Katangahan ito. Iyon ang paulit-ulit na sinabi sa akin ni Heron. Hindi ko dapat gawin ito para sa isang mortal pero ito ang pinipili ko dahil gusto ko siyang makasama.
Gusto kong maramdaman niya kung gaano ko siya kamahal. Sawa na akong panuorin siyang mag-isa, malungkot. Kung walang nakatakda para sa kanyang magmahal sa buhay na ito, handa akong isuko ang lahat para maging kapalad niya.
Tatlong-daang araw. Tatlong-daang araw at pagkatapos noon, magdesisyon ka kung babalik ka pa. Iyon ang huling bagay na pinaalala sa akin ni Heron.
Kapag hindi ako bumalik pagkatapos ng tatlong-daang araw, ipapatapon ako sa kabilang sekta - sa imortalidad, sa pagiging mata ng langit sa mga tao sa lupa. Hindi ko na naisip ang impiyerno dahil hindi ako takot duon.
Mas takot akong mawalan ng pagkakataon na makasama
siya. Pag-ibig nga siguro iyon kagaya ng sabi ni Aera.
Tumayo ako ng tuwid mula sa tuktok ng isang mataas na bangin. Pagbagsak ko mamaya sa tubig, inaasahan kong mararamdaman ko na at mararanasan ang mga bagay na hindi ko noon naiintindihan gaya ng
sakit, ng lamig, ng gutom. Lahat ng iyon, kakayanin ko.
Isang malalim na paghinga bago ko hinayaan ang sarili kong mahulog.
Pinigilan kong lumabas ang mga pakpak ko kaya pagkaraan ng ilang minuto, naramdaman ko ng
humampas ang balat ko sa nangangalit na tubig.
Sa unang pagkakataon, nahirapan akong huminga. Wala akong
makita. Awtomatikong nagpumiglas ang katawan ko mula sa paglamon sa akin ng tubig dagat hanggang sa
takasan ako ng ulirat.
Ito na nga ang crossover. Tatawid ako mula sa Divinity makasama lang si Regina.
Tama man o mali, sigurado akong hindi ako magsising pinili ko siya.
Ganoon ko nga siguro siya kamahal.