"Good morning, Nick. Flowers for you."
Nakangiting inaalok ni Facundo Cajurao and isang bungkos ng sunflower sa kanya. Bagong paligo ang lalaki. Umaalingasaw pa ito sa amoy ng Axe. Kung ano mang variant ng Axe 'yon ay wala siyang pakialam. Basta hindi niya type ang karakas ng anak ng may-ari ng pinakalamalaking utangan ng five-six sa looban.
Yamot na napasulyap siya sa suot na wrist watch. Casio and brand at siyempre, kulay itim. Pang-unisex ang disenyo. Alas nuwebe kinse pa lang ng umaga. Pero heto, sinisira na ni Facundo ang araw niya.
"Alas nuwebe pa lang, Facundo. 'Wag mo akong paandaran ng kabaduyan mo lalo na't wala pa akong tulog!" asik niya na may kasamang pandidilat ng mga mata.
Maiksi ang pasensya niya ngayon, walang extra para ipaligo kay Facundo. Mabigat ang bitbit niyang bag at dumagdag pa ang kakulangan niya ng tulog. Graveyard shift siya sa call center. Nasa stage ng pag-a-adjust ang katawan niya sa bago niyang schedule.
Kakababa lang niya sa traysikel na naghatid sa kanya sa bukana ng looban. Nilakad na lang niya and aspaltadong daan papasok. Sa sikip ng eskinita ay hindi kasya ang traysikel doon. Pang-tatlong tao lang ang lapad ng eskinitang maghahatid sa kanya sa Sitio Damayan.
Doon niya nakasalubong si Facundo. Hula niya ay ikinanta na naman siya ng stepmother niyang mahilig sa ube at Ninoy. Mabuti sana kung kasing-hilatsa ng pagmumukha ni Facundo ang paborito niyang Chinese actor na si Yang Yang.
Kaso, kahit ingrown yata ni Yang Yang ay malayong kamukha ni Facundo. Hindi naman sa nang-aano, pero hindi niya talaga type ang hilatsa ng pagmumukha nitong manliligaw niyang manhid pa sa salitang manhid.
Sa malas ay ipinaglihi sa kalyo si Facundo. Ni hindi man lang nabawasan ang lapad ng ngiti nito. Sa halip na masindak ay lalo pa nitong ipinagduldulan sa harapan niya ang hawak na bulaklak. Kung hindi siya umatras ay pumasok sa ilong niya ang isang talulot ng sunflower.
"'Wag masungit, Nick. Nakakabawas ng ganda 'yan," ani Facundo na suot pa rin ang one thousand megawatt ngiti nito.
"Lubayan mo nga ako. Please lang!"
"Lahat na hilingin mo. 'Wag lang 'yan. Para mo na rin sinabing 'wag na akong huminga."
May kinilig, pumapalakpak, tumawa at pumito. Noon lang niya nabigyang pansin ang paligid. Nasa gitna sila ng eskinita at napapalibutan ng mga kabarangay. Lalong uminit ang ulo niya. Tinapunan niya ng masamang tingin ang mga miron. Nagsitahimik naman ang mga ito.
"Ano'ng kailangan kong gawin para maintindihan mo na ayaw ko sa 'yo?" pilit nagpapakinahong tanong niya.
"Wala. Kahit naman ano'ng gawin mo, sa akin ka pa rin babagsak." Puno ng kumpiyansa ang boses nito.
Noon lang niya nakitang parang may nag-iba kay Facundo. Kung noon ay isang sikmat lang niya ay agad itong tumitiklop, ngayon ay hindi na. Ano ba'ng nilaklak nito nang ganito kaaga para tubuan ng kumpiyansa? Pinaningkitan niya ng mga mata ang lalaki.
"Ano'ng ibig mong sabihin?"
Imbes na sumagot ay pilit nilagay ni Facundo sa kamay niya ang bulaklak. Nagawa naman ito ng lalaki dahil wala doon ang isip niya. Nag-aabang siya sa isasagot ni Facundo. May hindi maganda siyang nararamdaman. At ni minsan hindi pa pumalpak ang instinct niya.
"Basta," maiksing sagot ni Facundo. Namungay ang mga mata nito. "Totoo nga talagang 'pag may tiyaga, may nilaga."
Eww.
Nangaligkig siya. Kinilabutan siya sa sinabi ng lalaki. Mukhang wala siyang matinong sagot na makukuha mula dito. Kailangan na niyang kumilos kaya initsa niya kung saan ang bulaklak. Isang hakbang ang ginawa niya palapit kay Facundo. Kasabay noon ay ang paghablot niya sa kuwelyo ng abuhing polo ng lalaki gamit ang dalawang kamay.
Magkasing-tangkad sila ni Facundo. Pareho silang five feet and five inches. Sa sobrang lapit ng mukha nilang dalawa ay kandaduling si Facundo.
"N-Nick naman…'wag dito."
As if!
Sa inis ay hinigpitan niya ang pagkakahigit sa kuwelyo ng lalaki. Sinadya niyang higpitan sa bandang leeg. Nagdikit ang ilong nilang dalawa.
"Gusto mo bang magkaanak?" tanong niya.
Nanlaki ang mga mata ni Facundo. "Huh? O-Oo siyempre. Ilan ba ang gusto mo?"
Ngumisi siya. "Kagatin mo dila mo."
"Ha?" naguguluhang tanong ni Facundo.
"Kagatin mo dila mo. Isa!"
Sa sandaling sumunod si Facundo ay umigkas ang tuhod niya. Sapol ito sa bayag. Agad na hinawakan ng lalaki ang nasaktang bahagi nito. Napangisi siya sa nakikitang pagpapalit ng kulay ng mukha ni Facundo.
Umawang ang bibig nito pero walang lumabas na salita. Saka siya bumitaw sa kuwelyo ng lalaki. Unti-unting bumagsak si Facundo. Mukha itong isang sako ng tinadyakang patatas.
"Mag-anak kang mag-isa mo, gago!"
"N-Nick! Putangina kang babae ka!"
"Putangina mo rin," sagot niya. Iniwan niya ang lalaking namimilipit sa sakit. Parang tinangay ng hangin ang inis niya.
Pasipol-sipol pa siya nang itulak ang gate nilang isang dekada nang hindi nakakatikim ng pintura. Umingit 'yon. Sapat ang ingay para maalerto ang mga tao sa loob ng bahay nila. Sa ingay pa lang ng kalawangin nilang gate ay hindi na nila kailangan pa ng door bell. Tulak lang sapat na. Convenient.
"O, Nick. Mabuti at nakauwi ka na. Kausapin ka raw ng tatay mo," salubong sa kanya ng madrasta.
Inabot nito sa kanya ang kamay para makapagmano siya. Na hindi naman niya tinanggihan. Kahit hindi sila close ng madrasta ay hindi naman sila magkaaway. At ang pagmamano sa asawa ng tatay niya ay isang paggalang na nararapat niyang ibigay dito. Makukurot siya ng namayapa niyang ina sa singit 'pag kinalimutan niya 'yon.
"Hindi ho ba pumasok si Tatay?" tanong niya.
"Hindi. Humingi siya ng day-off sa amo niya. Nananakit daw ang katawan eh. Dala siguro ng lagnat niya kahapon."
Kumunot ang noo niya. Pabagsak niyang ibinaba ang bag sa sahig saka umupo sa pinakamalapit na sofa. Nagtanggal siya ng sapatos.
"Nakainom na ho ba siya ng gamot?"
"Oo, tapos na." Mula sa kusina ay lumitaw ang Tatay niya.
Agad siyang tumayo para magmano. Pagkatapos ay pinasadahan niya ng tingin ang ama. Medyo maputla nga ito. Butil-butil ang pawis ng matanda na naipon sa ibabaw ng ilong at noo nito. May hawak itong siyansi.
"Gusto n'yo daw akong makausap?" tanong niya.
"Oo," kumpira ni Mang Dado.
"Tungkol ho saan?"
"Ikaw na muna ang magtuloy ng niluluto ko, Celia," utos ng tatay niya sa asawa.
Inabot naman agad ng madrasta niya ang hawak na siyansi ng lalaki. Makahulugang nagpalitan ng tingin ang dalawa. Nakaamoy ng malansa si Nick. Hinintay muna ni Mang Dado na makapasok sa kusina ang asawa bago ibinaling ang tingin sa anak.
"Hindi ka na bata, Nick. Bilang ama mo, ang gusto ko lang ay mailagay ka sa ayos bago ako mawala."
"Ummm…'wag na kayong magpaikot-ikot 'tay. Gusto ko nang matulog, babagsak na ho ang mga mata ko," aniya.
"Kaya napagdesisyunan namin ng Tita Celia mo na ipakasal ka kay Facundo."
Inaantok siya pero hindi siya bingi. Bigla siyang napatayo.
"Tay! Ano ho bang nalunok n'yong gamot at kung ano-anong nakakarimarim na ideya ang naiisip n'yo? Hindi ako papayag!"
"Lubog tayo sa utang sa Papa niya, anak. Kung hindi tayo makakapagbayad ay maiilit itong bahay natin."
Pakiramdam ni Nick ay lumobo nang ilang libong beses ang ulo niya. "P-Pinakialaman n'yo ang lupa't bahay ni Nanay?"
Nanay niya ang nagpundar ng lupa na kinatitirikan ng bahay nila ngayon. Dati itong domestic helper sa Malaysia bago napangasawa ng tatay niya. May pundar na itong lupa at bahay bago ikinasal ang mga magulang niya. Bilang nag-iisang anak, sa kanya mapupunta 'yon.
Napayuko ang tatay niya. "Gipit na gipit na kasi tayo, anak. Magkakasunod ang bayaran sa matrikula ng mga kapatid mo. Na-ospital pa ang Tita Celia mo nitong nakaraan."
Doon na siya sumabog. Pakiramdam niya ay inapak-apakan siya ng sariling ama. Sa priorities nito, halatang hindi siya kasama. Lagi na lang ang Tita Celia at ang dalawang kapatid niya sa ama ang inuuna nito.
"Wala kayong karapatang pakialaman ang hindi inyo! Sa nanay ko 'to! Pati ba naman 'yon kukunin n'yo pa sa akin?"
"A-Anak—"
"Ano, lagi na lang ako ang magbibigay? Lagi na lang ako ang magpapasensya dahil mas matanda ako? Wala na akong karapatan dahil anak n'yo lang ako? Tay naman. Paano naman ako?"
"Oo, kasalanan ko. Inaamin ko naman 'yon, eh. Pero magalit ka man sa akin nang paulit-ulit, murahin mo man kami ng Tita Celia mo, nangyari na. Kaya nga ako naghahanap ng solusyon para mabawi ang ipinundar ng Nanay mo. Para maibalik sa 'yo."
"At ang pagpapakasal kay Facundo ang solusyon na naisip n'yo? Ang galing n'yong mag-isip, Tay."
"Siya ang nag-alok. Gusto nang kunin ng Papa niya ang bahay at lupa. Pero nangako si Facundo na siya ang bahala sa Papa niya. Pati ang mga dati nating utang noong nag-aaral ka pa ay mawawala. Masisisi mo ba ako kung pumayag ako?"
"But not on my expense!"
"Sorry, anak. Pero kahit tubuan ako ng talaba sa pagtatrabaho, hindi tayo makakabawas sa utang natin kay Mr. Cajurao."
Halo-halong galit, dismaya at pagtatampo ang nararamdaman niya sa ama. Pero tama ito sa isang banda. Magalit man siya ay wala ring maitutulong sa kasalukuyan nilang sitwasyon. Napatingala siya sa kisame, pilit na kinakalma ang sarili. Pagkatapos ng ilang paghinga at pagbuga ng hangin ay medyo nabawasan na ang asar niya.
"Kahit anong sabihin n'yo, hindi ko kayang sikmurain si Facundo. Diyos na mahabagin 'tay, gusto n'yo bang magkaapo ng….ng abot hanggang batok ang hairline at zigzag ang mga ngipin?" nakangiwing pananakot niya sa ama.
Napalunok si Mang Dado. Halatang natakot rin ang tatay niya. Pero sandali lang 'yon. Tumigas ang anyo ng matanda.
"Mayaman si Facundo, kayang-kaya niyang ipaayos ang ngipin ng magiging apo ko kung sakali. Isa pa, malakas naman ang dugo natin, sa 'yo magmamana ang magiging anak n'yo kung sakali."
"Tay!—"
Naputol ang sasabihin niya nang maagaw ng TV ang atensyon niya. Pati ang tatay niya ay natahimik habang nakatuon ang mga mata sa telebisyon.
"Flash report. Ang nakikita n'yo po ngayon ay pila ng mga aplikante sa bahay ni Mayor Dax Mondejar. Ito ay matapos magpalabas ng anunsyo ng akalde ng Sta. Magdalena tungkol sa paghahanap nito ng potensyal na First Lady. Dahil sa sobrang abala sa trabaho, inamin ng batang-batang akalde na wala na siyang oras manligaw…."
Wala na siyang naintindihan sa pinagsasabi ng babaeng reporter. Paano kasi, inagaw na ng tuluyan ng litrato ng Mayor ang atensyon niya. Nakangiti si Dax Mondejar sa half-body shot na ipinakita sa report. Nakasuot ito ng puting barong. Sa kabila ng pormal na suot nito ay hindi ito mukhang intimidating.
Ang ngiti ni Dax Mondejar sa litrato ay sapat para na para matulala si Nick. Scholar siya ng foundation na itinatag ng pamilya nito. Una niyang nakaharap ang ma-abs na alkalde noong in-awardan siya ng scholarship noong high school graduation niya. Artista pa noon si Dax, hindi pa pumapasok sa pulitika. Agad-agad ay nagka-crush siya sa lalaki.
'Yon lang walang nakakaalam. Masisira ang reputasyon niya sa looban. Hindi nagkaka-crush ang siga ng looban na si Nickaela Sison alyas Nick! Pwede pang maging tsokolate ang ulan pero ang magkainteres siya sa lalaki ay itinuturing na himala. Itanong n'yo pa sa mga binasagan niya ng mukha at ilong.
"Tay! Taaaayyy!" tili niya.
Sa lakas ng boses niya ay napapitlag si Mang Dado. Lumabas rin mula sa kusina ang Tita Celia niya.
"Ano bang nangyayari sa 'yong bata ka?"
Itinuro niya ang TV.
"Yan! 'Yan ang magiging sagot sa problema natin! Hindi kayo magkakaapo ng abot hanggang batok ang hairline o zigzag ang ngipin 'pag si Mayor ang nakatuluyan ko. May pera na, may bonus pa kayong manugang na mabango, guwapo at siksik sa abs!"
Tinitigan siya ni Mang Dado na parang nababaliw. Siguro nga nabaliw na siya. Pucha. Makikipagbalyahan siya sa pila para kay Mayor Dax!
"Asan ang ballpen? Mag-a-apply ako!" deklara niya sabay martsa paakyat ng kuwarto.