ILOILO CITY,
Mga huling alaala...
Punong puno ng hinagpis ang araw na iyon sa mag-iina. Dahil sa pagkawala ng kanilang padre de pamilya.
Masakit man itong tanggapin ngunit kailangan. Upang muli nilang maipagpatuloy ang buhay.
Alam niyang ito rin ang gusto ng kanyang ama na nakahimlay ngayon sa kanyang harapan, malamig at wala ng buhay.
Kahit pa ito ay parang natutulog lang...
Madalas n'yang marinig ang mga katagang ito sa mga tao sa tuwing may lamay sa kanilang lugar.
Ang buong akala nga niya noon ang mga katagang ito ay madali lang tanggapin at unawain.
Dahil sa murang isip n'ya mga simpleng kataga lang ito na walang kahulugan.
Subalit ngayong nakaharap siya sa walang buhay niyang ama. Kahit pa nga gustong-gusto man niya itong gisingin pero hindi n'ya magawa.
Kaya pala...
"Parang natutulog lang?"
Bagama't puno ng pag-asa ang mga salita, ngunit katumbas rin ito ng kabiguan. Dahil ang buong katotohanan hindi ito natutulog lang...
Lalo na ngayon na nakahiga na ito sa isang parihabang himlayan at kahit kailan alam din niyang hindi na ito magigising.
Tulad rin ng iba na inalalagay sa ganitong higaan sa mga lamay na pinupuntahan nila sa Baryo.
Hindi na nila ito makikita pang muli...
Kaya alam niya na ito na ang huling sulyap nila sa kanyang ama.
Ang huling masisilayan nila ito at higit sa lahat ito rin ang huling alaala nito na tatak sa kanilang isipan at patuloy na susugat sa kanilang mga puso.
Hindi man niya gustong maalala ang kanyang ama sa ganitong kalagayan.
Ngunit ito ang reyalidad na kailangan nilang tanggapin.
Ang katotohanan na hindi na muling babalik pa ang buhay na nawala na...
Hindi na ito muling magigising pa at hindi na nila muling makikita at mararamdaman.
Dahil wala na si Darius Ramirez ang nag-iisa at pinakamamahal niyang ama.
____
ANNABELLE;
Matapos ang kanilang pagluluksa sa pagkamatay ni Darius tuluyan na rin nilang nilisan ang Sta Barbara.
Ngunit nanatili pa rin sila sa Iloilo. Ipina-cremated muna nila ang katawan ni Darius. Bago nila ito inilagay sa isang tagong lugar at iniwan sa pangangalaga na rin ni Mang Kanor. Nang sa ganu'n ay madali nila itong madadala.
Kapag natuloy na ang pagpunta nila ng Maynila at tuluyan na nilang lilisanin ang Iloilo.
Dahil ito ang nabuong plano nilang mag-iina. Ito rin naman talaga ang plano nila ni Darius noon pa man. Dahil hindi nila iiwan dito si Darius sa oras na makaluwas sila ng Maynila.
Ibabalik nila ito kung saan ito nagmula at kung saan ang dapat nitong kinalalagyan.
Ang muling mapalapit at muling makabalik sa pamilya nito sa Maynila. Ang tanging alam ni Annabelle na siguradong magugustuhan ni Darius.
Kaya ipinangako ni Annabelle sa sarili na ibabalik niya si Darius sa pamilya nito kahit ano pa man ang mangyari.
___
Malungkot na nilisan ng mag-iina ang Sta. Barbara at ang Baryo. Kasama na ang kanilang bahay kung saan sila naging masaya kasama si Darius at ang mga masasayang alaala nito.
Nangako sila na hindi magtatagal babalikan nila itong muli at pagkatapos ay tuluyan na nilang lilisanin ang Iloilo.
Dahil sa tulong ni Mang Kanor at ni Abner napadpad sila ng Roxas city sa Capiz.
Dahil rin sa tulong ng malayong kamag-anak ni Mang Kanor may pansamantala silang natuluyan sa Roxas city. Ipinakiusap sila nito sa mga kaanak nito upang hindi sila mahirapang humanap ng matutuluyan.
Kahit paano naman, may naiwan si Darius sa kanila. Ngayon lang nila nalaman na matagal na pa lang pinaghandaan ni Darius ang lahat, na parang alam na nito na mangyayari ang lahat ng iyon.
Dahil kahit wala na ito nagawa pa rin nitong ibangon silang mag-iina.
Nalaman na lang n'ya na palihim pala itong nag-iipon ng pera para sa kanilang mag-iina. Ang buong akala nila mahihirapan silang magsimula ulit.
Dahil ang lahat ng pera nila ay nagastos na nila para mabigyan ng maayos na burol si Darius at dahil na rin sa tulong ng mga taga Baryo naging maayos ang lamay.
Pero dahil sa kagustuhan na rin ni Annabelle na ipa-cremate ito kaya naman talagang nasaid sila.
Matapos ang isang buong araw at isang gabi nang burol, deretso na ito sa crematorium.
Pagkatapos naman nilang makuha ang abo nito na nakalagay na rin sa isang Jar.
Sinigurado rin nilang maayos nila itong iiwanan. Kaya umalis sila na kahit paano magaan ang kanilang kalooban.
Ngunit bago pa sila makaalis may iniabot na isang libreta de banco si Mang Kanor kay Annabelle ng ihatid sila nito sa Bus Station.
Nang tingnan niya ito malaking halaga rin ang laman. Sapat para makapagsimula silang muli.
Naluha na lang si Annabelle ng sabihin ni Mang Kanor na matagal na itong ipinatago ni Darius.
Ibigay daw ito sa kanilang mag-iina kapag kailangan na. Kaya daw pala hindi rin ito kinuha ni Darius. Kahit nang paalis na sila at pupunta na sana sila ng Maynila.
Kahit na isinosoli na ito ni Mang Kanor. Kukunin na lang daw ito kapag kailangan. Naisip niya, tila ba nararamdaman na rin nito na may mangyayari.
Iyon daw pala ay talagang kakailanganin nila ito sa sandaling iyon.
Upang makapagsimula silang muli...
Marami pa sana s'yang gustong itanong dito tungkol kay Darius. Ngunit kailangan na nilang magmadali sa pag-alis.
Hindi na sila dapat pang abutan ng liwanag sa Baryo.
Kung saan alam nila na alam na ni Anselmo na nakaburol si Darius. Marahil pinagbibigyan lang sila nito kung kaya't hinahayaan lang sila.
Ang totoo nananatili pa rin ang burol ni Darius sa Baryo hanggang sa mga oras na iyon.
Ngunit ang katawan nito ay na-cremated na. Dahil palihim nila itong dinala sa crematorium.
Dahil na rin sa tulong at pakikiisa ng mga taga Baryo. Naging madali ang lahat at maayos nilang naisagawa ang mga plano.
Palihim din silang umalis ng Baryo. Habang kunwari ay nakaburol pa rin si Darius.
Mula sa Bus Station dito sila sasakay ng Jeep na inarkila ni Mang Kanor. Kaibigan at kumpare nito ang driver na maghahatid sa kanila hanggang sa bayan ng Capiz.
Mula sa Bayan sinundo sila ng isa sa pinsan ni Mang Kanor si Mang Obet.
Saka lang sila nakahinga ng maluwag ng makarating sila ng Roxas city ng walang aberyang nangyari.
Nalaman na lang nila makalipas ang ilang araw na nagtamo ng bugbog si Mang Kanor sa mga kamay ng mga tauhan ni Anselmo.
Ngunit sa huli dahil sa tulong ng mga taga Baryo napaniwala nito si Anselmo na wala itong alam sa kanilang pagtakas.
Dahil sa ipinagpatuloy nila ang kunwa-kunwariang burol at libing ni Darius mas naging kapani-paniwala na walang alam ang taga Baryo sa kanilang biglaang pagtakas.
Muli ring nagkaisa ang mga taga Baryo upang ipagtanggol si Mang Kanor. Alang-alang daw sa lahat ng mga kabutihan na nagawa sa kanila ni Darius at para sa mga magagandang alaala nito.
'Iyon ang mga huling mga alaala n'ya sa kanyang ama kung paano ito naging napakabuti sa kanila at sa lahat ng nakakakilala dito.'
____
"Mamang sino po ba si Anselmo, bakit po niya tayo ginugulo at saka bakit niya iyon ginawa kay Papang?" Tanong niya sa kanyang ina.
Matagal na sana n'ya itong gustong itanong sa ina. Ngunit mahigpit na ipinagbabawal sa kanila ng ina na, h'wag silang makikialam sa isang usapin na hindi nila dapat pinakikialaman.
Maliban na lang kung ang mga magulang mismo ang magsasabi nito sa kanila.
"Wala! Hindi mo na s'ya dapat pang makilala, wala s'yang kwenta. Siya ang pumatay sa Papang mo at sa mga Lolo at Lola mo. Kaya mas mabuti kung h'wag mo nang babanggitin kahit ang pangalan niya, naiintindihan mo ba?" Sabi nito sa malakas na tono.
"Opo Mamang..." Hindi na niya ito kinulit pa...
Dahil kabisado niya ang ina kapag ganito na ang tono nito.
Siguradong lalo lang itong magagalit sa kanya, kung sana ang Papang niya ang kausap niya ngayon.
Siguradong ngingitian pa s'ya nito at tatawagin sa tabi nito at saka ipaliliwanag sa kanya ang mga bagay na alam nitong gusto niyang malaman. Lalo lang tuloy n'yang na miss ang kanyang ama ngayong wala na ito.
"O bakit ka umiiyak ano nakakaiyak sa sinabi ko?" Galit pa rin na tanong nito.
"Wa-wala po Mamang!" Hindi na niya sinabi na naalala niya ang ama.
Nitong huli alam n'yang pilit lang nagpapakatatag ang kanilang ina. Pero gabi-gabi naririnig nila itong umiiyak.
Nagiging bugnutin din ito at mainitin ang ulo. Lalo na yata pagdating sa kanya. Hindi niya maintindihan kung bakit?
Iniisip na lang n'ya na siguro dahil s'ya ang panganay kaya inaasahan nito na mas magiging responsable s'ya lalo na at wala na ang kanilang Papang.
Kung dati napapansin na niya na iba pagtingin nito sa kanya kumpara kay Amara. Pero okay lang kasi lagi naman s'yang pinagtatanggol ng ama. Pero iba na ngayon wala na ito. Sino na ngayon ang magtatanggol sa kanya, kapag madalas s'yang pagalitan ng ina?
Okay lang naman sa kanya na mas paborito nito si Amara. Kaya lang kung minsan hindi niya maiwasang isipin at itanong sa sarili. Kung talaga bang anak s'ya ng nito.
Kung minsan kasi nahuhuli niya ito na titig na titig sa kanya at ang tingin nito ay tila may kalakip na galit sa kanya. Dahil iyon ang kanyang pakiramdam.
Minsan naitanong na rin niya ito sa kanilang ama.
Ngunit tinawanan lang s'ya nito at sinagot ng patanong din...
"Bakit ka nagdududa sa iyong ina, bakit hindi ka kumuha ngayon ng salamin at iharap sa iyong sarili? Hindi mo ba alam na magkamukha kayo ng iyong ina at kung pagtatabihin nga kayong tatlo para kayong mga triplets." Biro pa nito noon sa kanya kaya naman bigla parang bulang naglaho ang kanyang pagdududa.
Dahil sabi pa nito noon... "Hindi mo lang siguro napapansin. Pero sigurado ako sa tuwing haharap ka sa salamin, tiyak maalala mo ang iyong ina."
___
"Mamang! Bakit hindi na lang po natin s'ya isumbong sa pulis?" Biglang sagot ni Amara na nakikinig rin pala sa usapan nila.
"Isa ka pa, anong alam mo sa pagsusumbong sa pulis? Hindi ba sabi ko h'wag kayong makisali sa mga bagay na wala kayong alam. Bakit ba ang tigas ng ulo n'yo ang babata n'yo pa?"
"Totoo naman ang sinabi ko dapat lang natin s'ya ipakulong dahil pinatay niya ang Papang. Alam namin na s'ya ang pumatay kay Papang!" Kahit pa malaki ang agwat nilang magkapatid at mas matanda s'ya dito.
Lumaki itong mas matapang at mas malakas ang loob kaysa sa kanya. Lalo na nitong huli mas naging matapang ito at tila may pagkarebelde. Alam niyang labis din itong nasaktan sa pagkawala ng kanilang Papang.
Nakita niya na niyakap na lang ito ng kanilang ina. Habang umiiyak na rin ito dahil sa labis na sama ng loob.
Sa pagkakataong iyon...
Pakiramdam n'ya estranghero s'ya sa pamilya at noong araw ding iyon pakiramdam niya may kasalanan s'ya sa pagkamatay ng kanilang ama.
Siguro kung hindi lang naging matigas ang ulo niya at hindi niya tinawag ito noon. Baka hindi nila nahuli ang Papang. Baka natakasan nito ang mga masasamang taong iyon.
Pero hindi na lang niya ito binigyan ng pansin. Sabi nga ng Papang niya sikapin na h'wag na lang pansinin ang mga bagay na alam mong makasasakit sa iyo.
Dahil lilipas din naman ang lahat sa ayaw mo at sa gusto. Kaya mula noon sinikap na lang niya na iwasan ang mapagalit ang kanilang Mamang.
Hanggang sa patuloy na lumipas ang mga araw, buwan at taon.
Pinagsikapan ng kanilang ina na mapag-aral sila mula sa perang naiwan sa kanila ng Papang nila.
Pinagyaman nito ang perang iyon upang itaguyod silang magkapatid.
Kahit alam nila na minsan nahihirapan na din ito. Naging sobrang tahimik at masungit man ito mula noon. Hindi naman ito nagreklamo kahit kailan.
Halos pagurin nito ang sarili sa pagtatrabaho sa buong maghapon. Marahil ay upang madali itong makatulog pagsapit ng gabi.
Marami rin ang nagtangkang manligaw dito dahil talagang maganda pa rin naman ang kanyang ina. Bata pa rin itong tingnan sa kabila ng idad nito.
Kahit pa laging tagaktak ang pawis nito lutang pa rin ang angkin nitong kagandahan.
Sabi nga ng kanilang ama maswerte sila dahil namana nila ang kagandahang iyon sa kanilang ina.
Pero may isang bagay na talagang hinahangaan niya sa kanyang ina. Ang pananatili ng matatag na pagmamahal nito sa kanilang Papang.
Kaya kapag dumating ang araw na magmahal na rin s'ya, isa lang ang mamahalin niya.
Pero s'yempre hahanapin rin n'ya ang katulad ng kanyang Papang.
___
Naging tahimik at maayos ang buhay nila ng mga nagdaang taon. Hindi man sila kasing saya noong kasama pa nila ang ama.
Kahit paano nakabawi na sila sa sobrang lungkot. Lalo na nang maging tahimik at normal ang lahat. Unti-unti rin nakasanayan na nila ang pamumuhay sa Roxas city.
Ang plano nilang pagluwas ng Maynila ay muli na namang naantala.
Sobra kasing nalibang sa paghahanapbuhay ang kanilang ina. Bukod pa sa nanghihinayang ito sa magagastos nila pagluwas. Kung sabay-sabay daw silang pupunta ng Maynila.
Kaya sabi ng kanyang Mamang kapag tapos na s'ya ng kolehiyo. Mauuna s'yang luluwas ng Maynila para ipagpatuloy niya ang pag-aaral ng Medisina.
Mananatili naman si Amara sa Roxas kasama ang kanilang ina. Habang ipinagpapatuloy nito ang pag-aaral sa kolehiyo.
Dahil nasa ikalawang taon pa lang naman s'ya sa kursong nursing sa idad na bente-uno.
Habang si Amara naman ay nasa ikatlong taon pa lang sa high school sa idad na disi-sais.
Habang nagdadalaga silang magkapatid makikita ang kanilang pagkakaiba. Maging sa pag-uugali at hangarin sa buhay.
Subalit mas naging malapit sila sa isa't-isa. Pareho rin silang aktibo pagdating sa school. Magkaiba man ang hilig nila nagkakasundo naman sila sa lahat ng bagay.
Magkakampi sa lahat ng pagkakataon. Lumaking mas matalino si Amara. Pero mas naging aktibo naman s'ya pagdating sa sport.
Madalas rin na mapili ito ng school upang ipanlaban sa pagandahan.
Dahil sa taas nito at balingkitang katawan. Kaya madalas na napapansin ito sa school. Noong nasa high school s'ya madalas ding s'ya ang muse sa kanilang klase. Pero dahil mas interesado s'ya sa sport kaya ito ang mas binigyan niya ng pansin.
Saka mula ng makarating s'ya ng kolehiyo nauntol na ang kanyang pagtaas.
Hindi pa nga s'ya umabot ng limang talampakan at apat na pulgada. Dahil nasa 5"3¹/² lang ang inabot ng kanyang taas.
Samantalang si Amara patuloy pa rin sa pagtaas, kahit 5"7 na ang taas nito ngayon. Madalas tuloy mapagkamalan na ito ang panganay. Kahit pa halos limang taon din ang tanda niya dito.
Bukod pa sa mahilig talaga itong mag-apply ng make-up at mag-ayos ng sarili. Bagay na hindi rin n'ya nakasanayan. Sapat na sa kanya ang konting pulbos at manipis na lipstick. Tulad rin ng kanilang Mamang.
Dahil madalas na nagpapraktis s'ya sa mga bakante niyang oras. Kaya hindi rin naman maiiwasan na mawala lang ito sa kanyang mukha.
Dahil palagi lang naman s'yang nakalubog sa tubig kapag nagpapraktis para sa swimming competition.
Pero dahil nakahiligan talaga ni Amara ang pagkokolorete, kaya naman kung minsan kahit sila ng kanilang ina pinagpapraktisan nito.
Mabuti na lang sa pagkakataong iyon hindi sila sinusungitan ng ina. Hinahayaan lang nito ang mga hilig nila. Basta daw hindi nila mapapabayaan ang kanilang pag-aaral.
Kaya naman ang mga sandaling iyon ang mga oras na talagang gustong gusto niya.
Ang mga sandaling nagiging daan upang maiparamdam nila ang pagmamahal. Dahil kahit paano napapasaya at nagagawa nilang lambingin ang isa't-isa.
Ngunit ang kaligayahang iyon ay agad din pa lang matatapos.
Kung kailan pa naman sana ay nakaka-recover na sila sa labis na kalungkutan na dulot ng pagkawala ng kanilang Papang.
Dahil nagsisimula na sana silang bumuo muli ng mga pangarap at muling bumabangon sa buhay.
Saka naman pala sila muling babalikan ng bangungot na kailanman, hindi nila gugustuhin na mangyari pang muli.
Isang bangungot na hindi pa rin pala natatapos...
*****
By: LadyGem25