"ITO na pala ang riding club," usal niya habang nakasandal sa railing na nakaharang sa arena. Pinagmamasdan niya ang pagpa-practice ng isang member na si Crawford Oreña para sa show jumping competition. Ang laro ng mga mayayaman. "Kahit saan naman yata ako tumingin puro kabayo ang nakikita ko."
"My cousin Reid loves horses. Bata pa lang kasi sila ng Kuya Beiron ko, mahilig na sila sa kabayo. So he developed this whole estate for it. A sanctuary for horses. Halos lahat ng horses na binibili ng members sa kanya galing. Na kinukuha naman niya sa farm ng brother ko. Maganda rin kasi ang horse breeding program ni Kuya Beiron," kwento nito.
"Parang mahal na mahal nga nila ang kabayo nila."
"Basically, ang mga kabayo ang best friend ng karamihan ng members dito. As you can see, it is like a horse's haven. May mga rules pa nga dito sa loob ng riding club para sa proteksiyon ng mga kabayo."
Tumango-tango siya. "I see." Nag-observe pa siya nang kaunti hanggang mapagod na rin siya. 'Nauuhaw na ako. Saan pwedeng uminom?"
"Doon tayo sa Rider's Verandah."
Matapos magpahinga ay inikot na siya nito sa club. Maganda ang club at ubod nang lawak. Masarap ngang manatili doon lalo na't hindi crowded ang lugar. Ang gusto naman niya sa lugar na iyon ay sariwa ang hangin. Parang masarap matulog o kaya ay tumunganga na lang.
"Gusto mo rin ba ang mga kabayo?" tanong ni Emrei habang naglalakad sila papunta sa Rider's Verandah. Di iyon kalayuan sa arena kaya pwedeng lakarin na lang.
"Oo. Noong magbakasyon nga ako sa Marinduque, nagustuhan ko sila. Hmmm… ang sarap talaga!"
"Tama ka. Masarap silang kasama. Bata pa lang ako, sila na ang kaibigan ko. Minsan tumatakas pa ako sa lessons ko makapag-horse back riding lang. Gustong-gusto ko kapag tumatakbo nang mabilis. Tapos kahit saan pumunta ang kabayo ko, wala akong pakialam. Nakakalimot ng problema."
"Basta! The best talaga ang tapa," sabi niya at walang pakialam sa mga kwento nito tungkol sa pagsakay ng kabayo.
"T-Tapa? Anong tapa?" tanong nito.
"Tapa lang hindi mo pa alam. Oo nga pala, mayaman ka. Hindi mo alam kung ano ang tapa. Sobrang na-miss mo ang kalahati ng buhay mo kung tapa lang hindi mo pa alam kung ano."
"Alam ko kung ano ang tapa. Kaso di naman iyon ang pinag-uusapan natin. Hindi yata tayo magkaintindihan, eh!"
"Hindi ba kabayo ang pinag-uusapan natin mula pa kanina. Eh, di tapa ng kabayo ang sinasabi ko."
Nanlaki ang mata nito. Kung tingnan siya nito ay parang isa siyang kriminal. "Kabayo? May tapa ng kabayo?"
"Oo," aniya at tumango.
"Kumakain ka ng tapa ng kabayo?" bulalas nito.
"Oo. Sa Marinduque nga," patuloy niyang kwento. "Madalang daw ang ganoong klaseng pagkain doon. Natiyempuhan ko lang. Noong una, hindi ko alam na tapa iyon ng kabayo. Di ko pa nga magustuhan ang lasa dahil naninibago ako. Kaiba siya sa tapa ng baka. Pero masarap." Matamis siyang ngumiti at pinagkiskis ang palad. "Sa dami ng kabayong nandito, malamang pwede akong um-order ng tapa ng kabayo, hindi ba? Siguro naman kaya iyong iluto ng mga chef dito."
"Damn! Marist, stop it!" mariing bulong nito sa tainga niya.
Nagulat siya nang bigla siya nitong kabigin sa balikat mula sa likuran. Tumama ang likod niya sa harap ng katawan nito. Nahigit niya ang hiningi. His whole body was outlined at her back. It was so intimate. Di pa niya naranasang ganoong kalapit sa isang lalaki kaya di niya magawang huminga.
Kung ibang lalaki siguro ang gumawa niyon sa kanya, baka inapakan na niya sa paa o kaya ay sinikmuraan na niya. Walang karapatan ang kahit sinong lalaki na lumapit nang ganoon kalapit sa kanya. Ramdam na ramdam niya ang init ng katawan nito. Pati ang pabango nito ay naaamoy niya.
They were like that for a few moments. Magkalapit ang katawan nila, nakayakap ang kamay nito sa harap ng balikat niya at nararamdaman niya ang mainit na hininga nito sa tainga niya.
"E-Emrei… a-anong… bakit…"
Anong gagawin mo sa akin, Emrei? Kung anuman ang balak mo, huwag dito sa harap ng restaurant. May mga tao. Makikita tayo. Huwag mo akong madaliin.
"Just stay still," bulong muli nito.
Parang nababaliw na siya. Bakit hindi niya ito maitulak palayo? Ano ba talaga ang nangyayari sa kanya? Sasabog na ang puso niya sa sobrang kaba.
"Emrei," anang isang lalaki na lumapit sa kanila. Kasing tangkad ito ni Emrei. Guwapo ito pero mukhang suplado. Mukhang di marunong ngumiti.
"Kuya Reid!" sabi ni Emrei sa masayang boses. Lumipat sa tabi niya si Emrei subalit nanatili pa rin ang kamay nito sa balikat niya. "I want you to meet Marist. Marist, this is my cousin Reid Alleje. He is the owner of the Stallion Riding Club."
Alanganin niyang inabot ang kamay dito. "Nice meeting you, Sir."