Chereads / The Girl From Nowhere book 2 (ANORWA - The Another World) / Chapter 19 - CHAPTER 18: Kakayahang Taglay Ni Nate

Chapter 19 - CHAPTER 18: Kakayahang Taglay Ni Nate

SHIT! LUMIPAD ANG mga diwatang zombie. Hinanda ko ang sarili ko, mahigpit kong hinawakan ang aking sangtron. Binalot ko ng green na liwanagCHAPTER 18: Kakayahang Taglay Ni Nate ang sangtron mula sa aking mga kamay at tinawag ko ang mga dahon sa paligid, hinigop ng puwersa ko ang mga dahon at gumapang sa damuhan ang mga ito. Naipon sa harap ko ang mga dahon para gamitin sa pakikipaglaban.

Si Pinunong Kahab, muling naging tatlo at sabay-sabay lumipad para lumaban. Lumipad na rin sina Claryvel at Rama. Si Shem-shem, nasa gitna siya ng berdeng liwanag na lumabas sa kanyang katawan. Naging kamukha niya ang liwanag na naging kasing laki ni Pinunong Kahab, na parang mas malaki pa at may hawak din itong sandata.

Isa-isa na kaming nakipaglaban!

Ang tatlong si Pinunong Kahab, magkakatulong na lumalaban, ang daming zombie na kalaban niya sa ere. Sa lakas nila at laki ng kanilang mga espada, napapatilapon ang mga kalaban nila at ang iba'y babagsak na putol-putol na ang mga parte ng katawan. At lahat, hiwalay ang isa o dalawang mga pakpak.

Si Claryvel, gumawa siya ng mga ipo-ipo upang patalsikin ang mga kalaban niya, ngunit mabilis din na bumabalik ang mga ito para sugurin siya. Ginamit niya ang kanyang sandata sa mga nakalapit sa kanya, dahil sa bilis niyang kumilos, napapabagsak niya ang mga kalaban niya na putol na ang ibang parte ng katawan. Tulad ni Pinunong Kahab, pakpak din ang pinunterya niya.

Si Rama, pagputol din sa mga pakpak ang ginawa niya gamit ang kanyang espada. Nagpalit din siya ng anyo, naging isang malaking ibon na may matatalim na kuko. Napupunit nito ang pakpak ng mga zombie, at ang ilan namang parte ng katawan ng mga ito tulad ng ulo ay pinagpuputol niya. Tapos muli siyang babalik sa pagiging diwata at makikipag-espadahan sa mga ilan pang kalabang sinusugod siya.

Nakikipaglaban din si Shem-shem gamit ang kapangyarihang ibinigay sa kanya ni Reyna Kheizhara. Ang puwersa ng berdeng liwanag ay nagmistulang pinalaking katawan niya. Nakakapag-atake gamit ang sandata ngunti 'di nasasaktan kahit matamaan pa ito ng espada ng mga zombie. Pagputol sa mga pakpak din ang naging strategy niya. At mas doble na ang laki niya.

Sa hudyat ko, umangat sa hangin ang mga naipon kong dahon at ipinang-atake ito sa mga diwatang zombie na sumusugod sa 'kin. Animo'y patalim ang mga dahon, nahiwa ng mga ito ang mga zombie, may mga naputulan ng mga kamay, binti at mga pakpak. Napangiti ako. Parang gamay ko na agad ang powers na binigay sa 'kin ng reyna. Alam ko na ang gagawin ko at kung pa'no gawin 'to. At kitang lahat kami ay gano'n din, master na namin agad ang powers na bigay sa 'min.

Madali naming natalo ang mga kalaban namin.

Ngunit hindi na mamamatay pa ang patay na.

Hindi masasaktan.

Masugatan man, wala rin silbi.

Muling nabuo ang mga zombie at tila mas malakas pa sila ngayon. At mas mabilis na ang pagkilos nila.

Muli nila kaming inatake. At muling nakipaglaban kami sa kanila.

Sa bilis ng kanilang galaw, nalapitan nila ako at 'di nabigyan ng pagkakataon para maulit ko ang ginawa ko kanina. Nakipaglaban ako gamit ang sangtron. Ginamit kong panangga ang naipon kong dahon sa kaliwang kamay ko na naghugis bilog na kalasag – lakas maka-Captain America. Pangmalakasan laban! Ang binuo kong kalasag, binato ko sa mga papalapit sa 'kin ala-Captain America, nahati sa gitna ang mga zombie. Pero biglang may papalapit na naman sa 'kin.

"Oh, shit!" parang 'di sila nauubos.

NATE, SAKAY!

Si Bangis. Ang bilis ng pangyayari, nasa harap ko na siya agad. Napatilapon pa ang ilang kalaban sa lakas ng puwersa ng paglapag niya. Patalon akong sumakay sa kanya at mabilis siyang lumipad paitaas. Mas mataas sa mga kasamahan kong nakikipaglaban sa 'di maubos-ubos na mga zombie. Mukhang ang mahika lang na gagawin ni Mapo Nhamo ang makakatalo ng tuluyan sa mga diwatang zombie. Sa ngayon, kailangan namin silang pigilan na masaktan kami at pigilan sila na makapinsala sa iba. Dapat namin silang pigilang makalayo at makapunta sa lugar ng mga norwan.

Nakita ko mula sa kinaroroonan namin ni Bangis na mas mabilis na nga ang pagkilos ng mga bangkay ng diwatang kalaban namin. Kinailangan na rin gumawa ng kalasag gamit ang marhay ng mga kasama ko dahil natatamaan na sila ng mga itim na patalim ng mga zombie.

MATAGAL KONG HININTAY ANG PAGKAKATAONG ITO NA MULI KITANG MAKASAMA SA LABAN, KAIBIGAN.

"Makakaya ko kaya kahit 'di ako nakakalipad?"

AKO ANG IYONG PAKPAK, NATE. IKAW PA RIN SI NAEL. ALAM KONG NARARAMDAMAN MO IYON SA IYONG LOOB. MAHUSAY ANG GINAWA MO KANINA. LABIS MO AKONG NAPAHANGA.

"Tama ka. Naramdaman ko 'yon, Bangis. Ang astig!" nakangiting sabi ko.

HANDA KA NA BA?

"Tayo na, kaibigan!" sabi ko. At lumipad na kami pababa para salubungin ang mga kalabang lumilipad papunta sa direksiyon namin.

Ang bilis ng kilos ni Bangis. Pero shit! Ang bilis niya, tinapatan ng mga zombie. Pero kitang sanay sa labanan si Bangis, alam na alam niya pa'no kumilos sa ere at mailagan ang mga zombie at nagagawa kong makapag-atake gamit ang sangtron.

Lumipad pababa si Bangis. Agad kong naisip na muling kuntrolin ang mga dahon para ipang-atake at muling gumawa ng kalasag. Habang nasa baba pa kami, nahagip ng mga mata ko sa malinaw na ilog ang isda na na-trap sa halaman sa ilalim ng ilog. At nang mapatingala ako, nakita ko ang mga bumabagsak na mga diwatang zombie at napuna ko sa mga kasama ko ang panghihina sanhi ng kanina pang pakikipaglaban – tulad ng pakiramdam ko ngayon.

Gumawa ako ng anim na bola gawa sa mga dahong naipon ko at pinalipad ko ito sa anim na kalabang papalapit sa 'min ni Bangis, at tumilapon ang mga ito palayo at agad din bumagsak sa damuhan. Ang mga dahon ay kaya kong gawing tila patalim at maging bato tulad ng ginawa kong mga bola, at nagiging matibay tulad ng ginagawa kong kalasag na animo'y mistulang metal. Ngunit kapag wala na ito sa aking kontrol, bumabalik ito sa pagiging pangkaraniwang dahon.

"Bangis, bababa ako," utos ko kay Bangis. Hindi na siya nagtanong pa at hinayaan akong bumaba. Hindi lang mga dahong lanta o tuyo na o wala na sa puno nito ang maari kong makontrol – maging mismong puno at mga halaman, kahit damo man.

Nag-concentrate ako at binuo sa isip ko ang balak kong gawin habang si Bangis ay itinataboy ang mga zombie na gusto akong atakehin. Ang weird, pero para bang nababasa ni Bangis ang mga balak ko. Parang ang aming bawat kilos ay pinagplanohan namin. Ayos ang tag team naming dalawa. Nando'n din ang pakiramdam na matagal na naming ginagawa ito – ang ginagawa nila noon na pakikipaglaban ni Nael.

Nagliwanag ang buo kong katawan at itinusok ko ang nagliliwanag kong sangtron sa damuhan, kasunod no'n, tumubo pataas ng mga damo. Kinontrol ko ang mga damong humaba hanggang maabot ang mga zombie na lumulipad at nakikipaglaban sa mga kasamahan ko. Ang iba ay madaling napuluputan at hinila pabagsak sa lupa. Ang iba naman ay nagawang espadahin ang mga damo, ngunit dahil sa patuloy ang paghaba ng mga damong kinukontrol ko at sa tulong ng mga kasamahan ko, lahat ng mga diwatang zombie na nasa eighty-something ang bilang ay napabagsak naman sa damuhan na napuluputan. Nakaramdam ako ng labis na panghihina. Nang mga sandaling 'yon, bumaba na ang mga kasama ko at lumapit na rin sina Mapo Nhamo at Mira.

"Mahusay, Nate," sabi ni Mapo Nhamo. Nakangiting napaluhod ako at pilit pa rin na nilalapagay ang puwersa ko sa mga damong nakapulupot sa mga bangkay ng diwata.

Inalalayan ako ni Rama at lumapit din sa 'kin si Shem-shem. Si Mapo Nhamo, nagsaboy ng mahika sa mga zombie na agad namang nagkaroon ng bisa, 'di na kumilos pa ang mga nasabuyan. Wala na kami lahat suot na baluti, kontrolado na namin ang sitwasiyon. Sa pagkawala ng baluti ko, doon ko mas naramdaman ang panghihina at hapdi ng mga sugat na natamo ko sa laban. At bago ako mawalan ng malay, nakita ko pa ang pagdating ng mga diwatang may berdeng mga pakpak, mga kakampi sila, mga Ezhartan.

~~~

~ SA ISLA NG DULOM ~

"NAGIGING KAPANAPANABIK ANG lahat," nakangising pahayag ng hari ng mga habo at isang halakhak ang kanyang pinakawalan. Ibinalita ng mga sundalong habo na nakaharap nina Nate sa kagubatan ang nangyaring labanan at pagpigil ng kanilang pangkat sa mga bangkay na muling binuhay.

Ang mga habo na unang nakaharap nina Nate bago sumalakay ang mga diwatang zombie ay nagtago upang magmasid sa kanila.

"Lahat sila ay may kapangyarihan taglay. Maging ang pinuno ng mga sundalo ng palasyo ay kasama ng kanilang pangkat. Tila ba ay naglalakbay sila," sambit ng isang sundalong habo.

"At may binatang kakaiba. Nakasakay siya sa isang arikon at hindi ko nakita ang kanyang paglipad," ulat ng habo na nakaharap ni Nate at Rama.

Pinukol ng tingin ni Haring Hastro si Kamak ang matandang lalaking habo na laging nasa tabi niya. "Ipag-utos na itigil ang pagbuhay sa mga bangkay. Natitiyak kong paghahandaan na ng mga Ezhartan ang plano nating iyon."

"Masusunod mahal na Hari," sagot ni Kamak at naglaho ito para sundin ang ipinag-utos ni Haring Hastro.

"May pinaplano ang mga Ezhartan. Mukhang kumikilos na ang Reyna. Makikipaglaro ako sa kanya," nakangiting sabi ni Haring Hastro. Tumayo siya, nabubuo sa isip niya ang maaaring plano ng palasyo ng Ezharta. Bagama't batid niyang makakasama na nagkakaroon na ng paghahanda ang kanilang kalaban, nasasabik pa rin siya dahil iyon ang nais niya, ang guluhin ang kaayusan ng kaharian ng Ezharta. "Ipatawag ang lahat kong mandirigma!" makapangyarihang utos niya.

"Hooooo!" sagot ng mga sundalo at naglaho ang ilan sa mga ito sa kanyang harapan upang sundin ang kanyang utos.

"Reyna Kheizhara," nakangising sambit ni Haring Hastro.

~~~

~ SA KAGUBATAN ~

BAGO AKO DUMILAT, naramdaman ko ang mainit na palad sa aking kanang mukha. At sa pagbukas ng aking mga mata, tumambad sa 'kin ang maamo niyang mukha. "Claryvel?" mahinang nasabi ko.

"Ginamot ko ang mga sugat mo," sabi niya.

"Salamat," sabi ko. Haplos niya pa rin ang aking mukha habang nakatitig kami sa isa't isa.

"Ako ang dapat magpasalamat."

"Para saan?" tanong ko.

"Sa pagdating mo," nakangiting sagot niya. Parang huminto ang oras. Napalunok ako. Ako lang ba o talagang nilalapit niya ang mukha niya sa mukha ko?

Oh, shit! Bumibilis ba ang tibok ng puso ko? Hindi man ako nag-system malfunction, pero alam kong kakaiba ang nararamdaman ko.

Naputol ang moment namin nang lumapit sina Rama at Shem-shem. "Ayos na ba ang iyong pakiramdam, Nate?" tanong ni Rama.

Tumayo si Claryvel at naglakad palayo.

"Ayos na," matipid na sagot ko. Inalalayan ako ni Rama patayo. "Sino sila?" tanong ko. May mga diwatang nakasuot ng baluti, piling ko mga sundalo dahil pare-pareho ang mga suot nila ngunit iba sa suot ng mga sundalo ng palasyo. Pinapatong nila sa berdeng tela ang mga bangkay tapos magte-teleport. Halos ubos na ang mga bangkay na nakalaban namin kanina.

"Sila ang mga kawal sa bayang ito ng Ehgang," sagot ni Shem-shem. "Bago ka nawalan ng malay, dumating ang lankaw sa bayan na ito kasama ang mga sundalo." Naalala ko, bago ako mawalan ng malay parang nakita ko ng ang pagdating nila.

"Si Pinunong Kahab?" muling tanong ko. Si pinuno lang ang 'di ko nakita. Si Bangis umiinom ng tubig sa ilog. Si Mapo Nhamo, nakaalalay sa mga sundalo. Si Mira, nasa taas muli siya ng puno.

"Bumalik siya sa palasyo upang iulat ang mga nangyari ngayon," sagot ni Rama.

Lumapit sa 'min si Mapo Nhamo nang wala ng bangkay na natira. "Rama, ibigay mo 'to kay Mira. At maaari bang samahan muna ninyo siya?" utos niya.

"Opo," sagot ni Rama. Lumipad siya sa taas ng puno kung nasaan si Mira. Sumama na rin sa kanya si Shem-shem.

"Sumunod ka," utos sa 'kin ni Mapo Nhamo.

Nilapitan namin ang lugar na pinaglabanan namin. Nando'n din si Claryvel at lumapit din si Bangis. Bakas sa damuhan ang nangyaring lana. Naalala ko ang nagawa ko – 'di pa rin ako makapaniwalang nagawa ko ang mga bagay na 'yon. Parang ang sarap ipagyabang sa mga tropa ko – at kay Chelsa.

May inabot sa 'kin na maliliit na buto si Mapo Nhamo na may kasamang marhay. "Mapapatubo mo sila ng mabilis, hindi ba?"

Hindi ako nagsalita. Nasa kamay ko na ang mga buto. 'Di ko alam kung magagawa ko. Nagliwanag ang kanang kamay ko na may hawak sa mga buto at isinaboy ko ito sa nasirang damuhan kung saan kanila lang ay nakahandusay ang mga bangkay na aming nakalaban.

Naghintay kami ng ilang segundo at umusbong na ang mga bagong buhay mula sa maliliit na buto. Maliliit ang mga dahon nito at may napakagandang bulaklak na sumibol. Kulay purple na bulaklak na may maninipis na petals.

"Napakaganda nila, hindi ba?" napalingon ako sa tabi ko, si Claryvel. "Ang bulaklak na iyan ang simbolo ng mapayapang pamamaalam, ang loreyas. At ang kulay lila na kulay ng bulaklak, ay simbolo ng kamatayan." Napansin ko ang suot niya, kakulay ng bulaklak ang kanyang suot – ang kulay na nag-papaalala sa akin kay Chelsa. "Marami ang ayaw sa kulay na iyan dahil sa sinisimbolo nito. Ngunit para sa akin, ang kamatayan ay hindi lamang puro kalungkutan o katapusan, maaari rin na ito ay para sa bagong simula…" muling naramdaman ko ang bilis ng tibok ng puso ko habang nakatitig kami ngayon sa isa't isa. "Para sa muling pagkikita."

Napabawi ako ng tingin kay Claryvel. Iilaw ang bato, kapag nasa malapit ang iyong minamahal. Naalala kong sinabi ni Reyna Kheizhara. Shit, ano bang nangyayari sa 'kin? Tinangka ko pang tingnan ang singsing na bigay sa 'kin ni Reyna Kheizhara! Isinara ko ang aking palad. Nandito ako para kay Chelsa! Para sa kanya lang!

~~~

KINAGABIHAN, NAGPASYA KAMING magpalipas ng gabi malapit sa malalaking bato. Nasa gitna pa rin kami ng kagubatan. Nagpasya si Pinunong Kahab na sa loob ng gubat na lamang kami maglakbay upang makapag-ikot pa at alamin ang sitwasyon sa parte ng gubat na aming dinaanan. Maayos naman ang lahat. Ang 'di maayos ang utak ko.

Bago kami pumasok sa kanya-kanya naming tulugan, pinuri ako nina Pinunong Kahab sa galing ko gumamit ng kapangyarihan. Kahit ako, puring-puri ko rin ang sarili ko. Medyo naging okay na si Mira, bumalik na sa pagiging siga. Para talaga kaming traveler, naka-tent kami na yari sa pinatuyong dahon na tinahi. Astig, mas matibay pa sa plastik at kayang mag-camouflaged para 'di mapansin ng kalaban o mga wild na hayop. May mahika pa na ginamit para 'di agad mabuksan ng nasa labas. Kinuha ni Mapo Nhamo sa hood niya ang tatlong tent. Magkasama sina Pinunong Kahab at Mapo Nhamo, si Mira kasama si Claryvel, at kaming tatlo nina Rama at Shem-shem naman ang magkakasama. Si Bangis, sabi niya, magbabantay siya sa labas.

"Ang galing mo talaga kanina, Nate," pagbasag ni Rama sa katahimikan. Kanina pa ako nakahiga at kanina pa nag-iisip. Thank you, Rama. Mababaling utak ko sa pag-iisip sa crush mo.

"Salamat. Ikaw din, astig ng pag-transformed mo," sabi ko.

"Ha?"

"Ibig kong sabihin, 'yong pagpalit mo ng anyo." Umupo ako. "Maiba ako, ano pala 'yong tungkol kay Mira? Bakit gano'on siya kanina?" pabulong na tanong ko.

Naupo rin si Rama at hinarap ako. Si Shem-shem, nakisali na rin sa usapan, naupo siya sa balikat ko.

Napatango-tango na lang ako nang ikuwento nila ang tungkol sa nakaraan ni Mira. May mabigat siyang rason kung bakit halos 'di niya magawang tingnan ang mga bangkay na kalaban namin kanina. At naisip ko, lahat kami may kanya-kanyang nakaraan at kanya-kanyang kuwento. Sa pag-travel, tulad nitong paglalakbay namin, mas makikilala mo nga ang isang tao, okay diwata. Isa-isa ko silang kikilalanin, kahit pa parang high school lang 'to na sa paglipas ng mga taon, minsang nakilala ko na lamang sila at bahagi na lamang ng aking nakaraan. Dahil hindi ito ang mundo ko – ito'y mundo ng nakaraang buhay ko. 'Di ko namalayan na parang napapalapit na pala ako sa kanila.

Ang shit lang, nang ipikit ko ang mga mata ko nang magpasya na akong matulog, mukha niya ang nakita ko – si Claryvel. Dumilat ako at pinagmasdan ang singsing, hindi ito umiilaw. Napanatag ako. At pinagsabihan ang sarili ko. Siraulo ka, Nate! Nandito ka sa mundong ito para sa babaeng mahal mo! Hindi para lumandi sa iba! Pero bakit ba kasi palagay ang loob ko sa kanya? Parang hindi siya naging stranger para sa 'kin mula nang makilala ko siya?