Chereads / Getting To Know Each Other / Chapter 1 - - SWEET BEGINNINGS -

Getting To Know Each Other

🇵🇭kevingomezsiervo
  • --
    chs / week
  • --
    NOT RATINGS
  • 5.1k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - - SWEET BEGINNINGS -

Chapter One

"Hey baby even though I hate you, I want to love you. And even though I can't forgive you, I really want to."

Tunog ng Problem ringtone ni Kylie ang pumukaw sa kanya ng umagang iyon. Hindi man nakamulat ang mga mata'y kinapa-kapa niya sa hinihigaang kama ang kinaroroonan ng kanyang cellphone. Katabi kasi palagi niya iyon sa pagtulog.

Nang makapa niya sa ilalim ng kanyang unan ay dinampot niya iyon at dahan-dahang iminulat ang kanyang mga mata. Tumingin siya sa bintana. Sumabog na ang sinag ng haring araw.

Rumehistro sa kanyang screen ang pangalan ng tumatawag. Si Anthony. Ang kanyang boyfriend.

"Hello?"

"Babe?"

Narinig niya ang humihingal na boses ni Anthony. Nakaramdam siya ng kaba sa kanyang dibdib. Ipinilig niya ang kanyang ulo. Hindi niya gustong mag-isip ng masama.

"Si Sparkle—"

Hindi pa nga nito natatapos ang sinasabi ay narinig na niya ang malakas na iyakan sa background. Mas lalong bumundol ang kaba sa kanyang dibidib. Pagkarinig sa pangalan ni Sparkle ay walang pagdadalawang-isip na bumangon siya mula sa pagkakahiga at kumaripas ng takbo papalabas ng kanyang kuwarto.

"Happy birthday to you. Happy birthday to you. Happy birthday, happy birthday. Happy birthday to you!" Mga boses ng kanyang ina, ama, dalawang pinsan at nobyo ang sumalubong sa kanyang paglabas ng kuwarto.

Natigilan siya at napatakip sa kanyang bibig. Mula sa kanyang kinatatayuan ay kitang-kita niya ang kulay gold na mga balloons na nakasabit sa mga kisame at bintana ng sala. Sa pinakagitna naman ay nakasabit ang naglalakihang customized balloons na may nakasulat na Kylie @ 23.

Dalawang party poppers ang ipinaputok ng kanyang dalawang pinsan na sina Britz at JB. Napatda siya at napakunot-noo. Idinako niya ang mata sa kaharap na kalendaryo. Tiningnan ang petsa roon. August 12. Birthday na pala niya ngayon.

Sa hindi kalayuan ay naroon naman sa isang sulok ang kanyang ina habang abala ito sa pagdu-dokumento ng mga nagyayari gamit ang bagong Iphone nito. Regalo kasi niya iyon sa ina noong kaarawan nito last year. Katabi nito ang kanyang papa habang hawak ang tarpaulin na punong-puno ng collage ng mga selfies niya mula highschool hanggang college days niya.

"Happy birthday, Babe."

Si Anthony. May dalang bouquet of peonies at isang Red Ribbon Black Forest cake na may nakatusok na tatlong kandila sa gitna ng numerong 23.

Ginawaran siya nito ng halik sa kanyang labi. Nagsipagtudyuan naman ang lahat. Ngunit sa halip na magpasalamat ang dalaga sa mga dala nito ay kinurot pa niya ang nobyo sa braso nito.

"Pinakaba mo ako ha. Akala ko ano na ang nangyari kay Sparkle,"

Kunwari ay nagtampo siya sa nobyo. Ilang sandali pa ay dumating si Sparkle. Nagtatahol ito at nagpaikot-ikot sa kinatatayuan nilang dalawa. Animo gumagawa ng invisible circle sa magkasintahan. Kinarga ito ni Anthony. Pinupog naman ito ni Kylie ng halik.

Si Sparkle ay ang kanyang alagang Tibetian Spitz na aso. Sa katunayan, may sentimental value ito dahil ito ang kauna-unahang natanggap na graduation gift niya mula nang maging magkasintahan sila ni Anthony.

Matapos ang sorpresang iyon sa kanya ay masayang pinagsaluhan ng kanyang pamilya ang pagkaing inihanda ng mga ito para sa kanyang kaarawan. Bumalik muna siya sa kanyang kwarto para makapagbihis at nang makapag-ayos naman sa sarili. Kailangan pa ring presentable siya lalo pa at special ang araw na ito.

Tatlong taon na silang mag-nobyo ni Anthony. Sa katunayan, college pa lang sila ay nanliligaw na ito sa kanya. Natatandaan pa niya sa kanyang alaala ang mga sandaling iyon…

"Kylie!"

Lumingon siya sa pinanggagalingan ng boses na iyon. Kasalukuyan siyang nakaupo sa isa sa mga upuan ng school canteen habang kumakain ng cheese burger. Katatapos pa lang ng long quiz nila sa major subject kaya naman gutom na gutom siya nang mga oras na iyon.

Si Anthony pala ang tumatawag sa kanya. Isa sa kanyang masugid na manliligaw. Business Management ang kurso nito. Nakilala niya last year ang binata sa Acquaintance Party nila at mula noon ay hindi na siya nito tinantanan sa panliligaw. Tatayo na sana siya ngunit pinigilan siya nito.

"Teka lang. Teka lang. Para naman akong criminal dito eh. Bakit mo ba kasi ako iniiwasan?"

Hindi siya umimik. Nagpatuloy siya sa pagkain ng cheese burger.

Napatikhim ito para pansinin niya. Tumuwid siya ng upo. Tiningnan nang mabuti ang mga mata ni Anthony. Medyo nailang ang binata sa ginawa niya kaya napayuko ito.

"Alam mo ba kung bakit kita iniiwasan?"

Umiling-iling ito. "Hindi." Dahan-dahang itinaas nito ang ulo at tumingin sa kanya.

"Ang kulit mo kasi eh."

Pagkasabi ni Kylie ng mga salitang iyon ay biglang nag-iba ang timpla ng mukha nito.

"Kylie naman. Ibig bang sabihin nito, busted na ako?"

Kinuha muna ni Kylie ang softdrinks at uminom bago sinagot ang tanong ng binata.

"Sa graduation," wika ni Kylie rito.

Tila naguluhan ito sa binitawang mga kataga ng dalaga. Mababanaag sa mukha nito ang kalituhan.

"Ano nga ulit iyon?" Kunot-noong tanong ni Anthony.

"Sabi ko, sa graduation na kita sasagutin," tipid ang ngiting sabi ng dalaga rito.

Pagkasabi noon ay walang anu-ano ay napatalon sa tuwa si Anthony.

"Yes!" Animo nanalo ito sa jackpot prize ng Superlotto 6/49 habang nakataas ang dalawang kamay sa ere. Pinandilatan niya ito ng mga mata. Nagsimulang magtinginan sa kanila ang mga taong kumakain din sa loob ng school canteen.

"Ano ka ba, pinagtitinginan na tayo dito eh," reklamo pa niya sa binata.

Magsasalita pa sana si Anthony ngunit hinila na niya ito papalabas ng school canteen.

NABALIK sa kasalukuyan ang isipan ni Kylie nang matanggalan siya ng ilang hibla ng buhok mula sa pagsusuklay. Itinatali kasi niya ang lampas-balikat niyang buhok. Napasigaw siya sa kirot na naramdaman at ilang sandali pa ay hinimas-himas niya ang ulo. Matapos iyon ay ipinagpatuloy na niya ang pagpu-ponytail ng kanyang mahabang buhok.

Idol na idol niya si Ariana Grande. Hindi na iyon nakapagtataka sa dalaga dahil pagpasok mo pa lang sa kuwarto niya ay sasalubong na sa iyo ang limang talampakang life-size polyboard standee ni Ariana. Dagdag pa rito ay nakadikit sa buong kisame at dingding ang iba't ibang posters ni Ariana.

Sa kanyang mesa naman ay punong-puno iyon ng mga merchandises na i-pinurchase pa niya mula sa 2017 Dangerous Woman Tour ni Ariana Grande noong August sa Mall of Asia Arena. Syempre, si Anthony ang nag-sponsor ng kanyang VIP ticket sa nasabing concert.

Samantala, katabi ng mesa ay ang customized five footer glass organizer kung saan ibinida niya ang mga studio albums ni Ariana mula sa My Everything era nito hanggang sa 2018 album nitong Sweetener. Sa itaas na parte ng organizer ay naroon naman ang mga Ariana Grande perfume collections niya.

Matapos makapaglagay ng "cat's eye" eyeliner at kaunting matte lipstick ay umalis na siya ng kwarto. Printed white crop top at black high waist jeans ang suot niya ng araw na iyon at pinarisan niya ng pink cardigan at two inches high heels para chic and sassy ang kanyang dating.

Pagbaba pa lang ng hagdanan ay napalingon sa kanya ang lahat. Animo isa siyang artista na nabatobalani ang lahat sa kanyang kagandahan. Tumayo ang kanyang ina at pinagtagpo ang mga palad. Number one fan kaya niya ito.

"Pagkaganda-ganda ng anak natin, Enrico," sabi pa ng singkuwenta anyos na si Aling Vergie.

Tumango naman ang kanyang ama bilang pagtugon sa sinabi ng kabiyak. Umupo na si Kylie sa mesa at nagsimulang kumain ng almusal. Kumuha siya ng isang hotdog at isang kutsara ng inatsal na pipino at inilagay sa pinggan.

"Naku ha. Ang aga-aga eh binobola niyo na ako agad, Momsy."

Napangiti si Aling Vergie sa sinabi ng anak. "Mabuti na lang at mayroong nagmana sa kagandahan ko," hinaplos-haplos pa nito ang pisngi.

Napatikhim si Mang Enrico sa sinabi ng asawa. "Hoy, Vergie. Alalahanin mo anak ko rin 'yang si Kylie," wika ng ama ng dalaga. "Maganda talaga ang lahi namin. Hindi ba, anak?" tumingin sa kanya si Mang Enrico at kumindat.

Pinandilatan ito ng mga mata ni Aling Vergie. Tila hindi sumasang-ayon sa huling sinabi ng asawa. Iniwas naman ni Mang Enrico ang mga mata rito upang hindi magtagpo ang mga mata nila ng kabiyak. Nagsipagtawanan ang lahat.

Matapos kumain ng almusal ay pumunta siya sa lawn para makapagpaalam sa nobyo dahil papasok na siya sa trabaho. Nandoon pala si Anthony kasama ang asong si Sparkle. Nadatnan niyang pinapaliguan nito ang aso.

"Nandito ka lang pala," sabi niya rito.

Lumingon ang basang-basa na si Anthony sa nobya. May mga bula pa sa ilang hibla ng buhok nito. Lumapit si Kylie sa nobyo at pinunasan iyon gamit ang puting face towel na nakasablay sa balikat nito.

"Babe." Tumayo ito, pinatay ang water hose at inilagay muna si Sparkle sa palanggana.

"Pwede mo namang iutos ito kay Britz o JB," suhestiyon niya sa nobyo.

Worried kasi siya na baka malate ito sa pinapasukang trabaho lalo pa at hindi basta-basta ang posisyon na hinahawakan nito. Alam naman kasi niya kung gaano kabusy ang boyfriend niya. Branch manager kasi ito ng La Felicitá; isang sikat na cuisine restaurant sa Italy na ngayon ay may franchise na sa Makati City. Hindi rin naman niya masisisi ang nobyo kung bumiyahe pa talaga ito mula Makati papunta sa kanilang bahay dito sa Pasay. Mahilig talaga kasi itong i-sorpresa siya lalo na kung birthday o monthsarry nila.

"No big deal here. Ayos lang ako, babe," ngumiti ito sa kanya. "At saka patapos na rin naman ako sa pagpapaligo kay Sparkle eh." dugtong pa nito.

"Okay, sige. I'll go ahead. After that, umuwi ka na ha? Ayokong ma-late ka sa work mo," hinaplos ng dalaga ang pisngi ng nobyo bago ito ginawaran ng halik sa pisngi at nagpaalam.

"I love you, babe," si Anthony. Nag-flying kiss pa ito sa dalaga.

Hindi rin naman nagpahuli si Kylie dahil nag-flying kiss din siya rito.

"I love you, too!"

HINDI naman gaanong traffic ang tinatahak na kalsada ng taxi kung saan lulan si Kylie. Dangan nga lamang at biglang bumuhos ang napakalakas na ulan ng araw na iyon. Mabuti na lamang at hindi siya masyadong nabasa pagsakay sa pinarang sasakyan. Wala kasi siyang dalang payong. Hindi sana niya gustong magreklamo sapagkat espesyal ang araw na iyon ngunit talagang hindi niya napigilan ang sarili. Napapalatak siya habang tinitingnan mula sa bintana ng taxi ang malakas na pagbuhos ng ulan.

"Ano ba 'yan, bakit ba kasi umulan pa ngayon?" nagmamaktol na wika ng dalaga.

Bigla siyang may naalala. Nakalimutan niyang sabihin kay Anthony na may home-made cookies siyang iniluto para rito at inilagay niya iyon sa refrigerator kaya iti-text na lamang niya ito baka sakaling nasa bahay pa nila ang kanyang nobyo. Hinanap niya ang kanyang cellphone sa loob ng bag.

Lumingon sa kanya ang driver. Napangiti.

"Ganyan talaga ang buhay, Ma'am," sabi pa nito. "May mga panahong hindi po natin inaasahang mangyayari," tumingin ito sa labas mula sa windshield bago muling nagsalita.

"At may mga panahon din naman pong inaasahan nating darating ngunit malabong mangyari," dugtong pa nito.

Napaisip ang dalaga sa tinuran ng matandang taxi driver. Sa hitsura nito ay nasa singkuwentay nuwebe na ang edad nito. Bakas sa mukha nito ang kalungkutan.

"Ang lalim naman po ng hugot ninyo, Manong."

Tipid na ngumiti ito sa kanya.

"Pasensya ka na, Ma'am," sabi pa nito. "Sa dinami-dami ng pasaherong sumakay sa akin, ngayon lang ako nakapagsalita nang ganito."

"Ayos lang po iyon, Manong."

Nakita naman agad ni Kylie ang hinahanap na cellphone. "Hay, salamat naman at nakita na kita." Nakahinga na siya nang maluwag. Hinanap niya ang Message app at nagsimulang mag-type.

Babe? Still at the house? Text iyon ni Kylie sa nobyo.

Tumunog ang message alert tone ng kanyang cellphone. Si Anthony ang nag-text.

Nope. Already left. Why?

Napasinghap ang dalaga. Kinalaunan ay idinayal niya ang numero ni Anthony sa cellphone.

"Babe, nakalimutan ko kasing ibigay sa iyo kanina ang ginawa kong home-made cookies."

"Ano ka ba? Ayos lang iyon. We'll see each other naman mamaya, 'di ba?"

Napakagat-labi si Kylie. May date nga pala sila mamaya ng binata. A day before the birthday surprise kasi, nag-set na si Anthony ng dinner date para sa kanilang dalawa. Sinabi ni Anthony ito sa kanya kanina habang kumakain sila ng almusal.

"I almost forgot. Okay, babe. I'll see you later. Bye."

"No problem, babe. Bye."

Matapos ang kombersasyong iyon ay pinutol na ni Kylie ang tawag. Napatingin si Kylie sa labas ng bintana. Medyo tumila na ang ulan. Ang kaninang maulap na kalangitan ay unti-unti nang umaaliwalas.

"Nobyo mo?" tanong pa ng taxi driver sa kanya.

Tumangu-tango siya rito bilang pagtugon.

"Mag-iingat kayo."

Napatda si Kylie sa tinuran ng matanda. Animo may hatid na bad omen ang bawat salitang binibitawan nito. Parang nakaramdam siya nang paninindig-balabo sa sinabi nito.

"Maraming tukso ang pagdadaanan ninyo," naging seryoso ang tono ng boses nito. "Marami pa kayong makikilala."

"Ano ho?"

"Sabi ko po, Ma'am mag-iingat kayo. Sa panahon kasi ngayon, bihira na lang ang relasyong nagtatagal." Napapalatak ito at nagpailing-iling.

Marahil may pinagdaanan ito kung kaya nakapagsabi ito sa kanya ng ganoon. Baka nga siguro niloko ito ng asawa nito kung kaya ganoon na lamang ito kung makapagpayo sa kanya.

Napangiti ang dalaga. Sa tatlong taon nila ni Anthony ay hindi niya ito pinagdudahan o pinag-isipan man lang nang masama. Alam niyang mabait ang kanyang nobyo at hinding-hindi nito magagawang pagtaksilan siya. Kilalang-kilala niya ito mula ulo hanggang paa.

"Salamat po sa advice, Manong."

Ngumit siya rito. Matapos makapagbayad ay bumaba na siya ng taxi. Open-minded naman si Kylie kaya mabuti niyang pinakinggan ang bawat sinabi ng matandang taxi driver. Iyon nga lang, hindi niya talaga maiwasang kilabutan sa mga pinagsasabi nito kanina.

Hinamig niya ang sarili. Hindi ito ang oras para mag-isip nang ganoong mga bagay. Birthday niya ngayon. Espesyal ang araw na ito. Napatingala si Kylie sa kalangitan. Maaliwalas na ang buong kapaligiran. Sumilay na rin ang bughaw na kalangitan at puting alapaap. Humugut siya ng malalim na buntong-hininga. Sinamyo ang preskong hangin sa labas. Naramdaman din niya ang pagdampi na hatid ng init ng araw sa kanyang pisngi. Napangiti siya. Tuluyan na ngang tumila ang ulan.

"There you go. Masuwerte ka pa rin naman pala, Kylie Macapala."

Napabungisngis si Kylie sa tinuran. May mga panahon kasi na talagang naiisip niya na malas siya. Katulad nang dati, JS Prom nila at on the way na sana siya sa venue nang bigla siyang matisod dahilan para masira ang isang takong ng sapatos niya. Wala siyang nagawa kundi ang umuwi ng kanilang bahay at pagtiyagaan ang doll shoes na binili ng ina niya para sa kanya. Sa katunayan, ayaw talaga niya sa doll shoes na iyon dahil hindi niya gusto ang kulay nito. Wala siyang nagawa kundi suotin ito kaysa naman hindi siya maka-attend sa kanilang JS Prom.

Pangalawa, noong second year college siya. May long quiz sila ng araw na iyon sa major subject. Dahil sa pagmamadaling ma-plantsa ang kanyang uniform ay hindi niya napansing naka-set pala sa high ang plantsang kanyang ginamit. To cut the story short, dekolor na damit ang kanyang isinuot para lamang makapasok sa pinapasukang unibersidad.

PASADO alas-otso na nang marating ni Kylie ang building kung saan naroon ang kanilang opisina. Sa katunayan, nasa third floor ito kaya kinakailangan pa niyang gumamit ng elevator para makarating doon.

Nang makarating ang dalaga sa third floor ay kinilabutan siya nang mapansing napakatahimik at napakadilim ng buong pasilyo. Hindi siya sanay sa aurang nakikita niya ngayon. Well-lighted kasi palagi ang pasilyong iyon lalo na tuwing office hours. Dahil sa palagi ang panonood ng mga horror movies sa TV ay walang pagdadalawang-isip na napa-sign of the cross si Kylie.

Maya-maya pa ay may nakita siyang nakalutang na puting tela sa pinakadulong bahagi ng pasilyo. Ngunit may bulto iyon ng isang babae. Nang mapansing niyang papalapit sa kanyang direksyon ang babaeng nakaputi ay nagsisisigaw si Kylie.

"Tulong! Tulungan niyo ako!" naging histerikal ang dalaga lalo pa nang mapansin niyang ilang metro na lang ang layo ng babae mula sa kanyang kinatatayuan.

Nagpatay-sindi ang mga light bulbs sa pasilyo ng third floor. Samantala, taranta namang pinindut-pindot ni Kylie ang control panel ng elevator. Pinagpapawisan na siya nang malapot. Gusto na niyang lisanin ang pasilyong iyon dahil pakiramdam niya katapusan na niya ng mga oras na iyon.

Tiningnan niya ang floor indicator. May paparating sa third floor. Nakahinga siya nang maluwag. Sa huling pagkakataon, lumingon si Kylie kung naroroon pa rin ba ang babaeng nakasuot ng puting tela. Wala na ito pero patay-sindi pa rin ang mga light bulbs sa buong pasilyo.

"Ayoko na! Please…" nausal pa ng dalaga habang panay ang sign of the cross.

Tumunog ang elevator. Bumukas ito. Iniluwal nito ang bulto ng mga bestfriends niya – sina Janna at Tricia. May mga dala itong cake at balloons habang kumakanta ng Happy Birthday Song. Bumalik sa normal ang kaninang patay-sindi na ilaw. At ang kaninang tahimik na pasilyo ay punong-puno na ito ngayon ng mga ka-officemates niya.

"Happy birthday to you. Happy birthday to you…"

Nagsalubong ang kanyang mga kilay. Tila gusto niyang umiyak nang mga sandaling iyon. Iyak sa sobrang takot at emosyong nadarama sa surpresang inihanda ng kanyang mga katrabaho at bestfriends.

"Gusto niyo yata akong patayin kanina eh," kunwari ay nagtampo ang dalaga sa lahat. "Akala ko nasa sequel na ako ng The Conjuring," dugtong pa ng dalaga saka pinaikot ang mga eyeballs.

Nagtawanan ang lahat sa sinabi ni Kylie.

"Happy birthday, besh! Sorry ha kung kinailangan takutin ka pa namin para ma-surprise ka." wika pa ni Janna habang hawak ang chocolate cake. Katabi nito si Tricia na may hawak namang bouquet of peony flowers. Alam kasi ng mga ito na paborito niya ang chocolate cake at ang bulaklak na peony.

Iniabot ni Tricia sa kanya ang mga bulaklak. "Happy birthday!" Ginawaran siya nito ng halik sa pisngi. Tinanggap naman niya ang iniabot nitong bulaklak at nagpasalamat.

"Oh ayan, besh. Make a wish and blow the candle," inilapit ni Janna kay Kylie ang cake na may nakatusok na sinindihang kandila. Napapikit si Kylie at gumawa ng kanyang wish para sa ikadalawampu't tatlong kaarawan niya.

Matapos makapag-wish ay hinipan ng dalaga ang sinindihang kandila. Nang mapatay iyon ay nagpalakpakan ang lahat at muli siyang inawitan ng Happy Birthday Song ng kanyang mga ka-officemates. Nagkaroon ng salu-salo sa loob ng kanilang opisina. Nagpasalamat siya kina Janna at Tricia lalo pa at nag-leave talaga ang mga ito sa trabaho para lang ma-surpresa siya sa birthday niya.

Si Janna at Tricia ay highschool-college bestfriends niya. Marketing Management ang course na kinuha nilang tatlo. Sa katunayan, workmates sina Janna at Tricia sa O-Zone Advertising Company sa Pasay City habang siya naman ay Resident Photographer sa Horizon Photo Studio sa Makati.

Passion talaga ni Kylie ang photography kaya naman mas pinili niya ito kaysa sa kursong natapos. Hindi rin naman nalalayo ang kanyang trabaho sa trabahong mayroon ang kanyang mga kaibigan. They also deal with customers lalo pa't sa panahon ngayon ay napaka-in demand ng mga photo and video services lalo na tuwing may mga okasyon at important events. Marketing Ad Strategist din siya sa Horizon kaya hindi nakapagtatakang online palagi si Kylie sa social media para sa pagpu-promote ng photo and video services nila.

Matapos ang buong maghapon ay nakaramdam ng ginhawa si Kylie. Isa na lang ang lakad niya mamaya – ang dinner date nila ng kasintahang si Anthony.

SA isang five-star restaurant siya dinala ni Anthony ng gabing iyon. Napakaganda ng ambience ng restaurant na iyon. Sa isang sulok ay may romantikong kantang itinutugtog ang mga saxophonists. Kung hindi siya nagkakamali, ang kasalukuyang ipinapatugtog ng mga ito ay ang 1980s hit song ng yumaong singer na si Whitney Houston na "I Will Always Love You."

Samantala, pagpasok pa lamang ni Kylie sa salaming pintuan ay nakita niya kaagad ang nobyo. Napakaguwapo nitong tingnan sa suot na stripped white semi-fit shirt na pinatungan ng gray coat at dark blue pants na pinarisan ng loafer shoes. Casual pero stylish.

Si Kylie naman ay nagsuot ng pastel haltered colored dress at puting stilettos. Ang kanyang mahabang buhok ay katulad pa rin ng nakasanayan, naka-ponytail ito pero dinagdagan niya ng red velvet lace bilang accent sa buhok. At para maging kagaya ng idol niya, pinarisan niya ito ng pink shade matte lipstick.

"You look wonderful," si Anthony nang makalapit kay Kylie at hinagkan siya sa labi.

Ngumiti rito ang dalaga at nagpasalamat. Kumuha ng upuan si Anthony para makaupo ang nobya at matapos iyon ay bumalik na rin ito sa kinauupuan at tinawag ang waiter para um-order.

Nasa gitna sila ng pagkain nang biglang basagin ni Anthony ang katahimikan. Itinigil nito ang paghihiwa ng steak at tumingin kay Kylie. Napatda ang dalaga. Sandali niyang itinigil ang pagkain at nag-angat ng tingin sa nobyo.

"I have something important to tell you, babe."