Medyo madilim na nang makarating ako sa tagpuan namin ni Ken, sa Payag. Tumawag kasi siya sa akin na magkikita raw kami. Dalawang linggo na kasi ang nakalilipas nang sobrang naging busy yata siya dahil daw na-promote siya bilang supervisor agent sa BPO na kanyang pinagtatrabahuan. Dito ko kasi siya unang na-meet nang mamasyal kami ng aking kaibigan. Aksidenteng nagkabanggaan kami noon dahil busy ako sa kakatext sa aking kaibigan kung nasaan na ito hanggang sa nabunggo ko si Ken. Unang nagkasalubong ang mga mata namin ay ibang kilig na agad ang naramdaman ko. He has this brownish tantalizing eyes na animo'y palaging nakangiti. Pinarisan pa ng mga makakapal na kilay na isa sa mga gusto ng mga babae. Tinulongan niya akong makatayo. Nagkalat-kalat pa ang mga lamang-loob ng cellphone ko dahil sa lakas ng pagkabagsak niyon. Siya mismo ang dumampot niyon at umayos. Mayamaya pa ay kinuha niya ang numero ko sa cellphone. Syempre, uso ang textmate-textmate at callmate-callmate. Dyan kami nagsimula. Dalawang buwan niya akong niligawan at pumupunta-punta pa siya sa bahay upang bisitahin ako tuwing rest day niya. Hanggang sa sinagot ko siya. Masyado kasi siyang mabait, maalaga at magalang. Limang buwan na rin kaming magsyota. Alam kong naging madalang na ang komunikasyon namin simula nang ma-promote siya. Naiintindihan ko naman iyon dahil mahal ko siya.
Naglakad-lakad na muna ako sa gilid ng boulevard. Nasa tapat lang kasi nito ang Payag, isang native restaurant na madalas pinupuntahan ng mga tao sa bayan ng Dumaguete.
"Hi." Napalingon ako nang marinig ang boses niya. Matamlay ang tono niyon. Siguro ay pagod lang siya.
"Hello babe, kumusta ka na? Halos ilang linggo na tayong hindi nagkita. Miss na miss na kita." Ngumiti ako sa kanya at akmang hahawakan na sana ang kamay niya ngunit iniwas niya iyon. "A..anong problema?" Tanong ko. Ilang sigundo rin bago siya umimik. Biglang namuo ang kaba sa dibdib ko.
"M…may sasabihin ako sa 'yo. Sana huwag kang magalit. Sana intindihin mo ano man ang sasabihin ko, Gail." Kiming tumango lang ako sa kanya. Kung ano man ang problema niya. Handa akong intindihin siya. Basta huwag lang kaming maghiwa….
"I'm…I'm breaking up with you." Halos nabingi ako at halos tumigil sa pagtibok ang aking puso. Sandaling hindi ako nakahinga. Parang tuod at pipi at hindi ko maigalaw ang aking katawan. Ilang sandali pa ay naramdaman ko nalang ang mga maiinit na likidong dahan-dahang dumadaloy mula sa aking mga mata. Tama ba ang narinig ko? "I'm…I'm breaking up with you."
"Gail…" Bumalik ang aking malay nang hawakan niya ako sa balikat.
"Bakit?" Ramdam na ramdam ko ang panginginig ng aking boses. Para ba'ng ang sakit-sakit ng lalamunan ko at hindi ako makapagsalita nang maayos.
"We…we don't deserve with each other." Sagot niya sa 'kin. Napahagulgol ako ng iyak.
"Puga naman, Ken. Paano mo naman nasabing we don't deserve with each other? Iyan ba talaga ang rason o may iba ka pang dahilan?" Hindi ko napigilan ang sarili kong mapasigaw dala ng nararamdam kong paninikip ng aking dibdib. Sa kauna-unahang pagkakataon ay ngayon lang ako nakaramdam ng ganito. He's my first boyfriend!
Umiwas ako sa kanya at humarap sa dagat. Hilam na sa luha ang aking mga mata.
Naramdaman ko ang mga kamay niya sa braso ko. "Gail, I'm sorry pero.." napayuko siya . "…mahal ko na siya ulit. Napamahal ako ulit sa kanya. " Mas masakit pa sa kinatatakutan kong injection ang mga sinabi niya sa akin. Iyon ba ang sinasabi niyang ex niya noon bago naging kami? Ginawa lang ba niya akong rebound?
"So ginawa mo lang akong rebound?" Umiling-iling siya. "Ken, ano ba'ng kulang sa 'kin? Inintindi kita. Lahat ng mga sinabi mo ay pinagkatiwalaan ko. Hindi ba sapat ang pagmamahal ko? Hindi pa ba sapat ang pagtitiwala ko sa 'yo at pag-iintindi?" Wika ko sa naghihirap na boses. Mula sa pagkakayuko ay sinalubong niya ang mga paningin ko at in-angat ang aking baba.
"Gail, walang patutunguhan ang relasyong ito. Our relationship was so different. Tingnan mo nga ang sarili mo, ni hindi mo kayang tumayo sa sarili mong mga paa. Patawad, Gail. Hindi ko sinasadyang mahalin siya ulit. Hindi ko alam na sa paglipas ng mga panahon ay napamahal na ako ulit sa kanya." Parang may kung anong bumikig sa lalamunan ko. At kung anong matutulis na bagay ang tumusok sa aking dibdib. Talaga ba'ng ganito kaliit ang tingin ni Ken sa akin? Mas masahol pa sa sinaksak sa baga ang mga sinabi niya.
Wala sa sariling tinalikuran ko siya. Hindi ko na kayang marinig pa kung ano man ang sasabihin niya at ang ginagawang pagkukumpara niya sa akin sa ibang babae. Ibinagsak ko ang sarili ko sa buhangin. Madilim ang parteng iyon ng baybayin at doon na ako nagpatuloy sa pag-iyak. Dinampot ko ang mga maliliit na bato saka isa-isang ibinato iyon sa dagat.
"Ouch!"
Napatigil ako nang makarinig ng isang boses ng lalaki. May natamaan ba ako? Hindi ko naman masyadong maaninag kung may ibang tao ba'ng naka-upo roon. Mayamaya pa ay isang anino ang napansin kong papalapit sa akin. Kaagad na pinahid ko ang aking mga luha at mariing tinititigan ang isang naka-itim na lalaking papalapit sa akin.
"If you are wishing for something, sa wishing well ka magtapon ng pera o bato. Huwag sa ulo ko." Napataas ang tingin ko sa isang baritonong boses. Tanging mga buhok lamang nito ang nakikita ko dahil lumalabas iyon mula sa hood ng kanyang jacket.
"G…gusto ko nang mamatay." Ang mangiyak-ngiyak kong wika sa kanya. Narinig ko ang pagak niyang tawa.
"Magpakalunod ka roon sa dagat kung gusto mo. Huwag mo nang sabihin sa akin. Hindi naman kita ililigtas kung talagang gusto mo nang mamatay. Makonsensya pa ako." Wika nito saka malalaki ang mga lakad na umalis na. Tiningnan ko siya nang masama habang papaalis.
"Walang modo! Wala na talagang gentleman sa panahong ito." Nakakiming bulong ko sa sarili ko.
*******
"Sinasabi ko na nga ba at tama ang hinala ko, hindi ba? Sinabi ko na sa 'yo noon na nakita ko si Ken na may kasamang babae. Tapos sasabi-sabihin mo sa akin na malaki ang tiwala mo sa kanya. Na mabait siya. Oh, ano na ngayon ang nangyari?" Halos umalingawngaw sa buong bahay ang boses ni Ara sa kakasermon sa akin. Siya ang matalik kong kaibigan. Sabado ng umaga ay binisita niya ako kaagad. Dalawa lang kasi kami ni Manang Flor sa bahay. Kapwa mga magulang ko ay nasa Luzon naka-assign. Si mama ay isang Geodetic Engineer at si papa naman ay Chief, Forester. Pareho silang nasa ahensya ng gobyerno nagtatrabaho at na-assign sa Maynila. Nasa pangangalaga nalang ako ni Manang Flor na pinagkakatiwalaan nina mama at papa.
Hindi ako umimik. Hinahayaan ko nalang siyang pagalitan ako kahit naluluha na ako sa mga sinasabi niya sa akin. Daig pa niya ang ate kung pagalitan ako. Mas matanda kasi siya sa akin ng isang taon. Twenty-four ako samantalang siya ay nasa twenty-five na.
"Tahan na nga. Siguro naman natuto ka na. Minsan kasi kailangan mong maging open-minded. Hindi porket mahal na mahal mo na iyong tao ay ibibigay mo na ang lahat ng tiwala mo sa kanya at hindi ka na makikinig sa mga sinasabi ko. Halika ka nga rito." Sinunggaban ako ng yakap ni Ara at pinahid pa ang mukha kong hilam na sa luha. Pilit na ngumit nalang ako nang tapikin niya ang likod ko at sumenyas na tumahan na ako.
"Gusto kong magtrabaho." Mangiyak-ngiyak kong wika kay Ara.
"Sige, linisin mo itong buong bahay ninyo. Pati iyong harden ni'yo sa labas, pagandahin mo. 'Yung mga ligaw na damo sa daan, bunlayin mo. Kakausapin ko rin ang mga kapit-bahay ninyo na nasa OPLAN Paglilinis ka ng Bahay. Gusto mo?" Natawa tuloy ako kay Ara. Talagang ito ang kasalungat ko. Kung may pagkatahimik man ako, ito naman ay masyadong madaldal. Daig pa nito si Senator Meriam Defensor Santiago. Mahinang tinampal ko siya sa balikat.
"Salamat," wika ko sa kanya.
"Pero seryoso, hiring ang NERD. Subukan mo'ng mag-apply ng trabaho roon. Maliit na pribadong kompanya lang naman 'yun ngunit sigurado akong matatanggap ka. Hindi mo naman kailangan ng malaking sweldo, hindi ba?" tumango ako sa kanya. Ang kailangan ko lang naman ay ang magkaroon ng pagkakaabalaan. Iyon lang. Gusto kong patunayan kay Ken na mali ang pagkakakilala niya sa akin.
Isang linggo ang nakalipas ay napagdesisyonan kong mag-apply online sa kompanyang sinasabi ni Ara sa akin. Ngunit bago ko ginawa iyon ay tinawagan ko muna sina mama at papa upang humingi ng permiso. Hindi ko naman daw kailangang magtrabaho dahil andyan pa naman sila pero pinilit ko sa kanila na kailangan ko nang tumayo sa sarili kong mga paa upang may mapatunayan ako sa sarili ko at para masuklian ko rin sila lalo na na malapit nang mag-retire si papa. Sa huli ay napapayag ko rin ang mga magulang ko.
Hindi ko naman alam na magkakilala pala sina mama at ang Admin ng NERD dahil si mama ang nagsurvey noon ng lupang pinagtayuan ng kanilang kompanya. Laking tuwa ko naman nang tawagan ako upang magreport na matapos ang phone interview.