Download Chereads APP
Chereads App StoreGoogle Play
Chereads

KRISIAN PRINCESS "The Battle Of Four Empires"

🇵🇭Myra1493
--
chs / week
--
NOT RATINGS
2.9k
Views
Synopsis
Ang alitan ng apat na imperyo ng Atlanta, na nanahimik at natulog sa napakahabang panahon ay muling nagising nang patayin ng Imperial Princess na si Kristine ang sarili niyang kapatid. Kilala sa pagiging malupit na emperador ng Kris ang kanyang ama. At maging siya na sariling anak ay hindi nakaligtas sa kaparusahang ipinapataw sa sino mang nagkasala sa batas. Ngunit, ang parusang ipinataw ng emperador sa kanya ay ang pagpapakasal sa isa sa mga prinsipe ng tatlong kalabang imperyo. Hindi lamang ito isang kaparusahan kundi isang napakalaking obligasyon. Sa mga kamay niya nakasalalay ang kapakanan at kinabukasan ng buong imperyo ng Kris. Kapag nagkamali siya sa pagpili ng mapapangasawa ay tiyak itong ikababagsak ng kanilang kaharian. Ngunit, sadya nga bang nakahandang isugal ng emperador ang kaharian ng Kris para lamang pagbayarin ang prinsesa sa kanyang nagawang kasalanan? O may iba pa itong mas malalim na dahilan? At papaano nga ba niya ito mapapagtagumpayan kung ang lahat ng imperyong iyon ay hangad din ang kanilang pagbagsak? Ano nga ba ang totoong dahilan at pinatay niya ang sariling kapatid? May magagawa pa kaya ang prinsesa upang maitama ang mga nagawang pagkakamali?

Table of contents

Latest Update1
PREVIEW5 years ago
VIEW MORE

Chapter 1 - PREVIEW

ATLANTA. Ito ay ang pang-walong kontinente na matatagpuan sa pagitan ng Hilagang Amerika, Europa, Aprika, at Timog Amerika. Halos kasing laki ito ng kontinente ng Australia na may sukat na 7,599,120 kilometro kuwadrado. Ngunit, ito ay nahahati sa apat na rehiyon. O mas tamang sabihing apat na imperyo. Ito ay ang Halleña o Halleñan Empire sa Timog, Higerra o Higerrian Empire sa Hilaga, Kris o Krisian Empire sa Kanluran, at Brussos o Brussian Empire sa Silangan.

Napakayaman ng kontinenteng ito dahil sa tagumpay ng apat na imperyo. Ngunit, ang mga ito ay may lihim na alitan sa bawat isa kahit ang ilan sa mga ito ay may ugnayan pagdating sa kalakalan ng kani-kanilang mga produkto. Katulad na lamang ng imperyo ng Brussos, Higerra, at Halleña. Hindi rin naman kasi ganoon kalala ang hindi pagkakaunawaan ng tatlong imperyong ito. Hindi katulad sa imperyo ng Kris na lubos nilang iniilagan at kinatatakutan kaya distansya ang tatlo sa imperyong ito. Sa apat na imperyong bumubuo sa Atlanta ay 'di hamak na mas malaki rin ang lupang nasasakupan ng Kris. Napalawak nito ang mga ari-arian dahil sa ilang ulit na pagkapanalo sa mga nakalipas na digmaan. 

Maliit lamang ang Atlanta kumpara sa ibang mga kontinente sa buong mundo. Ngunit, ito naman ang may pinakamalaking nai-aambag sa pamamagitan ng ekonomiya.

At siyempre, ang bawat imperyo ay mayroon ding kaniya-kaniyang talento at galing.

Ang Krisian Empire ay binubuo ng apat na kaharian. Isa na rito ang kaharian ng Kris na sentro ng buong imperyo. Na siya ring may sakop sa iba pang mga kaharian. Kilala ring nangungunang pagawaan ng Kris Swords—ang mga sandatang gawa sa matataas na kalidad ng metal. Dito rin kinuha ang pangalan ng kanilang imperyo dahil sa larangang ito sila mas tanyag sa mga karatig na kontinente. Kilala rin ang imperyong ito sa pagiging malupit at pinakamagaling sa larangan ng pakikidigma. Ang emperador nitong si Adelar Beaumont o mas kilala rin sa tawag na "Adelar the Great" ang lubos na naging matagumpay sa lahat ng namuno sa imperyong ito. Adelar the Great dahil sa 'di matatawarang galing nito sa pakikipaglaban—isinunod sa bansag ng magiting na mandirigma at pinuno na si Alexander the Great ng Macedonia.

Ang Higerrian Empire naman ay dalawa lamang ang kahariang nasa ilalim ng pamumuno nito. Ikatlo na ang sentro ng buong imperyo—ang kaharian ng Higerra. Kilala sa pagiging tuso at sakim ang imperyong ito. Ngunit, hindi pa naisahan ang imperyo ng Kris sa kabila ng ilang ulit na pagtatangka noon pa man. Mas malupit ngang maituturing ang mga Krisian dahil sa lantarang pang-aabuso nito sa kapangyarihan. Ngunit, ang mga Higerrian nama'y palihim kung kumilos. Kilala rin ang imperyong ito sa bansag na "The Sleeping Poison" dahil tila natutulog ang kahariang ito at hindi ginagamit ng mas mainam ang kapangyariha't talento upang talunin ang kanilang mga kalaban. O lasunin ang mga ito sa pamamagitan ng palihim na pagta-traydor. Mayaman at tanyag rin ang imperyong ito sa paggawa ng mga nakamamatay na lason at siyempre sa medisina rin. Dito matatagpuan ang pinakamagagaling na manggagamot sa buong mundo sa kanilang panahon.

Ang Brussian Empire ay katulad din ng Higerra na may dalawang kahariang nasasakupan. Ito ay kilala rin sa pagiging tahimik na imperyo. Likas din silang malikhain at magiliw. Lubos na iniiwasan ng kanilang imperyo ang mapasali sa digmaan hangga't maaari. Napakayaman din nila pagdating sa agrikultura. Kaya naman hindi na rin nakapagtataka na binansagan ang imperyong ito na "Centro de Comercio Mundial" ng mga taga Europa, o ibig sabihin ay sentro ng pandaigdigang kalakaran.

At hindi rin magpapahuli ang Halleñan Empire. Ang imperyong ito ay may tatlong kahariang nasasakupan noon. Ngunit, dahil sa ilang nakalipas na digman, ang dalawa sa mga ito ay napag-isa noong mga panahong nagkaroon ng hindi inaasahang pagtataksil ang isang kaharian at nagnais ng mas malawak na kapangyariha't nasasakupan. Gayun pa man, nangunguna pa rin ang imperyong ito pagdating sa Iskultura at Arkitektura. Sa kanilang imperyo makikita ang mga nakamamangha at nakalululang ganda ng mga estruktura.

Ang apat na imperyong ito ay tahimik at kanya-kanya na sanang namumuhay. Ngunit, muling nagising ang matagal nang natutulog na alitan ng mga ito nang patayin ng Imperial Princess ng Kris ang sarili niyang kapatid.

Nabuhay din ang matagal ng pagnanasa at kimkim na galit ng ilang imperyo dahil sa isang mapanuksong imbitasyon na ibinigay mismo ng emperador ng Kris.

Paano kaya mabubuklod ang apat na imperyong ito? May magagawa kaya ang prinsesa upang maitama ang maling nagawa niya? O patuloy at mas lalala pa ang kanilang mga alitan sa isa't isa?