa makasarili mong ambisyon hindi mangyayari ang lahat ng ito!"
"Alam ko Renaldo!" mariing pahayag ni Andrea "Pero alam mo din na ginagawa ko ang lahat ng makakaya ko para mailayo kayo ng anak ko sa panganib!"
Hindi na sumagot pa si Renaldo, nilapitan niya ang anak at inakay ito pabalik sa kanilang silid habang si Andrea ay naiwan sa sala at iniisip kung paano humantong sa ganito ang lahat.
Natapos ang kanilang gabi sa isang payapang hapunan, ngayon ay nakaupo si Resandra sa harap ng isang malaking salamin at matamang pinagmamasdan ang sariling repleksiyon. Hindi siya kagaya ng ibang bata, ang mga kamay at braso niya ay mayroong mga guhit ng pinagsamang kulay asul at pilak. Madali itong maitago sa mga tumutugis sa kanila sa pamamagitan ng makapal na damit o jacket pero dahil sa mga nangyayari ngayon, hindi niya mapigilan ang sarili na makaramdam ng takot para sa kaligtasan nila.
Hindi niya alam kung anong kapalaran ang naghihintay sa kanila kinabukasan o sa mga susunod pang araw na darating. Ayaw niyang masira ang pamilya niya. Ang sabi ng kanyang ina, ang mga markang ito ang magbibigay proteksyion sa kanya ngunit sa mga nangyayari ngayon, nakikita niya lang ito bilang isang sumpa.
"Sinabi ko nang wala ang hinahanap niyo dito! Bakit ba ang kulit niyo?!"
Marahan siyang tumayo at itinapat ang tainga sa pinto, narinig niya ang boses ng kanyang ama. Sino ang mga kausap nito?
"Umamin ka na!" malakas na wika ng lalaki. Pilit niyang kinikilala ang boses nito bigo siya.
"Alam namin nandito ang asawa at anak mo kaya ilabas mo na sila!"
"Wala kayong-"
Nagkaroon ng nakakabinging katahimikan pagkatapos ng ilang magkakasunod na putok. Napaatras siya at nakaramdam ng matinding panginginig ng katawan.
"P-papa..." naguguluhan siya mga nangyayari. Gusto niyang lumabas upang tignan kung anong nangyari sa ama ngunit pinipigilan siya ng kanyang takot at kaba. Ilang sandali pa ay biglang bumukas ang pintuan at bumungad sa kanya ang ina, may bitbit itong kutsilyo sa kanang kamay na may latak ng dugo.
"M-mama, s-si Papa..." binuhat ni Andrea ang anak at masuyong hinalikan ito sa noo.
"Magiging maayos din ang lahat okay? Nandito lang si Mama, 'wag kang matakot,"
Sumilip muna siya mula sa ikalawang palapag at nang masigurado niya na wala na ang mga lalaking naghahanap sa kanila ay dahan - dahan silang bumaba.
"Papa, ano pong nangyayari?" nanginginig na tanong ng bata sa ina ngunit pinunasan lang nito ang namumuo niyang pawis sa noo.
"Nasa'n po-" natigilan siya sa pagtatanong nang ibaba siya ni Andrea mula sa pagkakabuhat, sinundan ng tingin kung saan nakapako ang mga mata ng kanyang ina at doon ay nakita niya ang nakahandusay na katawan ng ama. Wala siyang ibang makitang kulay kung hindi pula, pinagmasdan niya ang kanyag ina at nakita niya ito na umiiyak habang yakap ang wala ng buhay na katawan ni Renaldo.
"Renaldo..." lumuluhang sambit ni Andrea sa pagitan ng mga hikbi, lumapit rin si Resandra habang walang tigil sa pag–iyak dahil alam niya na maaring ito na ang huling pagkakataon na makikita niya at mayayakap ang ama.
Muling tumayo si Andrea at kinarga ang anak. "Kailangan nating makaalis dito" turan niya habang palibot libot ang tingin.
"Nandito sila!"
Napalingon siya sa direksyon ng boses at kaagad nagpaputok ang mga armadong lalaki nang sunod-sunod ngunit hindi sila tinamaan dahil mabilis silang nakapagtago sa likod ng isang malaking cabinet sa kusina. Mabilis na binuksan ni Andrea ang pintuan patungo sa bakuran. Doon ay sumalubong sa mag-ina ang malakas na ulan, mataas na talahib at maputik na daan. Wala silang hinto na tumatakbo, hindi niya alam kung saan sila pupunta pero isang bagay lang ang nasa isip niya, kailangan nilang makaligtas. Lalong lumakas ang ulan na sinabayan ng matinding hagupit ng hangin. Huminto silang mag-ina sa ilalim ng isang puno na ilang dipa lang ang layo sa isang matarik na bangin pababa sa ilog.
"Ayos ka lang ba,'nak?" tanong ni Andrea kay Resandra habang pinupunasan ang mukha nito. Mahigpit niyang niyakap ang anak na para bang anomang oras ay maari na itong kunin sa kanya. Muling umagos ang luha sa mga mata niya, hindi ganitong buhay ang pinili niya para sa kanyang pamilya at kahit gaano niya man itanggi, alam niya sa sarili na walang ibang dapat sisihin kung hindi siya lang.
"A-ayos lang po...a-ako M-ama..." hindi na makapagsalita ng maayos si Resandra dahil sa nararamdamang panlalamig.
"Resandra, palagi mong tatandaan na mahal na mahal kita ha? Mahal na mahal ka namin ng Papa mo"
"Mahal na mahal ko din po kayo..."
Iang itim na sasakyan ang huminto sa harap nilang dalawa, bahagyang tinakpan ni Resandra ang mga mata dahil sa nakakasilaw na headlights ng kotse. Bumaba ang isang grupo ng mga lalaki na may dalang baril at lahat sila nakasuot ng itim na damit.
"Nakikiusap ako sa inyo, 'wag niyong sasaktan ang anak ko. Parang awa niyo na! Handa akong sumama sa inyo basta pabayaan niyo lang siya," nakaluhod na wika ni Andrea sa mga lalaki, punong - puno ng pagsusumamo ang boses nito.
Malakas na nagtawanan ang mga ito, lumapit ang isa sa kanila at malakas na tinadyakan sa mukha si Andrea dahilan upang sumubsob ang mukha nito sa maputik na daan.
"Pasensya na doc ha? Pero ang bilin kasi sa'min, kailangang patayin ang anak mo, pero 'wag kang mag-alala, isusunod ka din naman namin pagkatapos para naman kumpleto ang family reunion niyo sa kabilang buhay di'ba" natatawang sagot ng lalaki habang nakatitig sa kinatatayuan ko.
Nang mga sandaling iyon, batid ni Resandra na naganap na ang matagal niya nang kinatatakutan niya. Isang mahinang panalangin ang namutawi sa kanyang labi ngunit hindi iyon sapat upang dingin ng langit ang kanyang hinihiling. Umatras siya ng isa–isang bunutin ng mga armadong lalaki ang baril nila, nakatutok ang lahat ng ito sa akin at anumang segundo ay handa na silang kalabitin ang gatilyo at pakawalan ang mga tingga na laman nito. Kahit nanghihina ay pilit na bumangon si Andrea at marahas na sinunggaban ang isa sa kanila.
"Resandra! Takbo!"
Mabilis siyang tumakbo ngunit bago pa man siya tuluyang makalayo ay naramdaman niya ang sunod-sunod na pagtama ng mga bala sa iba't ibang bahagi ng kanyang katawan. Wala na siyang ibang nagawa pa nang tuluyan siyang bumagsak sa maputik na daan at gumulong sa matarik na bangin at humampas ang katawan sa rumaragasang ilog. Malaya siyang nilamon ng tubig at kahit sinusubukan niyang labanan ang malakas na agos ng tubig ay mas nanaig ito na hilahin siya sa kailaliman nito. Nakita niya kung paano malayang humalo ang dugo mula sa mga tinamong niyang sugat sa tubig, unti-unting lumabo ang kanyang paligid hanggang sa tuluyan na itong magdilim.
Ito na siguro ang kapalaran niya.