Chereads / Aza&Miguel / Chapter 1 - Chapter 1

Aza&Miguel

SoWeirdBubbly
  • 20
    Completed
  • --
    NOT RATINGS
  • 59.6k
    Views
Synopsis

Chapter 1 - Chapter 1

Traffic talaga sa Pilipinas, ito dapat ang pinagtutuunan ng pansin ng Gobyerno hindi yung mga mga personal nilang issue sa mga kapwa nila pulitiko. Mag iisang oras na akong nakahinto dito sa Ayala papunta sa Mckinley dahil sa sobrang traffic. Sayang ang kita ko lalo na wala akong sakay ngayon, badtrip.

Habang binabaybay ko ang kahabaan ng Ayala, may pumara, sa wakas, may pasahero na din. Hininto ko ang taxi sa tapat ng Makati Medical Center, agad agad naman itong binuksan ng isang magandang babae.

"Market Market kuya." sabi niya na para bang pinipigilan ang iyak. Bago pa siya makasakay ay may lalaking humihila sa kanya.

"Aza, come on. Let's talk."

"No, wala na tayong pag uusapan."

"Aza, please. Yung nakita mo kanina.."

"No."

Maya maya lang may bumubusina na sa likuran ko, dito pa talaga sila nag away.

"Sasakay ka ba Miss?"

Hindi siya sumagot at pumasok na sa taxi sabay bagsak ng pinto. Aba, sisirain pa niya taxi ko, napakamot na lang ako sa ulo.

"Iandar mo na. Market market."

Habang binabaybay ko ang kahabaan ng Mckinley pa market market ay umiiyak yung babae. Si Aza, sa pagkakatanda ko. Boyfriend niya siguro yung lalaki kanina at may LQ sila. Dahil nakaugalian ko ng daldalin ang mga pasahero ko, hindi ko mapigilang magtanong.

"Boyfriend mo? Hayaan mo na yun, kaming mga lalaki, hindi niyo dapat iniiyakan ng ganyan, lalo na kapag hindi naman kami worth it."

Napatingin lang siya sa akin sabay punas sa luha niya. Inabot ko ang tissue ko sa kanya.

"Wag ka na umiyak, ang ganda mo kaya. Hindi ka dapat pinaiiyak."

Totoo, maganda itong si Aza, morena, pilipinang pilipina ang itsura niya, bilugan ang mata, maliit at matangos ang ilong, at yung labi, maliit lang. Hindi ako manyak ah, sadyang maganda talaga siya. Hindi araw araw na may maganda akong sakay. Nag ring ang cellphone niya at nakita kong pinatay niya ito.

"Gusto mo ba ng candy? Candy lang kasi meron ako ngayon eh para naman gumaan yang loob mo." hindi siya tumanggi sa candy na binigay ko.

"Thank you."

"You're welcome."

Maya maya lang nasa tapat na kami ng Market Market. Inabot niya ang bayad at umalis. Hinintay ko siyang makapasok sa mall bago umalis. Iba ang pakiramdam ko kay Aza, para bang ayokong makita na umiiyak siya, ayokong iiyak pa siya. Pero imposible yun, hindi na ulit magtagtagpo landas namin lalo na at taxi driver ako. Ngumiti na lang ako at umalis.

Sana lord alisin niyo na yung sakit na nararamdaman ni Aza, balato niyo na sa akin yun, mabait naman ako eh. Hindi maalis sa isipan ko si Aza, lalo na ang senti ng mga kanta sa radyo, tanghaling tapat tapos ang lungkot ng mga kanta. Maya maya lang may pumara na, sa wakas, para naman mawala na siya sa isipan ko. Isang pamilya ang sunod na sumakay sa taxi, pupunta silang Megamall, malayo layong biyahe pero ayos lang, pera naman to.

"Kumusta naman ang biyahe? Ang taas na naman ng gasolina ano? Sinabayan pa kayo nung mga private cars na namamasada na din." tanong sa akin ng padre de pamilya.

"Ay oo nga, tumaas na naman gasolina. Maayos naman ang kita, pero hindi tulad ng dati, ngayon kailangan buong araw kang mamamasada para may iuuwi ka sa pamilya."

"Oo nga eh, ilan na ba anak mo?" tanong naman ng ilaw ng tahanan habang tinatalian ng buhok ang cute nilang anak.

"Naku ma'am, wala pa po akong anak." nakangiti kong sagot.

"Aba, di pa nakakabuo kay misis?" biro naman ng tatay.

"Hindi Sir, single pa po."

"Sabagay mukhang bata ka pa nga. Naku, paghandaan mo ang pagpapamilya. Kita mo kaming mag-asawa, pareho na kami ni Mister na nagtatrabaho sa call center pero sa dami ng bayarin, kulang pa din minsan."

Sa haba ng biyahe namin pati love story nilang mag asawa na ikwento na din nila, nakakatuwa din naman, sa araw araw kong pamamasada, madami akong nakikilala, pero hindi ko na ulit nakikita kapag umalis na sila sa taxi ko. Ito na naman, bumalik na naman sa utak ko si Aza, kumusta na kaya siya? Umiiyak pa kaya? Yung lalaking humihila sa kanya kanina mestizo, pero lamang lang sa akin yun ng ilang paligo. Natawa ako, bakit ko ba sila iniisip?

Alas nuwebe na ng gabi, tumawag na si Papa at pinauuwi na ako. Pagkatapos ng ilang biyahe, ramdam ko na din naman ang pagod. Uuwi na ako at kakain, sana masarap ang niluto nila sa bahay. Maraming pumapara pero sinasabi kong pauwi na ako, hanggang sa boundary ng Magallanes at Taft, may pamilyar na mukha ang pumara sa taxi, biglaang kong naapakan ang break. Saglit lang...ano ito? Tadhana? Tinabi ko ang taxi sa tabi niya at binuksan ang pinto sa tabi ko.

"Kumusta na?"

Napatingin siya sa akin, nanliit ang mga bilugan niyang mata, iniisip niya siguro kung sino ako.

"Ikaw yung driver na nagbigay ng candy sa akin diba?" tanong niya sabay upo at sara ng pinto.

"Oo, ako nga. Miguel" inabot ko ang kamay ko sa kanya para makipag kamay, nagmukha din akong tanga ng ilang segundo ng tignan niya lang ito. Ibabalik ko na sana sa manibela ang kamay ko ng bigla niya itong hinawakan.

"Aza"

Dali dali niya din inalis ang kamay niya, nagsuot ng earphones at sumandal sa bintana.

"Sa may Vito Cruz ako."

"Sakto, malapit lang ako dun, pauwi na din naman ako."

Tumango siya at pumikit. Nakakatuwa naman, sa dami ng taxi dito sa Maynila, ako pa din ang natyempuhan niya. Ang bait mo sa akin Lord, parang kanina lang nasa isip ko lang si Aza, ngayon katabi ko na.

Nakangiti akong pinara ang taxi sa tabi ng isang condominium sa Vito Cruz, mayaman naman pala itong si Aza. Hindi ko na siya pinabayad dahil dito din naman ang daan ko pauwi, ayaw pa sana niya pero dahil mapilit ako, wala din siyang nagawa.

Nakangiti akong umuwi ng bahay, at kahit na itlog maalat lang ang tinira nila sa akin, pakiramdam ko, ito na ang pinaka masarap na ulam sa mundo.

Makita ko kaya ulit si Aza?

"Mukhang boundary ka kuya ah, yung ngiti mo hanggang tenga, kaunti na lang punit na yang labi mo." pang aasar sa akin ni Michelle, bunso kong kapatid.

"Hindi ba pwedeng masaya lang ako?" sagot ko naman sa kanya. "Pagtimpla mo naman ako ng kape, Michelle, damihan mo ng gatas ah."

"Okay kuya, basta yung pambayad ko sa field trip namin ah. Thank you, i love you."

Si Michelle na lang ang nag aaral sa aming apat na magkakapatid, ako ang naka toka sa pag-aaral niya. Yung dalawa naming ate, may kanya kanya ng pamilya kaya ako na ang naiwan para mag alaga sa mga magulang namin, at mag pa aral sa bunsong kapatid, ako lang kasi ang nag iisang lalaki sa pamilya, bukod kay tatay. Inaasar nga ako ng mga kaibigan ko, tatanda daw akong binata dahil sa laki ng responsibilidad ko sa pamilya.

"Kuya eto kape mo, pasok lang ako sa kwarto tatapusin ko lang assignment namin."

"Sige tapos matulog na, good night bunso."

"Good night kuya."

Natulog na din sila nanay at tatay, naiwan akong mag isa sa kusina. Pinatay ko na ang ilaw sa sala pati na din ang TV, malapit na ang reading ng meralco, kailangan magtipid ng kuryente. Habang umiinom ng kape, naalala ko na naman si Aza. Tulog na kaya siya ngayon? Sana bukas magkita ulit kami.