MATIYAGANG naghintay sa labas ng library si Keira. Kasalukuyang kausap ni Monica ang abogado ng pamilya. Tatlong araw na mula nang mailibing si Felipe. Tapos na ring basahin ang last will and testament nito. Gusto ni Felipe na sila na ni Monica ang mamamahala sa buong rancho. May iniwan din sa kanyang pera si Felipe. Kasama na doon ang perang pamana sa kanya ng mga magulang niya.
Maya maya pa ay lumabas na ang abogado. Pumasok siya sa library. Nakaupo sa may mahogany table si Monica at pinagmamasdan ang larawan nito at ni Felipe. "Monica, gusto sana kitang makausap. Tayong dalawa na ang hahawak ng rancho. Ano ang gagawin natin ngayong wala na si Uncle?"
"We don't have to discuss it. Wala akong planong tumigil dito sa rancho. Nasa Manila ang buhay ko. Kahit kailan di ko nagustuhan ang buhay dito sa rancho."
"Ibig sabihin hahayaan mo na lang akong mamahala dito?" Napanatag siya. May tiwala ito kanya.
Tumayo ito at sumandig sa mahogany table. "Hindi mo na rin kailangan pang problemahin iyan. Ipagbibili ko na ang rancho."
Nawala ang katiting na tuwang nararamdaman niya. "Pero pinaghirapan ito ni Uncle at ibinilin niya ito sa ating dalawa."
"Keira, ano naman ang gagawin ko sa rancho? Ni wala nga akong hilig sa mga kabayo. Si Papa lang ang may hilig sa kanila at sa lugar na ito."
"Kaya ko namang I-handle itong rancho. Ako ang pinamamahala dito ni Uncle dati pa. Magsisipag ako. I will make this ranch more productive."
Umiling ito. "It wont' do. Buo na ang plano ko. Nakausap ko na ang buyer. We are just preparing the draft of the contract. Baka nga hindi na tumagal ng isang buwan, mabibili na nila itong rancho. Matagal ko na silang kausap. Nag-offer na rin sila kay Papa. Pero ngayong ako na ang kausap nila wala nang problema. Kailangan ko ng perang pagbebentahan niyon dahil magtatayo ako ng negosyo."
Matagal na nitong plano iyon at di man lang siya nito kinausap. Ano bang palagay nito sa mga tao doon? Walang buhay na maaapektuhan? "Paano ang mga tauhan dito? Wala ilang inaasahan kundi itong rancho lang."
"Nakiusap na ako sa buyer na isama sila sa bentahan. Pati na rin si Aling Pining. After all, mas kabisado nila ang trabaho dito sa rancho."
"Ako rin ba kasama doon?"
Nagulat ito. "Gusto mo pa ring magtrabaho dito?"
Tumango siya. "Ito lang ang buhay ko. Mahal na mahal ko itong rancho. Kung kinakailangan ko silang pakiusapan para manatili dito, gagawin ko. Kahit na simpleng horse trainer na rin ako."
"Keira, have some pride. Ibababa mo ang sarili mo sa isang trabahador na lang?" anito sa pagalit na boses. "Kinausap ko na rin ang mga buyer tungkol diyan. Ayaw daw nilang magkaroon ng tauhan na dating administrator. Baka daw mahati pa ang loyalty ng mga tauhan."
Naglaho ang pag-asa niya. "Ibig sabihin aalis na ako dito sa rancho?" Aalis na siya sa naging tahanan niya sa loob ng mahigit sampung taon?
"I am afraid so. Pero tapos ka naman ng college. Hindi lang mga kabayo ang pwede mong asikasuhin. Sa perang iniwan sa iyo ni Papa, pwede kang magsimula ulit."
Magsimula? Hindi niya alam kung saan siya magsisimula. Parang nabura ang buong buhay at kinabukasan niya. Wala na ang Uncle Felipe niya. Wala na rin ang rancho. Anong naghihintay na bukas sa kanya mula doon?
"KAIN ka na, Pollyne. Nagluto ako ng abodo," yaya ni Keira sa kaibigan. Kaklase niya ito noong high school at pamangkin ni Aling Pining. Sa apartment nito sa Quezon City siya pansamantalang tumutuloy mula nang umalis siya sa rancho. Naroon na kasi ang bagong may-ari.
Naghikab ito. Graveyard ang shift nito bilang call center agent. "Pasensiya ka na. Antok na antok talaga ako. Nakakahiya naman. Sa rancho nga señorita ka."
"Wala na ako sa rancho ngayon," paalala niya. "Ako nga ang dapat na mahiya dahil dito pa ako nakituloy sa iyo. Abala pa ako."
"Anong abala? Mabuti nga nandito ka para hindi ko na maalala ang lintik na Albert na iyon," nakasimangot nitong sabi at sumubo ng kanin. Kabe-break pa lang nito sa boyfriend nito. "Saka wala sa akin kung dito ka muna tumuloy. Noong high school tayo, ibinibigay mo pa sa akin ang ipon ko kapag wala akong pang-tuition. Malaki ang utang na loob ko sa iyo. Ito man lang maitulong ko."
"Huwag kang mag-alala. Makakahanap din ako ng trabaho."
"Bakit hindi ka na lang mag-business? O kaya mag-apply ka sa call center. Marunong ka naman sa computers at magaling ka rin sa English, di ba?"
"I still want to work with horses. Iyon lang ang gusto kong gawin sa buhay ko. Kaso di naman kasya ang pera ko para magtayo ng horse training center. Malaking pera ang kailangan doon. Kung mamamasukan naman ako, hindi ko rin alam kung saan may tumatanggap ng horse trainer dito."
"Naku! Mahirap maghanap ng ganyang trabaho dito sa Manila." Hinampas nito ang lamesa. "Grabe naman si Monica. Halos itinapon ka na sa kalsada."
"Gusto lang siguro niya ng panibagong buhay para sa aming dalawa." Ayaw na marahil na maalala ni Monica ang masakit na nangyari sa Papa nito.
"Bakit hindi ka na lang sa pinsan mo tumuloy?"
"Hindi naman kami close. Saka malaki na ako. Kaya ko nang alagaan ang sarili ko." Panahon na rin para tumayo siya sa sarili niyang paa. Sa pagkawala ng Uncle Felipe niya, ngayon niya masusubukan kung gaano siya katatag.
Nasa kalagitnaan sila ng pagkain nang may kumatok sa pinto. "Sandali! Baka si Albert na iyan. Makikita ng lalaking iyon kung ano ang hinahanap niya. Hindi na ako makikipagbalikan sa kanya," anitong parang susugod ng giyera.
"Sabihin mo lang kung kailangan mo ng susuntok sa kanya," paalala niya. Ayaw niya nang sinasaktan ang kaibigan niya. Ipagtatanggol niya ito.
Pumunit ang malakas na tili nito nang buksan ang pinto. "May guwapong member ng Stallion Boys dito!" Nagtatatarang ito sa tuwa at hinaplos ang buhok. "Nanalo ba ako sa promo? Nasaan ang camera? Hindi pa ako nagsusuklay. Cut muna."
"Sorry, Miss. Si Keira Averin ang hinahanap ko."
Nadismaya si Pollyne. "Siya ba ang nanalo sa promo at hindi ako?"
Sumingit siya sa pinto at nakitang si Eiji ang kausap nito. "Eiji! Anong ginagawa mo dito?" Di niya nasabi dito na luluwas siya ng Manila.
"Tumawag ako kay Aling Pining. Wala ka na nga daw sa rancho."
"Ay! Close kayong dalawa?" tanong ni Pollyne.
"Kaibigan ko siya," sagot niya.
"Tumuloy ka, Pogi. Kumain ka na ba? Gusto mo pagsilbihan kita?" tanong ni Pollyne at tinabihan si Eiji. Pero mukhang ibang klaseng pagsisilbi ang gagawin nito.
"Thank you. Nag-lunch na ako bago pumunta dito. Gusto ko lang makita si Keira," anang si Eiji at sa kanya na itinuon ang paningin.
Napatitig na rin siya kay Eiji. Di lang niya masabi kung gaano siya kasaya na makita ito. Inalalayan siya nito nang mga panahong kailangan niya ito. Di siya nito iniwan. May pinuntahan lang itong Tennis Channel Open sa Las Vegas at ngayon lang nakabalik. Hinanap pa rin siya nito.
Tumikhim si Pollyne. "Excuse me. Mukhang nakakaabala na ang kagandahan ko dito, no? Doon muna ako sa kusina."
"Umalis ka ng rancho nang di mo sinasabi sa akin," may himig ng tampo na sabi ni Eiji. "Ibinenta na rin pala ang rancho."
Malungkot siyang tumango. "May itatayo daw na business si Monica at kailangan niya ang pera."
"Nagkita kami sa Las Vegas. Nanood siya ng laban ko. Nagre-relax lang daw siya para makalimutan ang pagkamatay ng papa niya. Nang tanungin ko siya tungkol sa iyo, sabi niya okay ka lang daw."
"I am trying my best to be okay. Plano kong maghanap ng trabaho. I still want to be a horse trainer. Kaso di ko alam kung saan."
"Pwede kitang ipasok sa Stallion Riding Club. That place is perfect for you. Hindi mo mararamdaman na malayo ka sa rancho."
"Hindi ba nakakahiya na ire-refer mo ako?"
"Magaling ka kaya tiyak na mapapasok ka." Ginagap ni Eiji ang kamay niya at tinapik. "Ayaw mo ba na magkasama tayo sa riding club?"
She could work with the horses again. Mapapalapit din siya kay Eiji. Nagkibit-balikat siya. "Wala namang masama kung susubukan ko, di ba?"