Chereads / BACHELOR'S PAD / Chapter 13 - Chapter 11

Chapter 13 - Chapter 11

"WHOA! Sorry…" bulalas ng boses ng isang lalaki.

Naghiwalay ang mga labi nina Daisy at Rob at sabay napalingon sa nagsalita. Parang binuhusan ng malamig na tubig si Daisy at natauhan. Mabilis na bumitaw siya kay Rob. God, naroon siya para makipagnegosasyon sa benefit concert, hindi ang makipaghalikan!

Lumuwag ang hawak ni Rob sa kanya, subalit mukhang hindi ito nataranta na tulad niya. Dumeretso ito ng tayo at humarap sa lalaking nakatayo sa pinto ng conference room.

"What the hell are you doing here, Brad?" tanong ni Rob na nasa tono ang pagkainis.

Hindi alam ni Daisy kung makakahinga nang maluwag o hindi na kilala pala ni Rob ang lalaking nakahuli sa kanila.

"Hey, easy now, Mr. Invincible. May meeting ako ngayon at akala ko ay nasa tamang conference room ako."

"Then get out," aroganteng sabi ni Rob kay Brad.

Sa halip na ma-offend ay tumawa pa si Brad at naging mapanukso ang kislap ng mga mata. "Oo na. But I wouldn't do it here if I were you. May CCTV camera kahit sa loob ng conference room." Ngumisi pa ito. "But you know that, right?"

Nanlaki ang mga mata ni Daisy nang hindi iyon pabulaanan ni Rob. Damn! Paano kung scandal video naman tungkol sa kanya ang sunod na lumabas sa Internet? Hindi na yata kakayanin ng kanyang pride at self-confidence. At lalong hindi na siya mapapatawad ng kanyang ama.

"Just get out, Brad." May pagbabanta na sa tinig ni Rob.

"Okay, okay." Iyon lang at muling sumara ang pinto.

Narinig ni Daisy ang malakas na tawa ni Brad mula sa labas.

Binalot sila ng nakaka-tense na katahimikan. Humarap si Rob sa kanya. "Alam ko kung ano'ng ipinag-aalala mo." Napakurap siya. "Walang makakalabas na video mo. Ipapabura ko ang nakunan ng camera dito."

Umawang ang kanyang mga labi. "Kaya mong gawin `yon?" hindi naniniwalang tanong niya.

"There is nothing I can't do." Walang halong pagyayabang ang tono ni Rob. He was simply stating a fact.

Natawa si Daisy. "Wow. Talent manager ka ba talaga o leader ng mafia?"

"Not me. My father."

Bumara ang tawa sa kanyang lalamunan at napamaang sa binata.

Umangat ang gilid ng mga labi nito at kumislap ang amusement sa mga mata. "I was just kidding."

Sa pagkakataong iyon, umawang na ang kanyang mga labi at napatitig lang kay Rob. Did he just smile? Parang may mga paruparong nagliparan sa kanyang sikmura. Gosh, hindi niya naisip na darating ang panahon na gagamitin niya ang cheesy line na iyon. Marami na siyang naka-date na lalaki subalit kahit kailan, hindi nangyari sa sikmura ni Daisy ang nangyayari ngayon tuwing magkasama sila ni Rob.

Umangat ang mga kilay ng binata. Kahit siguro siya ay aangat din ang kilay kung nakikita lang niya ang ekspresyon sa kanyang mukha. Kinalma niya ang sarili at dumistansiya kay Rob. Bumaba ang kanyang tingin sa folder na inilapag nito kanina sa mesa.

"So, can we talk about our proposal now?" tanong ni Daisy. Ayaw niyang magtanong tungkol sa nangyari sa pagitan nila. Hindi niya alam kung paano haharapin ang kung ano mang isasagot ni Rob.

Ilang segundong tumitig lang ang binata sa kanya bago tila walang nangyaring hinila ang swivel chair. "Take a seat."

Hindi alam ni Daisy kung makakahinga nang maluwag o maiinis na pinili rin ni Rob na huwag magsalita tungkol sa paghalik nito sa kanya. Umupo siya sa upuang hinila ng binata para sa kanya bago ito pumuwesto sa katapat na swivel chair. Binuksan nito ang folder at bigla ay naramdaman niya nang sandaling naging business mode si Rob.

Tumahip ang dibdib ni Daisy ngunit hindi na dahil sa awareness kay Rob kundi dahil kinakabahan siya sa magiging reaksiyon nito sa kanilang proposal. Nang mag-angat ng tingin ang binata ay napaderetso siya ng upo.

"Your proposal is good. But I still need to check the girls' schedules. At kailangan itong makarating sa Warner Music USA bago namin masabi kung makakapag-perform ang Wildflowers sa benefit concert."

Marahang tumango si Daisy. "Kailan ko malalaman ang sagot?"

Tumingin si Rob sa wristwatch nito bago tumayo. "Today."

Gulat na napatayo rin siya. "Today? Talaga?"

Tumango ang binata. "Come with me. Itanong natin sa kanila nang direkta. I'm meeting them in twenty minutes."

"Come with—what?" hindi makapaniwalang tanong ni Daisy.

Hindi nagbabago ang ekspresyon ng mukha ni Rob na parang normal lang dito ang biglaang pagdedesisyon. "Yes, come with me. Come on." Nang hindi pa rin kumilos si Daisy ay hinawakan pa siya ni Rob sa braso at itinayo. Nanlaki ang kanyang mga mata na nang dahil sa ginawa ng binata ay ilang pulgada na lang ang layo nila sa isa't isa. Muli na namang nagtama ang mga mata nila at para na naman siyang kakapusin ng hininga. God, bakit ba para siyang teenager kung mag-react sa lalaking ito? Kapag nalaman ng lahat ng lalaking pinaasa at pinaglaruan niya ang tungkol doon, siguradong pagtatawanan siya.

"Gusto mong mag-perform sila sa benefit concert, hindi ba? Why don't you convince them yourself?"

Itinaas niya ang noo. "Iyan talaga ang gagawin ko."

Umangat ang gilid ng mga labi ni Rob at hinaplos ng daliri ang gilid ng kanyang mga labi. Muntik na naman siyang ma-distract subalit pinilit na magkunwaring hindi apektado. May kumislap na amusement sa mga mata ng binata na para bang alam kung ano ang epekto nito sa kanya.

"Good luck, then."

SA ISANG mamahaling restaurant na malapit lang din sa Diamond Records nagpunta sina Daisy at Rob. Alam ni Daisy ang lugar na iyon dahil doon sila madalas kumain ng kanyang ama noon pa mang bata siya. Hindi na siya nagtaka na doon magkikita ang mga miyembro ng Wildflowers at ang manager ng mga ito. May VIP room kasi sa nasabing restaurant.

Naramdaman ni Daisy ang tingin ng ilang mga kumakain pagpasok nila ni Rob at nagsimulang magbulungan. Itinaas niya ang noo na para bang hindi nakikita ang mga tao. Naramdaman niya ang kamay ni Rob sa ibabang bahagi ng kanyang likod at napasulyap siya sa binata. Seryoso ang ekspresyon ng mukha nito. Kung hindi nga lang magaan ang pagkakalapat ng kamay ni Rob sa kanyang likod, maging siya ay iisiping nakakatakot ang binata.

"This way," sabi ni Rob at iginiya siya patungo sa isa sa mga VIP room. Binuksan nito ang isang pinto at hinila siya papasok. Tumigil sa pagsasalita ang limang babaeng naroroon at tumingin sa kanila. Ilang segundong nakamaang lang ang mga miyembro ng Wildflowers bago nagsalita si Stephanie, ang gitarista.

"Oh, my! May dalang babae si Rob!"

Sa pagkamangha ni Daisy, biglang nagngisihan ang mga babae at mukhang nasabik nang husto. Lalo na si Yu.

"Hindi ako naniwala kay Yu pero totoo nga," sabi naman ng bassist na si Ginny.

"Girls, listen," saway ni Rob sa mga babae sa nagbababalang tono. Isinara nito ang pinto.

Natatandaan ni Daisy na ganoon din ang tonong ginamit ni Rob sa kanya noong una silang nagkita. Tumahimik ang mga babae at naghintay sa sasabihin pa ng binata.

"This is Daisy Alcantara from TV8 Foundation. She has something to ask you."

"Daisy Alcantara?" tanong ng vocalist na si Carli. May rekognisyon sa ekspresyon ng mukha nito.

Pasimpleng ikinuyom ni Daisy ang mga kamay at itinaas ang noo. "Yes." Hinintay niya ang magiging reaksiyon ng mga babae. At katulad ni Rob, nagulat siya sa naging reaksiyon ng mga ito.

"It must have been hard for you," puno ng simpatyang sabi ng keyboardist na si Anje.

"Hay… Wala namang tao ang hindi mahihirapan kapag nahuhusgahan ng publiko sa isang bagay na dapat ay pribado," sabi naman ni Stephanie.

"At minsan, masyadong harsh ang netizens," dagdag ni Ginny.

Tuloy ay na-disorient si Daisy. Naisip niya na malamang ay sanay sa eskandalo ang mga babaeng ito. It had been their life for the last few years.

"Grabe naman kasi ang mga sinabi ng mga babaeng `yon sa reporters. Sa tingin ko, kilala nila ang nagsulat ng artikulo sa Internet ng tungkol sa `yo," sabi naman ni Yu.

Nagdesisyon si Daisy na mas mabuting magkaalaman na sila ngayon pa lang. "Okay lang. Totoo naman ang mga sinabi nila tungkol sa akin," kaswal na sabi niya.

Napatitig sa kanya ang limang babae. Nagkibit-balikat siya.

"Maupo ka," biglang sabi ni Rob at humila ng silya para kay Daisy.

Muli ay napansin ni Daisy ang kakaibang tingin ng limang babae sa kanya habang umuupo sa silya. Pagkatapos ay umupo si Rob sa katabing silya.

"Hindi tungkol diyan ang dahilan kung bakit ko siya isinama. And that's not what we are supposed to do today, right?"

Tumikhim si Yu. "Of course. Um-order muna tayo ng pagkain."

Lumapit ang waiter at kinuha ang kanilang mga order. Pagkalabas ng waiter ay saka lang nagsalita si Carli. "So, ano nga ang gusto mong sabihin sa amin, Daisy?"

Dumeretso ng upo si Daisy at nagsimulang sabihin ang tungkol sa benefit concert habang hinihintay nila ang pagkain. Mukha namang interesado ang banda sa kanyang sinasabi kaya unti-unti siyang nabuhayan ng pag-asa.

"Gusto ko. Let's do it, Rob," excited na sabi ni Anje.

Sumulyap si Daisy kay Rob. Nakaangat ang mga labi ng binata at bahagyang lumambot ang ekspresyon ng mukha kompara kanina. "How about your schedules?"

Ikinumpas ni Ginny ang kamay. "Kung matutuloy sa date na sinabi niya, puwede kaming lahat."

Tumango si Rob, pagkatapos ay sumulyap kay Daisy. "Okay. Ako na ang bahala sa approval ng mga boss."

Hindi na napigilan ni Daisy ang pagsilakbo ng tuwa. Maluwang siyang napangiti. "Really?"

"Really," sagot ni Rob.

Humugot siya ng malalim na hininga at tumingin sa mga miyembro ng Wildflowers na nakangiti rin habang nakatingin sa kanya. "Thank you!" bulalas niya, mga salitang bihira niyang sabihin. Ganoon pala ang pakiramdam kapag may na-accomplish na bagay kahit maliit lang. Ang sarap sa pakiramdam. Bakit hindi pa niya noon inayos ang kanyang buhay?

Tumingin si Daisy kay Rob at matamis na ngumiti. May sumilay rin na ngiti sa mga labi ng binata. Iba iyon sa palaging pagtaas lamang ng sulok ng mga labi nito. Sa pagkakataong iyon, mas malambot ang ekspresyon sa mga mata ng lalaki. Tumagos iyon sa kanyang dibdib.

Hindi maalis ni Daisy ang tingin sa mukha ni Rob. Naramdaman na naman niya ang pamilyar na tila paghalukay sa kanyang sikmura na para bang may mga lumilipad na paruparo. Hindi niya alam kung ano ang mararamdaman sa bumuhos na realisasyon.

Oh, my God. I'm attracted to this man.