Chereads / Nang dahil sa ulan / Chapter 1 - Nang Dahil Sa Ulan

Nang dahil sa ulan

🇵🇭EgalitarianQueen
  • --
    chs / week
  • --
    NOT RATINGS
  • 8.5k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - Nang Dahil Sa Ulan

Pumunta ako ng eskwelahan para kuhanin ang mga naiwang hindi pa nairerecord na mga gawa ng bata, nang bigla na lang umulan ng pagkalakas lakas. Walang habas ang kanyang pagpatak, nananakot, nanunuya sa tulad kong walang dala kahit man lang isang pirasong pananggalang.

Boom! Wala akong payong! Paano na ako?, tanong ko sa isipan ko.

Naghintay ako sa isang sulok, umaasang titila ang ulan nang mas mabilis pa sa inaasahan ko. Isa, dalawa, tatlo ... hanggang maging tatlumpung minuto. Malakas pa din ang ulan. Ayaw niya pa ding maawa sa isang katulad ko.

Gusto ko ng umuwi. Pero sige hintay pa tayo, kahit kalahati pang minuto. Baka maya maya titila na din ito."

Naghintay ulit ako. Umaasa baka maya maya wala na ang ulan. Isa, dalawa, tatlo ... hanggang maging isang oras na ito. Malakas pa din ang ulan. Nagngangalit pa rin ang langit. Ayaw talagang makisama.

Wala na, kailangan ko ng suungin ito. Walang mangyayari kung tetengga lang ako dito.Muling turan ng isang parte ng utak ko.

Tumakbo ako pasuong sa ulan. Nilakasan ko na ang loob ko, ano naman kung mabasa? Ang mahalaga naman makauwi ako. Lakad takbo ang ginawa ko bago ako makasakay. Napakahirap kasi dahil wala pang jeep na humihinto, marahil dahil din sa malakas na hampas ng ulan.

Konting tiis na lang, makakauwi rin ako. Pilit kong sabi sa sarili ko.

Lumipas ang ilang sandali, tila isang hulog ng langit ang ibinigay sa akin. Doon, isang dyip na halos puno na ng sakay ang huminto sa aking harapan.

"Sasakay ka ba?" Pasigaw na tanong ng drayber.

Hindi magkamayaw ang pagtango ng ulo ko. Tila ba ito ay may sariling isipan at hindi ko mapigilan ito. Siksikan sa loob ng dyip ngunit hindi ko alintana iyon. Pinagtitinginan man ako  ng mga matang mapanghusga ay hinayaan ko na. Ano naman kung basa? Ano naman kung basang sisiw? Bakit? Sino ba ang hindi?

Matagal na sandali akong nagtiis sa loob ng dyip. Nagkaroon daw kasi ng banggaan sa crossing sabi ng napagtanungan ng drayber. Isang babae at isang lalaki, putol ang kaliwang binti ng babae samantalang sa kanan naman ang sa lalaki.

Putek, naabutan pa ng traffic.

Nangangati na ang paa ko. Ligong-ligo na ako. Gustong-gusto ko na talagang umuwi. Napahinga ako ng maluwag ng makita kong tatlong kanto na lang at makakauwi na ako ng mapayapa.

Isa, dalawa, tatlo ... "Mama, para ho! Diyan lang po sa kanto!," sigaw ko. Ngunit nagpatuloy ang drayber sa pagtakbo.

"Mama! Mama! Para na ho!" Paulit-ulit kong sigaw hanggang sa pati na rin ang ibang nakasakay ay nakisigaw na rin.

Lumampas ako ng halos dalawang kanto. Badtrip.

Naglakad ako patungo sa aking tahanan. May mga bumabati ngunit hindi ko man lang tinitingnan. Bakit pa ba? Ano bang mangyayari kung makikipaghalubilo ako sa kanila?

Nang nasa tapat na ako ng pinto ay kinuha ko ang susi mula sa aking bulsa kasabay ng patay-sinding ilaw mula sa poste. Nang makuha ko na ang susi ay nabitawan ko ang mga ito at napunta ito sa madilim na sulok ng pinto. Kinapa ko ang mga ito kahit na nga hindi ko maaninag ito. Tuluyan akong nakaramdam ng inis. Sinisi ko ang liwanag na siya sanang makakatulong sa akin. Dumagdag pa ang patuloy na pagbuhos ng ulan. Nilalamig na ako.

Bakit kasi nakalimutan ko ang payong ko?

Napabuga ako ng hangin at pumorma ang isang ngiti ng makapa ko ang mga susi. Salamat sa Diyos! Hindi mapigilang maibulalas ng mga labi ko.

Ipinasok ko ang susi sa seradura ngunit nagtaka ako dahil hindi na naman pala kailangan ng mga iyon.

B-bukas?

Pilit kong inalala ang nangyari kaninang hapon. Mula sa paliligo hanggang sa pagsara ko ng pinto.

Hindi ko ba talaga nailock ito? Tanong kong muli sa isipan ko. Nang masiguro kong naisarado ko ito,  kumabog ang dibdib ko. Ang lakas, parang tinatambol!

Niluwangan ko ang pagkakabukas ng pinto at kinuha ang kung anumang armas na pwede kong maging pananggalang. Kinapa ko ang kabtol para buksan ang ilaw. Napakadilim kasi ng bahay sa ngayon. Ang nag-iisang patay-sinding poste ng ilaw sa labas ay tuluyang namatay kaya mas nakadagdag ito sa dilim ng paligid.

Hindi ako matatakutin pero sa hindi maipaliwanag na dahilan ay hindi kampante ang pakiramdam ko. Pinindot ko ang kabtol ngunit walang liwanag na sumilay sa tahanang ito. Pinindot kong muli ito. Paulit ulit, ngunit bigo ako.

Naglakad akong paabante upang magtungo sa kusina kung nasaan ang kandila. Pakiramdam ko ay may nakamasid sa akin. Ngunit sino?

Lakad. Dahan dahan. Para bang ako'y isang dagang nagtatago sa isang pusa. Lakad. Lakad. Dahan dahan. Malapit na ako sa kusina ng may humarang sa aking harapan.

"Bakit ngayon ka lang?" Wika nito.

"S-sino ka?" Tanong kong pabalik rito. Pilit kong tinatagaan ang aking tinig. Pilit ko ring tinibayan ang aking dibdib.

Hindi ako pwedeng magpahalata sa takot na aking nararamdaman.

"Kinalimutan mo na ba agad ako?"

Muling tanong nito.

Pilit kong inaaninag ang mukha nito  hanggang sa may liwanag na nakatakas sa siwang ng bintana. Bukas ng muli ang poste ng kuryente.

"I-ikaw?"

"Bakit iniiwasan mo ako? Hindi mo na ba ako mahal?"

Tinitigan ko ang mukha nito at unti-unting humakbang paatras.

Si Juanito ito, ang lalaking ilang beses ko ng binasted. Nakakailang hakbang pa lang ako ng naramdaman kong hinaklas ako nito pabalik. May dalang sakit ang hawak nito sa braso kong mahigpit.

"B-bitawan mo ako! Bitawan mo ak-"

Sigaw ko ng bigla akong yapusin nito.

"Manahimik ka! Hindi kita bibitawan! Sa akin ka lang!"

"Hindi ako naging sa'yo! Bitawan mo ako!" Sigaw ko rito habang pinipilit na makawala sa pagkakayapos nito. Naramdaman kong kung saan saan na dumadapo ang mga kamay nito. Sa mukha, sa balikat, sa dibdib... at kung saan saan pa. Pilit pa rin akong nagpupumiglas kahit hinang-hina na ang aking katawan. Nawala na ang lakas nitong taglay.

Nakaramdam ako ng sampal. Isa...dalawa...tatlo. Hilong-hilo na ako. Nalasahan ko na ang tila metal na lasa na dulot ng labi kong putok.

"H-huwag..." Paulit-ulit kong sabi. Ngunit tila bingi na ito. Tila bingi na ito sa katuwiran. Tila binging-bingi na ito dahil sa tawag ng laman.

Marahas nitong hinaklas ang damit kong suot. Narinig ko ang pagpulas ng mga butones sa aking damit. Nandiri ako ng maramdaman ko ang magaspang na dila nito sa aking katawan. Tigmak na ng luha ang aking duguang mukha.

"U-utang na loob, tigilan mo na ito." Hirap kong sabi rito.

"Sabihin mong akin ka lang!" Sigaw sa akin ni Juanito. Hinawakan nito ang mukha ko ng kay higpit. Bumabaon ang mga kuko nitong kay rumi na nakadagdag sa sakit na nararamdaman ko.

"S-sa'yo lang ako." Mapait kong sabi. Tila may nakapasak na apdo sa aking dila ng sabihin ko ang mga katagang iyon. Kailangan kong sabihin ito para mabuhay.

Tumawa ito ng tumawa. Tila isang baliw na nakahanap ng laruan kung makahalakhak ito.

"Talaga?"

Tumango ako. Isa. Dalawa. Tatlo...hanggang sa hindi ko na mabilang ang mga ito.

"Sinungaling!" Galit na turan nito sa akin sabay igkas ng kamao nito sa mukha kong may nanunuyo nang dugo.

"Hindi mo ako maloloko! Papatayin na kita bago ka pa makuha ng iba sa akin. Hindi ka mapapakinabangan ng iba!"

Nilabas nito ang isang patalim na tila kris. Nangatal ang buo kong katawan. Tumataas-baba na ang aking dibdib. Hindi na ako makahinga.

Mamamatay na ba ako?

Ginamit nito ang patalim sa paghiwa ng paldang suot ko. Umiyak ako ng umiyak pero wala ng luhang tumutulo mula sa aking mga mata. Nilandas naman ng patalim na hawak nito ang katawan ko.

Mahapdi. Napakahapdi dahil may pagkakataong dinidiinan nito ang patalim sa kamay nito. Ramdam ko ang paglabas ng dugo sa katawan ko.

"Bakit buhay ka pa?" Inilapit nito ang mukha nito sa mukha ko. Amoy na amoy ko ang mabaho nitong hininga. Kitang-kita ko ang pagiging demonyo nito. Isa itong demonyo!

Dinuraan ko ang mukha nito. Nagngalit ang mga bagang nito hanggang sa tila nagbabaga na rin ang mga mata nito.

"Mamatay ka! Mamatay ka!" Sigaw nito sabay saksak sa katawan ko. Isa. Dalawa. Tatlo... Hanggang sa maging walo. Nagpahinga ito. Tila napagod sa pagsaksak sa katawan kong nakalugmok.

Itinaas nitong muli ang patalim. Saksak. Bunot. Saksak. Bunot. Paulit-ulit.

Bago pa man tuluyang mawalan ng buhay ang aking katawan, biglang nagbalikan ang mga ala-ala ng nakaraan.

Umuulan. Malakas ang ulan. Nagngagalit ang kalangitan. Nakita ko si Inay, nakahubad habang nakapatong sa lalaking hindi naman si Itay. Biglang bumukas ang pinto, iniluwa si Itay. Sumunod na namalayan ko, sa magkakasunod putok ng baril, si Inay at ang lalaking hindi si Itay ay nakahandusay. Naliligo ang duguan nilang katawan.

Ngayon, heto ako, unti-unti ng pinapanawan ng buhay. Naliligo ang katawan sa dugong nagmula sa paulit-ulit, paulit-ulit na unday ng patalim. Sisinghap-singhap habang nakikinig sa marahas na buhos ng ulan sa labas. Siguro nga ito ang kapalaran ko. Siguro nga ay dahil ito sa ulan. Oo, baka nga, dahil sa ulan.