"Oh? Kailan mo ba balak ligawan ang anak ko?" Ang pambungad na tanong kaagad sa kanya ng Mommy ni Aria nang pagbuksan siya nito ng gate pagkatapos niyang mag-doorbell nang dalawang beses.
Napalunok na lamang ng laway si Jae habang papasok sa loob ng pamamahay ng mga ito dahil hindi niya alam ang isasagot sa tanong ng Ginang.
"Jae, naman! Libreng libre ang anak ko. Wala ka bang konting pagtingin man lang kay Aria?" Anito nang makaupo siya sa itinuro nitong bakanteng sofa.
Napakamot siya sa ulo. "Aling Janice, maganda naman ho ang anak niyo. Kaya lang, hindi ho ako papasa sa standards ni Aria dahil sa mga oppa niya," Paliwanag niya.
"Hindi ba't "oppa" ka rin naman?" Hindi lingid sa kaalaman nito na may halo siyang dugong Koryano.
"Hindi naman ho ako legit. Hindi nga po ako marunong magbasa ng Hangul," Tukoy niya sa alphabet writing system ng Korean.
Magsasalita pa sana ang Ginang nang sumulpot bigla si Aria sa salas.
Nabaghan naman ang Mommy nito sa hitsura ng unica hija niya. "Anak, naghilamos ka na ba?"
"Siyempre naman, Mommy. Anong akala mo sa'kin? Walang hygiene?" Napasimangot na wika niya sa Ina.
"Kasi naman, anak. 'Yung mukha mo nagmamantika!"
"Mainit kasi, Mommy," Sagot nito at tumingin sa kanya. "Oh, anong atin? Naka-iskor ka ba ng complimentary tickets ni Lee Seung Gi?" Pagkabanggit sa pangalan ng aktor ay parang kiniliti ito ng ilang beses.
"Sorry, walang bigay ang boss ni Erpats eh," aniya na nagpaguho sa pangarap nitong libreng ticket sa fanmeeting ni Lee Seung Gi. Bouncer sa isang concert events ang trabaho ng kanyang stepfather. Kadalasan ay lagi siyang may complimentary tickets kapag may pumupuntang sikat na singer o artista mula sa ibang bansa. Medyo ngayon lang sila hindi sinwerte ni Aria na maka-iskor ng libreng tickets.
Nanunulis ang ngusong bumalik sa kuwarto nito ang dalaga. Binigyan naman siya ng go signal ng Mommy nito na puwede niyang sundan ang dalaga.
Tumayo siya mula sa pagkakaupo at tinawag ito. "Aria!"
Nilingon naman siya ng dalaga bago pumasok sa silid nito. Nilakihan nito ang awang ng pinto para sa kanya. Sinara niya iyon pagkatapos na makapasok sa loob ng silid nito. Muntik na siyang mapa-sign of the cross dahil sa nakita. Sobrang gulo ng kuwarto ni Aria. Nahilo siya bigla.
"Okay ka lang?" Tanong ng dalaga sa kanya. As usual, nakahiga na naman ito sa kama at nakakandong sa mga hita nito ang laptop kung saan ito nanonood ng Korean dramas.
Tumango siya. "Baka gusto mong linisin muna ang kuwarto mo?" Biglang banat niya dito.
"Mamaya na. Tapusin ko muna itong episode fourteen ng Arthdal Chronicles ni Song Joong Ki. Last four episodes na lang ako eh."
"Last episode?! Lokohin mong lelang mo. Ang sabi mo kahapon ay sasamahan mo kong manood ng One Piece: Stampede sa sinehan. Tapos ngayon, maabutan kitang hindi pa naliligo," sita niya rito.
"Kasi naman! Bakit ang aga aga mo pumunta?!" Tuluyan nang nalukot ang maliit na mukha ni Aria.
"Maaga na pala sa'yo ang alas-onse? Mukhang hindi ka pa nga nag-aalmusal eh!"
"Nag-almusal na ko. Salamat," matabang nitong sabi.
"Ano naman? Noodles?"
"Hmp!" Dabog nito pagka-pause ng pinapanood na Kdrama. "Alam mo, para kang si Daddy. Mahilig manita!"
"Maligo ka na! Ako na maglilinis ng kuwarto mo dahil nakakahiya naman sa'yo!" boluntaryo niyang inirapan naman nito.