THE PAN sizzled when Illyze poured the mixture. Umamoy ang mabangong niluluto niya sa buong kitchen. "Wow! Parang masarap iyan, sis!" anang si Rolf nang pumasok sa kusina. "Mushroom omelet. Pahingi ako, ha?"
"Ayoko nga! Para kay Romanov ito."
Di pa sumisikat ang araw ay gumising na siya para ipagluto ng breakfast si Romanov. Knowing that he didn't go out with anybody made her feel better. Gusto kasi niyang tiyakin na kung may makaka-date si Romanov, siya iyon.
"Mabuti pa si Romanov ipinagluto mo. Anong kakainin ko?" tanong ni Rolf.
"Magbukas ka na lang ng cereal," aniya at itinuro ang drawer.
Nanlulumo ito naghila ng upuan. "Bakit ba nagkaroon ako ng kapatid na walang habag? Dapat nga ako muna ang ipinagluluto mo bago ang Romanov na iyon. Sino ba siya? Kahapon mo lang siya nakilala."
"Don't tell me that you don't want me to have a boyfriend yet?"
"Hindi naman. Pero sana naman makatikim muna ako ng luto mo. Kita mo nga iyan. Naaatim mong magutom ako habang si Romanov masarap ang breakfast."
"Kanina pa po luto ang breakfast mo. Naka-serve na sa terrace. At mas nauna kitang ipinagluto kay Romanov. So huwag ka nang magtampo."
Gumuhit ang ngiti sa labi nito. "Thanks, sis! Maging successful sana ang luto mo. Kapag tinanggihan ka ni Romanov, mabilaukan sana siya."
Natawa siya. "Si Kuya, parang bata. Mag-breakfast ka na para mai-prepare ko nang maayos ang breakfast ni Romanov."
Maya maya pa ay bitbit na niya ang basket na may lamang breakfast para kay Romanov. Naalala pa niya ang sinabi ng Kuya Rolf niya. Na parang siya daw si Little Red Riding Hood na papunta sa bahay ng lola niya pero sa huli ay wolf naman ang mae-encounter niya. Mula sa terrace, alam niyang pinapanood siya nito.
Nang mag-doorbell siya sa villa ni Romanov ay pinagbuksan siya ng gate ng isang babae na sa tingin niya ay nasa treinta pa lang. May hawak itong walis at basahan. It must be the housekeeper.
"Good morning po," bati niya. "Nandiyan po ba si Romanov?"
"Ay, wala si Sir Romanov. Nag-jogging kasi siya kanina pa. Pagdating ko nga para maglinis ng bahay, wala na siya dito."
"Ako po si Illyze. Diyan lang po ako sa katapat na villa. Magdadala po sana ako ng breakfast para sa kanya," aniya at ipinakita ang basket.
"Ay! Pumasok po kayo, Ma'am!" anang housekeeper at binuksan ang pinto. "Tawagin na lang po ninyo akong Doray. Ako po ang bagong housekeeper dito. Gusto po ba ninyo akong tulungan ko kayo na mag-ayos ng dala ninyo sa garden? Mas magandang doon mag-breakfast. Hindi ko pa kasi nalilinis ang bahay."
"Sige po. Thank you."
"Alam ba ninyo? Akala ko masungit si Sir Romanov. Usap-usapan kasi sa amin na walang nakakatagal na housekeeper sa kanya. Tingin pa lang daw, natatakot na sila. Pero kung may kasing ganda na tulad ninyo na dumadalaw dito, siguro tsismis lang iyon na masungit siya. Mukha kayong mabait, Ma'am."
"Salamat, Doray," aniya at isa-isang inilagay sa breakfast table ang mga pagkaing iniluto niya.
"Anong nangyayari dito?" anang galit na boses ni Romanov.