"NAKIKITA MO BA si Mang Pedro?" tanong ko kay Sunshine. Nakasilip kami sa bintana para tangkaing kausapin si Mang Pedro. Pero hindi tulad ng mga nakaraang gabi na nasa unahan siya sa mismong tapat ng gate, ngayon ay wala siya, 'di ko siya makita sa puwestong lagi niyang kinatatayuan.
Hindi agad sumagot si Sunshine. Pinagmamasdan niya nang maigi ang mga multo para hanapin si Mang Pedro na kanina niya pa ginagawa. "Hayun siya," biglang sabi niya.
Agad kong nakita si Mang Pedro nang ituro siya sa 'kin ni Sunshine. Hindi tulad ng ibang multong umuungol, nakasara ang bibig ni Mang Pedro at umiiling na nakatingin sa 'min. Tila may hudyat siyang gustong ipaalam o babala?
Nagkatinginan kami ni Sunshine. Balak naming lumabas para kausapin si Mang Pedro. Nararamdaman ko na rin ngayon na maaring may alam nga siya tungkol sa katauhan ni Sunshine. Naglakad kami papunta sa pinto. Muli kaming nagkatinginan nang hawakan ko ang doorknob. Pagbukas ko ng pinto, biglang umihip ang malakas na hangin at natumba kaming napaatras ni Sunshine. Buong nagbukas ang pinto at tumambad sa 'min ang mga multong nakapasok na sa gate. Nasa bakuran na sila ng bahay malapit sa terrace at mas malakas na ang nakakakilabot nilang ungol. At umaalingasaw ang amoy ng sunog at nabubulok na laman. Naramdaman ko ang panginginig ng buo kong katawan. Tila gumapang sa mga laman at buto ko ang nakakatakot na mga ungol at hindi ako makahinga at masuka-suka ako sa mabahong amoy.
Nilingon ko si Sunshine nang marinig ko ang iyak niya. Dilat na dilat ang mga mata niyang nakatingin sa mga multo. Tinakpan niya ang mga tainga niya at takot na takot na umiiyak. Nagmadali akong isinara ang pinto at kinandado ito. Napasandal ako sa pinto sa panghihina ng mga tuhod ko. Nanatili ang takot sa mukha ni Sunshine at nagsisigaw na siya sa pag-iyak.
"Sunshine? Sunshine, tahan na. Okay na," pagpapatahan ka sa kanya nang lapitan ko siya. Pero patuloy pa rin siya sa pag-iyak. Malakas pa rin naming naririnig ang ungol ng mga multo at naamoy pa rin ang bulok na amoy.
Binuhat ko si Sunshine patungong kuwarto at nilapag ko siya sa kama. Nakatakip pa rin ng mga kamay niya sa kanyang mga tainga. Umiiyak pa rin siya at nanginginig sa takot. Maging ako, takot rin. Nalapitan ko na ang mga multong 'yon. Pero kanina, iba ang naramdaman ko. Parang gusto nila akong kunin. Natakot ako para sa buhay ko. Pero habang pinagmamasdan ko si Sunshine, parang mas natakot akong hindi ko siya mailigtas – na hindi ko matupad ang hiling niyang sagipin siya. Hindi ko alam kung paano ako napunta sa sitwasyong 'to? Tinutulungan ko ang isang multo, na noon pa ma'y iniiwasan ko nang gawin. Hindi ko alam kung trip ko pa rin ba 'to para lang may magawa ako sa bahay na 'to. No'ng kasi parang nahiwagaan lang talaga ako kay Sunshine at gusto kong matuklasan ang hiwagang 'yon. Pero ngayon... pambihira, hindi ko alam!
Hinawakan ko ang mga kamay niyang nakatakip sa mga tainga niya. Sumilay ang liwanag at naramdaman ko ang pag-init ng kamay niya – buhay na buhay siya kong titingnan.
"Tahan na," sabi ko.
Tiningnan niya ako. Mas lalo akong nanghina nang mapagmasdan ko ang luhaan niyang mukha – at bigla ko na lang siyang niyakap. Hindi ko maintindihan ang sarili ko.
"Lukas," tawag sa 'kin ni Sunshine.
"Um?"
"Huwag mo akong iiwan," iyak niya.
"Hinding-hindi, Sunshine," sagot ko. Hindi ko alam, ba't gano'n ang naging tugon ko. Hindi ko alam kung dapat kong sabihin 'yon? Pero sa kabila ng mga katanungang gumugulo sa utak ko – "Pangako... hinding-hindi kita iiwan, Sunshine. Ako ang sinag mo. Narito lang ako lagi sa tabi mo..." 'yon ang mga nabitawang salita ko sa kanya – nagbitiw ako ng pangako.
***
NARIRINIG PA RIN namin ni Sunshine ang ungol ng mga multo – pero salamat at wala na ang mabahong amoy. Tumahan na siya. Hawak namin ang kamay ng isa't isa at magkatabing nakahiga sa kama. May mugto pa rin sa kanyang mga mata. Ngumiti ako na sinuklian naman niya ng matamis niyang ngiti. Nakakaramdam na ako ng panghihina. Pero titiisin ko, mawala lang ang takot niya.
"Matulog na tayo," sabi ko.
"Nararamdaman ko ang antok. Ngayon ko lang naramdaman 'to, Lukas," sabi niya.
Ngumiti ako. "Goodnight, Sunshine."
"Goodnight, Lukas..." nakangiting tugon niya.
Agad nakatulog si Sunshine. Antok na antok na rin ako at nanghihina pa. Pero hindi ko makuhang matulog. Nahuhumaling akong pagmasdan siya. Hinigpitan ko ang hawak sa kamay niya at bahagya akong kumilos paharap sa kanya. Inangat ko ang isa ko pang kamay at iginuhit sa mukha niya ang hintuturong daliri ko – mula sa noo niya, pinatulay ko sa ilong niya hanggang sa maninipis at mapupulang labi niya, at hinaplos ko ang pisngi niya. Nagpakawala ako ng malalim na buntong-hininga at nakangiting pinagmasdan lang siya. Hindi ako makapaniwala sa nakikita ako. Sino ba ang babaeng 'to? Ano siya? Natanong ko sa sarili ko.
"Matulog ka nang mahimbing, Sunshine..." bulong ko kinalaunan at ipinikit ko na ang aking mga mata.
***
LUMABAS AKO NG pinto bitbit ang dalawang tasa ng mainit na kape. Nakaupo si Sunshine sa hagdan ng terrace. Naupo ako sa tabi niya at inalok sa kanya ang isang tasa.
"Mainit ba 'to?" tanong niya nang hawak na niya ang tasa ng kape. Naisip ko, sobrang bigat siguro ng emosyon niya kaya madali niyang mahawakan ang mga bagay.
"Mainit na mainit," sagot ko. Iniliyad ko ang palad ko sa kanya para hawakan niya at magkaroon siya ng katawan, at maramdaman ang init ng kape.
"Mainit nga," nakangiting sabi niya. At inihipan niya ang kape. Sumayaw ang usok sa hangin mula sa tasa. Napapikit pa siya sa pagtama ng usok sa kanyang mukha.
"Cheers?" alok ko.
"Cheers!" sabay naming sabi nang pinagbunggo namin ang mga tasa ng kapeng hawak namin. Sabay kaming uminom ng kape ni Sunshine. Napangiti siya sa unang lagok niya ng kape.
"Ang sarap, ang init sa katawan," sabi niya.
Nagkatingin kami sa isa't isa at muling sabay na uminom ng kape. Nilingon namin ang langit na maliwanag na dahil sa sikat ng araw. Binabasag ng huni ng mga ibong nagpapalipat-lipat sa mga sanga ng punong-kahoy at ng iba't ibang uri ng mga insekto ang katahimikan ng lugar. Mga musikang magkakaiba ng tunog pero masarap pakinggan at nakakagaan ng pakiramdam. Tila humihinto ang oras sa mga ganitong pagkakataon. Bawal ang mga problema't alalahanin. Puro ngiti lang at sarap ng pakiramdam ang iisipin.
"Okay na ako. Puwede mo na akong bitiwan," may pag-aalalang sabi ni Sunshine. Napansin niya siguro na medyo nanghina ako sa pagkakahawak ng mga kamay namin.
"Okay lang," nakangiting sabi ko. "Kaya kong hawakan ang kamay mo ng mga apat na minuto. Ubusin mo 'yang kape mo, para mainitan ka." Nakangiting tumango siya.
Wala nang laman ang mga tasa namin na magkatabing nakalapag sa gilid ng hagdan kung saan nanatiling nakaupo kami ni Sunshine at ini-enjoy pa rin ang magandang bagong umaga. Hindi na magkahawak ang aming mga kamay, pero nararamdaman ko pa rin ang panghihina ng katawan ko na ayaw kong ipahalata sa kanya.
"Mamaya, susubukan kong muling kausapin si Mang Pedro," sabi ko.
"Mag-iingat ka," pag-aalala niya.
"Natatakot ka pa rin ba, dahil sa nangyari kagabi?"
Tumango siya. "Akala ko, kukunin na nila ako."
"Kagabi, wala si Mang Pedro sa mga multong pumasok sa gate. Nakita kong nasa labas pa rin siya at naramdaman kong nag-aalala siya para sa 'tin. Marahil tama ka na may alam nga siya, na siya ang susi sa mga nangyayaring 'to. Gusto kong alamin ang totoo at maliwanagan sa mga nangyayaring 'to sa 'tin. Dahil 'di ko pa rin talaga lubos na mapaniwalaan na posible ang lahat ng ito? Para akong pumasok sa loob ng horror na pelikula. Pero alam kong totoo 'to at 'di lang isang ilusyon." Nilingon ko siya. "Dahil nahahawakan kita – nararamdaman. At – "
"At?" tanong niya nang matigilan ako.
Umiling ako. "Wala," sagot ko. Ngumiti ako. "'Wag mong intindihin 'yon," sabi ko at muling hinarap ko ang kalangitan at malalim na lumanghap ng sariwang hangin. At pinapabilis mo ang tibok ng puso ko, nabulong ko sa sarili ko nang lingunin ko siya. 'Yon ang dapat na sasabihin ko sa kanya. Pambihira! Naguguluhan na talaga ako sa sarili ko, 'di lang sa mga nangyayaring 'to.
"Lukas, nagka-girlfriend ka na ba?" biglang tanong niya. Parang gusto kong mabulunan kahit wala naman akong kinakain. Pero napangisi na lang ako. Multong interesado sa love life ko?
"Bakit mo naman biglang natanong 'yan?"
"Wala lang? Gusto ko lang na mas makilala pa kita."
"Wala naman yatang saysay pang pag-usapan 'yon, kung nakaraan na?"
"Break na kayo?"
"Um," matipid na sagot ko. Talagang naiisip niya ang mga tanong na 'yon? Bigla ko tuloy naalala ang ex ko na mas pinili 'yong classmate naming nalilibre siya ng tanghalian.
"Nasaktan ka 'no? Bitter ka pa rin?" tukso niya sa 'kin. At alam niya talaga ang 'bitter' na tukso sa mga taong sinasabing hindi maka-move on at nasasaktan pa rin sa pag-ibig na 'di natuloy – pag-ibig na tinakasan ng tadhana.
"Hindi, ah!" depensa ko sa sarili ko.
"Eh, ba't hindi mo makuwento?"
"Parang ang baduy lang kasing pag-usapan, dahil tapos na rin naman 'yon."
"Gano'n ba talaga kayong mga lalaki? O ayaw n'yo lang na malaman naming mga babae, na nasaktan namin kayo at iniyakan n'yo kami, kaya ayaw n'yong pag-usapan ang past relationship n'yo?"
"Tsk! Tigilan mo nga ako," sabi ko at tumayo ako dala ang mga tasa para pumasok na sa bahay.
Hindi ko pa man nahahawakan ang pinto para buksan, napaatras na lang ako at nilingon si Sunshine. Humaba ang kamay niya at hinawakan ang doorknob para 'di ko mabuksan.
"Magkuwento ka," sabi niya at sinenyas ang ulo niya na maupo ako sa tabi niya.
Ngumiti na lang ako. Hindi ako nakaramdam ng takot o konting kaba sa ginawa niya. Parang nasasanay na ako sa mga nakakakilabot niyang mga nagagawa. Pero sumunod pa rin ako sa utos niya at naupo ako sa tabi niya, at muling nilapag sa sahig ang mga tasa. Naisip kong hindi rin ako titigilan nito hangga't 'di ko kinukuwento sa kanya ang tungkol sa buhay pag-ibig ko.
"Hindi naman sa ayaw kong pag-usapan dahil bitter pa rin ako o nasasaktan pa rin. Para sa 'kin kasi, past is past. Nakalipas na, 'di na puwedeng balikan. Sina mama at papa lang ang gusto kong balikan sa nakaraan ko – "
"Ano ba 'yan? Nililiko ang usapan?" bara niya sa 'kin sa pagsisimula ko ng kuwento.
"Hay, pambihira! Makinig ka lang," sabi ko. Sinamaan ko siya ng tingin. Pero gumanti siya at naging pula ang kanyang mga mata kaya muling humarap ako sa harap ko. Lakas manakot ng babaeng multong 'to, samantalang kagabi takot na takot naman siya. At parang wala siyang kailangan sa 'kin? Siya kaya ang may hinihinging pabor. Pambihira!
Narinig ko ang mahinang bungisngis niya. Nilingon ko siya at nakatingin siya sa 'kin. Napangiti na lang ako.
"Makuwento ka na," sabi niya.
"Mukhang matakaw ka sa mga kuwento, ha?"
"Isipin mo naman, magdadalawang taon akong walang kausap. Dalawang taong sarili ko lang ang kausap ko."
Tumikhim ako sa pagmugto ng mga mata niya. "Okay!" sabi ko. "Kahit boring at walang sustansiya ang buhay pag-ibig o love life ko, kuwento ko na rin sa 'yo. At para na rin 'wag mong isiping bitter pa rin ako sa ex ko."
"Ano munang pangalan niya?" tanong niya.
"Hindi naman halatang 'di ka mapakapaghintay?" sarkastikong sabi ko. "Isabelle ang pangalan niya, pero 'Iya' ang tawag sa kanya dahil 'yon ang palayaw niya. Kaklase ko siya, parehas ang kursong kinuha namin sa kolehiyo."
"Ano'ng kurso n'yo?"
"Pambihira! Sasabihin ko naman, patapusin mo na lang kasi ang kuwento ko."
"Okay," tumulis pa ang nguso niya sa sinabi niya. Napangiti ako. Siguro makulit ang babaeng 'to no'ng nabubuhay pa?
"Parehas naming gustong magturo, pagiging teacher ang kinuha namin. Isang linggo pa lang sa unang taon, nagkakilala na kami at naging malapit sa isa't isa. Siguro dahil parehas kaming laki sa hirap at kapwa may utak. Kami ang pinakamatalino sa klase –"
"Ikaw, matalino?" singit na tanong niya na medyo may pang-aasar!
Tiningnan ko siya at pinanliitan ng mga mata. "Itutuloy ko pa o hindi na?" may pagkadismayang tanong ko.
"Tuloy na," sabi niya.
Tinuloy ko ang kuwento ko. "Naging malapit kaming magkaibigan ni Iya, hanggang magkagustuhan. Niligawan ko siya, hanggang maging kami na. Hanggang nagkahiwalay matapos ang ilang buwan. 'Yon, the end!" pagtatapos ko ng kuwento ko.
"Ano ka ba? Idetalye mo naman!" sita niya sa 'kin at pinalo niya ako sa braso. Hindi niya ako nahahawakan, pero may puwersa pa rin siya bilang multo kaya natatamaan niya ako at nasaktan sa ginawa niya.
"Sakit no'n, ah!" daing ko habang himas ang braso kong pinalo niya.
"Umayos ka kasi. Ano kaya 'yon, 'the end' agad? Ano'ng nangyari ba't kayo naghiwalay?"
"Oo, na. Okay, ikukuwento ko na," asar na sabi ko hawak pa rin ang braso ko.
Pinagtawanan niya ako. Malakas ang tawa niya na parang ang sakit na ng tiyan niya. Napangiti ako at pinagmasdan siya. Ang sarap niyang tingnan sa gano'ng eksena. Wala ang takot, ang lungkot, at luha sa kanyang mukha. Maaring makulit nga siya no'ng nabubuhay pa siya, pero parang ang sarap niya sigurong kasama? 'Yon ang nararamdaman ko ngayon. Ako na marami ring dilim na pinagdaanan sa buhay, tila liwanag na ang kinaroroonan dahil sa kanya.
"Bakit, Lukas?" tanong niya. Nakangiting nakatitig lang kasi ako sa kanya.
"W-Wala," sagot ko at umayos ako ng upo. Tumikhim ako para muling magsimula ng kuwento. "Ilang buwan din naging kami ni Iya. Naging masaya kami at minahal ko talaga siya. Naramdaman ko rin ang pagmamahal niya. Pero gano'n talaga siguro. Kung kayo, 'di kayo. Kung hindi, 'di hindi.
"Second sem no'n, may transferee na naging kaklase namin, si Kristhian. Naging kaibigan namin siya, naging malapit sila ni Iya. Lagi niya kaming nililibre ng tanghalian, may pera siya, eh. Lumipas ang ilang linggo, naging malamig ang pakikitungo sa 'kin ni Iya, at napansin ko ang pagiging malapit nila ng gagong 'yon."
" 'Di ka nga bitter," singit niya. Sinamaan ko siya ng tingin. "Sige, tuloy," sabi niya lang.
"Ayun, nabasa ko na lang sa cell phone ni Iya ang mga text nila sa isa't isa. Nagsasabihan na sila na mahal nila ang isa't isa."
"Masakit?"
"Oo."
"Nagalit ka sa kanila?"
Umiling ako. "Hindi," sagot ko. "Nagalit ako sa sarili ko, dahil mahirap lang ako. Dahil hanggang do'n lang ako."
"Baka naman, mas guwapo lang sa 'yo 'yong lalaki?"
Nilingon ko siya. "Sa 'kin?" itinuro ko ang sarili ko. "Isang milyon kaya ang lamang ko sa paligo do'n," may pagyayabang na sagot ko. Dahil totoo naman. Hindi ko naman talagang tiningnan no'n na guwapo ako. Pero 'yon ang sinasabi ng mga kaklase namin – na hamak naman na mas may hitsura ako kay Kristhian, at siguro pera lang ang habol ni Iya. Pero hindi ko naman tiningnan ang posibilidad na 'yon. May sadyang nakalaan lang talaga para sa 'yo, at may hindi. At ang ex ko, hindi siya ang nakalaan sa 'kin.
Pinagmasdan ni Sunshine ang bawat angulo ng mukha ko. Para niyang sinusuri at may hinahanap na kung ano. "Hindi ka mayabang, Lukas. Tigas ng mukha mo," sarkastikong sabi niya. Lokong multo 'to!
"Hindi ka naniniwala sa 'kin? Hindi ka naguwa-guwapuhan sa 'kin?" tanong ko. "Piling ko nga, type mo ako kaya mo ako kinulit pagkadating ko pa lang dito, eh?"
"Ang yabang mo, Lukas! Over my dead body!"
"Dead ka na kaya," nakangiting sabi ko.
"Ituloy mo na nga lang ang kuwento mo," sabi niya.
"Tapos na 'yon, the end na," sabi ko.
"Nakipaghiwalay siya sa 'yo?"
"Hindi. Ako ang nakipaghiwalay. Inunahan ko na. Para hindi ako magmukhang kawawa. Pero siyempre, masakit. Iniyakan ko rin kaya 'yon. Pero dumaan ang mga araw, buwan, natawa na lang ako. Nawala na ang sakit. Gano'n lang. The end." At pormal kong tinapos ang kuwento ko – kuwento ng una kong pag-ibig, na 'di ko masasabing 'first love never die'. Dahil para sa 'kin, wala na talaga.
"Ang tindi ng babaeng 'yon! Sarap multuhin!"
Napangiti ako sa sinabi ni Sunshine. "Sa totoo lang, naisip ko 'yon. Pero hinayaan ko na lang talaga sila," sabi ko. Naisip ko talagang ipamulto sina Iya at Kristhian. Lalo na kapag nakikita ko silang masaya. May multo pa naman do'n sa paaralan namin na palakad-lakad sa pasilyo. Pero 'di ko tinuloy ang iniisip kong 'yon, dahil ayaw ko ngang malaman ng mga multong nakikita ko sila.
"Sino ang mas maganda sa 'min ni Iya?" biglang tanong niya.
Nilingon ko siya at pinagmasdan. "Siya," diretsong sagot ko na nagpatulis ng nguso niya.