"SA BARYO MADULOM," sabi ko sa tricycle driver pagkasakay ko sa minamaneho niyang traysikel. Walang imik na nagmaneho ang drayber. Ni 'di ito nagtanong kung saan sa baryo Madulom. Katabi ko sa upuan si Sunshine. Kapwa diretso lang ang aming tingin.
"Ikaw na naman ang sinaktan ng multong 'yon. Lukas, sana hindi ka galit sa 'kin."
Nilingon ko si Sunshine sa sinabi niya. Bahagyang tumango ako at tahimik na ngumiti. Niyakap ko na ang tadhana kong maging sinag niya, kaya 'di ko siya dapat sisihin sa anumang posibleng masamang mangyari sa 'kin. Kahit pa may malakas na pitik na takot sa dibdib ko.
***
NAGKATINGINAN KAMI NI Sunshine nang lumagpas sa Hangganan ang pagmamaneho ng drayber. Buong akala ko ibababa ako ng drayber sa Hangganan. Na baka kilala niya na ako, na bagong tagabantay ng bahay ng mga Sinag kaya hindi na siya nagtanong kung saan ako sa baryo Madulom at dineretso niya ako. Pero 'di ko inasahang ilalagpas niya ako sa Hangganan. Tuloy-tuloy sa pagmamaneho ang mama. Malubak na ang dinadaanan namin kaya maalog na.
"Manong?" tawag ko sa drayber. Pero parang wala itong narinig at mas lalo pang binilisan ang paandar ng traysikel. Nakaramdam na ako ng kaba sa puntong 'yon.
"Lukas!" sigaw ni Sunshine nang biglang mabilis na iniliko ng drayber ang traysikel.
Nanlaki na lamang ang mga mata ko. Nablangko ako at 'di mawari ang gagawin o magiging aksiyon sa nakita kong nasa harapan namin – bubunggo kami sa malaking puno na may putol na sangang matulis ang dulo. Nilingon ko si Sunshine at nakita ko ang takot sa kanyang mukha. Kusang bumitiw ang mga kamay ko sa mga hawak nitong plastic bag ng mga groceries na pinamili ko. Kusa ring pumihit ang katawan ko at yinakap ko si Sunshine – prinotektahan ko siya sa panganib na nakaamba sa amin. Narinig ko ang malakas na tunog ng pagbunggo ng sinasakyan namin sa puno. May tunog ng nabasag na salamin at ang malakas na sigaw na daing ng drayber na bumagsak sa lupa. Naririnig ko rin ang malakas na tibok ng puso ko at ang kabog sa loob ng katawan ni Sunshine. Nakita ko ang mga tuyong dahon na naglaglagan mula sa mga sanga ng puno bago tuluyang maging madilim ang paligid ko.
***
"LUKAS! LUKAS! LUKAS, gumising ka!" narinig kong sigaw. Madilim pa ang paligid ko. Nakaramdam ako ng malakas na sampal sa mukha ko at nagpadilat sa 'kin. Nakakita ako ng liwanag, bagama't hindi gano'n kaliwanag dahil malapit nang gumabi, nagbigay sa 'kin 'yon ng kakaibang ginhawa lalo pa't nasa harap ko si Sunshine. Nakahandusay ako malapit sa traysikel at sa puno. Naramdam ko ang pananakit ng aking katawan. May kirot na kusang nagpaluha sa 'kin sa bandang likod ko. Hangos ako, naghahabol ng hininga at nararamdaman ang panghihina.
"Tayo! Tumayo ka!" nagulat ako sa sigaw ng isang matandang lalaki, si Mang Pedro, nasa likuran siya ni Sunshine. Dilat ang kanyang mga mata at itinuturo niya ako. "Tumayo ka, Lukas! Tumayo ka!" mas lumakas ang sigaw ni Mang Pedro at biglang nasa harap ko na siya na nakalutang sa hangin at halos magdikit ang aming mga mukha. May malakas na malamig na hangin na nagmula sa nakangangang bibig niya na nagpabalik sa ulirat ko.
Tumayo ako na nanginginig ang mga paa. Inalalayan ako ni Sunshine, hinawakan niya ang kamay ko at nagkaroon siya ng katawan.
"Bakit mo hinayaang lumabas ang liwanag?" may panunumbat na tanong ni Mang Pedro. Wala akong naitugon. Hindi ko alam ang 'liwanag' na tinutukoy niya. Pero pumasok sa isip ko na marahil si Sunshine 'yon. Lumingon si Mang Pedro sa bandang likuran namin. "Kailangan ninyong makabalik sa bahay bago maghari ang dilim," madiing babala niya.
Hinarap namin ni Sunshine ang tinitingnan ni Mang Pedro. Napaatras kami. Ang babaeng multong nakaberde, naglalakad palapit sa 'min.
"Bakit ba hindi niya kami tinitigilan?" tanong ko.
"Dahil kayo talaga ang pakay niya," sagot ni Mang Pedro.
"Kung kami ang pakay niya, bakit kailangan niya kaming saktan?"
"Dahil ang kamatayan ninyo, ang buhay niya."
Tila may madiing humawak sa puso ko. Nakaramdam ako ng labis na takot sa sinabi ni Mang Pedro. Nanginig ang buong katawan ko at muli kaming napaatras ni Sunshine nang magkulay itim ang mga mata ng multo.
"Takbo! Tumakas na kayo," muling paalala ni Mang Pedro.
"Pero paano siya?" tanong ko na ang tinutukoy ko ay ang nakahandusay na drayber na walang malay at duguan.
"Wala siyang silbi sa multong 'yan, at sa iba pang multo. Kinontrol lang ng multong sinusundan kayo ang lalaking 'yan para ipahamak kayo. Walang mangyayaring masama sa kanya. Sa inyo ang meron, kung hindi pa ninyo lilisanin ang lugar na 'to!" madiin ang pagkakasabi ni Mang Pedro sa mga huling salitang binitiwan niya at nilingon niya kami ni Sunshine. "Takbo!" sigaw niya at itinuro ang direksiyon patungon sa bahay ng mga Sinag.
Nagkaroon ng liwanag sa mga palad namin ni Sunshine nang maghawak kami ng kamay at nagkaroon siya ng katawan. Agad kaming kumilos upang makalayo. Pinilit naming bilisan ang pagtakbo sa abot ng aming makakaya. Naririnig namin ang bulong sa hangin ni Mang Pedro. Sinasabi niyang 'wag kaming magbitiw ni Sunshine dahil lakas, tapang at proteksiyon namin ang isa't isa. At ipapaliwanag niya sa 'min ang lahat basta't siguraduhin naming makaligtas.
Pinipilit kong bilisan ang pagtakbo ko hila si Sunshine – pero ako ang nahila niya. Hindi ako makatakbo ng maayos dahil sa mga pinsalang natamo ko at malubak pa ang daan. Huminto kami sa pagtakbo nang biglang lumitaw sa harap namin ang mga multong nagpupunta sa harap ng bahay. Nasa gilid sila ng daan at nakatingin sa 'min ni Sunshine. Nilingon ko ang humahabol sa 'ming multo – naglalakad lang siyang papalapit sa 'min. Pareho ang ekspresyon ng mukha niya sa iba pang multo. At marahil pareho rin ang intensiyon ng mga multo sa intensiyon niya sa 'min ni Sunshine. Nais nilang kaming saktan, ipahamak at mamatay.
"Lukas," tawag sa 'kin ni Sunshine at hinihila niya ang kamay ko para ipahiwatig sa 'kin na kailangan naming tumakbo kung gusto ko pang magkaroon ng hininga sa mundo.
Tumango ako kay Sunshine at muli kaming tumakbo. Muli kong pinilit bilisan ang paghakbang ko pero 'di talaga nakikisama ang katawan ko sa isip ko. Kundi lang dahil kay Sunshine, sa pag-alalay niya sa 'kin, marahil natumba na ako. Nanatiling nakatayo lang ang mga multo sa gilid ng daan habang sinusundan kami ng tingin. Nang lingunin ko ang babaeng nakaberde, patuloy pa rin siya sa paglalakad na nakayapak at sumusunod sa 'min. Sa totoo lang mas takot ako sa isang multong 'yon kumpara sa maraming multo sa harapan namin ni Sunshine.
Nang mapagitna kami sa mga multong nakatayo lang, humaba ang mga kamay nila tulad ng nagagawa ni Sunshine. Nanatiling blangko ang ekpresyon ng mukha nilang nakatingin sa 'min. Diniretso ko lang ang tingin ko at binalewala ang mga papalapit na mga kamay. Gusto nila kaming pigilan na makalayo at makapunta sa bahay kung saan may proteksiyon kami laban sa kanila. Nilakasan ko ang loob ko. Hindi puwedeng dito magwakas ang buhay ko! nasigaw ko sa utak ko.
Sinusubukan kaming pigilan ng mga multo sa pamamagitan ng paghawak sa 'min, pero 'di nila kami lubusang mahawakan. Tila may puwersang pumipigil sa kanilang mahawakan kami at mas nagliwanag ang magkahawak na kamay namin ni Sunshine. Pero nararamdaman ko ang lamig ng mga kamay nila at nararamdaman ko ang pagbigat ng aking katawan, may puwersa pa rin silang humihila at nagpapabagal sa pagtakbo namin.
Napapasigaw na kami ni Sunshine. Para kaming tumatakbo sa putik na nakalubog ang mga paa. May mga kamay rin kasing humahawak sa mga paa namin. Natatanaw na namin ang gate ng bahay. Pero parang mas lumalayo ito dahil sa lumalayong pag-asa naming makatakas sa kamay ng mga multo, hindi man nila kami lubos na mahawakan.
"Aaaaaahhhh!" malakas na sigaw ko para puwersahin ang sarili ko na ibigay ang buong lakas para makatakas.
Sumisigaw rin si Sunshine at isinisigaw niya ang aking pangalan. Mas tumindi pa ang liwanag ng mga palad naming magkadikit. Itinaboy no'n ang mga kamay at nakawala kami. Tumakbo kami ni Sunshine at pinilit makalayo. Pero mga ilang hakbang lang, may pumigil sa 'min. Hindi ako nakahinga. Nasa harapan na namin ang babaeng multong humahabol sa 'min at sinakal niya ako gamit ang humaba niyang kanang kamay. 'Di tulad sa ibang multo, nahahawakan ako ng nakaberdeng multo. Tumutusok pa sa leeg ko ang matatalim niyang mga kuko at naramdaman ko ang pagtulo ng dugo mula rito. Hindi na namin naging proteksiyon ni Sunshine ang isa't isa sa pagkakahawak-kamay namin. Marahil dahil sa kapwa na kami nanghihina. Inangat ako ng multo mula sa lupa at nabitiwan ko si Sushine.
"Lukas!" pag-aalala sa 'kin ni Sunshine.
"Tumakas ka na," pinilit kong magsalita.
Umiling si Sunshine at buong tapang niyang hinarap ang multong bihag ako. Pinahaba niya ang kanyang mga kamay at sinakal ito. Nanlisik ang mga mata ng multo sa ginawa ni Sunshine. Nakita kong nasaktan ito sa mahigpit na pagkakasakal ni Sunshine. Gumanti ito. Mabilis nitong pinahaba ang isa pa nitong kamay at sinakal si Sunshine. Lumaban si Sunshine at 'di siya bumitiw sa pagkakasakal sa multo kahit pa nakikita ko nang nasasaktan siya. Nakaangat pa rin ako sa lupa. Sakal ako ng multo at sakal ito ni Sunshine, at sakal din nito si Sunshine. Gusto kong muling sabihin kay Sunshine na tumakas na siya pero 'di ko na magawang magsalita. Nahihirapan na rin akong huminga at nanlalabo na ang aking mga mata. Tila wala nang dugong dumadaloy patungo sa utak ko sa higpit ng pagkakasakal ng multo sa leeg ko.
Pambihira! Katapusan ko na ba? Dito na ba matatapos ang buhay ko? Mamamatay na ba ako? Mga naiisip ko habang nakatingin kay Sunshine na pinipilit lumaban para sa kaligtasan naming dalawa. Pero pa'no siya... pa'no siya kapag nawala ako? Sino nang magliligtas sa kanya?