Chereads / Saving my Sunshine (tagalog) / Chapter 4 - KABANATA 4

Chapter 4 - KABANATA 4

PATULOG NA SANA ako nang marinig ko ang nakakabahalang mga ungol mula sa labas. "Aaaaaaaaaahhhh!" narinig kong mahabang mga ungol na walang patid. Ungol ng mga bata't matanda, babae at lalaki.

Mas lalong lumakas ang mga ungol nang lumabas ako ng kuwarto, na parang nasa loob lang ng bahay ang mga ingay. Sinilip ko sa bintana ang pinagmumulan nito. Ungol ng mga multo mula sa labas ng gate – panaghoy ng mga kaluluwang nahihirapan. Napaatras ako nang sabay-sabay na nilingon ng mga multo ang direksyon kung nasaan ako sa loob ng bahay. Nakanganga ang mga bibig nila.

"Lagi ba silang ganyan?" tanong ko sa babaeng multong nakadilaw na kasama ko sa bahay, na naabutan ko nang nakatayo sa tapat ng bintana pagkalabas ko pa lang ng kuwarto.

"Ngayon lang sila ganyan," sagot ng multo.

"Pero lagi ba silang nand'yan, tuwing gabi?"

"Noong mga nakaraang araw lang, bago ka dumating."

"Natatakot ka sa kanila?" tanong ko nang mapaatras siya.

Nilingon niya ako. Mababakas ang takot at pagkabahala sa mukha niya. "Hindi ko alam?... Hindi ko alam..."

Nagkatinginan kami. Nakakapagtaka. Multong takot sa multo? Mas nakakatakot pa nga siya kanina nang mapunit ang bibig niya kaysa sa mga multo sa labas. May luhang tila nagbabadyang pumatak mula sa kanyang mga mata. Pero kaya bang lumuha pa ng tulad nila? Muli siyang tumanaw sa labas kasabay ko. Patuloy pa rin sa pag-ungol ang mga multo na animo'y nagsusumamo sa kung ano? At nakatingin sila sa direksyon kung nasaan kami.

***

"SERYOSO?" DISMAYADONG SAMBIT ko nang tingnan ko ang oras sa cell phone ko – alas-dose ng hatinggabi. Hindi pa rin humihinto ang mga ungol ng multo sa labas. At ngayon hindi lang ang mga ungol na 'yon ang naririnig ko, pati ang iyak ng babaeng multong kasama ko sa bahay. Wala siya sa loob ng kuwarto, pero malinaw kong naririnig ang hagulhol niya na binabalot ang kabuuan ng bahay.

May takip na ang tainga ko ng earphone pero dinig na dinig ko pa rin ang mga ingay ng multo. Napatagilid ako at tinakpan ng unan ang ulo ko, pero naririnig ko pa rin sila. Pambihira naman!

***

KINABUKASAN, MATAPOS KONG mag-almusal at bigyan ng tirang pagkain ang puting asong maagang bumisita sa 'kin sa labas ng bahay, tinawag ko mismo ang babaeng multo para magpakita sa 'kin. Gusto kong malinawan sa mga nangyayari. Alam kong may hindi tama sa lahat. At hindi puwedeng laging ganito, na halos wala akong tulog dahil sa ingay ng mga multo. Madaling-araw na ata huminto ang mga ungol at ang iyak ng babaeng multong 'yon?

Hindi nagpakita ang multo sa halos kalahating oras na pagtawag ko sa kanya. Napangisi na lang ako. Kung may ayaw kang makita, makikita mo. Kung may gusto kang makita, hindi magpapakita sa'yo. Bakit kaya gano'n sa mundo?

Muli akong lumabas ng bahay. Nadatnan kong nasa sahig sa labas ng pinto ang aso. Naupo ako sa hagdan ng terrace na may tatlong baitang, na bubungad sa 'yo bago ka makapasok sa bahay. Halos katapat lang ng pinto ng bahay ang hagdan. Sa gilid ng pader ng bahay at sa tapat ng terrace, may mga sunflower na tanim. Nakaharap sa araw ang mga ito. Maganda silang pagmasdan, nalalamon nga lang ng bukid sa paligid. Naalala ko ang keychain na sunflower kasama ng mga susi ng bahay. Marahil talagang tanim dito ang mga sunflower. Pinagmasdan ko ang paligid. Ingay ng mga insekto at huni ng mga ibon ang musika ko. Huminga ako ng malalim kasunod ng pagmugto ng mga mata ko. Isa na siguro ang lugar na 'to sa pinakamalungkot na lugar sa mundo.

Dumaan sa gilid ko ang aso at tuloy-tuloy na lumabas sa sirang bahagi ng gate.

"Cho-cho." Bigla kong narinig na tinig.

"Ha?" tanong ko sa nakaupong babaeng multong bigla na lang lumitaw sa tabi ko.

"Cho-cho, ang pangalan ng asong 'yon. 'Yon ang tawag ng matandang dating nagbabantay sa bahay na 'to sa asong 'yon... Namatay siyang hindi ko man lang nalaman ang pangalan niya. Isa sa mga multong pumupunta rito sa gabi ang matandang 'yon."

"Pedro. Siya si Mang Pedro."

"Kilala mo ba siya ng personal?" tanong niya.

"Hindi. Sinabi lang sa 'kin" sagot ko. "Hindi ka niya nakikita?" tanong ko.

"Hindi. Hindi niya rin ako naririnig, kahit tinatawag ko siya. Pero alam kong nararamdaman niya ako. Lagi siyang nagsasalita mag-isa, at alam kong ako ang kinakausap niya. Lagi niyang sinasabi sa 'kin na hintayin ko ang 'sinag', ang sinag kong sasagip sa 'kin."

"Ano'ng ibig sabihin no'n?"

"Hindi ko alam. Pero alam kong may gusto talaga siyang sabihin sa 'kin."

"Ba't hindi mo siya kausapin ngayon? Nakikita ka na niya, 'di ba? Multo na rin siya tulad mo, kaya puwede na kayong mag-usap."

"Hanggang dito lang ako."

"Ano'ng ibig mong sabihin?"

Tumayo siya at humakbang pababa sa huling baitang ng hagdan. Inangat niya ang kanyang mga kamay at may kinapa siya sa hangin.

"Hindi ko magawang makaalis sa bahay na 'to. May kung anong harang o puwersang pinipigilan ako."

Mas lalo akong nahiwagaan sa multong kaharap ko sa sinabi niya. Napatitig ako sa malungkot niyang mukha – sa napakaganda niyang mukha. Parang gusto ko siyang yakapin at sabihin sa kanyang 'wag na siyang malungkot. Ang werdo ng pakiramdam ko.

Napalunok ako nang tingnan niya ako. Napatulala ako sa tingin at ganda niya. Nilipad-lipad ng hangin ang mahaba niyang itim na itim na buhok at ang suot niyang dilaw na bestidang lagpas tuhod. Mas lalo pang lumutang ang ganda niya nang tamaan siya ng sikat ng araw.

"Ako si Sunshine," sabi niyang bumasag sa katahimikan.

"Ha?"

"Sunshine, ang pangalan ko," ulit niya.

Napatitig lang ako sa kanya. At muling namayani ang katahimikan.

"Lukas, maaring ikaw ang sinag ko na tinutukoy ng matanda?" pagbasag niya muli sa katahimikan na binigyan ako ng kaba.

"A-Ano?! Ako?" napatayo ako at napaatras. Mukhang ito na ang iniiwasan ko. May multo nang hihingi ng tulong ko.

Humakbang siya palapit sa'kin. "Maaring ikaw 'yon. Ang sinag na sasagip sa 'kin."

"Ano ba'ng pinagsasabi mo? Dahil ba Sinag ang apelyido ko, kaya ako na? Kalokohan." tinalikuran ko ang multo at humakbang ako papasok ng bahay. Kaso bigla siyang napunta sa harap ng pinto at nagbago ang anyo niya. Mas nakita ko ang halimaw niyang anyo dahil sa liwanag ng araw. Napalunok ako sa kilabot na naramdaman ko.

"Makinig ka!" madiing sabi niya.

"O-Okay..." para akong mapapaluhod sa panlalambot ng mga tuhod ko.

Nagbago ang anyo niya at muling naging magandang dalagang may napakalungkot na mga mata. "Maaring buhay pa ako. Maaring ikaw ang susi sa bagay na 'yon. Hindi ko alam, pero maaring ikaw ang tagapagligtas ko, Lukas."

"Pero isang malaking kalokohan, dahil multo ka na lang. Patay ka na."

"Pero ang sabi ng matanda, ni Mang Perdo, maghintay ako sa sinag ko na sasagip sa 'kin. Maaring ikaw ang magligtas sa 'kin, Lukas. Maaring buhay pa ako. Nararamdaman ko 'yon."

"Pero lahat ng multong hindi makatawid sa kabilang buhay, 'yan ang sinasabi. Na buhay pa sila. Na hindi pa sila patay."

"Pero pa'no kung totoo? Madalas banggitin 'yon ni Mang Pedro, na maghintay ako. Madalas niyang sabihin 'yon kapag nandito siya at naniniwala ako sa kanya."

"Pa'no kung nasisiraan na ang matandang 'yon? Pa'no kung dala lang ng katandaan niya, kaya kung ano-ano ang sinasabi niya?"

"Pa'no kung hindi?... Lukas, gusto kong maalala ang lahat ng tungkol sa 'kin. Kung sino ako? Kung ano ang buhay ko? Gusto kong magkaroon ng pagkatao." Mas lalo akong naguluhan sa mga sinabi niya. "Wala akong maalala sa nakaraan ko. Basta nagising na lang ako sa bahay na 'to, magdadalawang taon na ang nakalipas."

"Pero, 'di ba, sabi mo ikaw si Sunshine?"

"Binigay ko lang sa sarili ko ang pangalang 'yon, para kahit paano may matawag ako sa sarili ko. At dahil sa kanila." Nilingon niya ang mga bulaklak ng mga sunflower. Hindi ko napansin na nakaharap na pala sa 'min ang mga bulaklak. "Sa tuwing umagang lumalabas ako rito, nakaharap sila sa 'kin. Napapangiti ako sa tuwing narito ako. Panandaliang nawawala ang kalungkutan ko. At pakiramdam ko, natutuwa rin silang narito ako. Na ako ang nagbibigay ng liwanag sa kanila, tulad ng araw..." hinarap niya ako. "Alam ko ang mga bagay-bagay, ang pinto, bintana, ang sombrero at shades na laging suot mo, maging ang TV na wala sa bahay na 'to, alam ko 'yon. Alam ko ang hitsura no'n. Alam ko ang ibig sabihin ng 'sunshine', na pagbibigay ng ngiti at liwanag, kaya iyon ang ipinangalan ko sa sarili ko... Pero hindi ko alam kung ano ako? Kung multo ba talaga ako o ano? Dahil wala akong maalala. Ang tanging alaala ko lang, ay nang magising ako sa bahay na 'to. Ni hindi ko alam ang hitsura ko, dahil hindi ko makita ang sarili ko sa salamin..."

"Isa kang napakagandang babae..." mata sa mata kong nasabi sa kanya ang mga salitang 'yon. At hindi ko alam ba't lumabas sa bibig ko 'yon.

Ilang segundong nakatingin lang kami sa isa't isa.

"Tulungan mo ako," muli na namang pakiusap niya.

"Pero... Okay. Sabihin na nating buhay ka nga. Na mabubuhay ka. Pero pa'no kung hindi ako ang 'sinag' na 'yon na tinutukoy mo? Pa'no kung hindi ako ang sasagip sa 'yo?"

"Nararamdaman kong ikaw 'yon. No'ng una, akala ko ang batang nasa litrato na si Emmanuel Jose Sinag, ang sinag ko. Pero nang dumating ka, nakita ko ang liwanag sa 'yo."

"Baka 'yong flashlight ang nakita mo?"

Sinamaan niya ako ng tingin at naging pula ang mga mata niya. Kaya tumahimik na lang ako.

"Iba ang naramdaman ko nang makita kita. Nalaman ko agad na espesyal ka at nakikita mo ako. Kaya nga kita kinulit at tinatanong kung ano ang pakay mo rito? Pero mukhang wala kang alam tungkol do'n? Pero sana paniwalaan mo ako. Oo, kalokohang pakinggan. Pero hindi pa ako naloloka. Nararamdaman kong hindi pa ako patay."

"Narito lang ako para bantayan ang bahay na 'to."

"Maaring tadhana kung bakit ka narito. Tadhana ang nagdala sa 'yo sa bahay na 'to."

"Tadhana? Isang multong naniniwala sa tadhana?" napangisi ako sa kalokohang sinasabi niya. Piling ko nantitrip lang ang multong 'to. "Ang gurang kong lolong matapobre ang nagpadala sa 'kin dito. Siya ang dahilan kung bakit ako narito sa bahay na 'to!" napalakas ang boses ko.

Pinagmasdan lang ako ng multo. Akala ko muli siyang magbabago ng anyo para takutin ako. Pero hindi. Lumuha siya. Dumaloy ang mga luha niya sa malungkot niyang mga mata.

"Bakit mo ako hinahanap kanina? Bakit gusto mo akong makausap?" tanong niya.

"Dahil gusto kong malinawan tungkol sa mga multong pumupunta rito? At... at kung bakit ka umiiyak kagabi?" sagot ko.

Saglit niya akong pinagmasdan bago siya sumagot. "Wala akong alam sa mga multong 'yon. Gaya ng sabi ko, ilang araw bago ka dumating, nagpupunta na sila rito sa tuwing gabi. At kagabi lang nila ginawa ang pag-iingay nila... At kung bakit ako umiiyak? Hindi ko eksaktong alam? Mula nang magising ako sa bahay na 'to, lungkot agad ang naramdaman ko. Mag-isa ako at nakakulong sa madilim na bahay na 'to. Hindi ko alam kung sino at ano ako. Wala akong maalala sa nakaraan ko. Siguro 'yon?" Patuloy lang sa pagpatak ang mga luha niya. "Nang magsimulang pumunta ang mga multo rito sa gabi, nakaramdam na rin ako ng takot. At kagabi, sobrang takot ang naramdaman ko sa mga ungol nila. Na para akong hinihila sa isang napakadilim na hukay. Pakiramdam ko gusto nila akong saktan... Pinanghahawakan ko ang naririnig kong sinasabi ni Mang Pedro, kaya nagagawa ko pa rin ngumiti sa kabila ng matinding kalungkutang bumabalot sa puso ko, na nabalot na rin ng takot. Nang dumating ka, nakaramdam ako ng pag-asa at nakita ko ang liwanag. Kaya iniisip kong ikaw ang sinag ko. Na ikaw ang sasagip sa 'kin..."

Tumalikod siya at tiningnan ang mga sunflower. Sa mga sinabi niya, nakaramdam din ako ng matinding kalungkutan. Pero hindi ko pa rin lubos na mapaniwalaan ang lahat. Posible bang may mabuhay pang multong gala sa loob ng dalawang taon?

"Pakiramdam ko nauubusan na ako ng oras," pagpapatuloy niya. "Kaya hinihingi ko na ang tulong mo. Noong mga nakaraang araw, napansin ko ang pagkonti nila. May mga namamatay na halaman. Pakunti nang pakunti ang mga bulaklak ng sunflower. Pakiramdam ko, kapag naubos sila, mawawala na rin ako. Ayaw kong mawala na hindi ko man lang nalaman ang tunay kong pangalan at kung sino ba talaga ako. At pakiramdam ko hindi pa ako dapat umalis dahil may naghihintay pa sa 'kin – mga taong nagmamahal sa 'kin na hinihintay ang pagbabalik ko." Muli niya akong hinarap. "Hindi ba talaga ikaw ang sinag ko, Lukas?"

Hindi ako agad nakasagot. Naramdaman kong gusto ko siyang damayan sa pinagdaraanan niya at ramdam ko ang kalungkutan niya. Iniisip kong baka totoo nga ang mga sinasabi niya, pero sa kabilang banda ng isip ko, may sumisigaw na malaking kalokohan lang ang lahat ng ito.

"Sorry..." napayuko ako nang sambitin ko sa kanya nag salitang 'yon. Hindi ako makatingin ng diretso sa kanya. Hindi ko ba talaga siya pinaniniwalaan o ayaw ko lang paniwalaan siya dahil naduduwag ako? Pa'no kung totoo ang sinasabi niya na posibleng maligtas ko siya? Pero pa'no kung buhay ko naman ang kapalit at ikapahamak ko 'yon?

Sa pag-angat ko ng tingin ko, wala na siya sa harapan ko.