Chereads / Saving my Sunshine (tagalog) / Chapter 14 - KABANATA 14

Chapter 14 - KABANATA 14

NASA BANYO PA rin kami ni Sunshine at nanatiling nakatayo sa tapat ng salamin. Kinatok na ako nina Jane at Migs. Nagpalusot na lang ako na medyo masama ang pakiramdam ng tiyan ko. Sinabi ko rin na mauna na silang kumain, pero sabi nila sabay-sabay na kami.

Yakap ko ang sarili ko. Hindi ko matanggap na may multong sumapi sa 'kin at kinontrol ang katawan ko. Hay, pambihira! Pumasok siya sa katawan ko! Sa mga laman ko! Nasaan ba ang kaluluwa ko no'ng mga oras na 'yon? Ba't 'di niya tinulak si Mang Pedro?!

"Arte," komentong parinig sa 'kin ni Sunshine. Hindi ko alam kung kaartehan bang matatawag ang ayaw ko sa ideya na may kaluluwang papasok sa katawan ko. Pero kasi, parang may tao nang nakipag-isa sa 'yo. Na parang niyakap mo't naging isa ang mga laman n'yo.

Nakatingin lang ako sa salamin. Sinamaan ko ng tingin ang kaliwang parte ng salamin kung saan dapat si Sunshine kung sakaling may repleksiyon siya. Nang bahagya ko siyang lingunin, pasimple siyang nakangiti. Pero bigla ring naging seryoso ang mukha niya. Huminga ako ng malalim at nagsuot ng damit. Muli akong tumingin sa salamin – kapwa kami nakatingin lang do'n.

"Sunshine, salamat," sabi ko. "Salamat, dahil hindi mo ako pinabayaan."

Tiningnan niya ako. Ilang segundo siyang nakatitig sa 'kin bago niya ibinuka ang kanyang bibig. "Wala naman kasi akong ibang meron sa mundo sa ngayon... kundi ikaw, Lukas."

Kumilos ang kanang kamay ko at hinawakan ko ang kaliwang kamay ni Sunshine. Nagkaroon ng liwanag. At ilang saglit pa, kitang-kita sa salamin ang unti-unti niyang pagkakaroon ng katawan – tulad sa pelikula, na ang invisible ay nagpakita. Nakatingin kami ni Sunshine sa mga sarili namin sa salamin. Bumuntong-hininga ako bago nagsalita.

"Pinuntahan mo ako rito hindi lang para kumustahin ako, tama?" tanong ko. Tumango siya. "Sabihin mo na," pagbibigay hudyat ko para pakinggan ang gusto niyang sabihin at ibahagi niya sa 'kin ang mga gumugulo sa isipan niya.

"Lukas... sa palagay ko, siya 'yon. Siya ang lalaki sa alaala ko."

"Si Migs?"

"Oo." Tumango siya. "Iba ang pakiramdam ko nang makita ko siya..."

"Makikinig ako," sabi ko nang huminto siya sa pagsasalita.

"Kanina, nang dumating siya habang naglalaban kami ng multo, natigilan ako. Ewan ko kung ilusyon ko lang dahil kaluluwa ako no'n, pero parang may sasabog sa loob ng katawan ko. May mabilis na tibok," pagsisimula niya. "At hindi lang ako ang natigilin, Lukas, maging 'yong babaeng multo. At napatitig siya kay Migs. Naging normal ang anyo niya at malungkot na pinagmasdan si Migs. Titig na animo'y matagal na niyang kilala si Migs. Nilapitan niya pa ito at tinagkang yakapin, pero tumagos lang siya rito. Tiningnan ako ng masama ng babae na parang sinisisi niya ako. Nang buhatin ka ni Migs, naglaho 'yong babae. Doon naman ako bumalik sa diwa ko. Lukas, sa palagay ko magkakaugnay ang buhay naming tatlo."

Nagkatinginan kami ni Sunshine. Tama ang hinala ko. Naramdaman ko rin na may kaugnayan siya sa lalaking 'yon. At ayaw ko sa ideya na 'yon. Pakiramdam ko may humihila sa kanya palayo sa 'kin. Parang umiiral ang pagiging makasarili ko. Gusto ko ako lang ang makakakita kay Sunshine at makakasagip sa kanya. Ayaw kong isipin na baka 'sinag' niya rin ang Migs na 'yon. Gusto ko siyang ipagdamot. Na ayaw kong bumalik pa ang alaala niya. Ang werdo ko na talaga! Pero kung 'yon ang tadhana, mapipigilan ko ba? Maaring tadhana ang dahilan kung bakit kami magkakasama ngayon – kung bakit sila muling pinagtagpo.

Magkaharap pa rin kami nang ipikit niya ang mga mata niya. Gusto ko na sanang bitiwan ang kamay niya dahil alam kong sa tuwing hawak ko siya, may bumabalik na alaala sa kanya. At alaala 'yon ng lalaking 'yon – na magkasama sila. Pero mas hinigpitan niya ang hawak sa kamay ko na tila pinipilit niyang buksan pa ang pinto ng kanyang alaala para pumasok ang mga impormasyon tungkol sa kanyang nakaraan. Wala na akong nagawa. Pinagmasdan ko na lamang ang maganda niyang mukha habang nakakaramdam ako ng panghihina.

"Siya nga. Nakikita ko na ang kanyang mukha," galak na sabi ni Sunshine na nakapikit pa rin ang mga mata at may luhang pumatak sa mga ito. "Si Migs nga. Malinaw ko na siyang nakikita, Lukas. Tinatawag niya ako. Tinatawag niya ang pangalan ko," nakangiting sabi niya at mas hinigpitan niya pa lalo ang hawak sa kamay ko.

Nangingig na ang kamay ko na parang madudurog na ang mga buto ng mga daliri ko. Mahinang napapadaing na ako sa sakit. Mas dumidiin pa ang hawak ni Sunshine sa kamay ko na pinipilit pang makasagap ng mga alaala sa kanyang nakaraan. Mabilis ang panghihina ko ngayon kumpara sa mga nakaraang paghahawak namin ng kamay. Mas maraming lakas ko ang nagagamit niya at sumisikip na rin ang aking paghinga. Binabawi ko na ang kamay ko pero tila wala sa sarili niya si Sunshine na masayang pinapanood ang mga alaala niya sa kanyang isipan.

"Lukas, mahal namin ang isa't isa. Matamis niyang binibigkas ang pangalan ko." Napakatamis ng ngiti niya.

"Sunshine," nanghihinang tawag ko sa kanya. Pero tila 'di niya ako naririnig dahil ang pagtawag lang ni Migs sa alaala niya ang naririnig niya.

"Marinelle," nakangiting sambit niya sa pangalang ngayon ko lang narinig.

"Sunshine," muling daing ko na 'di niya pinansin.

"Marinelle, ang pangalan ko!"

Napaluhod ako sa sahig hawak pa rin ni Sunshine ang kamay ko. Napadilat siya at mabilis niyang binitiwan ang kamay ko. Nakita niya akong hinang-hina. Para akong tumakbo ng ilang kilometro. Naghahabol ako ng hininga at nararamdaman ko ang malamig na tagiktik ng pawis sa mukha at buo kong katawan.

"Sorry, Lukas," paghingi niya ng tawad. Batid niya kung ano ang nangyari. Alam niyang siya ang dahilan ng panghihina ko.

Wala akong isinagot. Nakatingin lang ako sa kanya. Unti-unting pumatak ang luha sa mga mata ko. Hindi ko alam kung dahil sa panghihina at sa sakit ng kamay ko ang dahilan ng pagluha ko o ang sakit na malamang talagang may lalaki ngang nagmamahal kay Sunshine at minamahal niya. Basta ang alam ko nasasaktan ako. 'Yong pakiramdam nang mawala sina mama at papa. 'Yong pakiramdam na nag-iisa ka lang sa mundo. Pakiramdam ng naiwan – ng iiwanan. Hindi na werdo ang tingin ko sa sarili ko. Normal lang pala na maging gano'n ako. Hindi ko lang pala maamin sa sarili ko at 'di ko matanggap na nagmamahal ako ng isang multo. Nasagot na ang tanong ko sa sarili ko. Mahal ko na ang multong nasa harapan ko. Pero oo, kawerdohan ngang magmahal ng isang multo – multong may minamahal ng iba. Maihahalintulad ang pag-ibig ko ngayon sa gabi. Madilim. Walang kulay. Para ako ngayong nakakarinig ng malungkot na love song. Tukso pang bumuhos ang malakas na ulan sa labas. Mukhang nantutuya ang tadhana. Sadya bang kapag minahal mo, mawawala? Totoo ba ang mga gawa-gawang kasabihang 'yon ng mga sawi? Pambihira!

Tahimik na tumayo ako. Tinalikuran ko si Sunshine at nagpunas ng luha. Alam kong may gusto pa siyang sabihin – pabor na gustong hilingin. Pero iniwan ko na siya at tahimik akong lumabas ng banyo.

***

"PARANG IBUBUHOS NA ng langit ang lahat ng ulan ngayong gabi," komento ni Jane habang hinahanda niya ang mesa para sa hapunan naming tatlo nina Migs.

Magkatabi kaming naupo ni Jane, at katapat ni Jane si Migs sa kabilang upuan. Dumaan si Sunshine sa gitna namin. Tumagos siya sa mesa at sa mga pagkain, at naupo sa tabi ni Migs. Para na ring galing sa loob ng katawan niya ang mga pagkain tapos kakainin namin. Pasaway na multo! Hinawakan niya ang kamay ni Migs na 'di naman talaga niya totoong nahahawakan. Napatitig ako sa kamay nila. Pumapasok sa isip ko kung sinusubukan ba niyang magliliwanag ang kamay nila at magkakaroon siya ng katawan? Gusto niya na ba akong palitan bilang sinag niya?

Habang kung ano-ano ang iniisip ko, huli na nang mamalayan kong nakatingin sa 'kin si Sunshine maging sina Jane at Migs.

"Ayos ka lang ba, Lukas?" puna sa 'kin ni Jane.

Tumango ako. "Oo," sagot ko. "Hindi lang talaga ako makapaniwala na may kasama ako ngayon sa bahay na 'to. Hindi ba kayo natatakot?" sabi ko na lang.

"Exciting nga, eh. Alam mo bang matagal na naming gustong mag-ghost hunting dito ng mga barkada ko. Kaso 'di matuloy-tuloy," nakangiting sagot ni Jane. "At, hindi naman siguro kayo masamang tao?" pinasadahan niya kami ng tingin ni Migs.

"Ako, hindi," sagot ko. "Ewan ko sa kanya," pinukol ko ng tingin si Migs.

Ngumisi si Migs. "Nagkakilala na tayo, Jane. Alam mong hindi ako gano'n."

"Biro lang," natatawang pagbawi ni Jane sa sinabi niya.

Si Sunshine sinamaan ako ng tingin. Ngumiwi lang ako at sinamaan ko rin siya ng tingin. Ipinagtatanggol na niya ba ang lalaking 'yan? Ni 'di niya pa nga alam kung talagang mapagkakatiwalaan 'yan, eh. Hindi naman tamang ibase lang sa kapiranggot niyang naaalala ang pagkakilala niya sa Migs na 'yan! Mga rumihistrong kataga sa utak ko. Naalala ko bigla ang sinabi ni Sunshine na totoo niyang pangalan. Kanina, dahil sa selos, kaya binalewala ko 'yon. Ngayon ko lang naisip na napakahalaga no'n para sa kanya. Marinelle, usal ko sa isip ko habang nakatingin kay Sunshine. Mas gusto ko ang pangalang nakilala ko, no'ng magkakilala tayo... nagdesisyon akong 'wag siyang tawagin sa tunay niyang pangalan. Dahil para sa 'kin, siya si Sunshine – ang babaeng multong nakadilaw na ililigtas ko. Hangga't hindi pa tuluyang bumabalik ang alaala niya, mananatili siyang si Sunshine.

***

HABANG NILILIGPIT NI Jane ang mga pinamili ko kanina, nakita niya ang nakatago kong bote ng alak at ang mga lata ng beer. Nagkasundo silang dalawa ni Migs na uminom. Pumayag na rin ako para pampatulog. Ang isang bote ng long neck na brandy ang napili naming inumin dahil hindi malamig ang mga beer. Nagpahinga muna kami ng konti dahil kakakain pa lang bago magsimula. Nag-set kami sa sala, ginilid namin ang center table at sa sahig kami puwesto. Halos magkatabi kami ni Jane, si Sunshine, naupo sa tabi ni Migs. Kanina nang isara ko ang kurtina, nakita ko ang mga multo na nakatayo sa labas, tahimik silang nakatanaw lang sa bahay.

"Ayos lang ba sa inyo kahit hindi malamig ang tubig at kahit chichirya lang ang pulutan?" tanong ko sa dalawa nang magsisimula na kaming uminom.

"Ano ka ba, Lukas? 'Wag mo nga kaming intindihin," sagot ni Jane.

"Ayos lang, p're," tugon naman ni Migs. "Eh, ikaw? Kaya mo ba talagang uminom. O dapat siguro gamot sa sakit ng katawan o antibiotic ang inumin mo para sa mga sugat mo? Meron ako sa kotse."

"Kaya ko." sagot ko. "Mas gusto ko ngayon ang makatulog nang maayos. Pahinga lang 'to. At mukha namang hindi gano'n kalala ang mga sugat."

"Pero kanina talaga, akala ko mauubusan ka ng dugo at kailangan tahiin ng ibang sugat?" bakas ang pagtataka sa mukha ni Migs at pailing-iling pa siya. Ngumiti na lang ako. Sa totoo lang, kanina ko pa 'yon pinagtataka rin.

Nagsimula kaming mag-inuman. Tahimik kaming tatlong nagpapasahan ng baso. Hindi pa rin maalis ang pagkailang naming tatlo sa isa't isa kahit pa nakapag-usap na kami kanina. Nasa tabi ni Migs si Sunshine, parang gusto niya atang maging buntot ng lalaking 'yon. Pinukol ako ng tingin ni Sunshine, pero denedma ko na lang. Ininom ko ang alak na gumuhit ang pait sa lalamunan ko sabay kuha ng pulutan.

"Sumunod ka," pautos na sabi ni Sunshine nang tumayo siya at tinungo ang direksiyon papuntang kusina.

Sumunod naman ako. Baka kasi gumawa pa siya ng eksena habang meron kaming bisita.

"Bakit?" pabulong na tanong ko nang nasa kusina na kami.

"Hihingi ako ng pabor," bigla siyang tumiklop. Samantalang kanina, kung makautos siyang sundan ko siya, eh, wagas!

Pagbalik namin sa sala, ako na ang masamang makatingin kay Sunshine. Ang pabor na hiningi niya; gusto niyang alamin ko ang lahat nang tungkol kay Migs. Gusto niyang magtanong ako nang magtanong tungkol sa buhay nito noon at ngayon, at maging ang mga paboritong bagay na gusto nito. Hay, pambihira! Parang getting to know each other lang? Parang torture sa sarili ko ang gagawin ko. Parang nagiging tulay pa ako sa kanila para muling magtagpo ang nagkasalisi nilang tadhana. Pa'no naman ako? Pero sa totoo lang, gusto ko rin naman magtanong kay Migs lalo na tungkol kay Sunshine, gusto kong malaman ang totoo at kung totoo ang naaalala ni Sunshine.

"Matagal na ba kayong magkakilala?" tanong ko kina Jane at Migs.

Nagkatinginan muna silang dalawa bago sumagot si Jane. "Magkakilala. Pero 'di naman gano'ng as in magkakilala."

"Ang gulo?" sabi ko.

"Kilala lang naman kasi namin si Migs, ng mga tagabaryo, dahil madalas siyang pumunta rito sa baryo Madulom..." napansin ko ang pag-aalangan ni Jane na ituloy ang kung ano ang sasabihin niya at napasulyap siya kay Migs.

Uminom ng alak si Migs at bumuntong-hininga. "Nakilala nila ako, ng mga tagarito, magdadalawang taon na ang nakalipas, dahil sa isang trahedya..." malungkot ang mga mata ni Migs sa pagsisimula niya at nabuhay ang kuryusidad ko sa kuwento niya. Napatingin ako kay Sunshine, magdadalawang taon na siyang narito sa bahay at nabanggit ni Migs ang tungkol trahedya magdadalawang taon na ang nakalipas.