Chapter 121 - Chapter 10

"THIS is an Akhal-Teke breed from Turkmenistan. They are racehorses, noted for their endurance on long marches and are thought to be the predecessors of the Arabian and English thoroughbreds," paliwanag kay Quincy ni Tamara habang itinu-tour siya nito sa main stable ng riding club. "I know Reid bought them himself in an auction."

Reid Alleje was dubbed as the "Lord of the Stallion Riding Club." Karamihan ng mga kabayo na nasa main stable ay pag-aari nito. At minsan ay dito rin bumibili ng kabayo ang ibang mga members.

"This is a beautiful golden horse." Hindi niya napigilang hangaan, hindi lang ang kabayong kaharap kundi ang halos lahat ng kabayo na nakikita niya sa club. They were all prime and prized horses. "Puwede ko ba siyang kunan ng picture?"

"Sure. Nagpaalam naman ako kay Reid."

Off niya noon kaya napaglibangan niya ang pamamasyal sa stable. Kung hindi raw trabahador ng stable, hindi basta-basta makakatapak doon. Mabuti na lang at kadikit niya si Tamara kaya nakaikot siya at nakakuha ng pictures.

Mag-iisang buwan na rin siya sa riding club. Manaka-nakang nakikita niya si Reid dahil bumibiyahe rin ito sa iba't ibang lugar dahil sa negosyo. At ang alam nito, hanggang ngayon ay nasa Europe pa rin siya. Gusto pa nga niyang magtagal sa riding club dahil nag-e-enjoy siya sa trabaho niya. Nakakakilala siya ng iba't ibang tao at kumikita siya ng perang pinaghirapan niya.

"How about Yuan's horses?"

"Nasa kabilang building sila," sabi ni Tamara. "But I guess his most prized horse Arrowhead is with him. Nagpa-practice sila para sa cross-country competition. You know that guy, he hates losing. Paano, magtatrabaho muna ako? Mamaya na kita babalikan."

"Dito lang naman ako, Ate. Kukuha ng pictures."

Naglakad-lakad sila sa paligid ng riding circuit. Kanya-kanya nang practice ang mga members para sa nalalapit na competition. Kakilala na niya ang iba kaya bale-wala lang sa kanya habang kinukuhanan ng picture ang mga ito. She leaned against the wooden panel when she spotted Yuan.

She stopped taking pictures and watched the breathless view of Arrowhead, Yuan's horse jumping over a brush fence. She was swept away by the graceful motion of the beast and its master. At si Yuan, napakaguwapo sa suot nitong riding habit. She never thought Yuan loved horses, that he had a different world aside from his business empire. Ano pa ba ang malalaman niya tungkol dito?

Hindi niya napigilang pumalakpak habang nakasampa sa wooden panel. "Good jump, Sir Yuan!" sigaw niya.

Sakay ng kabayo ay lumapit ito sa kanya. Gaya ng dati, masama na naman ang timpla ng mukha nito. "What are you doing here?"

"It is my day off. Naisipan kong maglakad-lakad. `Tapos, napanood kita. May hidden talent ka pala. And nice piece of horseflesh you got there. Hi, horse! Ano'ng pangalan mo?" kunwa ay tanong niya sa kabayo. "I am Quincy!"

Hinila nito nang bahagya ang renda ng kabayo at pumihit paiwas sa kanya. "Huwag mo ngang kausapin ang kabayo ko."

"Ang sungit mo naman. Ang aga-aga! Nakakasira ng kaguwapuhan iyan. Tingnan mo ang mga mata mo, singkit na singkit na. `Tapos magsusungit ka pa. Saka huwag mong idamay ang kabayo sa kasungitan mo. Sabi nila, makakaapekto raw sa performance ng kabayo ang kasungitan ng amo. Magiging loser."

"Ha? Sino naman ang maysabi n'on?"

"Si Doctor Tamara. So be nice," ngingiti-ngiting sabi niya. Natahimik ito. Nagpauto naman. Natahimik ka ngayon. "Ano'ng lahi niya?"

"Lusitano breed. Part Andalusian."

"Can I take his picture?"

"Sure. Bababa lang ako ng kabayo."

"Huwag na. Diyan ka na lang," sabi niya. Ngayon pa lang siya kukuha ng picture ni Yuan. It was nothing explicit. Hindi niya magagamit iyon para sirain ito sa lolo niya. Pero parang masarap pagpantasyahan. "Thank you."

"Now that you got your picture, puwede bang huwag kitang makita habang nagpa-practice ako? Nakaka-distract ka."

Ang akala niya ay bumait na ito. Pansamantala lang pala iyon. "Bakit ba ang sungit-sungit mo? Don't waste your time annoying yourself. The world is beautiful!" Ibinuka niya ang mga kamay. "Smile! Huwag kang masyadong seryoso."

"The world is really beautiful if you are not around. You are an eyesore."

Namaywang siya. "I am not an eyesore. I am an eye candy. And what is your issue about me anyway? Wala naman akong ginagawang masama sa iyo."

"Let's put it this way. Sometimes you meet a person you don't like and you don't know why. At madalas na nangyayari iyon sa akin kapag may mga taong may masamang banta sa akin."

Nanlaki ang mga mata niya. "Hey! Wala akong masamang gagawin sa iyo. Sino ba naman ako? I am just a poor service crew. I am innocent."

Nagkibit-balikat ito. "Basta. Hindi ko maipaliwanag."

"Alam mo, nagiging unfair ka na. `Buti na lang ang kabayo mo, mukhang mabait sa akin. Can I ride him?"

"No!" kontra agad nito. "Future wife ko lang ang makakasakay sa kanya."

Stupid ka pala. Ako ang future wife mo. Ako si Criselda Celine Logarta. Natigilan siya. Hindi na pala ako ang magiging future wife mo. Iyon nga pala ang purpose ko kaya ako nandito. Kaya sira na ang pangarap mo, Yuan. Hindi na ako ang babaeng pakakasalan mo. Magpakasal ka na lang sa kabayo mo.

"Kung ayaw mo akong pasakayin, eh, di huwag!"

"Yuan, babes!" tawag dito ng isang babae na nakasakay sa kabayo.

"Theresa, I thought you were in New York," bati nito sa babaeng bagong dating. "Kasama mo ba si Rodolfo?"

"Yes. I tagged along with Jessica because I wanted to be with you. I hope you have no companion. I miss you."

Tinanguan ito ni Yuan. "How about coffee? You want some?"

"I'd love to!" maarteng sabi ni Theresa. Pagkatapos ay magkasabay ang dalawa na lumayo sakay ang kabayo ng mga ito.

Gigil na gigil siya habang pinagmamasdan ang dalawa. "How dare you, Yuan! Kasasabi mo pa lang sa kabayo mo na ako ang makakasama mo `tapos ngayon, may Theresa ka na. Taksil! Taksil! Kailan mo pa girlfriend ang Theresa na iyan? Lagot ka talaga sa akin kapag..." Saka lang niya naalala na hindi niya nagamit ang dalang camera dahil masyado siyang nalunod sa pagsisintir niya. "Oh, no! Nakalusot si Yuan! Nakakainis!"

Mahabang panahon pa mandin ang hinintay niya para makita itong may kasamang ibang babae. Sayang ang pagkakataon niya. Hinarang niya ang dumaraang golf cart na service sa paligid ng club. "Kuya, sa Rider's Verandah po tayo," sabi niya sa nagmamaneho niyon.