Parang isang diyosa ang pakiramdam ni Rei habang pinagkukulumpunan at pinag-aagawan siya ng mga nagguguwapuhang lalaki ng Stallion Riding Club.
"Boys, isa-isa lang. Hindi ko kayo kaya lahat," ungol niya nang maramdaman niyang may malaking kamay na yumugyog sa balikat niya at naglayo sa kanya sa mga nagguguwapuhang kalalakihan.
"Rei, gising!" anang boses ni Edmarie. Ito rin ang nabungaran niya pagmulat ng mata niya. "Aba! Tatanghaliin ka kung di ka babangon."
Kinapa-kapa niya ang kama habang iniikot ang tingin sa paligid. "Edmarie, nasaan na ang mga Stallion boys ko? Saan na sila nagpunta?"
"Andoon sa Stallion Riding Club. Saan pa? Nananaginip ka pa ata." Tinapik-tapik nito ang pisngi niya. "Gumising ka na nga diyan."
"Anong araw na ba ngayon?"
"Hindi mo ba natatandaan? Today is S day! The Stallion Day!"
Nilingon niya ang kalendaryo. Nakita niya ang markang S doon. "Gosh! Ngayon na ang araw ng katuparan ng mga pangarap ko. Sa wakas, makakatapak na na rin ako sa Stallion Riding Club.
Stallion Riding Club. Ang paraiso para sa sinumang ng kababaihan na naghahanap ng guwapo at mayamang lalaki. Exclusive club kasi iyon at di basta-basta makakapasok kung walang formal invitation. Matatagpuan din doon ang mamahaling mga kabayo na nagsisilbing status symbol ng mga member.
Sa araw na iyon ay naka-schedule ang pagpunta niya sa riding club bilang junior designer ng DMC Designs. Siya ang nagsisilbing assistant ng isa sa mga senior partners na si Dafhny. May project sila sa pagre-renovate ng Lakeside Café and Restaurant na matatagpuan sa Stallion Riding Club.
Para sa isang ordinaryong babaeng tulad niya, isang malaking prebilehiyo na ang makapasok sa riding club. At kung dati ay isa lang iyong ambisyon para sa tulad niya, magkakaroon na ng katuparan ang kagustuhan niyang makakita ng mga guwapong lalaki at makapasok sa pamosong club.
"Ang swerte mo talaga, mare. Isipin mo, one week ka pa lang sa trabaho mo pero Stallion Riding Club agad ang papasukan mo. Taray!" sabi ni Edmarie.
Magkahiwalay sila ng kompanyang pinapasukan ni Edmarie. Di na niya ni-renew ang kontrata sa dating pinapasukan kasama ito. Parang di kasi siya umuunlad. Pero magka-share pa rin sila nito sa apartment na inuupahan.
"Naka-ready na ba ang damit ko?" tanong niya. Kailangan ay makagawa agad siya ng impression para makasilo naman ng guwapo ang kagandahan niya.
"Oo naman. Pati ang hot bath mo, ihinanda ko na rin po. At siyempre huwag kalimutan ang Stallion Shampoo and Conditioner. Hindi ka papasukin sa Stallion Riding Club kung hindi iyan ang shampoo mo."
It was the shampoo that started it all. Sumikat ang Stallion Riding Club nang doon I-shoot ang commercial ng Stallion Shampoo and Conditioner. At kasama rin sa mga model ang nagguguwapuhang members ng riding club.
"Iyan talaga ang shampoo ko. Ang shampoo ng magaganda."
Feel na feel pa niya ang pagsa-shampoo habang ini-imagine ang nagguguwapuhang members ng riding club. Baka naroon ang kapalaran niya. Yes! It would be her time to shine. Maakit ang mga ito sa kagandahan niya.
Di pa siya nagkaka-boyfriend. Dahil matangkad siya at sporty, natatakot ang mga lalaki na lapitan siya. Naiinip na rin naman siya na walang boyfriend. Pero siguro naman ay matatapos na ang paghihintay niya sa tamang lalaki para sa kanya.
Sa sobrang excitement ay nasa opisina na siya alas siyete pa lang ng umaga. Binibilang niya ang bawat minuto hanggang dumating ang boss niyang si Dafhny.
"Good morning, Ma'am!" nakangiti niyang bati dito.
"Napag-aralan mo na ba ang mga notes ko?" tanong nito. "Gusto ko makapagbigay ka rin ng mga suggestion kapag kausap na natin ang furniture designer at ang mga client natin. Medyo mabusisi kasi ang project."
"Yes, Ma'am," aniya at binuklat-buklat ang notes nito pagsakay ng kotse. Subalit lumilipad naman ang utak niya. Hanggang ngayon kasi ay naiisip pa rin niya ang mga Stallion boys.
"Rei, may dadaanan muna tayo, ha?"
"Saan po, Ma'am? Di tayo agad tutuloy sa riding club?"
Bahagya itong tumawa nang lingunin siya. "Relax. Pupunta din tayo doon. Pero sa ngayon, kakausapin ko muna ang furniture designer natin. Kailangan din kasi namin na mag-usap bago kami humarap sa clients."
Di niya ipinalahata ang pagkadismaya niya. Professional pa rin siya. Higit sa Stallion Riding Club, importante ang trabaho niya.
Tumigil tila sa tapat ng Ilano International, isang sikat na furniture company. Nanigas ang paa niya nang tumigil ang sasakyan ng boss niya at bumaba na ito.
Isang Ilano ang agad na pumasok sa utak niya. Hayden Anthony Ilano. Ito ang CEO at General Manager ng naturang kompanya. Doon sila pupunta?
Di siya makagalaw habang nakatitig sa logo ng kompanya. Sinilip siya ni Dafhny. "Hindi ka pa ba bababa, Rei?"
"Susunod na po, Ma'am," aniya at binuksan ang pinto ng sasakyan.
Nakayuko siya habang naglalakad. Kinakabahan siya na baka masalubong niya si Hayden, ang nag-iisang lalaking iniyakan niya. Hangga't maari nga ay umiiwas siya sa mga balita tungkol dito. Hangga't maari ay umiiwas siya sa mga balita tungkol dito. Ayaw na niyang makaalala ng kahit ano.
Nang malaman niyang nagsisimula na itong gumawa ng pangalan sa mundo ng furniture design, iniiwasan niyang sulyapan man lang ang mga design nito. Mabuti na lang at di ito naging supplier sa dati niyang pinapasukan. Sa pagkakataong ito kaya ay makakaiwas pa siya na mag-krus ang landas nila?
"I would like to visit Mr. Ilano. Tell him it's Dafhny Gamboa," wika nito.
"For a moment, Ma'am," wika nito.
Naalarma siya. Magkikita sila ni Hayden? Hindi pa siya handa. Anong gagawin niya? "Ma'am, okay lang po ba na tingnan ko ang showroom nila?"
"Ayaw mo bang makilala si Hayden Ilano? Magandang makabuo ka na ng rapport sa furniture designers, Rei. Importante iyon."
"Pasensiya na po, Ma'am. Naisip ko po kasi ang sinabi ninyo na pag-aralan ang project. Baka po makapagbigay pa ako ng suggestion kung makikita ko pa ang ibang creations ng company nila."
Tumango-tango ito. "O, sige. Mabuti pa nga siguro. Babalikan na lang kita mamaya," anito at pinasamahan siya sa staff sa showroom.
Nakahinga siya nang maluwag dahil nakatakas siya kahit na pansamantala lang. Kung bakit sa dinami-dami naman ng designer ay si Hayden pa ang kinuha ng boss niya. Parang sinisilaban tuloy siya habang nasa teritoryo nito. Gusto niya ng lalaki mula sa riding club. Hindi iyong multo ng nakaraan niya.
Inaliw na lang niya ang sarili sa pagtingin sa mga furniture at accessories na naka-display sa showroom. Hangang-hanga siya sa kakaiba at indigenous designs na naroon. Ang iba ay nakita na niya sa mga Hollywood series, MTVs and movies. Mukhang malayo na ang narrating ng kompanya ni Hayden.
Napansin niya ang isang fainting couch na kulay red na may eleganteng print. Parang napakasarap higaan. Red kasi ang paborito niyang kulay.
Hinaplos niya ang upholstery niyon na malambot sa hipo. "Can I try this one?" tanong niya sa staff.
"Sure, Ma'am," nakangiti nitong sagot.
Nang lumapat ang likod niya ay parang ipinaghehele siya. It was a bit nostalgic. Nang pumikit kasi siya ay nakita niya ang mukha ni Hayden na nakatunghay siya. Bakit ba bigla niyang naisip si Hayden? Dahil ba nasa loob siya ng teritoryo nito? Ano bang nangyayari sa kanya? Bakit bigla itong sumagi sa isip niya?
"That is Rei's fainting couch."
Bumalikwas siya ng bangon nang marinig ang pamilyar na boses. Ang boses ni Hayden. Muntik nang malaglag ang puso niya nang makitang nakatanghod ito sa tabi ng fainting couch at pinagmamasdan siya. "Oh, no!"