Chereads / The Stolen Identity / Chapter 95 - Sa Piling Ni Zigfred

Chapter 95 - Sa Piling Ni Zigfred

"Cindal, it's confirmed. Ang brand ng lipstick na gamit ni Shavy, 'yon din ang brand ng lipstick ng mama mo noong dalaga pa siya," ani Reign sa kabilang linya nang sagutin niya ang tawag nito.

"Talaga? Nalaman mo ba kung sino ang may-ari ng brand na 'yan?" Sa boses pa lang niya ay naghuhumiyaw na ang sobrang excitement na sa wakas ay marami na silang nakukuhang clue ni Reign tungkol sa mga kasabwat ni Shavy sa kasamaan.

"Subsidiary company ito ng isang kilalang brand ng beauty products sa Italy. Pero hindi nakarehestro ang may-ari ng kompanya. Bibihira lang din ang nakakaalam sa brand na 'to dito sa pinas," paliwanag ng pinsan.

Sandaling katahimikan...

"Sige, tatapusin ko lang ang ginagawa ko at magpapaalam akong aalis muna para makapunta ako d'yan," pagtatapos niya ng usapan saka pinatay ang tawag at isiniksik sa bulsa ng uniform ang phone.

Binilisan pa niya ang ginagawa upang maagang matapos subalit hindi pa man siya nangangahalati sa paghahakot ng damit ni Zigfred ay heto na ang lalaki sa tapat ng nakabukas na pinto at nagtatagis ang bagang na nakatitig sa kanya na tila ba lalamunin siya nang buhay.

Namumutlang napahinto siya sa ginagawa at kusang humulagpos sa kanyang kamay ang bitbit na supot ng bagong mga coat ng lalaki.

"S-senyorito, b-bakit po?" Sinikap niyang huwag manginig ang boses sa kaba, pero ang totoo pati tuhod niya'y nanlalambot na rin. Madalas silang mag-away noon, okay lang sa kanya. Hindi siya nakakaramdam ng takot, hindi tulad ngayon, hindi ito nagsasalita pero bumabaon sa puso niya ang galit nitong mga mata na para bang anlaki ng naging kasalanan niya.

Nang magsimula itong maglakad palapit sa kanya ay gusto na niyang magtatakbo palayo ngunit walang lakas ang kanyang nanlalambot at nanginginig na mga tuhod upang humakbang man lang.

Napapikit siya nang makalapit na ito sa pag-aakalang sasaktan siya, ngunit biglang pumailanlang sa kwarto ang malakas na boses ni Leila.

"O, Cindal. Narito na ang dadalhin mong hinihiram mong jacket," anang katulong.

Napamulagat siya bigla't litong bumaling sa nagsalita.

"Hinihiram?" pag-uulit niya, para bang bahagya lang niyang narinig ang sinabi ng babae.

"Oo. Hindi ba, sabi mo kay Senyorito Zigfred, hihiram ka ng jacket ko kasi isasama ka niya mag-grocery?" Lito nitong sagot, kunut-noong sumulyap sa among lalaki.

"Ha?" sambulat niya sabay lingon kay Zigfred na mula sa likod niya'y bitbit na ang bago pa nitong coat saka siya hinawakan sa kamay at hinila palabas sa kwarto.

Inabot na lang ni Leila ang hinihiram daw niyang jacket rito at hindi na nagtanong nang kung ano pa.

----------

Ang natatandaan niya, mula nang pumasok siya sa loob ng bagong kotse ni Zigfred, ni isang letra ay wala siyang binigkas, subalit napatanga siya nang bago nito paandarin ang sasakyan ay binuksan muna ang dingding niyon pati mga bintana tulad ng ginagawa ni Reign kapag nakasakay siya sa kotse ng huli.

Naikapit niya ang dalawang kamay sa laylayan ng suot na jacket at panakaw na sumulyap sa lalaki sa rear-view mirror. Mabuti na lang at nakatuon ito sa daan kaya't nagkaroon siya ng panahon na titigan ito nang mas matagal.

Ito din ba ang sasakyang ginagamit nito kapag kasama si Shavy? Naihilig niya ang ulo. Siya rin ang sumagot sa sarili niyang tanong.

Subalit siya ang narito sa loob, hindi nito alam na siya ang totoo nitong asawa, pero bakit nito hinayaang nakabukas ang dingding at bintana ng kotse?

Baka nakasanayan na nitong gano'n ang ginagawa kahit sino pa ang nakasalay roon.

Huminga siya nang malalim at tumingin sa labas. Bakit ba andami niyang tanong na alam naman niya ang sagot? Huwag sabihing nagtataka pa rin siya kung bakit siya isinamang mag-grocery gayong ang lalaki naman talaga ang namamalengke simula nang magtrabaho siya roon bilang katulong.

Napatanga uli siya sabay sulyap dito sa rear-view mirror.

Teka, ano nga pala ang ginagawa ni Jildon? Dati naman ito ang gumagawa niyon? Tsaka may sarili namang grocery ang hotel na tinitirhan ni Zigfred, bakit kailangan pa nilang mag-grocery sa labas?

Mangani-nganing isambulat niya ang laman ng isip ngunit nang makitang nakatiim-bagang na naman ang lalaki'y nawalan siya ng lakas ng loob na magsalita.

Sampung minuto ang dumaan bago huminto ang sasakyan sa isang parking lot. Lumabas ang lalaki. Akala niya'y iiwan siya sa loob. Nakiramdam lang siya.

Pero nagulat siya nang buksan nito ang back door at tumabi sa kanya sa pagkakaupo.

Saka naman pumasok sa kotse si Jildon, umupo sa driver's seat.

Pakiramdam niya, humina ang oxygen sa paligid at kailangan niyang suminghap upang makalanghap ng maraming hangin.

Simpleng gesture lang iyon pero napapitlag siya nang punasan ng asawa ang pawis na namuo sa kanyang noo gamit ang likod ng palad nito.

Noon lang din marahang umusad ang sasakyan.

"Saang ospital tayo, pupunta?" untag ni Jildon sa katahimikan.

Awtomatiko siyang napatingala sa katabi, hindi mapigilan ang pangungunot ng noo.

"O-ospital? M-may sakit po ba kayo, S-senyorito?" Ni ang pagbukas ng kanyang bibig ay hindi niya nakontrol.

Pero isang matalim na titig lang ang isinagot nito sabay baling sa labas ng kotse ngunit ang isang kamay ay iniakbay sa kanyang balikat.

Natahimik siya, muling suminghap hindi dahil nawawalan siya ng oxygen kundi pakiramdam niya'y nalulunod siya sa lakas ng hangin sa paligid gayong mabagal lang ang patakbo ni Jildon sa sasakyan.

"Sa Monumento," maya-maya'y malamig na sambit ni Zigfred.

Isang tango lang ang isinagot ng nagmamaneho. Siya'y nanatili lang nakaupo, nakiramdam sa sunod na mangyayari.

"Balita ko, tuwang-tuwa si Lovan nang regaluhan mo ng pink diamond. Mas malaki pa sa kwintas niyang suot, Hindi ba't ikaw din ang nagbigay niyon sa kanya?" pakaswal lang na kwento ni Jildon habang pasulyap-sulyap lang sa kanila.

Nakagat niya ang ibabang labi sabay tingin sa labas ng bintana. Kahit pakaswal lang 'yon, pero bakit humapdi pa rin ang dibdib niya sa narinig? Mula nang magising siya pagkatapos iligtas ni Yaya Greta sa dagat, hindi na niya nakita pa ang kanyang kwintas na binigay ni Zigfred noong kaarawan niya bago siya nahulog sa bangin. Naroon pala iyon kay Shavy, kinuha sa kanya.

Lihim niyang nahimas ang dibdib, pagkuwa'y ang puson dahil tila may kung ano'ng pumitik na naman roon.

Naramdaman niya ang marahang pagpisil ni Zigfred sa kanyang balikat, at ewan kung bakit unti-unting gumaan ang kanyang pakiramdam na kahit ang puson niya'y tumigil rin sa pagkirot.