— Simula —
"Ang akusado na si Minnie Aguirre ay napatunayang nagkasala at hinahatulan ng hukumang ito ng habang buhay na pagkabilanggo sa salang pagpatay kay..."
Muling nag-echo sa pandinig ni Minnie ang hatol ng korte na siyang tumapos sa kanyang kalayaan. Matapos niyang mahatulan kanina ay ngayon din mismo ang kanyang schedule na ilipat sa Serezo Penitentiary. May dalawang oras na rin siguro ang haba ng ibinabiyahe nila kaya nakakaramdam na siya ng hilo. Wala siyang ginawa kundi tanawin ang mausok na kalsadang kanilang binabagtas lulan ng sasakyang naghahatid sa kanya roon.
Batid ni Minnie na hindi maganda ang reputasyon ng Serezo Penitentiary dahil sa pamamalakad ng mga tiwaling may ranggong ka-pulisan at maging ng mga high-profile inmates doon. Hindi niya alam ang magiging buhay niya sa loob ng bilangguan pero ngayon pa lamang ay nasisiguro niyang hindi iyon magiging madali.
—