[ALANA]
Gabi at umuulan sa labas. Mag-isa lang siya sa hapag habang naghahapunan. Halos magiisang buwan na siya mula ng kinuha ng kanyang nagpakilalang ama. Sa pagaakala niya na kapag dumating na siya at nakatira na sa poder nito ay makakapag-aral na siya gaya ng ipinangako sa kanya, pero hanggang ngayon nandito pa rin siya naghihintay kailan tutuparin ng pangako nito. Umuuwi naman ito pero malalaman lang niya kinabukasan sa mga katulong na nakaalis at hindi na niya ito naabutan.
Pangarap nilang dalawa ng kanyang namayapang ina na makapagpatuloy siya sa pagaaral. Dahil may sakit na ang kanyang ina, kailangan niya itong bantayan at alagaan araw-araw. Nang inilibing ang kanyang ina, kinuha siya ng kanyang ama para dito tumira at makapag-aral na rin sa wakas.
'Pag wala ang kanyang ama, nandito naman si Ma'am Hazel para samahan siya. Itinalaga ito ng kanyang ama para daw turuan niya ng mga simpleng bagay na dapat niyang matututunan. Papaano umasta 'pag nasa harapan ng tao, wastong asal sa hapagkainan, at iba pa. Pinapasyal din siya ni Ma'am Hazel sa Mall at binibili anong gusto niya. Iyon daw kasi ang gusto ng papa niya na buhusan siya ng mga bagay na gusto at nababagay sa kanya. Pero, hindi naman ito ang kailangan niya. Gusto niyang malaman kailan siya makakapag-aral.
Nagpapasalamat siya dahil binibigyan siya ng mga damit, sapatos, laruan at iba pa pero mas magiging masaya siya kung makakatanggap siya ng magandang balita sa kanyang ama na makakabalik na siya sa pagaaral. Nakakayamot araw-araw na palagi na lang siya dito sa bahay. Mag-isang kumakain mula agahan hanggang hapunan at kung gusto niya ng may kausap, hindi naman siya pinapansin ng mga katulong.
Narinig niya na may paparating na sasakyan. Tumayo siya at sumilip sa bintana. "Si Papa!" Sa wakas, umuwi na ang ama niya!
Sinalubong niya ito pagpasok. "Magandang gabi po."
"Oh, Alana. Kumusta ka na?"
"Um, mabuti po. Buti naabutan ko na din po kayo. Nalaman ko na lang kasi minsan sa mga katulong na nakaalis na kayo pagkagising ko."
"Masyado lang akong busy sa trabaho. Maraming ginagawa. So, may natututunan ka ba sa mga itinuro ni Hazel sa iyo?"
"Opo. Mabait po siya at tiyaka magaling siyang magturo. Nga po pala, maraming salamat sa mga damit at sapatos. Sabi kasi ni Ma'am Hazel na kayo po ang nagsabi na bilhan ako ng mga magagandang gamit."
"Walang anuman. Para sa iyo naman ang mga iyon."
"Um Papa, gusto ko lang po itanong kailan po ako mag-aaral? Halos mag-iisang buwan na kasi ako nandito---"
"I know, ginagawa ko na iyan kaya wala ka ng alalahanin tungkol sa pagaaral mo. But for now, kung may natututunan ka na mula kay Hazel, siguro handa ka na."
Bigla siyang nagtaka sa huling sinabi nito. "Ha-handa? Saan po?"
Hindi nito pinansin ang tanong niya at tinawag ang isa sa mga katulong. "Paki-empake ng mga gamit ni Alana at ilagay sa sasakyan."
"Masusunod po."
"Bakit? Saan ba tayo pupunta? At bakit dala ang mga gamit ko?"
"Diyan ko na ipapaliwanag 'pag nandoon na tayo. Maghanda ka na dahil pagkatapos nilang iimpake ang mga gamit mo, aalis agad tayo. Sa sasakyan na ako maghihintay."
"Pero---"
Sa ganitong oras ng gabi at maulan? Wala siyang maiintindihan sa mga ikinikilos ng kanyang ama o anong balak nito.
"Seniorita, halika ka na po para makapagbihis na po kayo."
[ALANA]
"Papa, saan po ba tayo pupunta?" tanong niya habang nasa sasakyan kasama ang ama.
"Alana, may gagawin akong impotante at kailangan kong gawin sa lalong medaling panahon. Hindi kita mababantayan o maalagaan habang nandoon ako kaya naman ipauubaya kita sa isang taong alam ko na maalagaan ka." Sabi nito.
Nagulat siya. Sa ibang tao? Ibig bang sabihin titira siya sa taong hindi man lang niya kakilala? Bakit? Hindi ba kaya siya kinuha ng papa niya dahil ito mismo ang magaalaga sa kanya? Bakit ipapaubaya pa siya sa ibang tao kung ganito man lang ang mangyayari?
"Pe-pero, pangako niyo po kayo po ang magaalaga at magpaaral sa akin, 'di ba?"
"I know pero kailangan ko talagang gawin ang bagay na iyon. Huwag kang mag-alala, kilala ko naman ang taong makakasama mo habang wala ako."
"Pero kasi..."
Dumating na sila. Huminto ang kanilang sasakyan sa isang malaking gate. Hindi niya medyo naaaninag dahil sa dilim pero alam niya na nandito sila sa isang malaking bahay.
Inilabas ng driver ang kanyang dalawang bagahe. Pinababa siya ng kanyang ama sa tapat ng gate. Nagsisimula na siyang kabahan bakit nandirito sila at ito ba talaga ang bahay na bagong titirhan niya.
"Papa, sigurado po ba kayo? Kung marami naman po kayong gagawin, uuwi na lang po ako sa amin. Wala naman pong problema kung babalik ulit ako doon. Mas panatag at marami naman po akong kakilala doon."
Umiling ito bilang hindi pagsangayon sa gusto niya. "Hindi pwede, Alana. Hindi naman sa iiwanan kita dito at babaliin ko na ang pangako ko sa iyo. Pero sa ngayon, pagbigyan mo muna ako, ha? Heto, may ibibigay ako sa 'yo."
May ibinigay itong isang puting sobre. "Kapag nakita mo na siya, ibigay mo iyan sa kanya."
"Si-sige po."
"Tandaan mo ang mga itinuro ni Hazel sa 'yo. Huwag kang magiging sakit ng ulo habang nakatira ka diyan."
"Papa, hanggang kailan ba ako titira dito?"
"Hanggang matapos ko na ang ginagawa ko. Babalikan kita. Mag-iingat ka dito. Sige, aalis na ako."
"Papa---" bigla ng isinara ang bintana ng kotse at umalis na.
Kung ganito lang pala, hindi na sana siya sumama. Patitirahin pa siya sa ibang bahay. Kaano-ano kaya ng ama niya ang nakatira dito? Kaibigan kaya o kamag-anak?
Nagsimula na naman umulan kaya dali-dali niyang binuhan at kanyang mga gamit para hindi mabasa. Pumunta siya sa gate. Walang doorbell at nakakandado ito. Papaano siya makakapasok sa loob? Sa tingin niya sa sobrang dilim ng lugar, meron naman konting ilaw na nakabukas sa iba't ibang bahagi ng bahay.
May naiisip siya na paraan pero, baka pagmulan pa ito ng problema. Kaya niyang maghintay dito pero dahil malalim na ang gabi, maulan at masyadong malamig, hindi niya kayang maghintay pa dito.
Naghanap siya ng pader para akyatin. Swerte naman na merong isang mataas na puno ng niyog malapit sa pader. Inuna niyang inakyat at ipinasok ang dala niyang gamit tiyaka siya umakyat at pumasok sa loob. Alam niya na mali ang ginawa niya at para siyang isang magnanak na pumasok dito pero hindi niya talaga kaya ang lamig ng hangin. Basa na din ang kanyang damit dahil sa ulan.
Sa pag-iwan ng kanyang ama dito, para siyang isang pulubi na walang kasama o taong nagaalala sa kanya. Iniwan na siya ng kanyang ina pagkatapos iiwanan siya ng kanyang ama sa ibang tao. Gusto lang naman niya makaranas na may makasama na pamilya pero parang ang inaasahan niya at kabaliktaran pala.
TO BE CONTINUED . . .