Roshia
"Paano kapag tinapon niya?" Tanong niya kay Franco.
"At least, nakarating sa kanya. At saka, sigurado akong hindi niya palalagpasin 'yan. Mahilig sa pink 'yon."
"Sigurado ka talaga? Kung makarating man, at mabasa niya, sa tingin mo ba papayag yun sa gusto kong mangyari?"
"Yep. Sigurado 'yan."
"Paano kung ipagtabuyan niya ako?"
"Ikaw? Ipagtatabuyan? Naku, hindi pwede."
Napangiti na lang siya sa sinabi ni Franco.
"Gamitan mo ng pagka-kontrabida mo, tignan ko lang kung hindi lumuhod sa'yo 'yan."
"Sabagay."
"Iyan ang fighting spirit!"
Natawa na lang siya.
Buti na lang talaga, may kaibigan siyang katulad ni Franco. Iyong kasing mga kaibigan niya, nilayasan na siya. May kanya-kanya nang minamahal. Buti pa ang mga ito naisip ng Creator na bigyan ng jowa, samantalang siya, naiwan na lang sa ere na parang saranggolang walang patutunguhan.
Inisip na lang niya, baka kasi may plano ang Creator na mas maganda para sa kanya, hindi lang talaga umabot ang hininga nito para maibigay iyon.
"Mabilis lang ako, pagbalik ko, dapat may kiss ako ah?"
"Tuwang-tuwa ka sa kiss ko ah. Parang hindi ka magkakaroon ng lablayp."
Tumawa lang si Franco bilang sagot.
Kinuha nito sa palad niya ang envelope na may lamang sulat.
Tumalikod ito sa kanya at humakbang ng tatlong beses bago naglaho sa paningin niya. Parang sumabog na paru-paro ang katawan nitong kumalat sa paligid.
Ang ganda.
Hindi niya pa kahit kailan nasasabi kay Franco na natutuwa siya tuwing lumilitaw ito at umaalis dahil sa mga paru-paro, baka kasi lumaki ang ulo at tuksuhin siya.
Mamaya sasabihin ko.
Matagal na noong nagkakilala sila ni Franco, unang hiatus ng istorya nila nang lumitaw ito sa mundo nila. Noong una, ayaw niya itong pansinin at pinagtatabuyan niya ito dahil masyadong madaldal at pakialamero. Pero nang malapit nang matapos ang parte niya sa mundo, ito lang ang karamay niya.
Kasama niya itong umiyak sa pangyayari sa buhay niya.
Karamay niyang magalit sa Book Keeper.
At kapag malungkot siya, nagku-kwento ito tungkol ng kalokohan nito sa buhay.
Ito din ang nagpakilala sa kanya sa ibang villain na naiwanan. Magkasama silang pumupunta sa samahan ng kapwa nila kontrabida at nakikinig sa mga hinanakit ng mga ito sa buhay.
Napabuntong-hininga na lang siya.
Ma-mi-miss niya si Franco.
Ilang sandali pa, may dumapo sa ibabaw ng palad niya na paru-paro.
Franco.
Lumitaw si Franco sa harap niya, malawak ang ngiti.
"Nabigay ko na."
"Anong nangyari?" Usisa niya pa.
"Binabasa na niya bago pa ako makaalis. Pwede na tayong tumawid mamayang gabi kung gusto mo."
"Paano kapag hindi ako nakatawid?"
"Relax, kasama mo 'ko."
"Magdadala na ba ako ng maleta ko?"
"Bahala ka, basta huwag marami, baka isipin nun mag-c-camping ka ng ilang buwan sa bahay niya."
Nginitian niya si Franco.
"Thank you ah?'
"No problemo, madam. Sige na, mag-ayos ka na. Maarte ka pa naman, iiwan muna kita dito, ayusin mo na lahat ng kailangan mong gawin at kailangan ko na munang bisitahin si Tenor, baka nabaliw na 'yon kakahanap sa jowa niya."
"Hindi ka maniningil ng kiss?"
Napatigil sa paglalakad si Franco.
Malaki ang ngiti nitong lumingon sa kanya. "Aba, marunong ka palang tumanaw ng utang ng labas." Tukso pa nito sa kanya.
Yumukod ito sa kanya at humalik sa pisngi niya.
"Okay na." Sabi pa nito, bago kumurot sa pisngi niya. Pagbitaw nito, umatras ito ng tatlong beses patalikod bago naglaho ang katawan kasabay na sumabog ang sangkaterbang paru-paro.
----------
Natapos siyang mag-ayos ng lahat ng kailangan niya, pati sarili niya. Naayos niya na din ang bahay niya kung sakaling maghanap si Eton, nagsulat na lang siya para dito at iniwan iyon sa lugar kung saan alam niyang kaagad nitong makikita.
Pinilit niyang pagkasyahin ang damit niya sa isang malaking maleta, may bitbit din siyang bag na may lamang gamit na kakailanganin niya.
"Handa ka na?" Tanong ni Franco.
Tumango siya.
Inabot naman ni Franco ang maleta niya at bag. "Ako na."
"Naku hindi pa ako pagbibigyan."
Pinabayaan niya na lang itong magbitbit. Okay lang naman sa kanya, ang problema niya, baka mamaya ay basta na lang nito ibalibag ang gamit niya. Baka maibalibag niya din ito kapag nagkataon. May mamahalin siyang perfume sa bag!
"Kumapit kang mabuti, kapag sinabi kong pumikit ka, pipikit ka okay?"
Tumango siya.
Sumenyas si Franco na humawak sa kamay nito. Sumunod naman siya at humawak sa kamay ni Franco.
"Close your eyes." Bulong ni Franco.
She did what he said.
Naramdaman niyang parang lumulutang ang katawan niya. Muntik na siyang dumilat para silipin ang nangyayari, pero kinumbinsi niya ang sariling hindi niya pwedeng ipahamak ang sarili niya o si Franco kaya pinilit niyang isarado ang mata niya.
Ilang sandali pa't naramdaman niyang parang nagkakahiwa-hiwalay ang katawan niya.
"Franco!" Tawag niya.
Humigpit ang hawak niya sa kamay nito.
"I know." Ang sagot lang nito.
"Open your eyes now."
Sumunod siya.
Pagbukas nang mata niya, halos malaglag ang panga niya sa sobrang ganda ng nakikita niya. Napapaligiran sila ng bulaklak. Sobrang daming bulaklak.
"Happy Birthday." Bati ni Franco sa kanya.
"Ha?"
"Birthday mo, nalimot mo na ba?"
"Hindi na ako natingin sa kalendaryo."
Natawa na lang sila parehas.
"Close your eyes, malapit na tayo."
Pumikit siya at pumisil uli sa kamay ni Franco.
Ilang minuto pa at naramdaman niya ang pagbigat ng katawan niya, kasabay ng pakiramdam na parang paulit-ulit na may dumidikit na apoy sa kanya.
Napangiwi na lang siya at nagpigil sumigaw.
Paano natitiis ni Franco 'yon? O baka siya lang ang nakakaramdam no'n? Sabagay, kung tutuusin ay hindi naman talaga tao si Franco.
"Dilat na ang mata aba." Rinig niyang sabi ni Franco.
Dumilat naman siya.
Nasa tapat na sila ng isang malaking pader, parang walang katapusan ang taas nito mula sa kinatatayuan niya.
Iniabot ni Franco ang bag niya sa kanya, at inusog ang maleta sa tabi niya.
Kumapa si Franco sa bulsa, bago inabot sa kanya ang piraso ng puting papel.
"Kapag gusto mo ng umalis, hipan mo ang papel, dadalhin ka niyan sa mismong tapat ng bahay nung pinagbigyan ko ng sulat mo."
Ah, ito na pala.
Hindi niya alam kung bakit bigla siyang naluluha.
"Bibisitahin naman kita kapag kailangang-kailangan mo ako."
"Thank you." Iyon na lang ang nasabi niya.
Tumango si Franco. "Be happy." Ang sabi naman nito.
"May ibibigay pa pala ako," kumapa uli ito sa bulsa. Nakasunod ang tingin niya nang ilabas nito ang isang kwintas mula sa bulsa ng pantalon nito.
"Bakit?" Takang tanong niya kay Franco.
Basta lang nitong inabot ang kamay niya at inilapag doon ang kwintas.
"Remembrance."
"Sandali, parang hindi naman na tayo magkikita. Bakit may pa-ganito?"
"Wala lang. Basta ingatan mo 'yan."
Tumango siya. "Oo naman."
"Good. Sige, alis na 'ko." Paalam nito sa kanya.
Nakasunod naman siya ng tingin dito.
"Isa pa pala." Habol nito, bago lumingon sa kanya.
"Ano?"
"Hindi Franco ang pangalan ko."
"Ha? Eh anong pangalan mo pala?"
"Argon."