Chereads / BACHELOR'S PAD / Chapter 12 - Chapter 10

Chapter 12 - Chapter 10

HINIGPITAN ni Daisy ang paghawak sa folder na naglalaman ng proposal para sa benefit concert habang nakatingin sa entrada ng Diamond Records. Matapos ang ilang araw na pagrerebisa sa proposal ay nagdesisyon siya na sa halip na ipadala iyon through fax or e-mail, mas madali kung personal siyang pupunta. Sa ganoong paraan, mas malaki ang chance na makausap niya ang dapat kausapin para mapapayag ang Wildflowers. Isa pa, halos kapitbahay lang ng TV8 ang Diamond Records. Puwede nga na lakarin.

Bumalik si Daisy sa kanyang fashionable pero professional outfit. Naka-flats nga lang siya dahil baka makita niya si Rob at tiyak na sisitahin na naman nito kapag nakita siyang naka-heels. Kahit kung tutuusin, hindi na masyadong sumasakit ang kanyang mga sakong.

Sumikdo ang kanyang puso nang maisip ang posibilidad na magkikita sila ni Rob. Subalit agad ding pinagalitan ang sarili at napailing. Ano ba ang sumasagi sa kanyang isip? Hindi ang lalaking iyon ang ipinunta niya sa Diamond Records.

Pagkatapos i-compose ang sarili ay taas-noong pumasok na si Daisy sa Diamond Records. Lumapit siya sa reception area. Nakahanda na ang kanyang sasabihin at ang professional smile na inensayo sa harap ng salamin kagabi nang mapansing nakatingin na sa kanya ang dalawang receptionist. May kumislap na rekognisyon sa mga mata ng mga ito. Parang nilamutak ang sikmura ni Daisy nang makita ang panghuhusga sa mukha ng dalawang babae. Subalit hindi niya binago ang ekspresyon sa mukha. Dapat masanay na siya sa tinging iyon ng mga tao dahil magdadalawang linggo na niyang nakikita iyon.

Huminto si Daisy sa mismong harap ng receptionists at ngumiti. "Good morning. I would like to talk to the person in charge of Wildflowers."

Nagkatinginan ang dalawa bago muling tumingin sa kanya. "Do you have an appointment?"

Bahagyang tumabingi ang kanyang ngiti. "Well, not really. But I'm from TV8 Foundation and—"

"Kailangan n'yo pa rin ho ng appointment," putol ng isang receptionist sa kanyang sasabihin.

Naglapat nang mariin ang mga labi ni Daisy. Malapit na siyang magtaray. Lalo na at nahuli niya ang pag-ismid ng isang receptionist habang nakatingin sa kanya. Naningkit ang kanyang mga mata. "Then how do I make an appointment?" Pinilit niyang pakalmahin ang tinig.

Muli ay nagkatinginan ang dalawa at mukhang nagkaintindihan. Balak pa yata siyang pahirapan. Bitches! nanggigigil niyang naisip. Naalala tuloy niya si Ellen at ang grupo nito at lalo siyang nainis. Kasalanan ng mga babaeng iyon kung bakit ngayon ay pinapahirapan siya ng mga tao sa paligid.

Magsasalita pa lamang sana ang isa sa mga receptionist nang lumampas ang tingin nito kay Daisy. Biglang bumait ang ekspresyon sa mukha ng dalawa at matamis na ngumiti. "Good morning, Sir," bati ng dalawa sa kung sinong nasa likuran niya.

Mabilis na lumingon si Daisy sa tinitingnan ng mga receptionist. Nanlaki ang kanyang mga mata at natigilan nang makita ang dalawang lalaking nakatayo sa di-kalayuan at mukhang kalalabas lamang ng elevator. Isa sa dalawang lalaki ay walang iba kundi si Rob. Kilala rin ni Daisy ang kasama nito—si Rick Hernandez, ang may-ari ng Diamond Records at isa sa mga rock gods ng henerasyon ni Daisy dahil drummer ito ng bandang Wildhorn.

Subalit kay Rob lamang natutok nang husto ang atensiyon ni Daisy. Lalo na nang mapagtanto na nakatingin din sa kanya si Rob na may kislap ng pagkagulat sa mga mata. Mabilis nga lamang nawala nang magtama ang kanilang mga mata. Mas magaling si Rob sa pag-compose sa sarili kaysa sa kanya.

"Miss Alcantara. What are you doing here?" basag ni Rob sa katahimikan.

Tuluyang humarap kay Daisy ang dalawang lalaki. "I'm here for work," sagot niya na hindi pinuputol ang eye contact nila ni Rob.

"Work," marahang ulit ng lalaki na nakatitig pa rin sa kanyang mga mata.

Tumango siya.

Nang tumikhim si Rick Hernandez ay naputol ang pagtatama ng mga mata nila ni Rob. Nalipat kay Rick ang kanyang tingin. May munting ngiti sa mga labi at kislap ng kuryosidad sa mga mata ng lalaki.

"So, how can we help you, Miss?"

Napakurap si Daisy at mabilis na naglakad palapit sa dalawang lalaki. Kailangan niyang samantalahin na naroon ang may-ari ng Diamond Records at ang manager ng bandang kailangan nila para sa benefit concert. "I'm here on behalf of TV8 Foundation, to propose a benefit concert na pinaplano naming gawin." Iniabot niya kay Rick ang folder ng project proposal.

Binuklat ni Rick ang folder at pinasadahan ng basa ang nasa loob. Nakatingin si Daisy sa lalaki pero nararamdaman niya ang seryoso pa ring tingin ni Rob sa kanya. Bakit ba ganoon tumingin ang lalaking ito? Parang gusto siyang tunawin.

Nag-angat ng tingin si Rick at ngumiti sa kanya. "I think we should do this in the conference room. Hindi ka naman siguro nagmamadali?"

"No, of course not," maagap na sagot ni Daisy.

Tumango si Rick at iniabot kay Rob ang folder. "Here. Kayo muna ang mag-usap. Ako na lang ang pupunta sa meeting natin with the radio station."

Inabot ni Rob ang folder. Muling nagtama ang mga mata nila nang tumingin ito kay Daisy. "Follow me, Miss Alcantara."

Lumunok si Daisy at tumango. Sumulyap siya kay Rick at bahagyang ngumiti. "Thank you kahit wala akong appointment." Sumulyap siya sa dalawang receptionist na kapwa namula ang mga mukha. She felt a little victorious. Hah. Ibinalik niya ang tingin kay Rick at lalong ngumiti.

Gumanti ng ngiti si Rick. "No problem." Tinapik nito si Rob sa balikat bago lumayo.

Si Daisy naman ay lumapit na kay Rob na nagsimula nang maglakad patungo sa elevator.

Silang dalawa lamang ang sakay ng elevator paakyat. Nawala na ang ngiti ni Daisy dahil nakaramdam siya ng tensiyon. Pakiramdam niya ay uminit sa paligid. The air between them felt thick and electrifying.

Walang nagsasalita sa kanila hanggang makarating sa isang maliit na conference room. Nakababa ang blinds ng mga bintana. Saka lamang nagsalita si Rob nang isara nito ang pinto.

"You've changed your hairstyle."

Nang tumingin si Daisy sa lalaki ay nagtama ang kanilang mga mata. Nagkibit-balikat siya at lumapit sa mesa. "I'm trying to reinvent myself."

Umangat ang mga kilay nito. "What's wrong with the person you are now?"

Natawa siya nang pagak. "Marami. A lot of people can give you a list of all the bad things I've done in my life."

Hinintay niya na magsalita si Rob. Hinintay niya na kumislap ang disappointment sa mga mata nito gaya ng iba. Hinintay na husgahan din siya nito dahil sa mga nakaraang kasalanan niya gaya ng ginagawa ng lahat ng tao sa paligid niya.

Gusto niyang mapaungol sa pagkadismaya nang mag-init ang kanyang mga mata at may bumikig sa kanyang lalamunan. Jeez, bakit sa harap pa ng lalaking ito siya nawawalan ng kontrol sa emosyon? Sa lahat ng ayaw niya ay magpakita ng kahinaan. Isang beses lang niya ginawa iyon, noong nagkasagutan silang mag-aama.

Hindi nagsalita si Rob. Lalong hindi nakita ni Daisy sa mukha ng binata ang hinihintay niyang makita. Sa halip, malaki ang mga hakbang na lumapit si Rob sa kanya. Napasinghap siya nang walang salitang ilapat ng binata ang isang kamay sa mesa sa mismong gilid ng katawan niya habang ang isa pang kamay ay umangat patungo sa kanyang batok. Gahibla na lamang ang layo ng kanilang mga katawan. Sumikdo ang kanyang puso at umawang ang mga labi. And then he closed the distance between them and captured her lips in a deep kiss.

Parang kinuryente ang buong katawan ni Daisy. Her stomach fluttered like it had never done before. Hindi niya alam kung bakit siya hinalikan ni Rob subalit ang alam lang niya ay ayaw niyang tumigil ang binata. Nawala na sa isip ni Daisy ang ibang bagay.

Umangat ang kanyang mga kamay sa magkabilang tagiliran ni Rob, mahigpit na kumapit sa damit nito. Mukhang may epekto sa binata ang ginawa niya dahil naramdaman niya nang humigpit ang hawak nito sa kanyang batok at pumaikot sa kanyang baywang ang mga kamay. Naglapat ang mga katawan nila at pinalalim ni Rob ang halik. He glided his tongue between her lips, not asking but demanding entry, and she allowed him inside.

Nanlambot ang mga tuhod ni Daisy at natagpuan ang sariling gumaganti ng halik. She had never been kissed the way Rob was kissing her right now. His kisses were forceful and demanding, yet soft and sweet at the same time. Para siyang inaalo. At unti-unting gumagaan ang kanyang pakiramdam.

Iaangat pa lang sana ni Daisy ang mga braso upang ipaikot sa leeg ni Rob nang biglang bumukas ang pinto ng conference room.