Masayang tinapos ni Madison ang interview kay Jeyrick para sa Menaliyam Festival, ang festival para sa Kadaclan. Di nawawala ang mga fans na kumukuha ng picture sa binata na siyang tampok para sa event na iyon.
Popular ang Menaliyam Festival dahil na rin sa pagsikat ni Jeyrick. Sa kabila ng kasikatan ay di nito kinalimutan ang pagbalik sa tribo nito. Ipinagmamalaki nito ang kultura ng mga taga-Kadaclan at ang lahing pinagmulan kaya naman na lalong dumami ang tagahanga nito at gusto itong makita sa lugar na mismong pinagmulan nito. At ngayon ay makisig ang binata sa suot na traditional G-string o bahag.
"Nakaka-miss din na ikaw ang nag-i-interview sa akin. Di ako kinakabahan," sabi ni Jeyrick nang matapos ang interview.
"Kinakabahan ka pa rin hanggang ngayon?" natatawa niyang tanong sa lalaki.
Kinabog nito ang sariling dibdib. "Di naman mawawala ang kaba. Iba pa rin siyempre kung kakilala ko at nakakaintindi sa akin. Di na ba talaga kita maisasama pabalik ng Manila?"
"Alam mo naman kailangan din ako dito," sabi niya.
"Di mo siya maiwan," anito at ngumuso kay Lerome.
Nakasuot ng slacks ang lalaki at long sleeve polo. Medyo pormal ito ngayon dahil ito ang representative ng tourism ng Barlig. Dahil na rin sa pagtutulungan ng lahat sa pagpo-promote ng turismo ay dinadagsa na ng mga turista di lang ang Barlig kundi maging ibang bahagi ng Mountain Province. Di madamot si Lerome sa pagse-share ng ideya sa ibang munisipalidad para mas maitampok ang tourist spots ng mga ito.
Marami ang nagsasabi na hibang daw siya na iwan ang magandang trabaho niya sa Maynila. Halos sabunutan nga siya ni Reda Belle nang malamang pinili niyang magtrabaho sa turismo kaysa magpatuloy sa umuusbong na career sa Maynila.
"Hindi ako nanghihinayang sa desisyon ko, Jeyrick. Masaya ako kasama siya. Di man ganoon ka-hectic ang schedule ko pero nagagawa ko pa rin ang gusto ko. Isinusulat ko ngayon ang isang blog about tourism. Tungkol sa pag-alis-alis namin ni Lerome. It is starting to pick up readers. 'Yung iba nga pumunta dito ngayon. At masaya rin ako na i-accommodate ang mga guest sa Eagle's Point. Marami rin akong natututunan sa mga guest namin na galing sa iba't ibang lugar. It was fun and chill. No pressure. Pakiramdam ko healty para sa akin ang buhay ko ngayon."
Pinisil ni Jeyrick ang balikat niya. "Masaya ako para sa inyo."
"Ikaw, kumusta ang love life?"
Lumungkot ang mga mata nito at iniwas ang mga mata. "Okay lang."
Hindi na ipinilit ng dalaga. Masyado nang personal ang buhay ni Lerome. Kahit naman noon ay di ito nagkukwento sa love life nito.
Matapos ang interview ay pinuntahan niya si Lerome. Tumaas ang kilay niya nang makita ang ibang mga turista na nagpapa-picture dito. "Pwedeng makuha ang number mo saka Facebook mo?" tanong ng isang babae na naka-midriff blouse kahit na nasa bundok sila at malamig.
"Ako rin ha? Para ma-send ko ang selfie natin."
"Pwede ninyong i-send sa page namin ng Barlig ang pictures," sa halip ay sabi ni Lerome. "Enjoy your stay here."
Nakita niya ang panghihinayang ng mga kababaihan. At ngising-ngisi si Lerome nang lumapit sa kanya. "Kumusta ang interview?"
"Great. Ie-edit ko na mamaya para mai-upload na sa page. Di mo naman sinabi sa akin na di lang pala si Jeyrick ang dinudumog ng turista dito."
"Iyon ba?" Natatawang isinuklay ni Lerome ang daliri sa buhok. "Pinagbigyan ko lang magpa-picture pero di ko ibinigay ang number ko o Facebook ko."
"Very good. Kasi lagot ka talaga sa akin," aniya at pinanlakihan ito ng mata.
"Sa palagay mo ba ipagpapalit kita?"
Umiling si Madison. "Hindi. Kasi alam ko ako lang ang mahal mo."
Hinawakan ni Lerome ang kamay niya. "Sana si Jeyrick din makahanap ng babae na magmamahal sa kanya nang totoo."
"Meron iyan. Kailangan lang niyang mamili nang tama para maging masaya," makahulugang sabi ni Madison.
Sa tamang desisyon kaya natagpuan ni Madison ang tunay na pag-ibig. At umaasa siya na ganoon din si Jeyrick. Na tama ang piliin ng puso ito para maging masaya.