Dauntless Princess series: Timber

jm_santos
  • --
    chs / week
  • --
    NOT RATINGS
  • 5.5k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - Chapter 1

MALAPIT nang maghating-gabi ngunit nanatili pa ring gising si Prinsesa Timber ng Nhialle. Naroon sa balkonahe ng kanyang silid-tulugan, na nasa gawing silangan doon sa ikalawang palapag ng kastilyo, masayang tinatanaw ang malawak na karagatan ng Rioska na nakalatag sa hindi kalayuan. Bumabalandra sa madilim nitong tubig ang manilaw-nilaw na sinag ng malaki at bilog na buwan sa kalangitan, na pinalilibutan ng maraming bituin.

Gustong-gusto ng prinsesa ang katahimikan ng paligid. Para bang nililinis nito ang kanyang kaluluwa. Nagpikit siya ng mga mata nang salubungin siya ng malakas at malamig na hangin. Inilayag niya ang kanyang mga kamay na para bang naghihintay na yakapin siya ng buong sangkalupaan. Sumasayaw na sa hangin ang kanyang kulot at mahabang buhok na kasinkulay ng mga dahon ng puno, maging ang suot niyang pantulog na damit.

Napangiti siya. Ramdam niyang mahal na mahal sila ng inang kalikasan dahil ayon sa mga narinig niya kaninang umaga sa pagpupulong ng mga opisyal ng kanilang kaharian, isa sa mga dahilan ng unti-unting pagyaman ng Nhialle ay bunga ng agrikultura.

Kru...kru...kru...

Agad na napamulat ng mga mata si Timber nang makarinig ng huni ng kuwago.

Ganoon na lamang ang pamimilog ng mga mata niya sa gulat nang mapansing wala na siya sa balkonahe kundi nasa gitna ng gubat. Napakadilim ng paligid sapagkat hinaharangan ng mga dahon ng nagsisitaasang puno ang sinag ng buwan. Nakasaboy sa lupa ang mga tuyong dahon, nagsisimulang mamuo sa kanyang katawan ang mga butil ng pawis dahil sa kainitan ng paligid.

"Anong lugar ito?" takang tanong niya habang iginagala ang paningin sa paligid.

"Hello? M-may tao ba riyan?" tawag-pansin niya sa pagbabakasakaling mayroong makarinig sa kanya, ngunit mapupunit na yata ang kanyang lalamunan kasisigaw ay wala pa ring dumarating upang saklolohin siya. Dahil doon ay sinimulan niyang maglakad sa kung saan man siya dalhin ng mga paa niya.

Litong-lito siya sa mga sandaling iyon, hindi niya maiwasang matanong ang sarili kung ano ang ginagawa niya sa gitna ng gubat sa kalaliman ng gabi, at kung paano siya nakapunta roon. Sino ang nagdala sa kanya roon?

"I-ina? A-ama?" Nagsisimula nang kabahan si Timber. Habang palayo nang palayo ang nilalakad niya ay mas lalong kumakapal ang bilang ng mga puno sa paligid. Para bang papunta na siya sa pinakapuso ng gubat. Hindi niya maiwasang mapalinga sa kung saan dahil may mga pagkaluskos ng dahon siyang naririnig.

AWOOOO!

"AHH!" Halos mapatalon at mapatili sa gulat si Timber nang makarinig siya ng alulong ng lobo sa hindi kalayuan.

Para bang isang makinang nabuhay ang kanyang sistema, hindi niya napigilan ang sarili at nagsisitiling tumakbo papunta sa ibang direksyon. Maging ang mga ibong nagkukubli sa mga sanga ng kahoy ay nagsilipad palayo sa lugar habang umuungol sa takot.

Hingal na hingal na siya dahil kailangan niyang bilisan ang pagtakbo nang sa gayon ay hindi siya maabutan ng mabangis na hayop na lobo. Pero hindi siya natinag. Nagpatuloy siya sa pagtakbo, umiwas sa mga mabababang sanga, tila nakikipaglaro siya ng patintero sa mga puno, hindi ininda ang mga sugat na natatamo, hanggang sa makarating siya sa isang batis.

Doon ay minabuti na muna niyang huminto. Sa tingin naman niya ay natakasan na niya ang lobong humahabol sa kanya. Pilit niyang pinahihinahon ang sarili, inunti-unti muna ang paghinga hanggang sa tuluyan nang kumalma ang kanyang katawan.

Hindi na niya napigilang tumulo mula sa kanyang mga mata ang mga luha. Pakiramdam niya ay pinaglalaruan siya ng panahon, hindi man lang siya nito inihanda para sa sitwasyong ganito. At bakit siya pa? Alam naman siguro nito kung gaano siya kahina pagdating sa takbuhan at takutan dahil buong buhay niya ay naroon siya sa kastilyo, walang ibang ginawa kung hindi ang magsanay sa kung paano maging isang pinuno dahil isang taon na lang, maglalabinwalong taong gulang na siya, kung gugustuhin niya ay siya na ang magiging bagong reyna ng Nhialle.

Napaupo siya sa damuhan, nanlulupaypay ang buong katawan, malungkot ang mga matang nakatingin sa sariling repleksyon sa tubig ng batis. Gusto na niyang bumalik sa kanilang kaharian. Gusto na niyang magising sa katotohanan dahil magpahanggang ngayon ay malakas ang pakiramdam niyang nananaginip lang siya.

Muli na namang tumulo sa kanyang pisngi ang mga luha. Saglit ay tumako siya ng tubig sa batis, saka iyon inihilamos sa mukha niyang puno ng galos, dumi at kaunting dugo.

Huminga siya nang malalim, saka siya tumayo. Kailangan niyang magpatuloy dahil baka malapit na naman ang lobo sa kanya.

At tama nga siya. Nang muli niyang tingnan ang repleksyon niya sa tubig, hindi lang siya ang nakita niya kundi isang napakalaking nilalang—mas malaki kaysa sa kanya, kulay pula ang mga bilugan nitong mata, naglalaway ang bunganga nito, nakalabas ang mga matatalim na pangil at napakakapal ng abuhing kulay na balahibo nito, tipong kaya nitong mabuhay kahit na manirahan sa mayeyelong lugar.

Hinay-hinay niyang nilingon ito, puno ng pagkatakot ang kanyang mukha, at saglit ay napatili siya nang malakas. "AHHH!"

Ngrrr…

Gusto ni Timber na tumakbo pero talagang tinraydor na siya ng kanyang katawan. Naninigas ang kanyang mga paa.

"AHHH!"

Ngunit bago siya sakmalin ng lobo, biglang  naramdaman ni Timber na may yumugyog sa kanya. Doon ay napamulat siya ng mga mata at napabalikwas ng bangon sa kamang kinaroroonan niya.

Napatingin si Timber sa bulto ng katawan ng isang lalaki na nakasandal sa pintuan ng balkonahe. Nasa lima at pitong pulgada ang tangkad nito, katamtaman ang tabas ng katawan para sa edad nitong labinsiyam na taong gulang. Kahit na nakatalikod ito sa kanya at nahaharangan ng kulay pulang kapa ang katawan nito, alam niyang iyon ang binatang kanyang mapapangasawa kapag nasa tamang edad na siya. Si Prinsipe Matt ng kaharian ng Sajarra.

"Mabuti naman at gumising ka na. Hindi mo alam kung gaano ako naperwisyo dahil sa kalampaan mo."

Hindi alam ni Timber kung magagalit ba siya o magpapasalamat sa masamang ugali ni Matt. Dahil kung tutuusin ay ayaw na ayaw niyang maikasal sa isang lalaking hindi marunong magpahalaga sa nararamdaman ng babae. Pero hindi rin niya maiwasang magalit dahil parang sinisisi pa siya nito sa nangyari sa kanya.

Naitikom na lang niya ang kanyang bibig. Inalis niya sa katawan ang bedsheet na nakatakip, at umupo sa gilid ng kama. Pero hindi na niya naipagpatuloy ang balak na tumayo nang maramdaman niyang nanghihina pa ang kanyang katawan.

Nilingon siya ni Matt, nakasalubong ang mga makakapal at kulay pulang kilay.

"A-ano'ng nangyari?" tanong niya.

"Sa tingin mo ano'ng nangyari?" pabalik nitong tanong, hindi pa rin nawawala sa mukha nito ang pagkainis. "Binabangungot ka," sa wakas ay sinagot din nito ang tanong niya.

Doon ay napahinga nang malalim, tila ba nabunutan ng tinik sa lalamunan. Nasapo niya ang noo. "Salamat naman," bulong niya sa sarili. Dahil kung totoong nangyari iyon, malamang ay burado na ang pangalan niya sa buong mundo.

"Ang lagay ba, e, ganiyan na lang? Para sabihin ko sa 'yo, hindi libre ang buong gabi kong pagbabantay sa 'yo," sabi ng prinsipe, saka naglakad papunta sa pinto ng silid-tulugan. Binuksan nito ang pinto, nilingon siya. "At ang bayad, pakiusapan mo ang hari't reyna na huwag tayong makasal. Hindi ka karapat-dapat sa lalaking tulad ko." Saka nito pabalibag na isinara ang pinto.

Napailing na lamang siya.

MAGA-ALAS TRES na ng hapon nang lumabas ng kuwarto si Timber. Sapat na oras para tuliyan niyang mabawi ang enerhiyang hinugot sa kanya ng masamang bangungot na iyon. Maayos na rin ang pakiramdam niya, hindi tulad kanina na parang may malaking batong nakadagan sa kanyang dibdib.

Bumagay sa balingkinitan niyang katawan at tangkad na 5'6" ang cocktail dress na kulay itim, na nadisenyuhan ng iba't ibang beads. Tatlong pulgada naman ang tangkad ng takong ng suot niyang sandal.

Nakasalubong niya sa paikot na hagdan si Helena, ang matandang babaeng nag-alaga sa kanya mula sanggol magpahanggang ngayon. Nagsisimula na itong makuba dahil sa edad na animnapu't lima, matangos ang ilong, namumuting buhok na abot hanggang balikat, at nangungulubot na balat.

Nakipagbeso si Timber sa matanda. Nakaguhit sa mukha nito ang matinding pag-aalala.

"Prinsesa Timber, kumusta na ang 'yong kalagayan? Ikaw ba'y nakapag-almusal at pananghalian na? Maayos ka bang binantayan ni Prinsipe Matt? Pagpasensyahan mo ako't hindi kita nabantayan. May kinailangan akong gawin—"

"Wala ho'ng problema." Ngumiti si Timber. "Isa pa, wala naman hong masamang nangyari sa akin. Binangungot lang yata ako. At binantayan naman ako nang maayos ni Matt," pagsisinungaling niya. Alam kasi niyang pabor din ang matanda sa plano ng mga magulang niya.

"Mabuti kung ganoon," sabi ng matanda. "O'siya, maiwan muna kita nang malinis ang silid mo."

"Hindi na ho kailangan," pagpipigil ni Timber. "Inayos ko na ho bago ako lumabas."

Ayaw kasi niya na pati ang pagliligpit ng pinaghigaan niya ay ipapagawa pa niya sa matanda.

Natahimik si Helena.

"Alam n'yo ho ba kung nasaan sina ama at ina?"

"Kakaalis lamang nila."

Naalala ni Timber, sa makalawa na pala ang taunang pagpupulong ng lahat ng pinuno sa kontinente ng Arthe. At sa kaharian ng Ostruv iyon magaganap, dalawang araw ang lalakbayin para makarating doon.

"Ganoon ho ba?"

"Ngunit bago sila umalis, ibinilin ka nila sa prinsipe."

Napabuka ng bibig si Timber, at saglit ay napakunot ng noo. "Ano ho?"

Ngumiti ang matanda, sumisilip ang nag-iisang ngipin nito sa pang-ibabang parte. "Mainam iyon upang makilala ninyong dalawa ang isa't isa," sabi nito. "Siya nga pala, bukas ay dadating dito ang kambal ng reyna."

"Talaga ho?" sabik na sabi ni Timber, nawala na sa kanyang isipan ang tungkol kay Prinsipe Matt.

Sanggol pa lamang siya nang umalis ng kaharian ang kambal ng kanyang ina na si Florasia upang hanapin ang sariling kapalaran, ayon sa kuwento ni Helena. Gusto raw nitong maging normal na tao, iyong walang iniisip na kahariang patatakbuhin. Sa una raw ay hindi pumayag ang lolo at lola niya, mga dating pinuno bago abg mga magulang niya, pero sadyang naging determinado si Bethany hanggang sa pinayagan din ito.

Sa ibang kontinente ito pumunta, sabi pa ni Helena. Pero hindi alam kung saan. Tinanong din niya ang kanyang ina ngunit maging ito ay hindi rin alam. Basta ang alam nito, masaya roon si Bethany dahil regular buwan-buwan na nagpapadala ito ng sulat, ikinukuwento ang lahat ng nangyayari sa buhay nito.

Nagpadala pa ito ng larawan nito. Kamukhang-kamukha nito ang kanyang ina. Maliit ang mukha, asul ang mga mata, maalun-alon ang mamula-mulang buhok, at may matangos na ilong.

"Kung ganoon ho, kailangang ayusin ang silid niya," sabi niya. Ang silid ni Bethany ay katabi ng sa silid ng mga magulang niya, na nasa ikalawang palapag sa gawing silangan. Sunod sa kuwarto nito ay ang sa kanya, kung saan iyon ang dulo.

Tumango ang matanda. "Doon ako patungo. Marami-raming aayusin doon, kaya magpapaalam na ako, Prinsesa Timber, kung mamarapatin mo."

"Sige ho," sabi niya. Gusto pa sana niyang tumulong pero tumutol ang matanda. Mas mainam daw na kumain na muna siya ng pananghalian, at ayon dito, hinihintay raw siya ni Prinsipe Matt sa hardin ng kastilyo.