''Sirena... Ang tawag sa amin. Bakit ako nag-iisa? Ano ba ang papel ko sa mundong ito? Bakit ako isinilang na sirena? Wala akong maalala na kahit ano. Basta ang alam ko, pagmulat ng mata ko ay narito na ako sa ilalim nang madilim na dagat. Tanging naririnig lang ang awit ng mga katulad ko. Gaano na ba katagal akong narito? Hindi ko rin alam. Ano ba ang pangalan ko? Ah, alam ko na... para itong musika sa aking isipan na lagi kong naririnig. Melodia... tama, ang pangalan ko'y Melodia. ''
▪
Kakaiba ang aming itsura sa ibang sirena. Ang mga sirenang ipinanganak na may pagmamahal sa dagat. Mas maikli ang kanilang buntot, wala silang palikpik sa likod ng buntot at likuran. Ang hasang nila'y sa leeg at hindi rin sila marunong kumanta. Malaya sila sa dagat walang kailangang makuha para mabuhay. Ang pagkain ng halamang dagat, maliliit na isda ay sapat na para sa kanila.
Samantalang ang sirenang katulad ko'y namulat na lang sa ilalim ng dagat, walang alaala ng kahit ano kundi ang pangalan lang. Isinisilang ang gaya ko dahil sa mga pangit at hindi katanggap tanggap na pangyayari. Mga aksidenteng may kinalaman sa tubig, pagkalunod o sadyang pagpatay.
Ako'y may mahaba at payat na kulay asul na buntot. May palikpik sa likod ko at likod ng buntot. May taingang palikpik din kaya't nakakarinig ako ng mga tunog sa malayong distansya. Kulay ginto ang aking mata. May kaliskis sa balikat at braso. Hasang sa aking dibdib na bumubuka kapag humihinga. Mahaba ang buhok ko't kulay asul ang dulo. Higit sa lahat marunong akong kumanta.
Pareho-pareho kaming may tinataglay na mapang-akit na kagandahan ngunit ang sa katulad ko'y ginagamit upang makakuha ng mga pusong puno ng kasakiman. Doon kami umaasa para mabuhay.
Hay, tama na nga ang pagmumuni-muni dahil maraming beses ko na itong naitatanong sa aking sarili. Tumingala ako dahil naramdaman kong may paparating. Ang sunud-sunod na bula sa ibabaw, hudyat na may bangkang naglalayag. Naglangoy ako pataas. Sinilip ko ang bangkang papalayo sa direksyon ko.
Marami akong nakikitang mga bulaklak at kumikinang na bituin sa bangkang iyon. May nahahalo pang kulay asul na dyamante na may bahagharing katabi. Ang mga sirenang tulad ko'y may kakayahang makakakita ng amoy.
Ang amoy ng pusong puno ng pagkapuot, pagkamuhi at kasakiman na siyang aming buhay. Nakikita namin ang amoy nito bilang mga bulaklak at kumikinang na bituin. Samantala, ang pusong puno ng kabutihan ay asul na dyamanteng may kasamang bahag-hari.
Sinundan ko ang bangkang iyon. Mukhang galing iyon sa islang may malaking parola kung saan may mga malalaking sasakyang pang-dagat din akong natatanaw. Itinuon ko na lang ang tingin ko sa bangka. Sumisid ako't sinundan sila. Mag-gagabi na, nakakapagtakang may mga tao pang naglalayag.
🎶Hear my voice beneath the sea
Sleeping now so peacefully
At the bottom of the sea
Sleep for all eternity... 🎶
Kanta ko. Nagsilanguyan din ang mga kasama kong sirena, sumulpot na lang sila kung saan. Sina Sonata, Undina at Nereida.
''Ah haa... Na Haa...'' sambit naman nila. Sinundan naming apat ang bangka. Maraming puso sa amin ay naghihintay.
Mayamaya ay bigla itong huminto sa isang tagong isla. Ang islang hugis pagong. Nagkatinginan lang kaming apat. Malayo layo rin ang islang ito sa kung saan sila nanggaling. Wala pa ring kumikilos sa mga taong naroon sa bangka.
''Sa tingin mo ba narinig nila ang kanta?'' tanong sa akin ni Sonata. Si Sonata na may maikli at maalong buhok na kulay berde ang dulo. Bilugan ang kanyang mga mata at may maamong mukha. Makapal ang ibabang bahagi ng kanyang labi at manipis ang taas. At gaya sa buntot ko'y ganoon din ang kulay ng sa kanila.
''Baka mahina pa iyong pagkanta natin, baka mamaya ay tuksuhin na naman tayo ng grupo ni Koralia.'' Pag-aalala ni Nereida. Si Nereida ang una kong nakilalang sirena, napakadaldal niya pero tumitiklop na kapag nariyan na ang grupo ni Koralia. Mahaba at kulot ang kanyang buhok, may kulay lila naman sa dulo nito. Ang labi niya'y parang lagung nakanguso kahit na hindi naman. Malalim naman ang kanyang mga mata.
''Sonata, ikaw na lang ang kumanta uli baka pangit ang pagkakanta ko wala tayong kakainin kapag hindi natin ito nakuha.'' sabi ko kay Sonata na hinihimas ang baba.
''Ano ka ba, walang sirena ang may pangit na boses, maliban na lang doon sa mga sirenang matataba ang buntot.'' Pagsusungit niya. Si Sonata ay medyo masungit pero mabait naman. Hindi niya kami hinahayaang apihin na lang ni Koralia. Hugis luha ang kanyang mga mata, mahaba rin at maalon ang kanyang buhok na may kulay pula sa dulo. Manipis ang kanyang labi na palaging nakaismid.
''Sige na Sonata...'' sabay sabay naming pagmamaka-awa sa kanya. Ginaya na nga namin ang mata ng mga isda para kaawaan niya kami.
''Oo na, may magagawa pa ba ako?'' Umirap siya sa amin habang napakalaki naman ng ngiti naming tatlo.
Ikinampay niya sa tubig ang mga kamay sabay...
🎶Sailors live so restlessly
Come with me, sleep peacefully
Listen to this siren's song
Worry not for nothing's wrong...'' Kanta niya.
''Ah haa... Na haa... Hmmm...'' sabi naming tatlo.
Pero wala pa ring mga taong lumulusong sa tubig. Nagkatinginan kaming apat. Naglangoy kami pataas at isa-isang sinilip kung anong nangyayari sa bangka.
Nanlaki ang mga mata ko sa nakita. Napatakip naman ng bibig sina Undina at Nereida. Napanganga naman si Sonata.
May apat na ka-taong nagtatawanan na para bang may bagay na hinahampas ng malaking pamalo. Kaya pala walang epekto sa kanila ang aming awit ay may nakatakip sa kanilang mga tainga. Isang pagkit (beeswax).
Bakit naman sila maglalagay ng ganoon? Hindi kaya...
''Ano ang gagawain natin? May mga pagkit sila sa tenga.'' Hindi ko na naituloy ang iniisip ko nang magsalita si Nereida, may pag-aalala sa kanyang mukha. Halos magsalubong ang mga kilay naming apat.
Mayamaya ay nagulat uli kami dahil may hinulog sila mula sa bangkang iyon. Ang taong may mga asul na dyamante at bahag-hari na amoy sa kaniyang puso. Kaunti na lang ang nakikita ko, pawala na ang mga ito.
Ibig sabihin... malapit na siyang mamatay. Ngunit, hindi ba't dapat mabuhay ang taong tulad niya? At ang dapat mamatay ay ang mga masasamang tulad ng apat na iyon?
Hindi ako nakatiis kaya naman naglangoy ako palapit sa bangka.
''Saan ka pupunta Melodia? Bumalik ka rito!'' Tawag sa akin ni Sonata. Huminto ako sa paglangoy at tumingin sa kanila.
''Gagawa ako ng paraan para matanggal ang mga pagkit sa tenga nila! Kayo na ang bahala.'' Bumalik ako sa paglangoy. Gamit ang aking buntot ay hinampas ko nang malakas ang bangka. Naglangoy ako pakanan at hinampas kong muli ito. Nakita ko ang pag-gewang nito.
Naririnig ko ang mga boses ng mga taong iyon. Sumisigaw sila. Kay sarap sa tenga ng kanilang pagsigaw. Huminga ako ng malalim at buong lakas na ihinampas ang aking buntot.
Sa wakas! Nahulog ang apat tao sa tubig. Mabilis na naglangoy sina Sonata palapit.
''Magaling, Melodia!'' Pumapalakpak pang sabi ni Undina. Sapalagay ko'y nakita kami ng mga taong iyon dahil kita ko ang pagkagulat sa mga mukha nila. Mabilis silang naglangoy palayo sa amin, natataranta.
Kinontrol naming apat ang tubig, namuo ang maliliit na bula at pumormang maliit at manipis na buhawi. Lumapit ito sa may bandang tenga nila at inalis ang mga pagkit na nakadikit. Halos bumula ng marami nang subukan nilang huminga.
🎶Let my voice lead you this way
I will not lead you astray
Trust me as we reach the side
Jumping out where men have died
Hear my voice beneath the sea
Sleeping now so peacefully
At the bottom of the sea
Sleep for all eternity 🎶
Kanta namin. Wala nang nagawa ang mga taong iyon, para silang inaantok at nanaginip habang dilat ang mga mata. Ngumingiti-ngiti pa sila na parang wala sa ilalim ng tubig. Wala na sila sa kanilang ulirat kung kaya't hindi nila namamalayang pinapasok na ng tubig ang kanilang mga baga.
Lumapit kami sa kanila at hinawakan ang mga balikat. Pagkatapos ay unti-unti naming hinihigop ang kaluluwa ng puso nilang punum-puno ng kasamaan. May kulay asul na parang usok ang lumabas sa kanilang mga bibig papunta sa aming bibig. Ilang saglit pa'y namuti na ang kanilang mga mata. Lumabas rin ang bilog na kumikinang kasabay ang huling asul na usok. Ang puso't kaluluwa nila.
Halos naging tuyot ang katawan ng apat na lalaki. Binitawan na namin sila at habang nahuhulog sa kailaliman ng dagat ang kanilang katawan ay unti-unti itong nagiging abo. Hanggang sa mawala na ang mga ito.
''Muling kuminang ang palanta kong buntot!'' Natutuwang sabi ni Undina.
''Ilang buwan na rin tayong walang nakukuhang masamang puso kaya masaya ako na muli tayong sumigla,'' sabi ni Sonata habang tinitingnan ang buntot.
Nakangiti lang ako nang maalala ang nilalang na iyon. Nilingon ko ito kung saan siya ihinulog kanina. Nakalutang pa rin siya at mapusyaw na ang kulay ng amoy ng kanyang mabuting puso. Paisa-isa na lang ang mga dyamante at bahag-haring nakikita ko.
Agad ko siyang nilangoy.
''Melodia! Saan ka na naman pupunta?!'' Narinig kong sabi ni Nereida.
''Ililigtas ang taong malapit na sa kanyang kamatayan!'' Sigaw ko naman sa kanila.
''Nahihibang ka.'' Iyan ang salitang binitiwan ni Sonata. Naramdaman kong sinundan nila ako. Nang malapitan ko ang nilalang ay hinawakan ko kaagad ang kanyang palapulsuhan at hinila.
Hinila ko siya sa dalampasigan ng islang hugis pagong. Nakadapa akong nakaharap sa kanya. Pinagmamasdan ang duguan niyang mukha at halos puro galos ang buong katawan. Kaawa-awang nilalang. Hinawi ko ang buhok sa kanyang noo. Ang nilalang na gaya niya ay dapat bigyan ng pangalawang pagkakataong mabuhay.
Inilapit ko ang aking mukha sa kanya.
''Huwag mong ituloy ang binabalak mo Melodia!'' Awat sa akin ni Sonata.
''Hindi natin alam ang pwedeng mangyari kung mabuhay muli ang nilalang na iyan! Ang puso niya'y mabuti, hindi natin siya kailangan!'' Dagdag uli ni Sonata na tanging ulo hanggang balikat lang ang nakikita.
''Melodia! Halika na, kung kapalaran ng taong iyan ang mamatay ay wala na tayong magagawa.'' sabi ni Nereida.
Ngunit, hindi yata patas iyon. Ang mabubuting nilalang ay siyang dapat na mabuhay at ang masasama ang mamatay. Tinitigan ko lang ang nilalang. Ang mga sinabi ng aking kasama ay hindi pinoproseso ng aking utak. Kung anong sa tingin ko'y tama ang siyang gagawin ko.
Unti-unti kong nilapit ang aking mukha sa lalaki. Kahit na naririnig ko silang sumisigaw ng 'Huwag!'
Inilapat ko ang aking labi sa nilalang. Pagkatapos ng ilang segundo ay hiniwalay ko na ang labi ko sa kanya. Wala namang ibang nangyaring ikinababahala nila.
Nakita kong umubo ang lalaki, madaming tubig ang lumabas sa kanyang bibig. Bahagyang nagmulat ang mga mata ng nilalang, nakatingin siya sa akin.
''S-sino ka?'' Mahina niyang tanong.
''Alis na Melodia!'' Tawag sa akin ni Undina.
Aalis na sana ako nang biglang humulas ang aking buntot. Humuhulas ito na parang tubig at may namumuong kung ano. Nanlaki ang mga mata ko.
''Sonata! Anong nangyayari sa akin?!'' Tiningan ko siya. Halatang nabigla din siya.
''N-nagkakaroon ka ng binti!'' Sigaw niya.
Ano? Pero bakit? Tiningan ko ang nilalang. Nakapikit uli siya. Ang mga binti niya, namumuo ang tubig doon at tila may namumuong hugis. Pinagmamasdan ko ang aking sarili, ang bahagi ng katawan kong nawawalan ng mga kaliskis. Kinapa ko ang aking likod, nawala rin ang palikpik sa aking likod. Ang hasang sa aking dibdib at taingang palikpik.
Tumingin akong muli sa lalaki. Nagkaroon siya ng kaliskis sa braso. Ang mga nawala sa akin ay lumipat sa kanya!
At ang buntot ko, nawala! Ang binti naman niya'y naging buntot! Napatulala ako sa nangyari, maging ang mga kasama ko sa tubig ay hindi inaasahan ang nangyari.
▪▪▪🌸
©Sara Singer
Siren Song