Chereads / The Stolen Identity / Chapter 77 - The Signature

Chapter 77 - The Signature

Balewala kay Lovan ang muntik nang pagkasubsob sa headrest ng driver's seat nang biglang magpreno ang driver ng taxi. Ang mahalaga'y makatakas siya sa dalawang lalaking patuloy pa ring humahabol sa kanya.

Nang makalabas sa sasakya'y hindi niya nilingon man lang ang sumigaw na driver sa bintana upang singilin siya ng pamasahe.

Dere-deretso siya sa elevator ng City Garden Hotel para humingi ng tulong kay Zigfred. Laking pasalamat niya nang makitang bukas ang pinto ng suite nito.

"Zigfred!" tawag niya, bakas sa namumutlang mukha ang takot sa nangyayari sa kanya, mabilis na hinanap sa buong paligid ang lalaki ngunit nanlumo siya nang hindi ito makita.

Pagkapasok sa mini-library nito'y muli siyang nabuhayan ng loob nang mapansin ang nakabukas na pinto ng hula niya'y secret door ng kanugnog na silid na hindi niya mabuksan noon. Hindi siya nagdalawang-isip pa't patakbong pumasok sa naturang kwarto pero ni anino ng tao ay wala siyang nakita, sa halip ay mga painting--halos mapuno ang silid sa sobrang dami ng mga iyon. Mayroong nagpakasabit sa apat na kwadradong dingding, meron ding nagpakatayo sa marble tiles na sahig ngunit natatakpan ng mga puting tela.

Kunot-noo niyang nilapitan ang isang painting na nakasabit sa dingding. Isang dalagitang naka-carnation sundress ang nakangiting nakatayo sa dalampasigan patalikod sa dagat kung saan kitang-kita rin ang bughaw na langit. Ang ngiti nito'y nakakahawa ngunit tila mahiwaga, mas mahiwaga pa yata sa ngiti ni Monalisa.

Napansin niya ang signature sa ilalim ng painting, 'ZL'. Sa tabi niyon ay petsa kung kelan iyon ginawa. Kung bibilangin ay fifteen years na mula nang ipinta iyon.

Bakit parang nakita na niya ang signature na 'yon?

Out of curiosity ay muli niyang sinipat ang bawat painting at napansing lahat ay may signature na 'ZL'. Kung titignang mabuti, iisa lang ang itsura ng mga nasa larawan pero iba-iba ang ekspresyon ng mga mukhang ipinapahayag, mayroong nakangiti, seryoso ang mukha, merong naiiyak, lumuluha...ngunit lahat ay nakatayo sa dalampasigan kung saan kita ang bughaw na dagat maging ang langit na may mumunting mga ulap.

Hindi niya akalaing isa palang magaling na pintor si Zigfred.

Natuon ang pansin niya sa mga nagpakatakip ng puting tela, halatang ayaw ipakita ng lalaki ang mga larawang iyon sa kahit kanino. Ngunit bakit bumilis bigla ang pintig ng kanyang puso pagkakita sa pinakamalaking painting sa kanyang harapan? At tila may magnetong humihila sa kanyang kamay upang tanggalin ang takip niyon.

Hindi niya napigilan ang sarili at hinayaang gawin ang naisip ngunit ano'ng gulat niya nang tuluyang tumambad sa kanyang harapan ang naipintang larawan. Awtomatikong umawang ang kanyang mga labi kasabay ng pangungulubot ng noo.

"Paano'ng--"

"Lovan?!" Si Lenmark na kapapasok lang sa loob ng studio, nagulat rin nang makita siya roon.

Tila umurong ang kanyang dila habang walang kurap na pinagmamasdan ang ipininta ni Zigfred.

Bakit walang ipinagkaiba ang painting na iyon sa picture ng kanyang locket?

Ang takot at pagkatuliro na kanina pa nakalukob sa kanya'y napalitan ng pagkalito. Nanginginig ang kamay na tinanggal niya sa leeg ang sariling kwintas, binuksan ang locket niyon at pinagmasdang mabuti.

Si Lenmark nama'y sandali lang rumihestro sa mukha ang pagkagulat, nang makabawi ay agad siyang nilapitan at ihinarang ang katawan sa kaharap niyang painting.

"Lovan, pinapunta ako ni Zigfred para sabihing hindi siya makakauwi ngayon," anito, kaswal lang ang pagkakasabi ngunit sa mga mata ay nakadungaw ang 'di maipaliwang na pagkabahala.

Pero wari bang wala siyang narinig at lutang na tumingala sa kaibigan.

"B-bakit magkatulad ang painting ni Zigfred sa picture ng locket ko? Bakit kahit signature ng mama ko at signature niya'y magkaprehas din?" sunod-sunod niyang tanong, titig na titig sa mga mata ng binata.

Biglang lumikot ang mga mata nito, tila nawalan ng dugo ang mukha, pagkuwa'y alanganing nagkibit-balikat.

"I--don't know. Maybe, it's just a coincidence." He chuckled as he shrugged his shoulders but his unsteady eyes couldn't even glance at her.

Lalo siyang naguluhan sa sagot nito, sa isip ay unti-unting nagkahugis ang isang hinala.

Hindi! Imposible 'yon! Kelan lang niya nakilala si Zigfred. Hindi magsisinungaling ang kanyang ina sa kanya.

Subalit bakit iba ang ipinapahiwatig ng nanginginig niyang mga kamay at kumakabog na dibdib? Huwag sabihing alam ng sarili niyang katawan ang kasagutang ayaw niyang tanggapin?

"Lovan, let me take you to him. Inutusan niya akong dalhin ka sa kanya," ani Lenmark, hinawakan ang kanyang kamay upang ilabas siya roon pero pumiglas siy'at walang sabi-sabing tinanggalan ng mga takip ang lahat ng mga larawan.

Her jaw dropped the moment she slid her eyes on those paintings.

Nasapo niya ang bumigat na dibdib, pakiwari niya'y may nakadagang mabigat na bato roon, hindi siya halos makahinga. Pagkuwa'y puno ng kyuryusidad na bumaling sa kaibigan sabay turo sa isang painting kung saan tatlo sila nina Zigfred na nagpakatayo sa dalampasigan. Ang damit niyang suot ay tulad din sa picture niya sa locket.

"B--bakit kasama ka namin ni Zigfred sa painting?" usisa niya, naghuhumiyaw man sa utak ang isang nakakagimbal na rebelasyon, pero ayaw niyang paniwalaan ang lahat. Baka nagkakamali lang siya. Higit sa lahat, ayaw niyang mapatunayang nagsinungaling ang kanyang mama noon.

Awtomatikong natigilan ang binata, nawalan ng kulay ang kanina'y mamula-mulang mga pisngi.

"Tell me!" hiyaw niya, nagsimula nang magsipatak ang luha sa mga mata. 'Di man magsalita si Lenmark, nakadungaw sa mga mata nitong matagal na itong may alam kung sino ang totoong may-ari ng kwintas at bakit lahat ng mga painting ni Zigfred sa kwartong iyon ay iisa lang ang babaeng model, iba-iba lang ang taon kung kelan ipininta ang mga iyon.