"Alaala nati'y 'di mawawala,
Mananatili sa puso ng isa't isa.
Ikaw at ako, tayo'y pinagtagpo,
Mga alaala na hindi maglalaho."
GAANO nga ba kahalaga ang mga alaala? Ang alaala ang bumubuo sa ating pagkatao, kung ano at sino tayo ngayon. Naunawaan ko nang husto ang kahalagahan nito noong mawala sa buhay ko ang mga taong dahilan kung bakit ako nabubuhay sa mundo. Mga alaala na lamang nila ang nananatili sa aking isipan, hinding-hindi ko sila maaaring kalimutan.
Nakadungaw ako sa bintana ng bus tinatanaw ang bawat madaanan ng sinasakyan ko. Nasa biyahe ako paluwas ng Maynila papunta sa probinsiya namin sa Laguna. Ako si Ellena Kobayashi, dalawampu't limang taong gulang at kasalukuyang nagtatrabaho bilang sektretarya sa isang pribadong kompanya sa Makati. Naka-leave ako sa trabaho para sa isang mahalagang pagbisita sa lumang bahay ni Lola Amara.
Ang mama ko ay pinay at ang papa ko ay hapones, dito sila ikinasal at nanirahan sa Pilipinas. Nakitira sila sa bahay ni lola hanggang sa isilang nila ako at umabot sa edad na anim. Nanirahan kami sa Japan at doon na nanalagi hanggang magsampung taong gulang ako. Isang aksidente ang naganap na naging sanhi ng pagkamatay ng mama at papa ko. Si Uncle Ryuzuke ang nag-iisang kamag-anak ko sa Japan ang umampon sa akin kaso, ayaw sa akin ng asawa niya kaya iniuwi niya ako sa Pilipinas. Nasa sampung taong gulang pa rin ako nang ibalik niya ako sa pangangalaga ni Lola Amara.
Huminto ang sinasakyan kong bus, nagtawag ang kondoktor nakarating na pala ako sa distinasiyon ko sa Los BaΓ±os Laguna. Kaagad akong sumakay ng tricycle at nagpahatid sa liblib na bayan ng aking lola. Nang makarating ako rito kaagad kong nilanghap ang sariwa at banayad na hangin. Dahil nasa mataas na parte ng kalupaan nakatayo ang lumang bahay ni lola, naglakad ako paakyat sa simentadong daan na noon ay maputik na hagdan paakyat.
Tanaw ko na ang bahay ni lola, halatang napabayaan na ito at hindi na naayos pa. Mukhang napinsala rin ito ng mga nagdaang bagyo marami na ring ligaw na halaman at damo sa paligid. Amoy lumot na ang bawat sulok ng dingding, ang mga kahoy halos maubos sa kakakain ng anay. Ito ang isa sa dahilan ng pag-uwi ko, ang ipaayos ang bahay ni lola na punong-puno ng mga alaala. Hindi ordinaryong alaala ang laman nito kundi isang mahiwaga at napakaespesyal na alaala. Ipinikit ko ang aking mga mata saka dinama ang pag-ihip ng hangin, inaamoy ko ang kapaligiran habang tumatama sa aking balat ang sikat ng araw. Naalala ko ang nilalang na may siyam na buntot na nagdala sa buhay ko ng kakaibang karanasan. Aaminin ko, no'ng bata pa ako mayroon akong espesyal na kakayahan.
10 TAON NA ANG NAKALILIPASβ¦
TUMATAKBO ako nang mabilis hinahabol ko sina mama at papa nakatalikod sila sa akin pilit ko silang hinahabol pero, hindi ko sila maabutan. Lumiwanag ang buong paligid biglang naglaho sina mama at papa. Iginala ko ang mga mata ko upang hanapin sila pero, wala! Tuluyan na nila akong iniwang nag-iisa.
"Mama! Papa! Nasaan na po kayo? Huwag n'yo po akong iwan, Mama! Papa!" sigaw ko habang palingon-lingon sa paligid.
Isang matangkad na lalaki ang lumapit sa aking harapan. Iniabot niya ang kanyang isang kamay habang ang isa na man ay ipinanghawi niya sa liwanag. Tuluyan ko siyang napagmasdan, kakaiba ang hitsura niya kumpara sa ordinaryong tao. Marami siyang buntot na parang sumasayaw sa hangin, may mahaba at kulay pilak na buhok, mahaba at kulay puti ang damit niya na lumalaylay sa sahig. Ang mga mata niya ay kulay asul at ang ngiti niya ay parang sinag ng araw na nagbibigay sigla sa aking puso.
"Sa wakas nagkita tayong muli, Master!" sambit niya.
"M-Master? S-sino ka? Ano'ng pangalan mo?" gulat kong tanong.
Hinabol ko siya nang bigla siyang umangat sa hangin at pilit inabot ang aking mga kamay. Nang makarinig ako nang malakas na ingay sa kung saanβ¦
Kusang kumilos ang katawan ko at naramdaman kong nahulog ako sa matigas na bagay. Kinapa ko ang puwet ko na lumagabog saβsahig? Kinuskos ko ang buhok ko saka pikit-mulat na tiningnan ang paligid.
Nasa loob ako ng kuwarto ko at ang lahat ay isangβpanaginip? Hay! Nanaginip lang pala ako! Hawak ko ang alarm clock na naibagsak ko yata kanina. Tumayo ako hawak ang puwet kong nanakit dahil sa pagkahulog. Humarap ako sa salamin para magsuklay ng buhok nang mapansin ko ang natuyong laway sa labi at pisngi ko. Grabe! Ang burara ko naman matulog. Muling nag-ring ang alarm clock ko sa sahig. Dinampot ko ito saka pinatay. Nang makita ang oras sa orasan bigla akong nataranta. Hala! Alas-syete na pala! Ma-le-late na ako sa unang araw ng klase ko ngayon!
16 YEARS old. Fourth year section B sa mababang paaralan ng San Martin National High school sa Los BaΓ±os, Laguna. Mabuti at hindi ako na-late pagkarating ko sa eskwelahan. Kakapasok lang namin sa loob ng silid-aralan. Hay! Nakahinga ako nang maluwag.
Kaklase ko pa rin ang matalik kong kaibigan na si Anna Sebastian, nasa likod ako nakaupo katabi ng bintana habang nasa harap ko si Anna. Biglang pumasok sa loob ng silid-aralan ang adviser namin na si Sir James.
"Class, bago tayo magsimula may nais muna akong ipakilala sa inyo."
Humarap si Sir James sa pinto saka sumenyas sa tapat nito. Pinapasok niya ang isang lalaking naka-sibilyan, may kahabaan ang buhok na nakatali sa likod. Masayahin ang hitsura at ang mga mata niya ay kulay asul teka, parang pamilyar siya sa akin?
"Ah! Ang lalaki sa panaginip ko!" sigaw ko sabay tayo sa kinauupuan ko.
Nagtinginan silang lahat sa likod kung nasaan ako nakaupo. Mayamaya biglang tumawa nang malakas ang mga kaklase ko, kanya-kanya sila ng kantiyawan.
"Uy! Mr. Dream boy!" asar ng kaklase kong lalaki sa unahan.
"Naks bes, destiny?" tukso naman ni Anna.
"H-hindi gano'n 'yun, mga sira!" Napaupo ako sa sobrang hiya.
Gusto ko nang maglaho sa mundo! Sana bumiyak ang lupa at lamunin ako nang tuluyan sa kailaliman ng mundo! Ipinatong ko ang dalawang kamay ko sa desk saka isinubsob ang mukha ko sa sobrang kahihiyan. Narinig kong nagsalita ang adviser namin nais niyang magpakilala ang binata sa aming lahat.
Hindi ako nakatingin sa harap pero, hinihintay ko siyang magpakilala para malaman ang pangalan niya. Ang kaso nag-iba bigla ang paligid para akong nasailalim ng tubigβwala akong marinig? Itinuon ko ang mga mata ko sa harap, kitang-kita ng dalawang mata ko na ibinubuka ng misteryosong lalaki ang bibig niya. May sinasabi siya pero, hindi ko maintindihan para akong nalulunod? Bumalik ang ulirat ko nang marinig ko ang lahat na magpalakpakan. Dahil sa kakaibang nangyari sa akin na hindi ko maipaliwanag tinapik ko sa balikat si Anna upang tanungin.
"A-Anna, ano nga ulit ang pangalan niya?"
Bumuka ang bibig ni Anna na parang may binigkas na pangalan pero walang boses na lumalabas. Kung sa TV parang naka-mute ang bibig niya. Pinaulit kong muli sa kanya pero, ganoon pa rin wala pa rin akong maintindihan sa sinabi niya.
Sinabi ni Sir James na maupo sa bakanteng upuan sa tabi ko ang transfer student. Habang papalapit siya nagtama ang aming mga mata nang titigan ko siya. Isang pamilyar na ngiti ang ginawa niya nang makarating sa tapat ko.
"Master, kumusta? Nakatulog ka ba kagabi?" Katulad sa panaginip ko ang tinig niya ay punong-puno ng buhay at napakasigla tulad sa sikat ng araw.
Lalong nag-ingay ang buong klase nang marinig nilang tinawag akong master ng transfer student. Parang mga hayop na nakawala sa hawla kung mang-asar silaβ wagas!
Bakit ganoon kada binibigkas nila ng pangalan ng lalaking ito nawawalan ng tinig ang palagid at nagiging blanko ang pandinig ko? Ako lang ba talaga ang ganito? Ang weird! Naupo siya sa katabing silya, ipinatong niya ang dalawang kamay sa ibabaw ng desk saka tinitigan ako nang malagkit. Inilihis ko ang tingin ko at ibinaling sa pisara. Ayaw paawat ng puso ko sa pagtibok.
Nakakahiya! Ba't ba kasi ganyan siya makatingin? Para niya akong kakainin nang buhay!
Pinabuklat sa amin ni Sir. James ang libro namin sa Science. Dahil walang libro ang misteryosong lalaking katabi ko sinabihan ako ni sir na i-share ang libro sa kanya. Hindi ko maintindihan bigla akong kinabahan na parang⦠kinikilig na ewan? Inilapit niya ang silya niya katabi ng silya ko saka niya idinikit ang balikat sa balikat ko. Lalong tumindi ang pagkabog ng dibdib ko na parang gusto nang sumabog nito. Bakit ganito? Parang kilala ko na siya at ang amoy niya⦠pamilyar.
PAGKAUWI ko ng bahay saka ko lang nalaman kung ano at sino ang misteryosong transfer student. Bigla lang siyang sumulpot sa loob ng bahay tapos nakikain ng butchi kaya ipinagtimpla siya ni lola ng mainit na tsokolate.
"A-ano? Ano pong sabi n'yo Lola?!" gulat ko nang marinig mula kay lola ang tunay na pagkatao ng misteryoso kong kaklase.
"Oo apo, hindi siya taoβisa siyang 'familiar'," seryosong sagot ni Lola.
"Familiar?" usisa ko habang pinagmamasdan ang masigla niyang ngiti.
Tumayo siya mula sa pagkakaupo, nag-finger snap siya at poof! Nagbago bigla ang damit niya. Ang anyo niya ay naiiba kumpara sa ordinaryong tao.
"Tama ako! Ikaw nga ang lalaki sa panaginip ko!" sigaw kong turo sa kanya.
"Sa hitsura niya sigurado ako na isa siyang fox spirit ang nilalang na may siyam na buntot," pagkumpirma ni lola.
Binilang ko ang buntot niya at tama si lola siyam lahat ito! Makapal ang balahibo parang sa aso parang ang sarap himas-himasin. Ang mahaba at kulay pilak niyang buhok ay kumakalat sa hangin, nakakaakit sa mga mata. Ang kulay bughaw na mga mata niya ay nagdudulot ng kapayapaan sa aking paningin, kay sarap titigan. Sa pagkatulala ko biglang pumasok sa isip ko ang mga katanungan. Napalingon ako kay lola saka mabilis na nagtanong.
"Teka muna, Lola! P-pa'no nangyaring may fox spirit sa Pilipinas? Ang alam ko sa Japan lang 'yun 'di po ba? At paano mo ako naging master?" sunod-sunod na tanong ko.
IPINAGTAPAT sa akin ni lola ang sektreto ng aming pamilya. Mula sa lahi ng mga mangkukulam na tahimik na naninirahan dito sa Pilipinas si Lola Amara. Kilala ang mga mangkukulam sa: panggagamot gamit ang magic potions, nagtataboy ng masasamang espiritu, nagsu-summon ng mga espiritong naglilingkod sa kanila at gumagawa ng kakaibang uri ng ritwal o mas kilala sa tawag na 'Witch Craft'.
Namamana at natututunan ang kakayahang ito kaya pati ako may kakayahan din gawin ang mga nagagawa nila. Pero, pinagbawalan ako ni mama na gumawa ng kahit anong ritwal o pag-aralan nang husto ang pangkukulam. Ito ang isang dahilan kung bakit kami nanirahan sa Japan upang makaiwas si mama dahil gusto niyang maging normal ang aming pamumuhay.
Ngayon alam ko na kung bakit simula pagkabata nakakakita na ako ng mga kakaibang nilalang sa paligid. Hindi ako takot, at hinding-hindi ko sila pinag-isipan ng masama. Para sa akin ordinaryo lang ang mga nakikita kong kakaiba sa paligid. Mga taong nagtataglay lamang ng malakas na espiritwal na kapangyarihan ang maaaring gumawa ng mga ritwal lalo na ang pagsu-summon ng kanilang makakatuwang.
"Master, naalala mo na ang pangalan ko?" sabat ng fox spirit sa tabi ko. Hindi ko siya sinagot dahil wala akong maisasagot sa kanya.
"Master?" paulit-ulit niyang tawag.
"Hay! Ang kulit mo rin, noh? Wala akong alam at wala akong matandaan, okay?"
Natahimik lang siya sa sinabi ko. Nakaramdam ako ng awa nang malungkot siya at mawala ang ngiti sa kanyang labi. Wala akong magawa dahil hindi ko talaga maalala ang pangalan niya.
Matapos ikwento sa akin ni lola ang lahat lumabas ako ng bahay para pumunta sa bayan. Nakalutang sa hangin ang fox spirit na parang asong buntot nang buntot sa akin kahit saan ako magpunta. Ilang beses ko nang sinabi sa kanya na wala akong matandaan sa sinasabi niyang pangako naming dalawa. Hindi ko matandaan ang ibinigay kong pangalan sa kanya at hindi ko alam kung paano kami nagkakilala noon. Ito ang dahilan kaya nawawalan ng tinig ang paligid ko sa tuwing babanggitin ang pangalan niya dahil, ako mismo na nagbigay sa kanya ng pangalan ay hindi ito maalala.
"Master, ikaw ang nag-summoned sa akin kaya dapat ikaw rin ang tatawag ng pangalan ko. Humina ang spiritual power mo Master, kaya hindi mo na ako nakikita noon pero ngayon, lumakas na ulit ito at lumalakas pa habang tumatagal⦠kaya ngayon nakikita mo na ulit ako. Anumang oras maaari mo na akong palayain tulad sa ipinangako mo, Master!"
"Hay! Ang kulit! Sinabi nang hindi ko nga matandaan ang pangalan mo! Wala akong matandaan na sinummoned kita! Puwede bang bigyan na lang ulit kita ng pangalan ngayon?"
"Hindi maaari, Master! Isang beses lang nakikipagkontrata kaming mga familiar sa nag-summoned sa amin."
Hindi ko siya pinansin patuloy lang ako sa paglalakad pababa sa maputik na daan. Papunta ako sa sentro ng bayan upang bumili ng mga gamit sa bahay, bibili rin ako ng gamot at bigas. Nang mag-anyong tao ang fox spirit at sumama sa akin hanggang sa pamilihan.
"Alam mo Master, marami pa akong kayang gawin tulad nito, tingnan mo!" Nagpakitang gilas ang fox spirit sa harap ko, sa isang kisap-mata biglang poof! Naging cute na tuta siya.
"Wow! Ang cute mong tuta!" Tumalon siya sa bisig ko, ramdam na ramdam ko ang malambot niyang balahibo sa mga kamay at braso ko.
"Hindi ako tuta, isa akong fox spirit!" Bigla siyang tumalon at nag-anyong tao muli.
"Mas okay kung mag-anyong tuta ka na lang!" sigaw ko habang naglalakad siya sa unahan.
Napansin ko ang hubog ng katawan niya. Matangkad, payat at maputi ang balat. Hindi ko tuloy maiwasan pansinin ang sarili ko. Mahaba rin naman ang buhok ko, payat din naman ako hindi nga lang katangkaran. Palagi akong napapansin dahil sa mga mata kong singkit. Kahawig ko nga raw si papa at kuha ko ang pagiging Japanese niya.
Mayamaya'y lumingon siya sa akin saka ngumiti nag-spark ang buong paligid. Muli na namang tumibok nang malakas ang puso ko. A-ano ba itong nararamdaman ko? Parang nasusunog ang mukha ko sa s-sobrang init. Bawat tingin niya ay nakakatunaw!
"Ah, Master! Namumula ang mukha mo, may sakit ka ba?" Inilapt niya ang palad niya sa noo ko.
"W-wala, noh!" Bigla kong tinapik ang kamay niya saka tumalikod.
Ang mainit niyang palad ang lalong nagpainit sa nararamdaman ko, hindi ko maintindihan kung ano'ng mayroon siya at nagkakaganito ako sa harap niya.