Download Chereads APP
Chereads App StoreGoogle Play
Chereads

Limang Minuto: Mga Liham para kay Ginoong Mabini

🇵🇭pinutbutterjelli_
--
chs / week
--
NOT RATINGS
105.2k
Views
Synopsis
Limang minuto. Limang minuto niya lang nakausap ang binatang iyon na biglang naglaho na parang bula. Ngunit sa limang minutong iyon ay doon nagsimula ang lahat. === Isang dalagang tumatakbo sa mga libro para kalimutan ang katotohanang kahit anong gusto niyang gawin ay di niya magagawa dahil iba pa rin ang magdidikta para sa kanya. At isang binatang nahumaling sa kanya kahit na ang tanging ginagawa lamang naman niya ay magbasa sa harap ng bintana. Isang gabi. Isang piging. Paunang salita. Limang minuto.
VIEW MORE

Chapter 1 - unang liham

ika-tatlumpong araw ng Mayo, 1887

Magandang gabi sa iyo, Ginoong Mabini. Naalala mo pa ba ang una nating pagkikita? Isa iyon sa hindi ko makakalimutang pangyayari sa aking buhay. Ipinapasalamat ko sa araw-araw na nangyari iyon, na nakilala kita. Ginoong Mabini, ito ang inaalala ko ngayon dahil nalulungkot ako. Alam kong hindi mo na babawiin ang iyong sinabi. Naiintindihan kita.

Gusto ko lang isulat ang liham na ito at ikwento ang mga nangyari. Isusulat ko lamang ang lahat para tuluyan na akong makalimot. Ibabahagi ko sa papel at sa papel na ito lamang. Sisiguruhin ko ring ito'y maitatago at kung may makadiskubre man, pakiusap, huwag ninyong ibahagi sa iba na minsan, si Ginoong Mabini at ako ay nagmahalan.

[ - ]

KANINA pa gustong umuwi ni Manuela. Bukod kasi sa wala siyang kakilala sa piging na iyon ay wala naman siyang balak talagang pumunta. Ni hindi nga siya mahilig sa mga piging at hindi rin siya mahilig lumabas ng bahay.

Pagdating nila roon ay iniwan siya ng kanyang pinsan upang puntahan ang nobyo nito. Dahil alam ng mga magulang nila ang panaka-nakang pagkikita ng dalawa ay minabuti na lamang ng Tiyo niya na dapat kapag aalis si Socorro ay siya'y kasama. At dahil hindi na nakatanggi si Manuela ay pinaunlakan na lang niya ang utos ng tiyuhin.

Ngunit, ang pinsan lang ang kakilala niya sa naturang piging. Puro mga kaklase ng nobyo ng pinsan niya ang mga naririto at ang iba naman ay mga kaklase nito. Dahil mas bata siya ng isang taon ay wala na siyang iba pang kilala.

Napabuntong hininga siya at lumapit na lang sa handaan para kumuha ng maiinom. Wala ng taong lumalapit doon dahil lahat ng mga imbitado'y nagsasayawan o nagkukumpulan sa isang gilid para mag-usap. Namataan niya na lang ang pinsan na halos sobra na ang pagkakakapit sa nobyo nito.

Napapailing na kumuha siya ng baso at pumunta sa isang sulok kung saan wala masyadong tao at kung saan maitatago siya ng isang matangkad na halaman. Hindi rin niya alam kung ano ang sasabihin kung sakaling may sumubok mang kausapin siya att hindi siya sanay na makihalubilo sa iba.

Nanatili siya sa isang sulok at pasimpleng umiinom ng tubig. Inonti-onti niya iyon para hindi niya na kailanganin pang bumalik sa hapagkainan. Kahit nagugutom na ay ininda na niya lamang at pinanood ang mga sumasayaw na magkakapareha.

Maingay. Masyadong maingay.

Pumikit siya at inisip na lamang ang kanyang kwarto. Inisip niya ang mga gagawin niyang takdang-aralin pagkauwi na pagkauwi niya. Marami ang ibinigay sa kanilang kailangan nilang basahin. Pilit niyang inaalala ang mga aralin, ngunit dahil sa ingay ng paligid ay walang ni isang pumasok sa kanyang isipan.

"Mukhang andami mong iniisip, Binibini," sabi ng isang boses na agad nagpamulat sa kanyang mga mata. Nalingunan niya ang isang binata na mukhang maari na atang maputol sa sobrang payat. Bukod doon, mukhang napaglumaan na ang suot ng lalaki dahil sa kupas nitong hitsura. Ngunit, kahit ganoon ay maganda pa rin ang ayos ng binata. Ang buhok nito ay parang nakalagay lang nang maayos sa tuktok ng ulo nito. Wala rin siyang mamataang dumi rito.

At kanina pa pala siya nakakatitig sa lalaki.

Dahil sa hiya ay pasimple siyang umubo sa kanyang kamao. "Hindi naman gaano, Ginoo. Iniisip ko lamang kung ano ang mas magandang gawin kaysa sa panoorin sila."

"Ganoon ba? Ngunit, bakit hindi mo na lang pagkaabalahan ang pagkain? O ang hardin? May nakita akong isang hardin sa labas. Kung iyong nanaisin ay maari kitang samahang pumunto roon, Binibini." Maganda sa pagdinig ang boses nito. Malumanay lamang iyon at parang hindi ito sanay na magtaas ng boses.

Napailing siya. "Hindi ako nagugutom at hindi ko maaring iwan ang aking pinsan."

"Hindi ka naman niya pinapansin. Hindi siguro masamang magpahangin ka muna. Mukhang ayaw mo nang manatili rito nang matagal, Binibini."

Mahinang tumawa siya sa sinabi nito. Hindi niya alam na may makakapansin pala sa kanya gayong sobrang tagong-tago na siya.

"Kaklase ka ba ni Eustacio?" tanong niya na ang tinutukoy ay ang nobyo ng kanyang pinsan. Nakangiting hinintay niya ang sagot nito, uminom pa siya mula sa kanyang basong malapit ng maubusan ng tubig.

Tahimik ang kanyang katabi. Hinintay niya pa rin iyon. Ngunit wala pa ring sumasagot sa kanyang katanungan.

Liningon niya ang lalaki ngunit wala na ito sa kanyang tabi. Napakurap-kurap siya dahil baka nanaginip lang siya. Nagawa na rin niyang kurutin ang sarili at napangiwi siya sa sakit. Imahinasyon ko lang ba ang lalaking iyon?

Limang minuto. Limang minuto niya lang nakausap ang binatang iyon na biglang nawala na parang bula.

[ - ]

NAGPASYA na si Manuela na mauna na lamang umuwi. Siya na lang ang bahalang kakausap sa tiyuhin patungkol sa kanyang pinsan. Matapos niya kasing kumain ay naisip niya ang sinabi ng nawalang lalaki. Tulad nga ng sabi nito, hindi naman siya pinapansin ng kanyang pinsan. Ni hindi nga ito lumingon sa kanyang kinaroroonan.

Huminga siya nang malalim. Sa susunod na pipilitin siya ni Socorro na sumama rito ay hindi siya magdadalawang isip na tumanggi. Tutal ang nobyo lang naman nito ang lagi nitong iniisip.

Napayakap siya sa sarili nang tuluyan na siyang makalabas sa bahay ni Eustacio. Malamig sa labas at nagmamadaling inayos niya ang kanyang balabal upang magsilbing pampainit. Hinanap niya ang gasera na iniwan niya sa labas at nagsimulang sindihan iyon.

"Akala ko hindi ka na lalabas, Binibini," ani ng isang boses na muntik nang magpahamak sa kanya. Mabuti na lang at mabilis niyang nailayo ang sarili sa gasera bago niya aksidenteng matabig iyon.

"Hesus, Ginoong Maria," mahina niyang usal bago harapin ang lalaking nang-iwan sa kanya kanina. "G-Ginoo... Ano ang ginagawa mo rito?"

Tinalikuran niya ulit ito para kunin ang gasera at itinaas iyon para mas makita ang mukha ng binata. Mukha namang nahihiya ito sa kanya dahil nakahawak lamang ito sa batok at nag-iwas ng tingin.

"Ginoo?" Pagpukaw niya sa atensyon nito.

"Gusto kong humingi ng paumanhin, Binibini," mahinang sabi nito bago humarap. Nakikita niya ang sinseridad sa halos itim na nitong mga mata. "Hindi dapat kita iniwan nang ganoon lamang."

Napangiti siya. "Ayos lang iyon, Ginoo. Ang akala ko nga ay ako'y nasobrahan lamang sa pag-iisip at nagawa kong gumawa ng isang taong hindi totoo para lamang may kumausap sa akin. Ako ay nagagalak na malamang ikaw pala ay totoo."

Parang hindi naman nito nagustuhan ang sinabi niya at problemadong napabuntong hininga lamang ito. "Patawarin mo ako, Binibini. Hindi maganda ang intensyon ko sa paglapit sa iyo," paghihinging paumanhin nito. "Matagal na kasi akong pinipilit ng aking mga kaklase na kumausap ng isang dilag. Ngunit dahil wala naman kaming kaklaseng babae ay inimbitahan ako ni Eustacio na dumalo. Ang sabi niya maraming babaeng darating at marami akong maaring kausapin."

Napailing siya sa sinabi nito. "Ginoo. Kung iyon pala ay bakit ako ang inyong nilapitan? Ako'y pilit na nagtatago sa isang sulok at marami namang mas magagandang babae sa piging."

"Hindi ka ba magagalit sa aking sinabi, Binibini?"

"Hindi, Ginoo."

Ginawaran niya ito ng isang maliit na ngiti. "Naiintindihan kita. Ako ay pinilit lamang naman ng aking pinsan na dumalo. Ngunit kung ako ang papipiliin ay hindi ako sasama. Mas mabuti pang gawin ko na lamang ang aking mga takdang aralin."

Saglit na napakurap-kurap ang binata at nahihiyang nag-iwas muli ng tingin. "Napakabuti mo pala, Binibini. Kaya kita iniwan ay dahil hindi ko rin maatim na ligawan ka gayong wala naman akong interes sa iyo," mabilis naman itong umiling matapos nitong sabihin iyon. "Ang ibig kong sabihin ay hindi kita kilala, Binibini. At mukhang mula ka sa isang mayamang angkan... hindi mo rin naman ako papansinin." Ibinaba nito ang tingin at nagmukhang parang may tinitignan na magandang bagay sa lupa.

Mas lumawak lang naman ang kanyang ngiti at inilahad niya ang kamay rito. "Ako nga pala si Manuela Guevarra. Ano ang iyong pangalan, Ginoo?"

Saglit na tumitig lamang ang binata sa kamay niya at nagsimula siyang mahiya dahil baka ayaw naman nitong makipagkilala sa kanya. Ngunit bago niya pa tuluyang bawiin ang kanyang kamay ay naramdaman niya ang magaspang na kamay nito. May kalyo ang daliri ng binata at mukhang sanay ito sa pagtratrabaho. Samantalang siya ay napakalambot ng kanyang kamay na halatang hindi gumawa ng kahit ano bukod sa mag-aral at maging isang mabuting dilag.

"Ang pangalan ko ay Apolinario. Apolinario Mabini."

Sa madilim na gabi at sa labas ng isang bahay na puno ng ingay ng kung sinu-sinong tao, nakilala ni Manuela si Apolinario.

[ - ]

Noong una kitang nakilala hindi ko alam na iyon pala ang unang beses na tumibok ang aking puso. Nagdasal na lamang ako sa Diyos na sana hindi mo iyon napansin. Kahit alam kong halata na ako dahil sa tagal ng pagkapit ko sa iyong kamay.

Siguro binigyan mo lamang ako ng konsiderasyon kaya hinintay mong mauna akong mahiya at bitawan kita.

Napakabait mo, Ginoong Mabini. Inihatid mo ako ng gabing iyon at marami tayong napagkwentuhan. Hindi mo man ako gustong ligawan ay gusto mo naman akong maging kaibigan. Gusto ko ring mas makilala ka pa nang maayos noon.

Kaya hinding hindi ko pinagsisihan na nakilala kita, kahit pa pinagalitan ako ng Itay at ng aking Tiyo dahil iniwan ko lang ang aking pinsan. Ngunit, ikaw lamang ang nasa isip ko ng gabing iyon, Ginoo. At iniisip ko kung paano kita makikita at makakausap muli.

Natatandaan mo ba iyon, Ginoo?

Patuloy na nagmamahal,

Manuela