Chereads / I'm Not In Love With My Best Friend / Chapter 2 - Dula ng Pagkakaibigan

Chapter 2 - Dula ng Pagkakaibigan

Sa apat na sulok ng isang luma ngunit kilalang paaralan sa Maynila, nabuo, namulaklak, at lumago ang pagkakaibigan nina Emil at Ella.

Sariwa pa sa alaala ni Ella kung paano nagsimula ang lahat.

Nasa ikaapat na baitang sila sa elementarya noon. Ang lahat ay nag-ugat sa isang simpleng gawaing iniatas ng kanilang guro sa asignaturang Ingles: ang bumuo ng isang dula na tungkol sa pagkakaibigan.

Isinabuhay ang dulang ito ng kanilang mga kamag-aral at lubha itong nagustuhan ng mga nanood. Mula noon, madalas na silang utusang gumawa ng kung ano-anong mga katha. Dahil dito, dumalas ang kanilang pagsasama--hanggang sa hindi nila mamalayang isinusulat na rin nila nang magkatuwang ang akda ng kanilang kapalaran.

"Emil," bungad ni Ella.

"Bakit?" tanong ni Emil.

"Bukas na lang tayo gumawa. Masama ang pakiramdam ko."

"Sabado bukas, a."

"Sa bahay na lang sana namin," ani Ella. "Malapit lang dito sa school. Malapit lang doon sa tindahan ng school supplies. Sa sunod na kanto lang ang bahay namin. Blue 'yong gate."

"Doon kayo?" Halatang nagulat ito. "Doon nakatira 'yong ninang ni Ate Aimee."

"Kapatid mo si Ate Aimee?" nagulat din si Ella. "Ako na lang pupunta sa inyo!"

Sa Lolo Berto niya lumaki si Emil kaya naman kahit kailan ay hindi pa sila nagkita ni Ella; kahit na madalas ito sa bahay nila kapag bakasyon sa eskwela. Ilang buwan pa lamang nasa Maynila ang batang lalaki. Isinama na siya pauwi pagkatapos ng libing ng kanyang lolo noong Mayo.

Natatawa ang dalawa sa natuklasan nila.

Maliit ang mundo--at mas liliit pa ito para sa kanila.

---

Si Emil ang naging sandalan ni Ella sa lahat ng pagkakataon. Walang sinuman ang nagtangkang manakit sa kanya dahil sa pagpoprotekta nito. Kahit minsan ay hindi niya naranasaang lumuha nang mag-isa sa loob ng mga taong magkasabay nilang tinatahak ang mundo.

Si Ella ang naging katuwang ni Emil sa bawat hamon ng buhay. Ugali nito na ikubli ang mga suliranin at sentimiyento sapagkat ayaw na ayaw nitong may nag-aalala sa kanya; maging sa mga magulang at mga kapatid ay itinatago nito ang kanyang mga luha. Masayahing tao si Emil at napakahusay niya sa pagkukunwari pagdating sa tunay niyang damdamin. Sa kabila nito, hindi niya nagagawang maglihim kay Ella. Sa bawat hagupit ng nanunubok na tadhana ay ito palagi ang pinaghuhugutan niya ng lakas.

***

© Charina Clarisse Echaluce

(Ang pagkopya ng anumang bahagi ng akdang ito nang walang credit sa manunulat ay labag sa batas. #PlagiarismIsACrime #PlagiaristsAreNotHeroes)