Hindi siya makapaniwala. May ano sa gitna ng mga hita niya. Ano yung ano, well alam niyo na yun.
Muntik na siyang masuka sa gulat, ano yun nagpasex change ba siya nung nalasing siya? Dumiretso siya sa salamin ng CR at nakita ang sarili sa unang beses.
Sumigaw siyang muli, jusko ang baba ng boses niya parang hinugot sa ilalim ng lupa. Yung itsura niya, isang lalaking mukhang hindi naligo ng ilang araw, makapal ang balbas, may bigote at malalim na eyebags. Gosh, hindi pala maga ang mata niya kundi talagang mukhang hindi siya natulog ng ilang araw.
Hinawakan niya ang mukha niya, totoo ito, at oily. Eew. Hindi talaga siya makapaniwala sa mga nangyayari. Anong pinag gagagawa niya matapos niyang malasing kagabi?
Nagiisip pa siya kung nasa thailand ba siya ngayon nang may kumatok sa pintuan ng hotel room niya.
"Sir, paalala ko lang po may meeting kayo mamaya kay Sir Henry."
'Sinong Henry? Ang dami kong kilalang Henry!' Nataranta siya kung sasagot siya dahil maririnig nanaman niya yung boses niyang pang kapre.
Katok nanaman "Sir? Gising na po ba kayo?"
'Hinde! Tulog pa ako, shoo!'
"Sir?" Unti unting nagbukas ang pinto ng kwarto. Lumabas si Lani sa pinto ng CR para makita kung sino man itong tao na nagpumilit pumasok sa kwarto niya.
"Maganda umm," sabay titig ng naka suit na lalaki kay Lani. Hindi siya mukhang staff ng hotel, kundi mukhang isang taong nagtatrabaho sa kompanya. Maputi siyang lalaki na naka itim na business suit, itim din ang buhok na naka gel back at nakasuot ng salamin. Ka galang galang ang itsura ng lalaki pero mukhang hirap ito magsalita.
"Umm..." Titig lang din si Lani sa lalaking nakatulala at medyo namumula and mukha.
"Sir, uh, yung umm, pajama niyo po"
Internal screaming mode on. Madali niyang itinaas ang pajama niya. Jusko nakalimutan pa niya umihi sa CR! Makikita nanaman niya yung ano!
"Ano yun? Bakit mo ko hinahanap?" tanong ni Lani sa lalaki ng pagalit. Pagalit dahil hiyang hiya na siya kaya please lang lumabas ka na.
"Sir, paalala ko lang po... Yung uh, meeting niyo po kay Sir Henry mamayang 3pm sa Gold's First Anytime Gym."
Yung totoo, hindi nga ni Lani kilala kung sino manlang itong tao sa harap niya, tapos kikitain pa niya tong si Henry na isang malaking question mark mamaya? Hindi pa nga niya alam kung paano siya nagpalit ng itsura, mas lalo na kung paano siya nagpalit ng kasarian at teka, nasa Thailand nga ba siya?
"Teka, umm, ano nga ulit pangalan mo?" Tanong niya sa lalaki. 'at kung pwede, ano narin pangalan ko' Nakalimutan pa niya umihi, hay buhay.
"Sir?" muntik na tumawa yung lalaki pero tumahimik nalang ng makitang inis ang amo niya.
"Chris... Chris po sir, mga tatlong taon niyo na din akong secretary. Grabe kayo sir" at nagtampo pa ang secretary pala ni Lani.
'Hindi talaga joke mr. Glasses, gusto ko nga din itanong kung pwede magpasama sa CR e'
Nag buntonghininga nalang si Lani dahil una, kailangan pa niya mag CR, hindi niya alam kung paano haharapin yung ano niya doon, at paano siya mag CCR pero nagtatampo pa itong secretary niya. Hays talaga ang buhay.
"Sige ok, balikan mo nalang ako mamaya kung malapit na. Pwede ka na umalis." at nagpaalam na si Chris palabas.
Bumalik ulit sa CR si Lani, pumikit, umupo sa bowl at nag let it go ala elsa. Medyo iba pero same same lang din, naka ihi pa naman siya, thank you lord lang din dahil pwede naman pala umihi din ng nakaupo. Pero pano yun, pupunasan ba ng tisyu? Tumitig muna sa tiles ng banyo si Lani ng mga 2 minuto bago sinuot ang pajama muli. Maliligo naman siya mamaya kaya hayaan nalang niya.
Lumabas sa CR si Lani at nagulat na nandun pa ang dakilang secretary niyang si Chris.
"Sir, dinalan ko pala kayo ng breakfast, yung usual niyo po."
Ok, naka all meat diet siguro ako. Yung plato puno ng hotdog at sausage... Jumbo.
"Nakaprepare na rin po yung mga usual niyo na pang gym. I contact niyo nalang po ako if may kailangan po kayo."
Tinignan ni Lani ang assistant, secretary or butler 'ano nga ba siya?' niyang si Chris. Ngumuya siya ng hotdog at sinabing.
"Ok, for lunch get me a salad or a poke bowl nalang, ayoko na ng meat."
Lumaki ang mga mata ni Chris. Gulay? Seryoso ba ito? Parang hindi pa kumain si sir niya ng gulay for the past 20 years!
Pero sino nga ba siya para sumuway sa utos, binabayaran naman siya para dito kaya umoo nalang siya at nagpaalam na sa boss.
Tumingin si Lani sa relo, 10:30 am. Tanghali na gumising ang katawan na to. Na isip na niyang hindi talaga siya ang lalaking ito, una ang kakaibang environment, sunod ang "assistant" niya at ang ka meeting niya mamayang hindi niya kilala.
"aaah, kahapon lang nasa bar ako at..." naalala nanaman niya ang hampas lupa niyang asawa. Umabot siya ng unan galing sa kama para suntukin at mag vent nang may nalaglag na itim.
May cellphone.
Pagkakataon na ni Lani para malaman kung sino talaga siya. 'Haha, salamat sa fingerprint sensor'. Nabuksan agad ni Lani ang cellphone, tinignan niya ang contacts at napaka onti lang nito, Mama, Papa, Uncle, Henry, Chris ang ilan sa mga nakita niya. Ang huling 10 calls ay mula kay Chris, halos lahat ay missed call at ang huling call na ginawa niya ay kay Henry noong huling buwan.
'Walang contacts, walang outgoing calls...'
Binuksan ni Lani ang facebook ng lalaki at nakitang mukhang fake account ang gamit nito, kung sino sinong friends meron siya at galing ibat ibang bansa pero mukhang puro fake accounts din. Walang posts kundi panay achievements sa mga game. Walang photo ng sarili, kahit info sa birthday mukhang peke din.
Nabasa niya ang huling facebook post sa page ng fake account... "Congratulations, 999th consecutive wins" noong 2:30am at tinignan ni Lani ang magkakasunod na posts "Congratulations, 998th consecutive wins" 997th, 996th, hanggang 1st win noong isang linggo. Halos 10-30mins lang ang pagitan ng bawat post.
"Teka... Parang impossible pero... Namatay ang katawang ito ng kaka laro??" Meron naman talagang mga taong namatay ng kakalaro, pero sino nga bang hindi sa isang linggong hindi pagtulog at pag game mag damag.
Binuksan ni Lani ang gallery, iilan lang ang pictures na nandoon at wala ni isang selfie. Puro screenshots sa iba't ibang game. Pero may nag iisang photo ng babae na dinownload galing facebook, nakangiti at may cute na dimples, straight black hair, maliit na mukha at malaking mga mata. Mukha siyang anghel sa puti niyang blouse. Hindi maintindihan ni Lani pero gumaan ang pakiramdam niya. Girlfriend siguro ito nung may ari ng katawan.
Wala siyang ibang mahanap na info galing sa phone. Walang ibang social apps at puno ng games ang phone niya. Nag swipe pa siya ng nag swipe nang makita niya ang bank app. Nabuksan niya ito 'salamat fingerprint sensor' at nakitang may humigit kumulang 30 million pesos sa bank account ng may ari. At finally, lumabas na ang pangalan ng may ari.
Melvin Sy.
Naalala ni Melanie na siya ang nag iisang anak ni Andrew Sy, ang big boss ng Sy Corp. Sa tagal ni Lani sa business, ni isang beses hindi niya nakita si Melvin Sy. Ang dahilan pala ay lulong ito sa games.
Nagiisip pa siya ng mahatsing siya. Oo nga pala, napaka baho na niya. Humatsing siya muli at naghanap ng damit at twalya. Nakapasok siya sa closet room at nakita ang napakaraming suits, sapatos at relos na mukhang hindi pa nagamit. Ang mukhang gamit na gamit lang ay ang cabinet na puno ng mga pajama at onesies. Kumuha si Lani ng isang puting button up shirt, undies, trousers at twalya at dumiretso sa banyo.
Pagkapasok ni Lani ng banyo, bumalik nanaman siya sa problema niya. Yung ano. Buti nakahanap siya ng bath sponge, at least hindi niya hahawakan yun ng kamay niya lang.
Nag hubad na si Lani at nakita ang sarili sa salamin. 'Wow abs' hinawakan niya ito at natawa 'haha ang tigas, macho na ako imagine that'. Ah, hindi pala siya. Si Melvin yung macho. Nanghingi nalang siya ng patawad kay Melvin sa utak niya 'pramis hindi yun sexual harassment ha' , sabay pumasok ng shower. Mga dalawang beses siyang nag sabon at mga tatlong beses mag shampoo bago siya nag tuyo. 'Infairness, ang daming muscles' ramdam ni Lani ang rippling muscles ng katawan niya, lalo na nung nagsabon siya. Nakita niya ang electric shaver at ginamit ito.
Steamy pa ang banyo nang tinignan ulit ni Lani ang sarili sa salamin. Pinunasan ang hamog sa salamin at nilapit ang mukha niya. May onting pimples pero hindi sobrang problema. Matipuno ang itsura, hindi brusko pero hindi din pretty boy. Kung tatanungin si Lani, oo type niya. Bright na mga mata, strong na eyebrows, medyo kayumanggi (pero nakita ni Lani maputi talaga siya sa loob ng... Alam niyo na yun). Aba, gwapo pala siya pag naligo. At isang ligo palang yun ha, imagine nalang kung makadami na siya.
Nag damit na siya at nagsuot ng leather shoes at namili ng watch na isusuot. 'Hmmm, Rolex? Pwede na yun.' Wish lang ni Lani ay may concealer manlang siya para sa eyebags at pimples niya. Nag spray nalang siya ng perfume dahil yun lang ang meron si Melvin.
Ngayong nalaman na niya na sumapi talaga siya kay Melvin Sy, kailangan niyang malaman kung ano na ang nangyari sa katawan niya. 1 araw, 1 linggo, 1 taon hindi niya alam kung gaano na katagal ang lumipas at kung paano siya sumapi kay Melvin.
May study table na may naka set-up na gaming computer sa ibabaw. Umupo siya doon at sinubukang buksan ang computer, ngunit nanghingi ng password. May hint na "one" ngunit hindi naman niya mahuhulaan, kaya pinatay nalang niya ulit ito. Nakita niya ang wallet ni Melvin sa may computer, tadtad ng mga credit cards at may onting cash. Nakita din niyang may isang business card ito sa wallet.
Melvin Sy
Director
CoCo Magazine
CoCo magazine? Isang maliit na branch company lang ng Sy corp ang magazine na iyun. Baka trinatraining pa siya para sa mataas na posisyon.
Mag reresearch palang siya gamit ang cellphone nang kumatok muli si Chris.
"Sir, andito na po ang lunch ninyo."
"Ok, paki pasok nalang, thank you"
Pag pasok ni Chris, muntik na niyang maitapon ang salad. Naka polo si sir. Nag ahit. Nag pabango. Teka, ano ba petsa ngayon, magugunaw na ba ang mundo?
"Chris?"
Nagulat si Chris at pinasok ang tray na may salad.
"Ano na nga pala ang nangyayari sa kumpanya?"
Kung nagulat na si Chris kanina, mas gulat naman siya ngayon. 'Kailan pa si sir interesado sa kumpanya?'
"Ah, bakit sir, gusto niyo po pumasok?"
"Yes, may situation ba?"
Rinig na rinig ang lunok ni Chris. 'Ghost director kayo for the past years kahit bago ako naging emplayado' "No sir, pwede po tayo pumunta bukas sa office para makita niyo po firsthand."
Inisip ni Lani kung bakit hindi nalang siya pumunta ngayon na, pero naalalang may ka meet up siya mamaya. "Ok, pick me up at 7am tom"
Ang buong akala ni Chris ay saglit na check lang ang gagawin ng amo niya, pero 7am? Ito na talaga ang tinatawag na bagong buhay.
Nagpaalam na ulit si Chris at naiwan si Melanie sa kwarto.
Agad niyang binuksan ang google para i search ang pangalan niya at lumabas na nga ang mga articles.
"Sudden Death by intoxication, XM Corp CEO dead on arrival"
"XM Corp CEO, naglasing sa bar, Patay!"
"XM Corp Ceo dies with alcohol poisoning"
Ang daming articles at binasa niya isa isa. Ang daming haka haka kung bakit siya nag lasing. Pero ang nakakainis, may interview pa ang hampas lupa niyang asawa.
"Sa mga nagmamahal kay Melanie..." binasa niya "kasalanan ko bilang isang asawa ang hindi siya natulungan sa trabaho, ang hindi paghati sa mga pasan niya at sa stress niya sa XM corp..."
'Ano? Teka, ang pangangaliwa mo ang dahilan ng lahat, bakit...'
Patuloy niyang pagbasa "kaya mula ngayon, ako, bilang asawa niya, ang tatayong CEO ng XM corp."
Pak
Nalaglag ni Melanie ang smartphone. At nangitim ang paningin niya sa galit.