"REI, nood naman tayo ng sine mamaya. Sweldo naman natin, di ba?" yaya sa kanya ni Edmarie nang tawagan siya nito sa opisina. "Maraming magagandang palabas ngayon. Sayang naman kung di tayo makakanood kahit na isa."
"Wala ako sa mood manood ng sine. Ikaw na lang," aniya sa malamig na boses. "Nakatambak pa ang trabaho ko dahil di pa bumabalik si Ma'am Dafhny."
"Gusto ko lang naman na gumaan ang mood mo. Ilang araw ka na kasing parang mainit ang ulo. Di mo naman period, di ba?"
"Basta pabayaan mo lang ako. Wala lang talaga ako sa mood."
Mula nang dumating si Hayden sa buhay niya, nagkawindang-windang na ang utak niya. Dahil sa pag-aaway nila, tuluyan nang naglaho ang masayahing Rei. Di lang tuwing nasa paligid si Hayden siya nagsusungit. Pati na rin ibang tao ay nadadamay. She didn't really feel good about her self.
"Ano ba talaga ang problema mo, Rei? Akala ko ba mas magiging okay ka na dahil nasabi mo na kay Hayden na ayaw mo sa kanya. Hindi ka naman na niya ginugulo, di ba? Basta nagtatrabaho lang kayo."
"It's not about Hayden, alright!" pasigaw niyang sabi at binagsakan ito ng telepono. But it was all about Hayden really.
Nato-torture lang siya tuwing nakikita ito. Maya maya ay pupunta na naman siya sa riding club para mag-supervise sa renovation ng Lakeside Café and Restaurant. Magkikita na naman sila ni Hayden.
She couldn't kick him out of her life. May pagkakataon na gusto niyang magalit dito pero di niya magawa. Pilit niyang isinasaksak sa isip niya na ginagamit lang siya nito. Ginagamit lang nito ang ibang babae.
Pero nakita niya na di nito kailangang manggamit ng mga babae para mabuhay. He had his own name. Ito rin ang kusang nilalapitan ng mga babae. Masyado ba siyang malupit para akusahan ito na nanggagamit ng mga babae para pagtakpan ang kahinaan nito? O masyado lang siyang natatakot na nahuhulog na naman ang loob niya dito at wala siyang magawa?
Siya ba ang may kinatatakutan at hindi ito?
"Mukhang napagod ka sa kabibiyahe mo mula dito at sa riding club. You look pale." She was startled when she saw Hayden's face right in front of her. Muntik na siyang malaglag sa kinauupuan niya.
"A-Anong ginagawa mo dito?" nanlalaki ang mata niyang tanong.
"Masyado yatang malalim ang iniisip mo kaya di mo ako napansin. Gusto mo ba ibili kita ng Gatorade at chocolate? Baka ma-stress out ka sa lalim ng iniisip mo."
"Hayden, ayoko na ng Gatorade at chocolate. Tigilan mo na rin ang pag-aalala tungkol sa akin. Kaya ko na ang sarili ko."
"Then let's have lunch together before we go to the riding club. Marami akong gustong I-discuss tungkol sa…"
"Kung walang kinalaman sa trabaho natin, huwag na lang."
Pumormal ang anyo nito at tumayo ng tuwid. Mukhang napipikon na ito sa pagsusungit niya. "Well, I already discussed it with Dafhny. Naisip ko lang na baka gusto mong pag-usapan ng masinsinan. This is serious."
Kinabahan siya at napilitang sumama dito. Nasobrahan yata siya ng pagsusungit dito at isinumbong na siya kay Dafhny. Lumampas na ba siya sa linya niya at naapektuhan na pati ang trabaho niya.
Nakagat niya ang labing sinulyapan ang seryosong mukha ni Hayden habang nagmamaneho ito. Well, kasalanan naman niya dahil masyado niyang ikinulong ang sarili sa pader para protektahan ang sarili mula dito. Ano na ang gagawin niya kung pati ang trabaho niya ay mailagay sa balag ng alanganin? Nang dahil sa kabiguan niya sa pag-ibig, naging malupit nga ba siya dito?
Nagtaka siya nang makarating sila sa Loyola Memorial Park. "Teka. Anong ginagawa natin dito?" Weird. Ganoon na ba katindi ang pagkapikon nito sa kanya para doon siya dalhin.
"Sumunod ka lang sa akin. Ito na ang huling pabor na hihingin ko sa iyo. May dadalawin lang tayong importante sa akin."
Hindi niya alam kung ano ang koneksiyon niya sa taong dadalawin nito. Pero sumunod na rin siya dito hanggang tumigil ito sa isang puntod.
"Chad Lee?" Tiningnan niya ang petsa ng kamatayan nito. "Hindi ba siya ang Chad Lee na nagpakamatay na estudyante sa university namin?"
"Yes. And he is my cousin."
Nagimbal siya. "Hayden, di mo ito nabanggit sa akin dati."
"At ipapaliwanag ko rin sa iyo ang lahat. To start with, I am not really a gay. May dahilan ako kung bakit kailangan kong pumasok sa university ninyo at magpanggap. Lahat iyon para sa pinsan ko."
"Gusto kong marinig ang lahat ngayon," aniya sa mariin na boses. Gusto niyang malaman ang lahat ng dapat ay dati pa niya nalaman.
"Chad and I used to be so close. Matanda lang siya sa akin ng isang taon. Nagkalayo lang kami nang mag-settle na ang pamilya ko sa abroad. Nalaman ko na lang na itinakwil siya ng lolo namin noong eighteen siya at inamin niya sa lahat ang totoo niyang pagkatao. I felt so bad. NI hindi ko siya nasuportahan. Karamihan sa mga kamag-anak namin, di rin siya matanggap. Conservative kasi ang pamilya namin. Kaya namuhay siya malayo sa pamilya namin. Kahit ang sarili niyang magulang nagkasya na lang na magpadala ng pera sa kanya."
"Ibig bang sabihin iyon ang dahilan kung bakit siya nagpakamatay?"
Umiling ito. "Masyadong mababaw kung kami lang. Pero aaminin ko na dumating ang pinsan ko sa punto na parang walang nagmamahal sa kanya. Wala na siyang kinakapitan kundi ang mga kagrupo niya sa Indigo Sky. At sa Indigo Sky din niya nakilala ang lalaking minahal niya."
Indigo had their own boytoy. Mga lalaking naka-conceal ang identity na siyang umaaliw sa mga member kapag may event o gathering ang mga ito. At ayon sa kwento ni Hayden ay naging seryoso ang relasyon ng pinsan nito at ng lalaki.
"Naging masaya ba sila?" tanong niya.
Mapait itong ngumiti. "Pinerahan lang ng lalaking iyon ang pinsan ko. Only to find out that he had other gay benefactor. Mas mayaman sa kanya. What pushed my cousin to death was when that guy had a relationship with another gay who happened to be his best friend. At di matanggap ng pinsan ko na di rin siya minahal ng lalaking iyon."
It was too tragic. Natitiyak niyang ang Indigo Sky din ang nagpakalat na pamilya ang dahilan kung bakit nagpakamatay si Chad at hindi ang lalaking iyon.
"Masakit siguro na kayo ang maputukan ng sisi," wika niya. She saw the same agony on his face one time that she mentioned Chad. Ngayon niya mas naiintindihan ang galit nito. Dahil sinaktan ang isang mahal nito sa buhay.
"Pwede mo rin naman kaming sisihin. Kulang kami ng pagmamahal na ibinigay sa kanya. Kung hindi, di siya basta-basta maloloko ng lalaking iyon. Ang masakit, Red lang ang ibinigay niyang pangalan ng lalaki na iyon. Code name lang ang nakasulat sa diary niya," nakakuyom ang palad nitong wika.
"At pumasok ka sa university namin para makapasok sa Indigo Sky?"
"It was not easy. Masyadong impulsive ang desisyon ko na iwan ko ang pag-aaral ko sa States para pumunta dito. Natatakot ako na baka may makahalata na di ako gay. Mabuti na lang nakaalalay si Franzine na kaibigan ni Chad. Di pa siya member ng Indigo Sky nang mangyari iyon. Nilunok ko ang pride ko para sa pinsan ko. But it was worth it. Nakilala ko rin kung sino ang nanakit sa kanya."
"At nang makuha mo ang kailangan mo, basta ka na lang umalis. Umalis ka nang di nagpapaliwanag sa akin," aniyang di maiwasang maghinanakit.
"You are wrong, Rei. Sa lahat ng taong malapit sa akin, sa iyo ko lang sinubukang magpaliwanag. But you refused to listen."